Tumataas ang renta, lumiliit ang badyet: Problema sa dorm rental sa Los Baños

Ulat nina Vianney Gonzales, Steph Lobo, at Luna Macutay

Nang dumating si Hanna Morales sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) mula sa isang malayong probinsya, naging susi ang mas murang UP Dormitories upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Sa tulong ng diskwento mula sa Student Learning Assistance System (SLAS), umaabot lamang sa humigit-kumulang ₱600 kada buwan ang kaniyang bayarin sa dormitoryo—halagang aniya’y nagbigay sa kaniya ng pagkakataong makapag-aral sa Los Baños sa halip na manatili sa kanilang probinsya.

Ngunit kahit subsidized ang renta, hindi nito lubusang naaalis ang hirap ng pamumuhay. Sa pagtaas ng presyo ng utilities at iba pang gastusin, napipilitan siyang magtipid sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

“Minsan kumakain ako ng isa o dalawang beses sa isang araw,” ani Hanna.

Para sa kaniya, ang dormitoryo ay parehong oportunidad at kompromiso—isang espasyong nagbibigay ng access sa edukasyon, ngunit may kaakibat na sakripisyo sa kalidad ng pamumuhay.

Hindi lamang si Hanna ang nahaharap sa ganitong kalagayan. Habang dumarami ang mga estudyante at manggagawang naghahanap ng matitirhan malapit sa UPLB, nagiging mas mahirap para sa ilan ang paghahanap ng tirahang pasok sa kanilang badyet.

Tumataas na presyo, tumataas na pangangailangan

Sa nakalipas na mga dekada, naging sentro ang Los Baños hindi lamang ng edukasyon kundi maging ng iba’t ibang aktibidad pang-ekonomiya. Kasabay ng pagdami ng mga taong naghahanap ng tirahan malapit sa UPLB ang patuloy na pangangailangan para sa dormitoryo, apartment, at iba pang uri ng pabahay.

Para sa ilang residente, nangangahulugan ito ng paglipat sa mas malalayong barangay o karatig-bayan upang makahanap ng mas murang renta. Para naman sa mga estudyante, nagiging bahagi ng kanilang buwanang pagbabadyet ang pagbabalanse sa gastusin para sa pagkain, pamasahe, utilities, at tirahan.

Ayon kay Ma. Janda Ira Felina Benedictos ng UPLB College of Economics and Management, kabilang sa mga pangunahing salik na nakaaapekto sa presyo ng renta ang supply at demand, lalo na matapos ang pandemya at ang muling pagbabalik ng face-to-face classes.

Habang bumabalik ang mga estudyante sa kampus, bumabalik din ang pangangailangan para sa matitirhan malapit sa unibersidad.

“’Di maiiwasang sakripisyo”

Magkakaiba man ang kalagayan ng mga dormer, pareho nilang kinakaharap ang pangangailangang magtimbang sa pagitan ng presyo, lokasyon, at kalidad ng tirahan.

Isa sa kanila si Chi Agapito, na nagbabayad ng humigit-kumulang ₱4,500 kada buwan para sa isang pribadong espasyo sa dormitoryo, kasama na ang utilities. Mahalaga para sa kaniya ang pagiging malapit sa UPLB, ngunit hindi niya maiwasang kuwestiyunin kung katumbas ba ng presyo ang kalidad ng kaniyang tinitirhan.

“Sa tingin ko, hindi makatarungan ang pricing sa housing dito sa Elbi,” ani Chi. “It’s just… medyo unreasonable yung price sa quality ng mismong housing.”

Para sa mga estudyanteng may limitadong allowance, ang mataas na renta ay maaaring mangahulugan ng pagbabawas sa badyet para sa pagkain, school requirements, at iba pang pangangailangan. Ang ilan ay pinipiling tumira sa mas malalayong lugar tulad ng Maahas at Anos kapalit ng mas mahabang biyahe patungo sa kampus.

Pananaw ng ekonomista: supply, demand, at kakayahang magbayad

Para kay Benedictos, hindi lamang dami ng available na tirahan ang nakaaapekto sa presyo. May papel din ang kakayahang magbayad ng mga naghahanap ng tirahan.

“The suppliers know that even though they have high prices, there is someone who’d be able to pay for that. That is why they are not afraid to jack up their prices or maintain those prices, because they know there will be other inquiries,” paliwanag niya.

Ayon sa kaniya, marami nang dormitoryo at apartment ang itinatayo sa paligid ng kampus bago pa man ang pandemya. Ngunit nang tumaas muli ang enrollment at bumalik ang face-to-face classes, lalo pang lumaki ang demand para sa pabahay.

Napansin din niya ang pagbabago sa preference ng mga estudyante. Kung dati ay mas karaniwan ang shared rooms at mas maraming magkakasama sa isang unit, mas marami na ngayon ang naghahanap ng solo rooms o mas pribadong espasyo.

Kasabay ng mas mataas na demand para sa ganitong uri ng tirahan ang posibilidad ng mas mataas na renta.

Dagdag pa ni Benedictos, maaaring maging hamon para sa mga naghahanap ng matitirhan ang kakulangan ng malinaw na impormasyon tungkol sa presyo, kalidad, at availability ng mga unit. Kapag limitado ang pagpipilian, maaaring mapilitan ang ilang estudyante na tanggapin ang unang available na tirahan kahit hindi ito ganap na pasok sa kanilang badyet o inaasahang amenities.

Panig ng isang landlord

Ngunit iba ang pananaw mula sa kabilang panig ng rental market.

Ayon sa isang landlord na tumangging magpakilala, hindi naman umano drastiko ang itinaas ng kanilang renta sa nakalipas na pitong taon. Para sa kaniya, mas nakabatay ang presyo sa mga gastusin sa maintenance, buwis, labor, at construction materials kaysa sa patuloy na demand mula sa mga estudyante.

“Kung gusto mo mas mura, siyempre expect mo na mas malayo talaga,” ani niya.

Hindi lamang mga estudyante ang kaniyang mga nangungupahan kundi pati young professionals at pamilya. Dahil dito, aniya, hindi nakabatay sa pagiging estudyante o hindi ng tenant ang presyo ng kanilang mga unit.

Binanggit din niya ang gastusin sa pagpapanatili ng mga apartment at dormitoryo, kabilang ang paglilinis at pagkukumpuni matapos umalis ang mga nangungupahan. Dahil dito, may ilang landlord na naniningil ng cleaning fees o karagdagang utility charges.

Gayunman, aminado rin siyang may ilang nagpapataas ng presyo dahil alam nilang mataas ang demand. Para sa kaniya, nasa mga nangungupahan pa rin ang pagpapasya kung tatanggapin nila ang presyong iniaalok.

Ang nakikinabang, ang nahihirapan

Sa patuloy na pangangailangan para sa pabahay, hindi pantay ang epekto nito sa lahat ng nasa Los Baños.

Habang may mga may-ari ng apartment at iba pang property owners na nakikinabang sa mataas na demand, kailangang makipagsabayan sa rental market ng mga matagal nang residente, pamilyang mababa ang kita, empleyado, at guro na naghahanap din ng tirahan malapit sa kampus.

Kasabay nito ang pagbabago sa paggamit ng lupa habang dumarami ang residential development sa paligid ng bayan. Ang paglago ng housing market ay bahagi ng mas malawak na pagbabago sa Los Baños bilang sentro ng edukasyon at aktibidad pang-ekonomiya.

Para kay Benedictos, may epekto rin sa lokal na merkado ang pagbabago sa purchasing power ng mga residente at renters. Habang tumataas ang kakayahang gumastos ng ilang bahagi ng populasyon, maaaring mag-adjust ang presyo ng ilang produkto at serbisyo upang tumugon sa pagbabago sa demand.

Proteksyon at polisiya

Sa mga panayam, lumitaw din ang usapin ng regulasyon sa rental housing.

Ayon kay Benedictos, may pangangailangan para sa mas malinaw na mekanismo upang matiyak ang patas na impormasyon tungkol sa presyo at kondisyon ng mga unit, gayundin ang maayos na maintenance at proteksyon para sa mga nangungupahan. Hamon din ang kapasidad ng lokal na pamahalaan na i-monitor ang mga rental property at ipatupad ang mga umiiral na housing standards.

Mula naman sa panig ng mga landlord, binanggit ang pagkakaroon ng ilang apartment operators na umano’y walang kumpletong permit bilang hamon sa mga rehistrado at sumusunod sa mga kinakailangang regulasyon.

Kabilang sa mga mungkahing lumitaw ang mas transparent na rental data, mas maayos na monitoring ng mga dormitoryo at apartment, at mas malawak na koordinasyon ng unibersidad, lokal na pamahalaan, at private sector upang mapalawak ang access sa abot-kayang pabahay para sa mga estudyante.

Higit pa sa presyo ng renta

Sa dulo, hindi lamang halaga ng renta ang nakataya sa housing situation ng Los Baños. Makikita ito sa mga gastusing kailangang bawasan upang magkasya ang buwanang badyet, sa oras na nauubos sa mas mahabang biyahe, at sa pangambang baka hindi makahanap ng matitirhan sa susunod na semestre.

Para kay Hanna, ang murang dormitoryo ang naging daan upang makapag-aral siya sa UPLB. Ngunit kahit mababa ang kaniyang renta, may iba pang gastusing kailangang pagkasyahin sa limitadong badyet.

Samantala, para kay Chi, ang pagiging malapit sa kampus ay may presyong kailangang timbangin laban sa kalidad ng kaniyang tirahan.

Magkakaiba man ang karanasan ng mga estudyante, residente, landlord, at iba pang stakeholder, ipinakikita ng kanilang mga kuwento na ang pabahay sa isang university town ay hindi lamang usapin ng supply at demand. Kasama rito ang access sa edukasyon, kalidad ng pamumuhay, oras sa pagbiyahe, at kakayahang makahanap ng ligtas at angkop na tirahan.

Ang hinaharap na haharapin

Patuloy na nagbabago ang Los Baños bilang sentro ng edukasyon at lokal na ekonomiya. Kasabay ng pag-unlad na ito ang pangangailangan para sa pabahay na kayang abutin ng iba’t ibang sektor ng komunidad.

Ipinakikita ng mga kuwento nina Hanna, Chi, Benedictos, at ng landlord na walang iisang karanasan sa rental market. May mga landlord na humaharap din sa tumataas na gastusin sa pagpapatakbo ng kanilang mga property, habang may mga nangungupahang nahihirapang pagkasyahin ang renta sa kanilang buwanang badyet.

Sa gitna ng magkakaibang interes na ito, nananatiling hamon kung paano matitiyak na ang paglago ng Los Baños ay sasabay sa pagkakaroon ng pabahay na ligtas, maayos, at abot-kaya—upang ang tirahan malapit sa unibersidad ay manatiling abot-kamay hindi lamang ng mga may kakayahang magbayad, kundi ng mas malawak na bahagi ng komunidad.