Super El Niño, banta laban sa agrikultura ng CALABARZON ngayong Nobyembre

Ulat nina Kaye Enriz Lim, Sophia Villan, at Krisvin Jhelho Paulino

Nagbabala ang Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) tungkol sa Super El Niño na kasalukuyang umiiral sa Karagatang Pasipiko at inaasahang makaaapekto sa klima at panahon sa mga susunod na buwan. Kabilang sa mga inaasahang pagbabago ang dami at distribusyon ng pag-ulan, na maaaring magdulot ng iba’t ibang antas ng tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.

Sa rehiyon ng CALABARZON, nagkakaiba ang inaasahang panganib ng tagtuyot sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, at Rizal. Bagama’t magkakabilang sa iisang rehiyon ang mga lalawigang ito, maaaring magkaiba ang antas ng kanilang panganib batay sa inaasahang dami ng pag-ulan, kondisyon ng tagtuyot, suplay ng tubig para sa irigasyon, at lawak ng mga pananim na umaasa sa ulan.

Ayon sa ulat ng Philippine Information Agency (PIA), inaasahang bababa nang hanggang 60 porsiyento ang dami ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Batangas, buong lalawigan ng Cavite at Rizal, at hilagang bahagi ng Laguna ngayong Nobyembre. Inaasahan ding makaranas ng pagbaba ng pag-ulan na 20 hanggang 60 porsiyento ang iba pang bahagi ng rehiyon.

Kaakibat ng inaasahang pagbaba ng dami at pagbabago sa distribusyon ng ulan ang posibilidad ng pagdanas ng drought o tagtuyot sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ayon sa Climate Outlook Report ng DOST-PAGASA na inilabas noong Oktubre at sumasaklaw sa panahon mula Nobyembre hanggang Abril ng susunod na taon, inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga lalawigang makararanas ng tagtuyot sa mga susunod na buwan.

Sa CALABARZON, inaasahang makaranas ng Dry Condition ang Laguna at Rizal sa pagtatapos ng Nobyembre, samantalang Dry Spell naman ang maaaring maranasan sa Quezon, Batangas, at Cavite.

Pagsapit ng Disyembre, inaasahang makararanas ng Dry Spell ang malaking bahagi ng rehiyon, partikular ang Cavite, Laguna, Quezon, at Rizal. Samantala, Drought naman ang maaaring maranasan sa Batangas.

Agrikultura, isa sa mga apektadong sektor

Sa ulat ng PIA na inilathala noong Oktubre 8, 2026, iniulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ng CALABARZON na apat na lokal na pamahalaan sa Quezon—Alabat, Jomalig, General Nakar, at Guinayangan—ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño.

Iniulat din na 191 magsasaka sa Batangas, Cavite, at Quezon ang naapektuhan, habang tinatayang umabot sa ₱19.70 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Gayunman, hindi pa sapat ang mga datos na ito upang matukoy kung aling lalawigan ang nagtala ng pinakamalaki at pinakamaliit na pagkalugi sa produksiyon ng pananim. Para sa mas malawak na paghahambing, kailangang suriin ang datos ng pinsala sa bawat lalawigan, bilang ng mga apektadong magsasaka, lawak ng mga apektadong sakahan, at pagbabago sa produksiyon ng palay at mais.

El Niño: Ano nga ba ito?

Ang El Niño ay isang natural na penomenong pangklima na karaniwang nagaganap kada dalawa hanggang pitong taon. Ito ay nabubuo dahil sa higit sa karaniwang pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat (sea surface temperature o SST) sa gitna at silangang bahagi ng ekwatoryal na Karagatang Pasipiko (Central and Eastern Equatorial Pacific). Sa Pilipinas, karaniwang iniuugnay ito sa pagbaba ng dami ng pag-ulan at pagtaas ng posibilidad ng tagtuyot sa ilang lugar.

Ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), patuloy na lumakas ang El Niño nitong mga nakaraang buwan. Naitala ang anomalya sa temperatura ng ibabaw ng dagat na lampas +4°C sa ilang bahagi ng silangang ekwatoryal na Karagatang Pasipiko. Iniulat din ng NOAA na may higit 79 porsiyentong posibilidad na umabot ang naturang penomenon sa antas na “strong-to-very strong” mula Enero hanggang Marso 2027.

Pagsusuri sa mga epekto ng El Niño

Maaaring magkaiba ang epekto ng El Niño sa bawat lalawigan at sektor, depende sa kondisyon ng klima, suplay ng tubig, at mga gawaing pangkabuhayan sa lugar. Sa sektor ng agrikultura, kabilang sa mga salik na maaaring suriin ang lawak ng mga apektadong sakahan, bilang ng mga magsasakang naapektuhan, at pagbabago sa produksiyon ng mga pangunahing pananim.

Sa pamamagitan ng paghahambing ng datos tungkol sa klima at agrikultura, maaaring matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng suporta sa irigasyon, mga binhing angkop sa tuyong kondisyon, crop insurance, at iba pang programang pang-agrikultura. Makapagbibigay rin ang pagsusuring ito ng batayan sa pagpaplano ng mga hakbang upang matugunan ang mga epekto ng tagtuyot sa kabuhayan ng mga magsasaka at suplay ng pagkain.

Mga Saggunian:

Department of Agriculture. (2026). DA pitches P61.99B el niño action plan as Malacañang orders targeted aid, market watch. https://www.da.gov.ph/da-pitches-p61-99b-el-nino-action-plan-as-malacanang-orders-targeted-aid-market-watch/

Department of Agriculture. (2026). DA braces for intensified el niño . https://www.da.gov.ph/da-braces-for-intensified-el-nino/

Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. (2023). El niño watch. Department of Science and Technology. https://www.pagasa.dost.gov.ph/press-release/129

Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. (2026). El niño advisory. Department of Science and Technology. https://pagasa.dost.gov.ph/press-release/216

Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. (2026). Climate advisory for “very strong” el niño. Department of Science and Technology. https://pagasa.dost.gov.ph/press-release/225

Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. (2026). Climate impact assessment for Philippine agriculture. Department of Science and Technology. https://bagong.pagasa.dost.gov.ph/agri-weather/impact-assessment-for-agriculture

Philippine Statistics Authority. (2026, November 5). Rice and corn stocks inventory, October 2026.https://psa.gov.ph/statistics/crops/rice-corn-stocks-inventory

National Weather Service Climate Prediction Center. (2026). El niño/ southern oscillation (ENSO) diagnostic discussion.  National Oceanic and Atmospheric Administration. https://www.cpc.ncep.noaa.gov/products/analysis_monitoring/enso_advisory/ensodisc.shtml

Solis, A.L.S. (2026). Climate outlook: November 2026- April 2027. Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration. https://pubfiles.pagasa.dost.gov.ph/climps/climateforum/outlook.pdf