Ulat nina Christine Jane Atilano, Sofia Elauria, at Neil Andrew Tan

Backyard poultry farmer na si Aling Titay Magsino mula Brgy. Santo Domingo, Bay, Laguna. (Sofia Elauria/LB Times)
“Malaki pa ang gastos ng manok kaysa sa akin,” biro ni Aling Titay na may halong pait.
Para sa Pilipinas, isang bansang hitik sa agrikultura, ang bawat butil ng mais ay katumbas ng isang butil ng ginto. Dama ang reyalidad na ito sa isang bakuran ni Aling Titay Magsino, isang backyard poultry farmer mula sa Brgy. Santo Domingo, Bay Laguna. Buntong-hininga niyang inilahad ang kahirapang kaniyang kinakaharap sa bawat dakot ng patuka. Sa bawat pisong pagtaas ng presyo ng pagkain ng mga manok, tuluyan ding nanganganib ang kalagayan ng mga magsasakang kumakayod hindi lamang upang buhayin ang kanilang mga manok, kundi pati ang kanilang mga pamilya.
Aniya, sa kasalukuyan ay umaabot sa mahigit Php1,000 kada buwan ang kaniyang ginagastos para lamang sa iilang kilo ng patuka at gamot ng kaniyang mga alaga. Hindi pa nakatulong sa situwasyong ito ang tuluyang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi lamang ng mga patuka kundi ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ni Magsino at ng kaniyang pamilya. Ang suliraning ito ay isa katotohanang kinakaharap ng libo-libong maliliit na poultry farmers sa Pilipinas.
Ngunit, isang grupo ng mga siyentista mula sa Central Mindanao University at University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang nagsagawa ng pag-aaral ukol sa potensyal ng saging na saba bila alternatibo sa mais na patuka. Sa pangunguna ni Rommel Sulabo, ito ay nailathala sa International Journal of Agricultural Technology noong 2025.
Pait ng bawat tuka
Sa kasalukuyan, malaking bahagi ng industriya ng manok sa Pilipinas ang nakadepende sa dilaw na mais bilang pangunahing sangkap ng feeds. Ayon kay Dr. Rommel Sulabo, isa sa mga may-akda ng pag-aaral at eksperto sa animal nutrition ng College of Agriculture and Food Science ng University of the Philippines Los Baños (CAFS-UPLB), maituturing na “corn-centric” ang feed industry sa bansa.
“Masyado tayong dependent sa mais […] pero ang realidad, hindi tayo sapat mag-produce para suportahan ang feed industry. Kaya madalas, nag-i-import pa tayo sa Thailand, Indonesia, o Brazil,” paliwanag niya.
Dahil sa pagdepende sa mais at iba pang imported feed ingredients, maaaring makaapekto sa gastos sa feeds ang pagbabago sa presyo at suplay sa pandaigdigang merkado. Para sa maliliit na poultry farmer tulad ni Magsino, ramdam ang anumang pagtaas sa presyo.
Kuwento niya, ang kaniyang mga manok na “Tagalog” o native chicken ay pinapakain din niya ng bahaw o tutong at hinahayaang manginain ng damo at mga insekto upang makatipid.
“Dati, binibili namin [na feeds] ay ₱38 lang, ngayon nasa ₱42 na. Magkano income no’n? Minsan kulang pa sa isang linggo,” ani Magsino.
Dito pumapasok ang pananaliksik nina Sulabo, kung saan sinuri nila ang potensiyal ng saging, partikular ang saba, bilang alternatibong sangkap sa feeds ng broiler chicken.
Sa kanilang pag-aaral na “Concentration of Nitrogen-corrected Apparent Metabolizable Energy, Nutrient and Dietary Fiber Digestibilities of Banana Meal in Broilers,” sinuri ng mga mananaliksik ang enerhiya at nutrient digestibility ng banana meal. Mayaman sa starch ang saging, dahilan upang magkaroon ito ng potensiyal bilang mapagkukunan ng enerhiya sa feeds tulad ng mais at iba pang starchy feed ingredients.
Inihambing din sa pag-aaral ang peeled banana meal (PBM), o saging na inalisan ng balat, at unpeeled banana meal (UBM), kung saan kasama ang balat sa pagproseso.
Lumabas sa pag-aaral na ang PBM ay may nitrogen-corrected apparent metabolizable energy na 3,369 kilocalories kada kilo (kcal/kg), katumbas ng humigit-kumulang 94% ng energy value ng dilaw na mais na ginamit bilang batayan ng mga mananaliksik.
Ipinakikita nito na maaaring magsilbing energy-rich feed ingredient ang peeled banana meal. Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagkakahawig sa energy value na maaari nang direktang ipalit ang saging sa mais sa lahat ng uri ng poultry feeds, dahil kailangan ding isaalang-alang ang iba pang nutrients, formulation, gastos, at epekto nito sa paglaki at performance ng manok.
Mula basurang saging tungo sa patuka
Hindi lamang paghahanap ng alternatibong feed ingredient ang layunin ng pag-aaral. Nakaugnay din ito sa konsepto ng sustainability at upcycling ng mga produktong agrikultural.
Sa Mindanao, partikular sa Bukidnon kung saan isinagawa ang pag-aaral, may mga saging na hindi naibebenta dahil hindi pumapasa sa pamantayan para sa export. Sa halip na tuluyang masayang, maaaring maproseso ang ilan sa mga ito upang maging sangkap sa animal feeds.
“Ang field namin sa animal nutrition, kadalasan naghahanap kami ng basura sa iba at hinahanapan namin ng value para ma-upcycle,” paliwanag ni Sulabo.
Sa ganitong paraan, ang mga saging na hindi na maaaring ibenta sa kanilang orihinal na merkado ay maaaring magkaroon ng panibagong gamit bilang feed ingredient at makabalik sa food production chain sa pamamagitan ng poultry products.
Para kay Magsino, mahalaga ang pagkakaroon ng mas maraming mapagpipiliang pakain, lalo na kung magiging abot-kaya at accessible ang mga ito sa maliliit na nag-aalaga ng manok.
“Wala naman akong alam na ibang ipapakain […] kung may natitirang kanin, ‘yun. Pero kapag hindi, feeds talaga,” aniya.
Hamon sa pagproseso
Sa kabila ng potensiyal ng banana meal, may mga hamon bago ito magamit nang mas malawakan bilang feed ingredient.
Ayon kay Sulabo, nangangailangan ng karagdagang paggawa at gastos ang pagbabalat ng saging para sa paggawa ng PBM. Samantala, mas simple ang paggawa ng UBM dahil hindi na kailangang alisin ang balat, ngunit mas mataas naman ang fiber content nito.
“Ang mga manok ay nahihirapang i-digest ang fiber components na nasa balat ng saging, at p’wedeng mabawasan nito ang energy digestibility,” ani Sulabo.
Sinusuportahan ito ng resulta ng pag-aaral: mas mababa ang energy value at digestibility ng ilang nutrients sa unpeeled banana meal kumpara sa peeled banana meal.
Wala namang nakitang makabuluhang pagkakaiba sa feed intake ng mga broiler na binigyan ng experimental diets sa ilalim ng kondisyon ng pag-aaral. Ipinakikita nitong hindi nabawasan ang dami ng pagkaing kinonsumo ng mga manok sa mga diet na sinuri.
Gayunman, hindi lamang nutritional value ang hamon sa paggamit ng banana meal. Kailangan ding maayos ang pagproseso nito upang maging ligtas at dekalidad na feed ingredient.
Hindi sapat ang simpleng pagbibilad lamang kung hindi makokontrol nang maayos ang moisture content, dahil maaaring magkaroon ng problema sa pagkasira o pag-amag. Ayon kay Sulabo, maaaring kailanganin ang mga kagamitang tulad ng agricultural dryers at hammer mills upang mapatuyo at mapino nang maayos ang saging bilang meal.
Dito nakikita ni Sulabo ang posibleng papel ng mga kooperatiba. Sa pamamagitan ng sama-samang pamumuhunan sa kinakailangang kagamitan, maaaring magkaroon ng kapasidad ang mga magsasaka at lokal na komunidad na magproseso ng mga lokal na sangkap para sa animal feeds.
Lokal na sangkap para sa hinaharap
Bahagi ang pag-aaral nina Sulabo ng mas malawak na paghahanap ng mga lokal na feed ingredients na maaaring makatulong sa tinatawag na animal feed security.
Para kay Sulabo, mahalagang mapalawak ang mga lokal na mapagkukunan ng sangkap sa feeds upang mabawasan ang pagdepende ng industriya sa mga imported na materyales at maging mas matatag ito laban sa pagbabago sa presyo at suplay.
Ngunit ang potensiyal ng banana meal ay hindi nangangahulugang maaari na itong agad ipalit sa mais sa komersiyal na feeds. Kailangan pang isaalang-alang ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng saging, gastos sa pagproseso, tamang feed formulation, at pagiging praktikal nito sa mas malaking produksyon.
Para naman sa maliliit na poultry farmer tulad ni Magsino, ang halaga ng ganitong pananaliksik ay nasa posibilidad na magkaroon sila ng mas maraming mapagpipiliang pakain mula sa mga sangkap na matatagpuan mismo sa bansa.
Sa halip na tuluyang masayang, ang saging na hindi pumapasa sa pamantayan ng merkado ay maaaring magkaroon ng panibagong halaga—mula sa produktong itinatapon tungo sa potensiyal na sangkap sa pakain ng manok.
Gaya ng sinabi ni Sulabo, “Ensuring that we have local materials would be key for us to survive the challenges that we have, not just now, but also for the future.”
Sanggunian:
Durain, A. M., Sulabo, R. C., Adiova, C. B., & Merca, F. E. (2025). Concentration of nitrogen-corrected apparent metabolizable energy, nutrient and dietary fiber digestibilities of banana meal in broilers. International Journal of Agricultural Technology, 21(3), 855–864. https://doi.org/10.63369/ijat.2025.21.3.855-864