Kuwento ni Miguel Banatin
Sa isang sulok ng Bay Central Elementary School, matatagpuan ang tatlo sa limang SPED Teachers ng buong paaralan: sina Ma’am Lina Parducho, Ma’am Leonila Baguisa, at Ma’am Geraldine Ilagan. Sila ang magigiting na gurong taon-taon ay nagtitiyaga sa pagtuturo sa mga batang may kapansanan sa Bay. Tangan ang iisang hangarin na maturuang maging independent ang kanilang mga mag-aaral at mapa-mainstream ang mga ito, samahan niyo akong tuklasin ang kanilang kuwento dito sa Los Baños Times.

Bilang isa mismong residente ng Bay mula pagkabata, lingid sa aking kaalaman na may ganitong programa sa Bay Central Elementary School (BCES). Ipinaliwanag ni Ma’am Lina Parducho (SPED Teacher 1) na sa kasalukuyan ay lima silang guro na nagpupursiging sanayin at kalingain ang mga mag-aaral ng BCES na may mga espesyal na pangangailangan. Ang special education program sa Bay ay naglalayong maturuan ang mga bingi (hard of hearing), bulag (visual impairment), may intellectual disability, may autism spectrum disorder (ASD), at iba pa na nakabatay sa kurikulum na ipinatutupad ng DepEd.

Leonila Baguisa, SNED Teacher
Ayon kay Gng. Leonila Baguisa, o mas kilala bilang Ma’am Leony, walang kinalaman sa special education ang kursong kanyang tinapos. Sa katunayan, isang pagkakataon lamang ang naghatid sa kanya sa larangang ito. “Nag-uusap sila noon na… about… na… sa mga bata na mayroong visual impairment, na pwede makabasa, makasulat. So, nangangailangan sila ng teacher para sa mga batang yun na ipapadala sa training. So, parang na-curious ako. Nag-isagot ako sa kanila, talaga, na-curious ako, talaga? nakakabasa? nakakasulat ang mga blind?” Bunga ng pangangailangan para sa isang guro para sa mga bulag at bunga rin ng kuryosidad ni Ma’am Leony ay tinanggap niya ang hamon na magturo sa mga mag-aaral na may kapansanan sa paningin.
Hamon sa pagtuturo


Ibinahagi ni Ma’am Leony ang ilan sa kanyang karanasan sa pagtuturo sa mga mag-aaral na may visual impairment o VI. Nabanggit niya na isa sa kanyang mga suliranin bilang SPED teacher ay ang kahirapan sa paghahanda ng mga materials upang magamit ng mga mag-aaral sa kanilang lessons. Kinakailangan pa kasi itong padaanin sa brailler at ilapat sa mga reading books ng mga mag-aaral. Pasasalamat niya na lamang sa kanyang mga estudyante na tinutulungan siyang gumawa ng mga ito upang mas mapagaan ang kanyang mga trabaho.

Geraldine Ilagan, SPED Teacher 1
Sa kabilang banda ay naroroon naman si Gng. Geraldine Ilagan, o mas kilala bilang Ma’am Ghe. Tulad ni Ma’am Leony, ibinahagi rin ni Ma’am Ghe ang kanyang nakaraan. Ipinaliwanag niya na Occupation Therapy ang kursong kanyang tinapos at hindi education. hindi talaga siya nagtapos ng kursong education. Nagtapos siya ng kursong Occupational Therapy. Bagama’t hindi konektado ang kanyang kurso sa pagtuturo, nahanap niya naman ang kanyang layunin dito na kalingain ang mga batang may kapansanan at tulungan silang maging independent.
Nagtuturo siya ng mga batang may Autism Spectrum Disorder o ASD. Pagpasok ko sa kanilang silid-aralan, napansin kong ito ay nakakandado. Ipinaliwanag ni Ma’am Ghe na ginagawa nila ito upang maiwasan ang paglabas ng mga mag-aaral sa klasrum. Ang TV, mga laruan, at noise-attenuating headphones, ang ilan sa mga kasangkapang kasangga niya sa pagtuturo sa mga batang may ASD.
Ang pagsubok na dulot ng ASD

Ibinahagi rin ni Ma’am Ghe ang ilan sa mga suliranin na hindi lang siya ang kumakaharap, pati na rin ang kanyang mga mag-aaral at kanilang mga magulang. Una na sa listahan ang kakulangan sa mga SPED Teachers. Kung tutuusin, mas higit pa sa kargo ng iisang guro ang pinapasan ng mga SPED Teachers ng BCES. Sa konteksto ni Ma’am Ghe, ipinaliwanag niya na higit pa raw sa inaasahang bilang ng mga estudyante ang naieenroll sa kanyang klase kada magsisimula ang mga taong panuruan sa paaralan.
Ang bilang ng mga mag-aaral sa special education ay hindi dapat ikinukumpara sa mga bilang ng mag-aaral sa mainstream o sa normal na klasrum, ayon kay Ma’am Ghe. Ang saloobing ito ay nakaangkla sa karanasang di-hamak na mas mabigat ang pagtuturo sa mga batang may ASD. Kinakailangan niyang tantsahin, disiplinahin, at turuan ang kanyang mga mag-aaral nang may pagmamahal—lalo na kapag sila ay nagkakaroon ng meltdown o matinding reaksyon sa pagka-overwhelm. Kinakailangan lagi niya ng karagdagang lakas upang gabayan at tutukan ang mga ito ayon sa kanyang pagkakakilala sa kanilang mga sarisariling identidad.
Ibinahagi rin ni Ma’am Ghe nagkaroon na ng ugnayan sa pagitan ng mga guro sa SPED, sa mga guro ng mainstream, at sa mga taong may katungkulan hinggil sa isyung ito. Ipinaliwanag ni Ma’am Ghe na lagi na nila itong binabanggit sa mga mahahalagang pagpupulong. Nagpaliwanag naman ang mga guro mula sa mainstream na hindi talaga nila kaya ang dami ng mga mag-aaral sa isang section at dagdag pa ang mga SPED students na ipapa-mainstream. Nangangahulugan lamang ito na sadyang may malaking kakulangan sa mga guro at sa suportang nanggagaling mula sa taas.
Nagkaroon na lamang ng unawaan sa pagitan ng SPED teachers at mga guro sa mainstream na hindi muna sila tatanggap ng karagdang mag-aaral na magmumula sa SPED dahil sa mga nasabing kalagayan at pangyayari. Dahil dito, tuloy-tuloy pa rin ang araw-araw na hirap at pasakit na kanilang karga-karga bunga ng sobra-sobrang bilang ng mga mag-aaral. Humihingi sila ng suporta at pagdinig sa kanilang mga hinaing—na sana ay magkaroon na ng nararapat na aksyon at interbensyon hinggil sa paksang ito.

Lina Parducho, SPED Teacher 1
Si Ma’am Lina naman ang nagbibigay boses at pandinig sa mga mag-aaral ng BCES na mayroong hard of hearing condition o kapansanan sa pandinig. “Education ako, Bachelor of Science in Elementary Education. Since malapit nga sa amin ‘yong deaf school, bata pa ako, halos… nakamulatan ko na na may mga deaf… Kasi may tindahan kami.” Ipinaliwanag niya na hindi rin special education ang kinuha niyang major. Nabigyan lamang din siya ng pagkakataong makapagsilbi sa paaralan bilang isang SPED teacher simula pa noong 1990s.
Ibinahagi ni Ma’am Lina ang diskriminasyong nasaksihan niya hinggil sa mga SPED students. “Aware sila ngayon. Pero dati, hindi masyado. Kasi minsan, noon na, ‘bakit kasi pinapapasok pa ‘yong mga SPED na ‘yan? Mga ganito, mga ganyan.’ Siyempre nasaktan kami”, saad niya. Ipinaliwanag ni Ma’am Lina na mayroon pa rin talaga diskriminasyon ngunit hindi na katulad ng dati. Subalit may mga magulang naman daw na in denial.
“Sabi baga no’ng tatay, ‘Ma’am, mga ilang buwan kaya, ilang ano kaya, sa graduation kaya nakakarinig na yung anak ko? Nakakapagsalita na po kaya yung anak ko?’ Hala, hindi po ako therapist, hindi po ako ano.”
Tinig ng mga magulang
Nagbahagi ng karanasan si Devi Raymundo, isang ina ng isa sa mga mag-aaral ni Ma’am Geraldine. Ipinaliwanag niya na malaking tulong ang special education program sa BCES at ang mga guro bilang mga kaagapay nila sa paggabay sa kanilang mga anak. Kasama ng matiyagang pagpapa therapy sa medical experts ay ang mabusising pag-alalay ng mga guro sa pagpapasa sa kanilang mga anak ng mga kinakailangang kaalaman sa paaralan. “As much as possible, sana, early intervention, diagnosis, as much as possible, as early as 3 years old, magti-therapy. Kasi maraming yung magagawa ng therapy para matulungan ng isang magulang.” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, nagpahayag din ng kanyang karanasan si Rosita Cornelio, isa pang magulang ng isa ring mag-aaral ni Ma’am Geraldine. “Opo. Ang laki po ng improvement niya sa pag-aaral niya kaya masayang masaya po ako. Kasi dati wala po akong alam na meron palang ganito… may nagtuturo pala. Kasi sabi nila sa private daw… ang mahal.” Ipinaliwanag niya na kahit walang therapy ang kanyang anak ay nagkakaroon naman ito ng improvement.
Disiplina sa bahay at paaralan
“It’s very important. Talagang every, actually, nag-orientation kami, talagang idinidiin ko po na kailangan po ng support ninyo. Kasi, sabi ko, pag sa school, ilang oras lang sa amin. Mas mahabang oras sa inyo.” Ipinaliwanag ni Ma’am Ghe na kinakailangang nagkakaisa sila ng mga magulang sa pagsasanay sa mga bata. Kung ano ang mga rules o patakaran ni Ma’am Geraldine ay dapat din sanang ina-apply ng mga magulang sa kanilang mga tahanan.
Ipinaliwanag ni Ma’am Ghe na hindi therapist ang tungkulin nila sa mga mag-aaral, kundi mga guro na nagbabahagi sa kanila ng kaalamang magagamit nila sa araw-araw. Isa sa pinakamasasaklap na katotohanang aking natuklasan ay hindi lahat ng magulang ay may kakayahang ipa-therapy ang kanilang mga anak. Maraming nagpupursigi na isali sila sa mga programang katulad nito, ngunit hindi ito sapat upang matulungan ang kabuoang development ng mga batang may ASD.
Lente ng mga mamamayan
Nagbahagi rin ng kanilang mga saloobin ang ilang mamamayan ng Bay tungkol sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Ayon kay Rogel Arcillas, isang miyembro ng Lupong Tagapamayapa sa Brgy. Dila, ang ASD raw ay inborn na sakit na bunga siguro ng kakulangan sa ina. “Ngayon siguro may kakulangan sa ina. Kaya nagkaroon ng problema gano’n. Mga bitamina, ganyan. Mga supplements sa katawan.” saad niya. Kung nagkaroon lamang ng sapat na pangangailangan ang mga ina ng mga may ASD ay hindi sana magkakaganoon ang kanilang mga anak.
Ayon naman kay Sonia Martinez, isang business owner sa pamilihan ng bayan, hindi raw dapat isinasama ang mga batang may espesyal na pangangailangan sa mainstream na silid-aralan. “Parang hindi sila bagay isama dyan sa regular. Kasi parang mapapag-iwanan sila or pwedeng ano-han ang ibang kaklase.” Nang aking itanong kung may kamalayan siya sa isinusulong na inclusive education ng DepEd ay saka siya sumang-ayon na maaari rin naman silang isama, kung may sapat na paggabay mula sa paaralan.
Alinsunod sa Republic Act No. 11650 o Inclusive Education Act of 2022, binibigyang diin ang proteksyon at karapatan ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan na tanggapin, huwag tanggihan, at huwag diskrimanihan sa mga taong panuruan matapos ipatupad ang batas noong 2022.
Pag-asa sa gitna ng lahat
Ayon kay Ma’am Ghe, may pag-asang ma-develop ang brain ng mga batang may ASD. Kaya nilang makipagsabayan sa mga mag-aaral na nasa mainstream na klasrum kung mabibigyan ng sapat na suporta at atensyon. Kaya rin nilang makapagtapos sa kurikulum na ipinatutupad ng DepEd at ng CHED at magkaroon ng disenteng trabaho. Sa katunayan, ibinahagi ni Ma’am Ghe na may isang mag-aaral na siyang nakapagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Isa itong patunay sa lahat ng magulang nangangarap ng mataas para sa kanilang mga anak sa gitna ng kanilang kapansanan.
Munting pangarap at panawagan
Nagpahiwatig ng kanilang munting mga pangarap at mga huling panawagan ang mga magulang ng mga bata. “Wala naman kaming ibang hangad na mga magulang kudi makatapos siya sa pag-aaral, at magkaroon din siya ng sarili niyang pamilya kung sakali.” saad ni Angielyn. Ipinararating din niya sa mga magulang na may kaparehong sitwasyon na huwag silang sumuko. Pagtulong at pakikisalamuha naman ang kanyang munting hiling mula sa lipunan.
Ayon naman kay Devi, ang hangad niya ay magkaroon ng mas malawig na autism awareness sa mga tao sa komunidad. Hangad niyang tanggapin sila ng mga tao bilang parte rin ng lipunan. Ipinararating niya sa lahat ang konsepto ng inclusion, sa simbahan, sa pamilihan, sa mga kainan, sa mga school activities na kasali sila, at sa mga mall. Nananawagan siya na nawa ay mapatid na ang ‘di matapos-tapos na diskriminasyon sa komunidad.
Sanggunian
Republic Act No. 11650, 2022. An Act instituting a policy of inclusion and services for learners with disabilities in support of inclusive education, establishing inclusive learning resource centers of learners with disabilities in all school districts, municipalities and cities, providing for standards, appropriating funds therefor, and for other purposes. https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2022/ra_11650_2022.html