Sa hakbang ng komunidad: Walking for Fitness pinakapatok na HK course sa UPLB

Ulat nina Hayes Daniel Majadas, Neena Ammanda Tipa, at Willy Mepua

Hindi atleta si John Gherald Navera nang sumali siya sa Bañamos Fun Run noong 2023. Wala siyang malinaw na plano o kompetisyong pinaghahandaan—gusto lamang niyang subukan.

Sa fun run na iyon siya napansin ng dati niyang guro sa Human Kinetics (HK), na nakakita ng potensiyal sa kaniya. Inimbitahan siyang sumama sa Makiling Campus Runners at kalaunan ay nakapagsanay kasama ang UPLB Athletics Team.

Sa pagtakbo at pagsasanay, unti-unting nahubog ang disiplina at tiwala sa sarili ni Navera. Kasabay nito, iniwan niya ang nakagawiang sedentary lifestyle at natuklasang kaya pala niyang maging mas aktibo.

Ngunit hindi lamang si Navera ang humahakbang tungo sa mas aktibong pamumuhay. Sa buong UPLB, daan-daang estudyante ang pumipili ng HK 12 Walking for Fitness. Sa dami ng maaaring pagpilian na HK courses sa unibersidad, bakit paglalakad ang nangunguna?

Walking for Fitness, pinakapatok na HK course sa UPLB

Ayon sa opisyal na datos ng UPLB Office of the University Registrar (OUR), may kabuuang 6,142 estudyante ang nag-enroll sa iba’t ibang Human Kinetics courses noong Academic Year 2024–2025.

Sa mahigit 50 klaseng maaaring pagpilian, HK 12 Walking for Fitness ang nakapagtala ng pinakamaraming enrollees, na umabot sa 823. Sinundan ito ng Taekwondo na may 483 estudyante at Badminton na may humigit-kumulang 460.

Ipinakikita ng datos ang popularidad ng Walking for Fitness sa mga estudyante, ngunit hindi nito direktang ipinapaliwanag kung bakit ito ang kanilang pinipili. Maaaring matagpuan ang ilang posibleng dahilan sa pagiging accessible ng paglalakad—isang pisikal na aktibidad na maaaring simulan nang walang espesyalisadong kagamitan o mataas na antas ng kasanayan.

Gen-Zedentary

Hindi lamang sa UPLB makikita ang hamon ng pagpapanatiling aktibo ng mga kabataan.

Ayon sa World Health Organization (WHO), malaking bahagi ng mga kabataang nasa edad 11 hanggang 17 sa buong mundo ang hindi nakaaabot sa inirerekomendang antas ng pisikal na aktibidad. Sa isang pandaigdigang pag-aaral na inilathala ng WHO, 85% ng mga batang babae at 77.6% ng mga batang lalaki sa pangkat ng edad na ito ang hindi sapat ang pisikal na aktibidad.

Gayunman, hindi awtomatikong nangangahulugan ang physical inactivity na sedentary ang isang tao. Magkaiba ang dalawang konsepto: tumutukoy ang physical inactivity sa hindi pag-abot sa rekomendadong antas ng ehersisyo, habang ang sedentary behavior ay tumutukoy sa mga gawaing ginugugol nang nakaupo o nakahiga at mababa ang energy expenditure.

Sa ganitong konteksto, maaaring magsilbing praktikal na panimulang pisikal na aktibidad ang paglalakad. Hindi ito nangangailangan ng mamahaling kagamitan at maaaring isabay sa pang-araw-araw na gawain—lalo na sa isang kampus tulad ng UPLB kung saan magkakalayo ang mga gusali, dormitoryo, at iba pang pasilidad.

Bakit walking?

Para kay Erick Voltaire Tabing, sports nutritionist at propesor sa National University–Laguna, isa sa pinakamadaling isama sa pang-araw-araw na buhay ang paglalakad.

“Walking is one of the most resourceful types of physical activity. Kapag naglalakad ka dahil gusto mong maglakad—exercise na iyon,” ani Tabing.

Ngunit hindi lahat ng paglalakad ay awtomatikong nagbibigay ng parehong antas ng benepisyong pisikal. Paliwanag niya, mahalaga rin ang intensity at tagal ng aktibidad upang mas mapataas ang heart rate.

“Kailangan mo pa ring itaas ang heart rate mo. Hindi sapat ang‘slow walk’ kung gusto mo ng health benefits,” aniya.

Kung ikukumpara sa mas matataas na intensity ng ehersisyo, nakikita ni Tabing na maaaring mas madaling panatilihin ang walking, lalo na para sa mga nagsisimula pa lamang maging aktibo.

“High-intensity exercises use more muscle groups. Nakakapagod, masakit. Bakit mo uulitin? Walking is less stressful. Mas sustainable. Mas kaya i-maintain ng students,” paliwanag niya.

Maging ang mismong kapaligiran ng Los Baños, aniya, ay nakatutulong upang maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga estudyante ang paglalakad.

“Pag nasa LB ka, talagang naglalakad ka. From Men’s Dorm hanggang Olivarez, normal lang. Walking becomes part of your daily life.”

Sa ganitong paraan, ang walking sa UPLB ay hindi lamang nakapaloob sa isang HK course. Para sa maraming estudyante, bahagi na ito ng pagpasok sa klase, pag-uwi sa dormitoryo, at paggalaw sa loob at paligid ng kampus.

Kapag naging isport ang paglalakad

Ngunit ibang usapan kapag ang karaniwang paglalakad ay naging racewalking.

Para kay Rehiena Atasha Mharie F. Espino, isang sophomore mula sa College of Economics and Management at racewalk athlete ng UPLB, higit na teknikal at pisikal na mabigat ang isport kaysa sa maaaring isipin ng mga hindi pa nakasusubok nito.

“Masakit siya kaysa running,” ani Espino.

Dating sprinter at pageant competitor si Espino bago siya ni-recruit ni Coach Myra Luzviminda G. Abueg sa racewalk team. Nakatulong umano ang kaniyang karanasan sa pageantry upang mas madaling maunawaan ang ilang galaw na kailangan sa racewalking.

“Yung pasarela sa pageantry, very similar sa racewalk pero mas technical. Yung form, yung hips, yung baba ng paa. Sobrang sakit niya lalo na pag mabilis,” kuwento niya.

Kasabay ng racewalking, nagsasanay din si Espino sa gym upang palakasin ang mga bahagi ng katawang kailangan sa kompetisyon.

“Sa gym mo makukuha yung power, tapos apply mo sa training. Kailangan matibay ang ankles, core… lahat,” aniya.

Dahil dito, nais niyang maitama ang pananaw na mas madali o “pang-mahina” ang racewalking kumpara sa ibang athletics events. Para kay Espino, sapat na ang mismong pagsubok sa isport upang maramdaman ang pisikal na hamon nito.

Mula mag-isang naglalakad tungo sa kompetisyon

Naranasan din ni Zean-Maizer Padilla ang ganitong maling pagtingin sa racewalking.

Bilang kauna-unahang opisyal na racewalk athlete ng UPLB, nagsimula siyang magsanay nang mag-isa matapos makita ni Abueg ang kaniyang potensiyal sa isport.

“Ako yung first ever na nag-racewalk sa team. Mag-isa talaga ako nagta-training. Minsan tinatawanan pa ako. Nakaka-hurt,” kuwento ni Padilla.

Sa kabila nito, nagpatuloy siya sa pagsasanay. Dumaan man sa injury at iba pang hamon, naging mahalaga para sa kaniya ang pagpapatuloy sa tuwing kaya na niyang bumalik.

“Kahit nagka-injury o may sakit, basta makabalik, go ka lang nang go. Work hard ka lang. Nasa iyo talaga ’yan,” aniya.

Kalaunan, nakarating si Padilla sa Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (STRASUC) competition—malayo sa panahong mag-isa lamang siyang nagsasanay habang nakararanas ng pangungutya mula sa iba.

Malaki rin, aniya, ang naging papel ni Abueg sa kaniyang pagpapatuloy bilang atleta.

“Very thankful ako kay Coach Abueg. May pressure, pero masaya. Pag nakikita ka niya, masaya siya sa run mo,” ani Padilla.

Magkaiba man ang Walking for Fitness at competitive racewalking, ipinakikita ng mga karanasan nina Espino at Padilla na maaaring humantong sa mas seryosong pagsasanay ang isang pisikal na aktibidad na sa simula ay tila simple lamang.

Hakbang tungo sa pakikipagkapwa

Para naman kay Navera, may halaga rin ang paglalakad na hindi nasusukat sa bilis o distansya.

Sa kaniyang obserbasyon sa HK 12 Walking for Fitness, nagiging pagkakataon din ang sama-samang paglalakad upang magkaroon ng ugnayan ang mga estudyante.

“Sa HK 12 Walking for Fitness, isang kumpol sila. Same pace. Doon nabubuo yung bond at relationships,” aniya.

Para sa ilan, requirement lamang ang HK na kailangang matapos. Ngunit maaari ring maging pagkakataon ang paglalakad upang makipag-usap, makasama ang ibang estudyante, at pansamantalang makalayo sa karaniwang takbo ng mga gawaing akademiko.

Sa karanasan ni Navera, ang simpleng pagsubok sa isang fun run noong 2023 ang nagbukas ng pagkakataong hindi niya inaasahan. Mula sa isang estudyanteng hindi itinuturing ang sarili na atleta, natuklasan niyang kaya niyang maging mas aktibo at sumailalim sa mas seryosong pagsasanay.

Ganito rin ang mensaheng nakikita nina Espino at Padilla sa kani-kanilang karanasan.

“Athletes are made, not born. Hindi mo malalaman na magaling ka unless you try,” ani Espino.

“If you think it’s worth a try, go for it. Walang masama sa pag-try. Kailangan mo lang ng courage,” dagdag ni Padilla.

Para kay Navera, hindi rin kailangang magsimula bilang atleta upang maging bahagi ng isang aktibong komunidad.

“We empower one another. Hindi kailangan athletic ka agad. Basta active ka,” aniya.

Mula sa 823 estudyanteng kumuha ng Walking for Fitness hanggang sa mga atletang nagsasanay para sa racewalking, magkakaiba ang dahilan at antas ng bawat hakbang. Para sa ilan, requirement ito; para sa iba, bahagi ng pang-araw-araw na buhay; at para sa iilan, simula ng pagiging atleta.

Ngunit para kay Navera, na minsang sumali lamang sa isang fun run dahil gusto niyang subukan, sapat na minsan ang unang hakbang upang matuklasan kung hanggang saan pa kayang makarating.

“People realize, ‘Kaya ko pala,’” ani Tabing. “It gives people independence.”