Ulat ni Gweneth Dizon

Mga kalahok sa ika-115 anibersaryo ng PAS kabilang ang mga editor, reviewer, at mananaliksik ng journal
Isinagawa ang pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng The Agricultural Scientist (PAS) noong Marso 5, 2026, mula 8:00 N.U. hanggang 12:00 N.T. sa National Crop Protection Center Auditorium, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (UPLB). Sa temang “Celebrating 115 Years of Legacy and Charting Future Horizons,” dinaluhan ito ng mga kasalukuyan at dating patnugot, mananaliksik, at kawani ng Pamantasan upang balikan ang kasaysayan ng journal at talakayin ang direksyon nito sa hinaharap. Higit pa sa isang paggunita, nagsilbi ang pagtitipon bilang espasyo para sa pagbabahagi ng mga karanasan, hamon, at pananaw hinggil sa papel ng PAS sa nagbabagong larangan ng siyentipikong publikasyon.
Kilala ang Los Baños bilang Special Science and Nature City kung saan matatagpuan ang iba’t ibang intitusyong nangunguna sa pananaliksik sa agrikultura at agham. Isa na rito ang PAS, isang journal na matagal nang nagsisilbing lunan ng mga pag-aaral mula sa UPLB at iba pang mananaliksik. Sa paglipas ng ika-115 taon nito, isang mas malalim at kritikal na tanong ang umiiral: Nananatili pa ba itong mahalaga para sa mga mananaliksik ng UPLB sa kasalukuyan?
Itinatag noong 1911 bilang The Philippine Agriculturist and Forester, nagsimula ang PAS bilang isang inisyatiba ng student body ng noo’y Kolehiyo ng Agrikultura o College of Agriculture at naging opisyal na publikasyon ng kolehiyo noong 1917. Noong 1918, pinalitan ito bilang The Philippine Agriculturist, bago tuluyang maging The Philippine Agricultural Scientist noong 1999 bilang tugon sa pinalawak nitong saklay. Sa paglipas ng panahon, nagsilbi itong pangunahing lunan ng pananaliksik sa agrikultura sa bansa, at noong 2001 ay nakamit ang akreditasyon mula sa Institute for Scientific Information (ISI) na nagmarka rito bilang kauna-unahang international journal sa larangan ng agrikultura sa Pilipinas at Timog-Silangang Asya. Sa kabila ng mahabang kasaysayan nito, nagiging mahalagang tanong kung paano naisasalin ang ganitong ambag sa kasalukuyang henerasyon ng mga mananaliksik, lalo na sa harap ng mas kompetitibong landscape ng publikasyon.

Si Dr. Rommel C. Sulabo (EIC, 2018–2025) sa kanyang talumpati hinggil sa kanyang pamumuno sa PAS at mga repormang isinagawa upang mapahusay ang sistema at abot ng journal
Ayon kay Dr. Rommel C. Sulabo, dating Punong Patnugot noong 2018 hanggang 2025, nagsisilbi ang PAS bilang “chronicle… hindi [lamang] ng unibersidad kundi ng mismong pag-unlad ng mga larangan ng agrikultura.” Sa bawat isyung inilalathala, naitatala ang mga tanong, tuklas, at direksyong tinatahak ng agham sa iba’t ibang panahon.

Video message ni Dr. Calixto M. Protacio (EIC, 2002–2003) na nagbabagi ng kanyang pagbati at binigyang-diin ang kolektibong ambag ng mga editor, reviewer, at mananaliksik sa patuloy na pag-unlad ng journal
Gayunpaman, sa kabila ng bigat ng kasaysayan nito, kinikilala rin ng ilang naging bahagi ng journal ang pagbabago sa pananaw ng komunidad. Ayon kay Dr. Calixto M. Protacio, dating Punong Patnugot noong 2002 hanggang 2003, hindi na ito “journal of choice” ng maraming mananaliksik kumpara noong mga nakaraang dekada. Sa harap ng pagdami ng international journals at mas mataas na pamantayan ng publikasyon, nagbabago rin ang prayoridad ng mga akademiko.
Isa sa mga hamong madalas banggitin ay ang habang proseso ng review at publikasyon na nagiging hadlang sa mga manunulat at naghahanap ng mga mabilis na turnaround. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Dr. Protacio ang pangangailangan na mapabilis ang review process, lalo na sa pamamagitan ng mas aktibong partisipasyon at insentibo para sa mga reviewer.

Si Dr. Ofelia K. Bautista (EIC, 1999–2002) sa kanyang talumpati hinggil sa pag-internationalize ng PAS at ang landas nito tungo sa ISI accreditation
Hindi rin bago sa PAS ang mga ganitong hamon. Ayon kay Dr. Ofelia K. Bautista, dating Punong Patnugot noong 1999 hanggang 2002, dumaan ang journal sa isang yugto kung saan mababa ang bilang ng submissions at limitado ang sirkulasyon nito. Sa panahong iyon, isinulong ang internasyonal na akreditasyon upang mapataas ang kalidad at reputasyon ng publikasyon—isang hakbang na naglatag ng pundasyon para sa mas malawak na pagkilala sa PAS.

Si Dr. Evelyn Mae Tecson-Mendoza (EIC, 2004–2009) habang ibinabahagi ang 100th anniversary special issue ng PAS
Kasunod nito, ipinagpatuloy ang pagpapatibay ng sistema at proseso. Para kay Dr. Evelyn Mae Tecson-Mendoza, dating Punong Patnugot noons 2004 hanggang 2009, mahalaga ang malinaw at maayos na editorial procedures upang mapanatili ang kredibilidad ng journal. Kabilang dito ang pagpapalakas ng peer review system at ng unti-unting paglipat sa digital na mga plataporma.
Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nananatiling mahalaga ang papel ng PAS bilang isang lokal na journal. Para sa ilang mananaliksik, nagbibigay ito ng espasyo para sa mga pag-aaral na nakatuon sa konteksto ng Pilipinas—lalo na ang mga pananaliksik na umuusbong mula sa UPLB at mga karatig na komunidad sa Laguna kung saan direktang nakaugnay ang mga pag-aaral sa agrikultura at kabuhayan—mga pag-aaral na maaaring hindi agad mabigyang pansin sa mga internasyonal na publikasyon ngunit may makabuluhang ambag sa lokal na komunidad. Ipinapakita nito ang patuloy na papel ng PAS, hindi lamang bilang imbakan ng kaalaman, kundi bilang espasyo para sa mga pananaliksik na may direktang ugnay sa lokal na konteksto—isang aspeto na madalas hindi natutugunan ng mga internasyonal na journal.
Kaugnay nito, nagsimula na ring umangkop ang PAS sa nagbabagong landscape ng publikasyon. Kabilang dito ang pagpapalakas ng online presence, paggamit ng digital identifiers tulad ng DOI, at pagpapalawak ng access sa pamamagitan ng open access publishing. May mga inisyatiba rin upang mapalawak ang abot ng journal sa pamamagitan ng social media at iba pang digital platforms.

Turnover ng pagiging Punong Patnugot ng PAS mula kay Dr. Rommel C. Sulabo (kanan) patungo kay Dr. Barbara L. Caoili (kaliwa)
Samantala, ayon kay Dr. Barbara L. Caoili, ang kasalukuyang Punong Patnugot, nahaharap ang PAS sa mga bagong hamon, kabilang ang pagdami ng submissions, pangangailangan sa mas mabilis ngunit maingat na review process, at pagtiyak ng integridad ng pananaliksik sa panahon ng digital at artificial intelligence (AI). Kasabay nito, tinitingnan din ang AI bilang posibleng katuwang sa pagpapahusay ng sistema—ngunit hindi bilang kapalit ng masusing pagsusuri ng mga eksperto. Ipinapakita ng mga hamong ito na ang usapin ng pagiging mahalaga ng PAS ay hindi lamang nakabatay sa kasaysayan nito, kundi sa kakayahan nitong umangkop at manatiling kapaki-pakinabang sa kasalukuyang sistema ng pananaliksik.
Sa huli, ang hamon para sa PAS ay hindi lamang ang pagpapanatili ng reputasyon nito bilang isang matagal nang institusyon, kundi ang muling pag-uugnay nito sa komunidad na pinagmulan nito. Sa gitna ng globalisasyon ng siyentipikong publikasyon, nananatiling bukas ang tanong: Paano muling magiging mahalaga ang isang lokal na journal sa mga lokal na mananaliksik?
Sa ika-115 taon nito, maaaring ang tunay na sukatan ng tagumpay ng PAS ay hindi lamang sa haba ng kasaysayan nito, kundi kung paano nito mahaharap ang kasalukuyan at paano nito muling mahihikayat ang bagong henerasyon na maging bahagi ng mga pahina nito.
Sa mga nagnanais matuto pa, maaaring bisitahin ang opisyal na website at Facebook page ng PAS upang ma-access ang kanilang mga publikasyon at anunsyo. Bukas din ang journal sa mga mananaliksik na nais magbahagi ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang submission portal.