Tipaklong Mobility Sharing sa UPLB, umarangkada na

Ulat ni: Ellyzah Janelle Devilleres
Mga larawan ni: Franchesca Azarcon Cabang

Opisyal na inilunsad ang UPLB-Tipaklong Mobility Sharing nina Joseph Enrile, Tipaklong Supervisor; Dr. Jose Camacho Jr., UPLB Chancellor; Arnold S. Bufi, President and Founder of Tipaklong; at Vice Chancellor for Community Affairs Roberto P. Cereno.

Bilang paggunita sa Philippine Environment Month, ang Tipaklong Mobility Sharing ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ay pormal nang inilunsad sa publiko ngayong araw, ika-1 ng Hunyo, sa D.L. Umali Steps.

Bahagi ito ng “Green Mobility Initiative” ng UPLB na naglalayong lumikha ng isang green community sa pamamagitan ng pagbuo ng mga mekanismo upang isulong at tangkilikin ang environment-friendly campus.

Pinangunahan ito ni Chancellor Jose V. Camacho, Jr., kasama si Vice Chancellor for Community Affairs Roberto P. Cereno, at iba pang mga opisyal ng unibersidad.

“Ang mahalagang objectives nito ay [maging] local climate action [ang UPLB] sa isang global concern […] at magprovide ng accessible, available 24/7 transportation mobility option sa ating constituents,” ani Cereno.

Mainit ding tinanggap ng unibersidad si UP President Atty. Angelo P. Jimenez at CHED Chairperson J. Prospero E. De Vera na mga panauhin ng programa.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mga mag-aaral, guro, bikers, at kawani ng UPLB.