Ulat nina Monica Cunanan, Sofia Elauria, at Pauline Esguerra
Gutom. Tulong. Pagtitiis. Ganito mailalarawan ang kalagayan ng ilang estudyanteng tulad ni Ji, na dumudulog sa UPLB Helpdesk upang humingi ng tulong pinansyal.
Kapansin-pansin ang mga post sa mga Facebook groups, freedom wall, at ating newsfeeds kung saan ibinabahagi ng ilang estudyante ang kanilang pangangailangang pinansyal, kabilang ang pambili ng pagkain at pantustos sa iba pang gastusin sa pag-aaral.
Batay sa datos na nakalap noong 2025 sa UPLB Helpdesk, Agosto at Setyembre ang mga buwang may pinakamataas na bilang ng mga estudyanteng humingi ng tulong pinansyal sa grupo. Kapansin-pansing kasabay ito ng pagsisimula ng unang semestre, kung kailan dumarami ang gastusing kaugnay ng pagbabalik sa unibersidad. Kabilang sa mga dahilan ng kanilang paghingi ng tulong ang gastusing medikal at pamasahe pabalik sa Los Baños.
Samantala, Nobyembre naman ang may pinakamataas na bilang ng mga paghingi ng pautang. Isa sa mga nakitang dahilan ang pagkaantala ng stipend at pagproseso ng tulong mula sa Student Learning Assistance System (SLAS) at iba pang programa ng student assistance.
Sa likod ng mga panawagang ito ay mga estudyanteng nagsisikap na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng limitadong kakayahang pinansyal.
Kapag hindi sapat ang tulong
Isa si Ji sa mga estudyanteng nagbahagi ng kaniyang karanasan sa paghingi ng tulong pinansyal sa UPLB Helpdesk. Aniya, lalo pang naging mahirap ang pagtustos sa kaniyang pag-aaral matapos pumanaw ang kaniyang ama, na pangunahing sumusuporta sa kaniyang edukasyon, kasabay ng pagdami ng mga bayarin.
“Bilang estudyante, napakahirap ng wala kang pera. Katulad ko na hindi ‘privileged enough.’ May tendency talaga na manghingi ka ng tulong sa ibang tao through any means,” ani niya.
Batay sa kaniyang karanasan, hindi madaling makakuha ng tulong mula sa ilang pribadong scholarship dahil sa mahihigpit na pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo. Para kay Ji, mahalagang isaalang-alang hindi lamang ang akademikong performance kundi pati ang pinansyal na kalagayan at iba pang pangangailangan ng mga estudyante.
“Iyong iba kasi super strict. Gets, priority nila ‘yung mga matataas ang grades, pero hindi naman dapat ‘yun lang ‘yung laging basehan. Sana kahit ‘yung hirap din academically, naco-consider kasi mag-aaral pa rin sila,” aniya.
Dagdag pa niya, makatutulong ang mas malaking pondong nakalaan para sa financial assistance upang hindi makompromiso ang kakayahan ng mga estudyanteng matuto at makapag-aral.
“Mas masaya kasing matututo at mag-aral kung alam mong secured ka,” ani Ji.
Ngunit hindi lamang ang pagiging kwalipikado sa mga scholarship at grant ang hamon. May mga estudyanteng pasok naman sa mga programa ng tulong pinansyal ngunit nakararanas pa rin ng paghihirap dahil sa pagkaantala ng kanilang stipend.
Kapag delayed ang stipend
Ayon kay Mae, isa ring estudyanteng dumudulog sa UPLB Helpdesk, ilan sa mga humihingi ng tulong sa pamamagitan ng crowdfunding ay mga iskolar na naghihintay sa kanilang allowance mula sa mga scholarship ng unibersidad at pamahalaan.
Habang lumilipas ang mga araw nang hindi dumarating ang inaasahang stipend, kailangan pa rin nilang tustusan ang pagkain, pamasahe, at mga kagamitang ginagamit sa pag-aaral. Para sa mga estudyanteng umaasa sa allowance bilang pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw na gastusin, maaaring maging mabigat ang epekto ng pagkaantala nito.
Ipinakikita ng kanilang mga karanasan na hindi lamang pagiging kwalipikado sa tulong pinansyal ang dapat isaalang-alang. Mahalaga ring matiyak na naipagkakaloob ang tulong sa panahong kailangan ito ng mga estudyante.
Sa ganitong sitwasyon, nagiging pansamantalang daluyan ng tulong ang social media. Sa pamamagitan ng UPLB Helpdesk, naipaaabot ng mga estudyante ang kanilang mga pangangailangan sa mga taong maaaring tumulong sa kanila.
Gayunman, may kaakibat ding mga hamon ang paghingi ng tulong sa online na espasyo, lalo na pagdating sa beripikasyon ng pagkakakilanlan at seguridad ng mga humihingi at nagbibigay ng donasyon.
Mga programa ng UPLB OSG
Sa kabila ng mga panawagan sa UPLB Helpdesk, may mga programang pinansyal ang unibersidad na maaaring lapitan ng mga estudyanteng nangangailangan.
Isa rito ang Grants-in-Aid Program (GIAP), kung saan ginagamit ang Student Learning Assistance System (SLAS) bilang online system para sa aplikasyon ng mga grant at iba pang uri ng tulong pinansyal.
Nilinaw ni Direktor Ariel Babierra ng OSG na bukas ang aplikasyon sa SLAS para sa mga estudyante ng UPLB. Gayunman, nagkakaiba ang uri at antas ng tulong na maaaring matanggap batay sa socioeconomic characteristics ng pamilya ng aplikante.
Kabilang sa mga benepisyong maaaring makuha ang Full Discount with Stipend (FDS). Ayon kay Babierra, kabilang sa mga pamantayan para rito ang taunang kita ng pamilya na hindi lalampas sa ₱85,000.
Ipinaliwanag din niya na ang mga diskwento sa matrikula ay para sa mga estudyanteng hindi na saklaw ng libreng matrikula sa ilalim ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Para naman sa mga estudyanteng nangangailangan ng pansamantalang pautang, may Cash Loan Assistance Program (CLAP) ang OSG. Tulad ng ibang programa ng tulong pinansyal, kailangang sumailalim sa proseso ng aplikasyon at sumunod sa mga kondisyong itinakda para sa mga benepisyaryo.
Mayroon ding food loan program ang opisina, ngunit pansamantala itong itinigil dahil sa kakulangan ng mga concessionaire na makatutulong sa pagpapatuloy ng proyekto.
Ipinakikita ng mga programang ito na may mga mekanismo ang unibersidad upang tugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga estudyante. Gayunman, mahalaga ring malaman ng mga estudyante ang mga programang maaari nilang lapitan, gayundin ang mga pamantayan, proseso, at panahon ng pagproseso ng kanilang aplikasyon.
Good samaritans mula sa komunidad
Bukod sa mga programang pinansyal ng UPLB OSG, may mga inisyatiba rin sa komunidad na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga estudyanteng kapos sa pinansyal na suporta.
Isa rito ang Elbiyaya, isang inisyatibang sinimulan ni JJ De Chavez noong 2022, sa panahon ng pandemya. Sa pamamagitan ng crowdfunding o sama-samang pangangalap ng donasyon, nakakalikom ito ng pondo upang makabili at makapagbahagi ng pagkain sa mga estudyanteng nangangailangan.
Samantala, may Blessing on a Plate (BOAP), isang inisyatiba ng Church Among the Palms na nagsimula noong 2018. Nagbibigay ito ng libreng pagkain sa mga benepisyaryo tuwing ikalawa at ikaapat na Huwebes ng buwan, bilang tulong sa mga nangangailangan ng karagdagang pantustos sa pagkain.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, nagiging katuwang ng mga pormal na programa ng unibersidad ang mga organisasyon at miyembro ng komunidad sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga estudyante. Bagaman magkaiba ang kanilang pamamaraan, kapwa nila ipinakikita kung paano nagiging konkretong suporta ang pagtutulungan—mula sa pangangalap ng donasyon hanggang sa paghahanda at pamamahagi ng pagkain.
Higit pa sa paghingi ng tulong
Bagaman may mga programang pinansyal ang unibersidad, patuloy na lumilitaw sa UPLB Helpdesk ang mga panawagan para sa pagkain, pamasahe, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa mga karanasan nina Ji at Mae, magkaiba man ang pinagmumulan ng kanilang suliranin, kapwa nila ipinakikita ang kahalagahan ng tulong na hindi lamang sapat kundi napapanahon at naaabot ng mga nangangailangan.
Para sa mga estudyanteng hindi pasok sa pamantayan ng ilang scholarship, mahalaga ang pagkakaroon ng mga programang isinasaalang-alang ang iba’t ibang kalagayan ng mga mag-aaral. Para naman sa mga iskolar na naghihintay sa kanilang stipend, mahalaga ang maayos at napapanahong pagproseso ng tulong na ipinagkaloob na sa kanila.
Samantala, ang paggamit ng social media bilang daluyan ng tulong ay nagpapakita ng kakayahan ng komunidad na tumugon sa pangangailangan ng kapwa. Ngunit hindi nito dapat palitan ang mga sistematikong mekanismo ng suporta na inaasahang magagamit ng mga estudyante.
Sa huli, nananatili ang tanong kung paano matitiyak na ang bawat estudyanteng nangangailangan ay may ligtas, napapanahon, at sapat na mapagkukunan ng tulong—nang hindi kailangang ilantad ang sarili sa panghuhusga o pananamantala upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
