Ulat nina Michael Lalap at John Pedaria
Naitala sa 69.7 porsiyento ang bahagdan ng mga batang may edad 12–23 buwan na nakakumpleto ng bakuna sa CALABARZON noong 2025, batay sa isinagawang National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Statistical Services Office IV-A.
Mas mababa ito kumpara sa 82.3 porsiyentong naitala noong 2022, batay sa resulta ng naunang NDHS.
Kabilang sa mga bakunang ibinibigay sa mga bata ang Bacillus Calmette-Guérin (BCG), Hepatitis B birth dose, diphtheria-tetanus-pertussis (DTP)-containing vaccine, oral polio vaccine (OPV), pneumococcal conjugate vaccine (PCV), at measles, mumps, and rubella (MMR) vaccine.
Ayon kay Los Baños Municipal Health Officer Dr. Alvin A. Isidro, mahalaga ang pagbabakuna upang maprotektahan ang mga bata laban sa mga sakit na maaaring makaapekto sa kanilang kalusugan habang lumalaki.
“Ang pagbabakuna ay isa yan sa mga proven na health program na may malaking impact sa kalusugan because ito yung evidence-based na nagpe-prevent ng mga diseases, especially those vaccine-preventable diseases,” ani Isidro.
Dagdag pa niya, tinatayang 50 hanggang 60 porsiyento ng mga batang may edad 12–23 buwan sa Los Baños ang nabakunahan na.
Binigyang-diin din ni Isidro na responsibilidad ng mga magulang, tagapag-alaga, o guardian na tiyaking natatanggap ng mga bata ang kinakailangang bakuna.
“Ang pagbabakuna kasi ng bata ay hindi yan responsibility ng baby na nangangailangan ng protection… But it is the responsibility of the parent, it is the responsibility of the caregiver, it is the responsibility ng guardian—kung sino man yung nag-aalaga to make sure that the child is well-protected and na mabigyan sila ng tamang protection against the diseases,” pahayag niya.
Para naman kay Kate Viernes, residente ng Barangay Batong Malake, mahalagang alamin muna ang tungkol sa mga bakunang ibibigay sa kaniyang anak bago ito pabakunahan. Bagama’t may pangamba siya tungkol sa proseso, nagsasaliksik siya tungkol sa mga bakuna at posibleng epekto ng mga ito upang makapaghanda.
“Ang ginagawa ko, before ko pabakunahan si baby, chine-check ko yung next vaccine niya. Tapos ire-research ko, tapos kung ano yung magiging side effects. So para prepared ako,” saad ni Viernes.
Samantala, naniniwala si Jon Marden Perez, residente ng Barangay Anos, na mahalaga ang pagbabakuna upang maiwasan ang mga sakit at matugunan ang mga kinakailangan sa pagpasok ng bata sa paaralan.
“Una, siyempre, prevention po sa sakit. Tapos pangalawa, siyempre, kailangan din po yung mga ganun eh [pagbabakuna]… Sa school, anything na mahalaga, hahanapan siya ng vaccine noong bata [pa] siya. Pag wala, ano kasi magiging problema pa yan balang araw,” pahayag ni Perez.
Patuloy namang nagsasagawa ng mga hakbang ang lokal na pamahalaan ng Los Baños upang mahikayat ang mas maraming magulang at tagapag-alaga na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Layunin ng mga programang ito na mapataas ang bilang ng mga batang nakatatanggap ng kumpletong bakuna at maprotektahan sila laban sa mga sakit na naiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna, kabilang ang tuberculosis at polio.
Mga Sanggunian:
Philippine Statistics Authority CALABARZON. (2026, May 26). Total fertility rate lowest in CALABARZON: Results from the key indicators of the 2025 National Demographic and Health Survey. Psa.Gov.Ph. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/total-fertility-rate-lowest-calabarzon-results-key-indicators-2025-national-demographic-and
Philippine Statistics Authority, & ICF. (2022). 2022 Philippine National Demographic and Health Survey (NDHS): Key indicators report. https://psa.gov.ph/system/files/main-publication/2022%2520NDHS%2520Key%2520Indicators%2520Report.pdf
