Rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, aasahan muli ngayong linggo

Ulat nina Carl Dinopol at Joseph Calapine

Inaasahang muling bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ngayong linggo dahil sa inaasahang pagtaas ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado kasabay ng paghina ng demand.

Batay sa pinakahuling pagtataya ng mga oil industry source at kumpanya ng langis, posibleng bumaba nang ₱2.60 hanggang ₱2.90 kada litro ang presyo ng diesel, habang tinatayang ₱2.70 hanggang ₱3.00 kada litro naman ang ibabawas sa presyo ng gasolina.

Nakabatay ang pagtatayang ito sa limang araw na trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa palitan ng piso kontra dolyar mula Nobyembre 16 hanggang 20.

Kabilang sa mga salik na inaasahang magpapababa sa presyo ng langis ang pagdami ng suplay sa pandaigdigang merkado, kabilang ang posibleng pagtaas ng mga inaangkat na produktong petrolyo mula sa China. Nananatili ring mahalagang salik ang antas ng demand sa langis.

Gayunman, hindi pa pinal ang naturang pagtataya dahil maaari pa itong magbago batay sa iba pang gastusin, gaya ng ocean freight o bayad sa transportasyon ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng barko, at insurance.

Inaasahang iaanunsyo ng mga kompanya ng langis sa Lunes, Nobyembre 23, ang opisyal na pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo, na posibleng ipatupad sa Martes, Nobyembre 24.

Presyo ng petrolyo sa CALABARZON

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE) para sa South Luzon, na sumasaklaw sa labing-isang reporting period mula Setyembre 1 hanggang Nobyembre 16, 2026, umabot sa pinakamataas na ₱100.98 kada litro ang presyo ng diesel noong Setyembre 22–28.

Samantala, pumalo naman sa ₱136.62 kada litro ang presyo ng kerosene noong Setyembre.

Sa gasolina, umabot sa ₱100.35 kada litro ang pinakamataas na naitalang presyo ng RON 97 o Super Premium, habang ₱89.92 kada litro naman ang naitala para sa RON 95 o Premium noong Oktubre.

Sa Laguna, RON 91 o Regular na gasolina ang nagtala ng pinakamalawak na price range na ₱30.26 kada litro sa pinakahuling reporting period ng DOE noong Nobyembre 10–16, 2026.

Sinundan ito ng kerosene na may diperensiyang ₱29.49 kada litro, habang ₱8.50 kada litro naman ang naitala sa diesel.

Ang price range ay tumutukoy sa diperensiya sa pagitan ng pinakamababa at pinakamataas na presyong naitala para sa isang produktong petrolyo sa mga establisimyentong saklaw ng monitoring sa isang lugar.

Sa kabuuang datos ng pagbabago ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Laguna, sabay-sabay na naitala ang pinakamataas na presyo ng RON 97 (Super Premium), RON 95 (Premium), at RON 91 (Regular) noong Oktubre 13–19.

Samantala, sa pinakahuling reporting period noong Nobyembre 12–16, naitala naman ang pinakamababang midpoint ng presyo ng mga produktong ito.

Pagbabago ng presyo ng langis sa mga nakaraang buwan

Matatandaang noong nakaraang linggo, Nobyembre 17, nagpatupad din ng rollback ang mga kompanya ng langis. Bumaba nang ₱1.50 kada litro ang presyo ng gasolina, ₱3.80 kada litro ang diesel, at ₱5.80 kada litro ang kerosene.

Gayunman, bago ang magkakasunod na rollback, nakapagtala rin ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakaraang buwan. Umabot sa kabuuang ₱55.25 kada litro ang itinaas ng gasolina, ₱60.53 kada litro ang diesel, at ₱57.66 kada litro ang kerosene.

Iniugnay ang mga pagtaas na ito sa pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, bunsod ng mga tensiyon at pagkaantala sa suplay mula sa Middle East. Nakaapekto rin sa pandaigdigang kalakalan ng langis ang mga pangyayaring may kaugnayan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng mga barkong nagdadala ng suplay ng langis.

Bagama’t inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga motorista at mamimili ang panibagong rollback, patuloy na nakadepende ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang suplay at demand, palitan ng piso kontra dolyar, at mga pangyayaring nakaaapekto sa produksyon at transportasyon ng langis.

References:

Cordero, T. (2026, November 21). Up to P3/liter diesel, P2.90/liter gasoline rollback seen next week. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/money/economy/1010298/up-to-p3-liter-diesel-p2-90-liter-gasoline-rollback-seen-next-week/story/

Elchico, A. (2026, November 20). OIL PRICE WATCH: Big fuel price rollbacks likely next week | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/business/2026/11/20/oil-price-watch-big-fuel-price-rollbacks-likely-next-week-1328

Maligro, T. (2026, April 3). Why is fuel more expensive in the Philippines? RAPPLER. https://www.rappler.com/business/explainer-why-fuel-more-expensive-philippines/

South Luzon pump prices. (n.d.). https://doe.gov.ph/data-and-prices/liquid-fuels/retail-pump-prices/south-luzon-pump-prices