Rice Inflation sa CALABARZON, Umabot sa 15.9%; “Be RICEponsible,” payo ng DA

Ulat nina Gweneth Dizon at Fatima Ercia 

Umabot sa 15.9 porsiyento ang inflation rate ng bigas sa CALABARZON noong Oktubre 2026, mula sa 15.4 porsiyento noong Setyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) CALABARZON. Naitala ang pagtaas na ito sa gitna ng paggunita sa National Rice Awareness Month ngayong Nobyembre.

Batay sa ulat ng PSA CALABARZON, kabilang ang bigas sa mga produktong pagkain na nakapagtala ng mas mabilis na pagtaas ng presyo noong Oktubre kumpara sa nakaraang buwan. Kasabay nito, umakyat sa 7.6 porsiyento ang pangkalahatang inflation sa rehiyon mula sa 7.2 porsiyento noong Setyembre.

Bukod sa bigas, nakapagtala rin ng mataas na inflation ang prutas at mani sa 13.6 porsiyento, habang umabot naman sa 7.5 porsiyento ang inflation ng harina, tinapay at iba pang produktong panaderya, pasta, at iba pang cereal. Samantala, nagtala ng negatibong inflation ang karne at iba pang bahagi ng mga kinatay na hayop sa -4.2 porsiyento. Gayundin, naitala sa -2.1 porsiyento ang inflation ng mga gulay, lamang-ugat, plantain, saging na saba, at mga legumes.

Bagama’t may ilang pangkat ng produkto na nagtala ng negatibong inflation, nananatiling mahalagang usapin ang kakayahan ng mga mamimili na tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng iba pang pangunahing bilihin.

Ayon din sa PSA, nanatili sa 72 sentimos ang purchasing power ng piso sa CALABARZON noong Oktubre 2026, batay sa halaga nito noong 2018. Nangangahulugan ito na ang bawat pisong halaga noong 2018 ay may katumbas na kakayahang bumili na 72 sentimos na lamang noong Oktubre 2026.

Sa madaling salita, ang mga bilihin at serbisyong nagkakahalaga ng ₱100 noong 2018 ay nangangailangan na ng humigit-kumulang ₱138.89 upang mabili noong Oktubre 2026. Ipinakikita nito kung paano humihina ang kakayahang bumili ng mga mamimili habang tumataas ang pangkalahatang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Isa sa mga pangunahing pangangailangang direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ay ang pagkain, kabilang ang bigas na bahagi ng pang-araw-araw na pagkain ng maraming Pilipino. Kaugnay nito, inilunsad ng Department of Agriculture (DA), bilang bahagi ng paggunita sa National Rice Awareness Month, ang kampanyang “Be RICEponsible Every Day.” Hinihikayat ng kampanya ang mga mamimili na iwasan ang pag-aaksaya ng kanin, tangkilikin ang lokal na bigas, at pumili ng mas masustansiyang uri nito. Layunin nitong isulong ang responsableng pagkonsumo ng bigas at suportahan ang mga lokal na magsasaka.

Ipinakikita ng paghina ng purchasing power na hindi lamang pagtaas ng presyo ang dapat bantayan, kundi pati ang kakayahan ng mga mamimili na patuloy na makabili ng mga pangunahing pangangailangan.

Mga Sanggunian:

Department of Agriculture. (2026, November 4). National Rice Awareness Month celebration urges Filipinos to Be RICEponsible Every Day. https://www.da.gov.ph/national-rice-awareness-month-celebration-urges-filipinos-to-be-riceponsible-every-day/

Escovidal, J. D. (2026, November 10). CALABARZON peso value drops to 72 centavos amid rising inflation. Daily Tribune. https://tribune.net.ph/2026/11/10/calabarzon-peso-purchasing-power-falls-to-72-centavos

Escovidal, J. D. (2026, November 10). Rice inflation reaches 15.9% in CALABARZON. Daily Tribune. https://tribune.net.ph/2026/11/10/rice-inflation-reaches-159-in-calabarzon

Philippine Rice Research Institute. (2026, June 4). New “ABC” urges households to cut rice wastage, support farmers. https://www.philrice.gov.ph/new-abc-urges-households-to-cut-rice-wastage-support-farmers/

Philippine Statistics Authority. (2026, October 12). Summary inflation report: Consumer price index for all income households (2018=100), Region IV-A (CALABARZON), October 2026. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/summary-inflation-report-consumer-price-index-all-income-households-2018100-region-iv-3