Barya lang mula umaga: Mga tsuper at komyuter matapos ang pagtaas ng presyo ng gasolina

Ulat nina Raymond Balagosa at Carl Daniel Patambang

“Hari ng kalsada” kung bansagan ang mga jeepney at tsuper. Ngunit, lagpas isang buwan matapos ang mabilisang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng krisis sa Middle East, tila naging bihag sila ng kakarampot na kita sa araw-araw na pasada.

Isa sa kanila si Miguel “Ka Elmer” Portea, isang jeepney driver sa Laguna at Secretary-General ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER-PISTON). Ayon sa kaniya, kung noon ay may mga ruta na kinakailangan lamang ng halagang PHP 600.00 para sa krudo, umaabot na ito ngayon sa PHP 1200.00 hanggang PHP 1800.00—malayong mas mataas kaysa dati.

Bukod dito, hindi lamang krudo ang pinagkakagastusan ng mga tsuper na katulad ni Ka Elmer. Dumadaan din ang kanilang kinikita sa kaltas ng boundary para sa kanilang operator, bago dumulas muli sa kanilang kamay at mapunta sa pang-araw-araw na pangangailangan at kaliwa’t kanang bayarin.

“Oras-oras, minu-minuto, pumapatak ang metro ng gasolina at krudo. Hindi na kami nakaahon-ahon sa mga bayarin—multa dito, multa doon; singil dito, singil doon,” aniya. 

Para makaraos, mala-karera ang pakikipagsapalaran nila para lang may maiuwi sa kani-kanilang pamilya at kahit papaano ay may maihaing almusal kinabukasan. Sa ganitong sitwasyon, sinasabing kakailanganin ng anim hanggang walong ruta bago kumita.

“Kung wala ‘yon, uuwi ka rin nang [wala]. Minsan mag-aabono ka pa. [Tapos] kung hindi na kaya ng katawan mo na lumagari ng gano’ng karaming ruta, hindi ka talaga kikita. Sa personal kong buhay, matagal na ako sa kalsada, mag-aapat na dekada na e. Hindi araw-araw magagawa yung full-time na walong ikot—araw-araw papatayin mo ang katawan mo.”

PATONG-PATONG NA PROBLEMA

Kung dati ay pangamba na ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na siyang inaaasahang magpatigil sa hanapbuhay ng marami sa kanila, lalo pang nababawasan ang kanilang bilang dahil sa hindi tiyak na kapalaran sa lansangan.

Ka Elmer, jeepney driver sa Laguna at Secretary-General ng STARTER-PISTON, sinasalaysay ang buhay ng mga gaya niya sa gitna ng krisis. Kuha ni Kia Tenorio

“Kung mawawala kami at mapipilitan kaming tumigil dahil sa [mahal ng krudo] at sa pinangangambahang phaseout, magte-take over ‘yung malalaking korporasyon para sila na ‘yung umagaw ng aming hanapbuhay,” pangamba ni Ka Elmer, habang kinukuwento ang kalagayan ng mga miyembro nila.

Marami sa kanila ang tumigil na, hindi sa kusang-loob, kundi buhat ng kawalan ng pagkakakitaan at kakulangan ng suporta. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa raw dumarating ang ayuda o fuel subsidy, at kakaunti pa lamang ang mga gasolinahang mayroong fuel discount. Ang mga ito ay bahagi ng aksyon ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon matapos ang pagdedeklara ng national emergency—bagay na nakikita ring hindi pangmatagalang solusyon.

“Nilalaan ‘yung nakukuha sa [value-added tax] (VAT) para sa ayuda na hindi pa rin natatanggap ng mga tsuper ngayon. Nanatiling masama ang loob ng mga tsuper, kasi kailan pa sila [pamahalaan] kikilos? Kung kailan kami’y mga dilat na ang mata? [Kapag] wala na silang pagbibigyan ng ayuda?” pahayag ni Ka Elmer.

Samantala, sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Abril, umakyat sa 7.2% ang inflation rate sa bansa, indikasyon ng pagtaas ng mga presyo ng pangunahing produkto at serbisyo at pagbaba ng kakayahan ng mga taong makabili ng mga ito.

Gayong hindi na makasabay, nananawagan ang mga tsuper ng dagdag-pasahe. “Dati pinipigilan ‘yung pagtaas ng pamasahe dahil ayaw ngang tumaas ‘yung bilihin. Ngayon, baliktad na. Nauna nang tumaas ‘yung bilihin; kami nandito pa rin—barya,” dagdag niya.

Sa sitwasyong kahit bumababa na ang presyo ng langis mula nang umabot ito sa lagpas PHP 100.00 dahil sa mga regulasyong ipinatutupad at sa pansamantalang ceasefire sa mga naghihidwaang bansa, nananatiling malaki pa rin ito para sa kanila.

Sa bayan ng Los Baños, aprubado na ang PHP 6.00 na dagdag sa minimum na pamasahe ng tricycle at pampasaherong e-bike. Para sa mga jeepney, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng dagdag na PHP 1.00–2.00. Gayunpaman, PHP 200.00 hanggang PHP 300.00 pa rin ang naiuuwi ng mga jeepney drivers sa kani-kanilang mga pamilya kahit pa bumabiyahe nang lagpas sa labindalawang oras—at kahit pagkasiyahin ang mga pasahero sa magkabilang hanay ay hindi pa rin kaya.

Bilang pangunahing transportasyon sa Pilipinas, hirap din ang bunsod nito sa mga mananakay o pangkaraniwang Pilipino.

PAGKAMBYO NG MGA KOMYUTER

Sa isang pasada ng jeepney sa ruta ng Cabuyao–Calamba. Kuha ni Kia Tenorio

Para kay Kaye Payas, isang BS Devcom student na araw-araw bumabiyahe mula Maahas papuntang UP College upang pumasok, halos dumoble ang kaniyang dapat itabi para sa pamasahe kumpara noon. 

“Ngayon, pumapatak na sa PHP 60.00 ‘yung balikan ko,” aniya. Naging malaking dagdag ito sa palagiang gastusin ni Kaye, na kinukuha niya lamang sa allowance na galing sa kaniyang magulang at sa kaunting kinikita bilang student assistant. Noong mga nakaraang taon, PHP 11.00 lamang ang minimum na pamasahe ng isang estudyante. 

Gaya ng marami pang pasahero na araw-araw binabaybay ang daan sakay ng jeepney, hirap man ay hindi ito naging hadlang upang makatulong sila sa pangunahing apektado ng sitwasyon. 

Ayon sa kaniya, “Minsan, hindi na rin talaga ako humihingi ng sukli. Ang pamasahe ng estudyante ay nasa PHP 13.00, pero kadalasan talaga, PHP 15.00 ang binibigay ko o kaya PHP 20.00, depende na rin talaga kung may sobra akong pera.”

IISANG BIYAHE ANG LABAN

Mahigpit na naapektuhan ang mga komyuter sa naging pagtaas ng pamasahe; maluwag pa rin ang nagiging pagtulong ng iba sa mga tsuper na naghahatid-sundo sa kanila. Simula sa pasada hanggang sa lansangan, kasama ng jeepney drivers ang mga komyuter sa kanilang laban. 

“Sa ating jeepney drivers, patuloy na paghanga sa inyong sipag at tiyaga at walang hanggang pasasalamat sa inyo. Kung wala kayo, hindi mararating ng bawat pasahero ang kanilang destinasyon”, ani Kaye. 

Mula naman sa hanay ng mga tsuper, laking pasasalamat din ni Ka Elmer sa mga pasahero. “Nagpapasalamat kami sa mga sektor na nakakaunawa at alam naming kasama namin sila sa laban naming ito. Talagang laban ito kasama ang komyuter.”

Si Ka Elmer noong Mayo Uno bilang bahagi ng ika-123 taon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Calamba Crossing. Kuha ni Jeaver Aoanan

Nito lamang Mayo Uno, bitbit pa rin ng PUV drivers at operators ang kanilang panawagan laban sa mas makataong presyo ng krudo na patuloy na nagpapababaw ng kanilang bulsa at nagpapagaan ng kanilang sikmura. 

Para kay Ka Elmer, pasanin ng mga maliliit na mamamayan ang kasalukuyang kalagayan, mula sa uring magsasaka hanggang sa mga manggagawa. Hangarin nilang ipakita na ang sama-samang pagkilos ang magtutulak para ipakita sa gobyerno ang tamang landas patungo sa tunay na pagbabago. 

“Hindi natin nilalabanan ang gobyerno. Ang nilalabanan natin ay yung sistemang nagpapahirap sa atin,” dagdag pa niya. 

‘BARYA NA LANG’ SA ISANG ARAW

Lagpas isang buwan mula nang magsimulang sumirit ang presyo ng krudo, patuloy itong nagpapabigat sa buhay ng mamamayang Pilipino. 

“Tagos sa pagiging jeepney driver, bilang isang padre de pamilya, may mga anak din kaming manggagawa na halos wala nang kinikita. ‘Yung estudyante namin, paano pa mag-aaral kung wala na kaming kabuhayan?” tanong ni Ka Elmer at ng kaniyang mga kasamahan.

Habang pinapabagal ng dagok na ito ang kabuhayan ng mga hari ng kalsada, ginigipit din nito ang mga komyuter na umaasa sa jeepney bilang pangunahing transportasyon para makarating sa eskwela, trabaho, o kung saan man nagsisimula at nagpapatuloy ang kanilang buhay. 

Iisa ang tiyak: kapwa mang biktima ng sitwasyon, hindi pa rin nawawala ang pag-unawa at pagtulong sa isa’t isa—kahit barya ang kayang ibigay, kahit barya na lang ang kitain, at kahit barya na lang ang matira. Pero gaya ng kanilang hiling, hindi sana barya lang magmula umaga.