Sa unang artikulo, binigyang diin ang mabigat na epekto ng modernisasyon sa mga beteranong tsuper ng ELF-JODAI kung saan humaharap sila sa banta ng kawalan ng hanapbuhay. Subalit, isa lamang ito sa mga balakid na kinakaharap ng mga tsuper at opereytor sa pag-arangkada ng kanilang hanapbuhay. Isa sa mga problemang kinaharap nila mula noon hanggang ngayon ay ang pasakit na pagtaas ng krudo.
“Dati, ang diesel ko ay 600-700 pesos, ngayon ay 1,200 pesos na. Imbes na iuwi ko yung 600 pesos na kita ko, sa diesel pa napunta,” ayon kay Ronilo Perez ukol sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at ang dulot nito sa kanilang mga kita.
Si Ronilo Perez o mas kilala bilang “Pang. Rolly” ay isang tsuper at opereytor sa Los Baños, Laguna
Bukod pa ito sa kinakaharap nilang malawakang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng gobyerno na isa ring badya sa kanilang mga pangkabuhayan.
“Sa epekto ng pagtaas ng krudo, ang hanay ng transport group ang tunay na apektado,” dagdag pa ni Pang. Rolly. Sa kalagitnaan ng taong 2023 ay halos linggo-linggo ang naitatalang pagtaas ng diesel at krudo sa bansa. Dulot ito ng krisis sa supply ng langis mula sa mga bansang Saudi Arabia at Russia na siyang pinagkukunan ng Pilipinas. Ang bawat naitalang oil price hike ay isa ring manipestasyon ng dalawang matagal nang pasakit sa mga tsuper at mga opereytor, ang Oil Deregulation Law at excise tax na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa ilalim ng Oil Deregulation Law o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (RA 8479) na isinabatas noong administrasyong Ramos, walang kontrol ang lokal na gobyerno sa malawakan at pandaigdigang paglobo ng presyong produktong petrolyo sa merkado. Kung saan tanging ang magdidikta lamang ng presyo ng petrolyong kinokonsumo ng mga Pilipino ay ang oil price movements sa buong mundo.
Samantala, sa ilalim naman ng TRAIN law, may karagdagang labindalawang porsyento ng value added tax o VAT (12% VAT) na ipinapataw sa mga produkto kabilang na ang mga produktong petrolyo. Bukod pa rito ay ang pagkontrol ng iba’t ibang malalaking negosyante at korporasyon na nasa 90 porsyento ang hawak sa Malampaya gas field na pinakamalaki at tanging pinagkukunan ng komersyal na produktong petrolyo sa bansa at tanging 10 porsyento lamang ang hawak ng gobyerno sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company.
“May mga paraan naman ang gobyerno para mapababa ang krudo tulad ng pagbantay ng monopolyo ng malalaking kumpanya ng langis na siyang nagdidikta ng presyo o tanggalin ang 12% [VAT] ng langis para mapababa ang presyo,” saad ni Pang. Rolly.
Kung kaya paano pa nga ba patuloy na aarangkada ang mga traditional jeepney ng Los Baños kung patuloy ang mga suliraning kinakaharap ng kanilang hanay?
Sa kalsada ng Los Baños
Isa sa mga asosasyon ng mga operator at tsuper sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ang El Danda-Forestry Jeepney Operators and Driver Association Inc. (ELF-JODAI) na itinatag taong 1980. Matatagpuan ang kanilang kampuhan sa Jose Velasco Street, Kanluran Road, sa loob ng unibersidad. Sa isang masikip na gawa-gawang terminal lamang sa daanan sa harap ng pagitan ng ngayo’y Big Belly’s at VCMTC Dormitory naghihintay ng mga pasahero sila Pang. Rolly sa pang-araw-araw.
Matagal nang inaayos ng asosasyon ang kanilang sistema ng takbo para sa mga miyembro at ang pakikipag-ugnayan sa mismong pamunuan ng unibersidad, partikular na sa Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA). Nang sa gayon ay matakdaan ang kanilang mga maaaring kampuhan o gawing sentruhan sa loob ng kampus kagaya na lamang ng kanilang sentruhan ngayon sa may tapat ng Big Belly’s. “Ang layunin ng aming asosasyon ay serbisyuhan ang mga estudyante ng Forestry,” diin ni Pang. Rolly.
Ang kanilang 1.6 kilometro ruta ay ang balikan mula lower campus patungong College of Forestry and Natural Resources (CFNR) para sa mga estudyante at kawaning paakyat sa upper campus. Minsan kung maraming pasahero patungong bayan ay binabagtas din nila ang rutang pa-Crossing Calamba.
Makikita sa mapa sa ibaba ang kadalasang ruta na binabagtas ng mga tsuper at opereytor ng ELF-JODAI. Bagamat hindi ganoong kakomplikado kagaya ng ibang mga ruta na binabagtas ng ibang tsuper ay ganoon na lang din ang pangangailangan ng mga estudyante at mananakay upang makatipid at makarating sa upper campus nang ligtas at mas komportable.
Ruta. Screenshot ng mapa na tinatahak ng mga tsuper ng ELF-JODAI.
Mula sa Google Maps.
“Problema talaga naming mga forestry student kapag weekends o ‘di kaya pagabi na tapos galing kaming baba (lower campus) at kailangang umakyat. Sobrang bihira kasi ng mga jeep ng ganyang mga araw, lalo na tuwing linggo. Either mag-la-lakad kami o mag-ha-habal. Hindi naman pwedeng lagi kaming maghabal dahil ₱50 din iyon at masakit talaga sa bulsa”, ani Claudette Alba, estudyante mula CFNR.
Dagdag pa niya, nagiging pahinga na nila ang may makikitang jeep mula o papuntang Forestry. “Hindi rin lahat kayang maglakad paakyat at pababa. Kaya iba talaga para sa akin yung feeling pagkatapos ng mahabang araw sa CFNR tapos may dadaan o nakaparadang jeep”,
Sa kabilang banda, ang ruta mula UPLB campus papuntang Crossing Calamba ay mayroong 14.4 kilometro na kalimitang nakakaubos ng nasa anim (6) na litrong gasolina. Kung saan ang halagang limang daang (P 500.00) piso ay isang ikot lamang ang kayang abutin. Hinalimbawa ni Pang. Rolly na kung may 350 pesos na kita ang isang tsuper na nagba-boundary sa isang araw ay laking abono pa nito para sa makokonsumong 500 pisong diesel na isang ikutan lamang ang kayang takbuhin.
Makikita muli sa mapa sa ibaba ang halos labinlimang (15) kilometrong kinakailangang bagtasin ng isang tsuper mula UPLB campus papuntang Crossing Calamba na nakadepende rin ang tagal ng byahe sa oras na naiipit sa trapiko ang mga sasakyan.
“Kaya kailangan makakuha sila ng 700 para may 200 sila na maise-save. Napakalaking bagay na mura ang diesel dahil malaki ang kikitain ng driver,” ani ni Pang. Rolly.
Crossing. Ruta mula UPLB papuntang Crossing Calamba. Mula sa Google Maps.
Boundary, kita, at diesel
“Tatlong hati yan, boundary, kita, at diesel. Malaking bagay kapag operator ka kaysa naglalabas lang ng jeep. Ang operator kapag kumita ay ayos na ‘yun. Ang nagbaboundary ay hangga’t hindi kumikita at nakakaboundary ay hindi titigil.” Ayon kay Pang. Rolly,, 70 porsyento ng 105 miyembro ng ELF-JODAI ay nagba-boundary lamang.
Iba-iba ang sistema ng boundary depende sa operator at sa napagkasunduan ng tsuper nito. Sa halip na may fixed salary na natatanggap ang mga driver, nakadepende ito sa halaga na itatakda ng mga opereytor.
Karamihan ng mga miyembro rin ay may tiyak na oras para ibalik araw-araw ang mga pinapasadang jeep. Kung kukuhanin sa umaga ng alas-sais, dapat ay alas-sais ng gabi ay nasa garahe na ang mga jeep. Kung kaya’t umiikot lang sa mga oras na ito ang magiging kita ng mga tsuper.
Ang sistema ng boundary ay lubos ding nakakaapekto sa kita ng mga tsuper ngunit patuloy na nagpapalamon sa sistema kaysa walang maiuwi sa kani-kanilang mga pamilya. Dagdag pa ni Pang. Rolly, sadyang malaki ang epekto ng pagtaas ng krudo sa kanilang paggastos sa bawat araw. Kung noon ay nalilimitahan na ang mga paggastos gamit ang 700 pesos na kita sa isang araw, ngayon ay mas nabawasan ito dahil hanggang 500 pesos na lang o kakaunti pa rito ang kanilang kita.
“Malaki ang pagkakaiba kasi yung mga nagbaboundary ay talagang mahirap yun kasi bago tumaas ang krudo tapos uunahin pa nila yung pangboundary. Hindi katulad namin na kahit kumita kami ng kaunti, wala na kaming iisipin na boundary,” saad ni Ariel Vega, miyembro ng ELF-JODAI na may sariling jeep.
Pultank (full tank) ngunit kapos sa kita
“Ang ayuda paminsan ay 6,500 pesos. Halimbawa sa’kin, nakatanggap ako pero dalawang karga ko lang iyon. Kapag nag-pultank ako ay 1,500 pesos na agad. ‘Yung 1,500 pesos na ‘yan ubos ‘yan sa isang araw. Bale apat na araw lang ang 6500 pesos. Ang sistema, napakaliit ng binibigay na ayuda ng gobyerno.” Dagdag ni Pang. Rolly.
Para maihanda ang byahe sa isang buong araw, mas mainam na full tank ang mga jeep nang sa gayon ay iwas aberya sa byahe. Bagamat paminsang may natanggap na ayuda mula sa gobyerno, hindi ito naging sapat dahil na rin kalimitang sa diesel lamang napupunta ang sabsidiyang ibinibigay. Papaano pa ang mga tsuper na hindi nakatatanggap ng ayuda?
Ang P6,500 na ayuda na kanilang natatanggap ay isa sa mga mandato ng TRAIN Law upang magbigay tulong para sa mga tsuper kasabay ng pagtaas na presyo ng gasolina sa merkado. Gayunpaman, nananatiling hindi pa rin ito sapat at kung hindi iilan lamang ang siyang nakatatanggap ng ayuda ay may antala rin sa pagpapamahagi nito.
Maliban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, isa rin sa malaking problema ng mga tsuper ang mabigat na trapiko sa siyudad ng Los Baños at Calamba. Marami nang pag aaral ang nagsasabi na ang mga mabibigat na trapiko ay nagdudulot ng mas mabilis na pagkonsumo ng gasolina.
Trapiko. Mabigat na daloy ng trapiko sa kabaan ng Lopez Avenue malapit sa UPLB. Mula sa storyang The Road Always Taken: The Science of Traffic Congestion
in Los Baños.
Ayon sa datos na inilabas ng Department of Energy, higit na mas mataas nang 30 porsyento ang presyo ng gasolina sa kasalukuyan kumpara sa presyo nito noong Enero 2019. Kaugnay nito, habang papataas nang papataas ang presyo ng mga krudo, paliit din nang paliit ang kinikita ng mga tsuper sa pang-araw-araw.
Gasolina. Line chart na nagpapakita ng pagbabago ng presyo ng gasolina.
Gawa ni Andrei Leal.
Kung noong 2019, ang 700 pesos na kita ng isang driver sa isang araw ay makakabili na sila ng 1 kilong bigas, 1 kilong baboy, 1 kilong manok, 1 kilong tilapia, mga gulay at prutas, at isang galong tubig). Ngayong 2023 naman, sa kita nilang 500 pesos, isang kilong bigas, 1 kilong baboy, 1 galong tubig, at kakaunting gulay ang kaya nilang bilhin.
Bilihin. Representasyon ng kayang mabili ng mga tsuper sa kasalukuyan kumpara noong 2019. Gawa ni Andrei Leal.
Nananatiling mahirap para sa mga tsuper ang pang-araw-araw na buhay dahil bukod sa napipintong PUV phaseout at ang patuloy na pagtaas ng diesel ay hindi na sigurado kung may mabibili pa bang sapat at masustansyang pagkain para sa kani-kanilang mga pamilya mula sa kakarampot lamang na kita sa pamamasada.
Bagong makina, mas mabuti kaya?
“Ang makinang Euro 4 ang ipapalit. Sa ibang bansa Euro 6 na makina ang mga gamit nila. ‘Yang China magtatapon lang sila ‘pag may pagtatapunan ng mga piyesa ng mga Euro 4 na makina,” giit ni Pang. Rolly.
Ang Euro Emission Standards ay ang batayang sinusunod sa paggawa ng mga mas ligtas na makina para sa kapaligiran. Sa ilalim nito ay mayroong anim (6) na kategorya, Euro 1 hanngang Euro 6, kung saan Euro 1 ang may pinakamataas na nilalabas na usok na nakakasira sa kapaligiran, at Euro 6 naman ang may pinakamababa at ang pinakaligtas.
Isa sa pangunahing kadahilanan sa paglunsad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay ang misyon ng gobyerno na gawing mas environment-friendly ang transport system sa Pilipinas. Bagamat sa halagang hindi bababa ng P2.6 million kada modernized jeep, ipinagtataka ng mga tsuper kung bakit Euro 4 pa rin ang makinang gagamitin para sa mga ito, sa halip na Euro 6. Ikinakabahala nila na ang magiging kalidad ng mga modernized jeep ay masyadong mababa kung ikukumpara ito sa presyo na kakailanganin nilang bayaran.
Nitong ika-Disyembre 31, deadline ng pagkonsolida ng mga prangkisa ng mga tsuper at operator at kung matutuloy ang nakatakdang jeepney phaseout sa katapusan ng Enero, libo-libong mga driver at operators sa buong bansa ang malulubog sa milyun-milyong utang. At kung hindi sila aayon dito, napakarami pa rin ang mawawalan ng hanapbuhay at mapipilitang maghanap ng ibang trabaho.
Ang kalbaryong dala ng modernization program ay hindi lamang pasanin ng mga tsuper, kung hindi ay pati na rin ng mga milyun-milyong Pilipinong komyuter. Alinsunod sa pagsulong ng programang ito, mapipilitan nang itaas ang presyo ng pamasahe sa P30 hanggang P50 na talaga namang dagdag sa hirap sa pagsakay at pang-araw-araw na byahe ng mga komyuters.
“Ang gusto namin, pag-aralan mabuti bago ipatupad ang modernization na papalit sa traditional jeep na siguradong atin at hindi sa dayuhan. Sa madaling sabi, ginigisa sa sariling mantika ang mga operator, samantala ang mga namamahala ng kooperatiba na nasa opisina ay tagamando lamang, pero sila ang mas kumikita sa modernization,” saad ni Pang. Rolly.
Dahil sa pangamba na maidudulot ng nalalapit na PUVMP, hindi na nakakagulat na samu’t-saring mga grupo at organisasyon ng mga drivers at operators ang naglunsad ng kilos protesta at strikes bilang pagtutol dito. Hinaing nila na magpanukala ang gobyerno ng programa na hindi sila maiiwan at tiyak na para sa ikauunlad ng lahat at hindi ng iilan lamang.
Ayon sa pahayag ng tagapagsalita ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization, isang organisasyon ng mga tsuper sa buong Timog Katagalugan (STARTER-PISTON) na si Miguel “Tay Elmer” Portea, lahat ng mga problemang ito ukol sa modernisasyong isinusulong ng gobyerno ay sasagasa sa lahat ng mga ordinaryong mamamayan dahil mahal ang pamasahe na sasabay pa sa mahal na mga bilihin.
Dagdag pa ni Tay Elmer, masyado ring export dependent ang bansa simula sa pagkain, kasuotan, kagamitan, at ngayon ay sa usaping transportasyon—na pilit nilang tinatanggal at papalitan ng mga maka-dayuhang produkto. Kung saan, ayon sa kaniya, ito ay siya ring manipestasyon na hindi prayoridad ng gobyerno ang mga mamamayang nahihirapan at patuloy na naiiwanan sa pag-unlad na para lamang sa iilan ang interes.
Ika nga ni Pang. Rolly, daang libo ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa modernization program kuno ng gobyerno at daang libong pamilya, anak, pag-aaral ng mga anak ng tsuper din ang maapektuhan. Higit pa lalo ang magiging epekto nito sa mga nakiki-boundary na tsuper o nakikipasada lamang.
“Ang laban namin para sa aming kabuhayan ay aming ipagpatuloy para mabuhay ang aming pamilya. Ang laban sa phaseout ay laban ng mamamayan, hindi lang ng mga tsuper para sa traditional na jeep at dadalhin din naman sa kalsada para iparating sa gobyerno na tutol kami sa modernization”, patuloy na paggiit ni Pang. Rolly.
Natapos man ang deadline sa franchise consolidation ng mga PUJs noong Disyembre 31, 2023, hindi tumigil sa pagtindig ang mga tsuper at opereytor para sa kanilang hanapbuhay at serbisyo para sa mga komyuter.