Drag culture at climate justice, tampok sa Communication Students’ Summit 2026

Ulat ni Denise Rose Tapay

Tinalakay ang krisis sa klima mula sa lente ng kasarian sa ginanap na Communication Students’ Summit (CSS) 2026 ng UP Alliance of Development Communication Students nitong Sabado, ika-7 ng Marso 2026, sa D.L. Umali Hall, U.P. Los Baños.

Ayon kay Ghillean Pranz Fegidero, kinatawan ng Reboot PH, isang renewable energy research institute, ang pagkilala sa sarili bilang isang drag queen ay higit na nakapagbigay sa kanya ng mas malalim na pag-unawa sa climate justice. Aniya, parte ng advocacy communication ang kaugnayan ng konsepto ng kasarian at ng tungkulin niya bilang isang climate activist. 

…You know, drag in itself is inherently political, and I wanted to integrate this in my climate activist work,” saad ni Fegidero. [Alam ninyo, ang ‘drag’ ay sadyang politikal, at nais ko itong iugnay sa tungkulin ko bilang isang climate activist]. 

Ipinaliwanag din ni Fegidero ang “just energy transition” o JET bilang pangunahing adbokasiya ng Reboot PH. Ayon sa kanya, ito ay tumutukoy sa paggalaw ng lipunan mula sa paggamit ng fossil fuels patungo sa renewable energy “nang walang sino mang naiiwan.”

Ang “just energy transition” (JET) ay nagsisilbing patunay ng pagkilala ng Reboot PH sa mga umiiral na pagbabago sa lipunan, gayundin ng mga espasyong hindi gaanong nakikita ng kasalukuyang administrasyon gaya ng mga queer groups, mga mamamahayag, mga climate activists, at marami pang iba. Gayundin, ang kultura ng drag ang nagsisilbing politikal na plataporma upang gawing mas makatao, makulay, at madaling yakapin ang teknikal na usapin ng climate change. 

Sa kabila nito, ang pagpapataas ng kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa nasabing krisis ay apektado ng napakaraming salik gaya ng: katangian ng mga mambabasa (demographic characteristics), paraan ng pagkukuwento (storytelling), at pagtanggap ng mga mambabasa (audience reception), ayon kay Fegidero.

Kabilang sa mga pagsubok na kinakaharap ng climate communication ang lumalawak na misimpormasyon at stereotyping sa social media. Waste to energy initiatives release more carbon emissions compared to coal because it includes burning of plastics, it’s really important to [understand] flawed marketing, as well as false narratives, misconceptions and stereotypes,” wika niya. [Mahalagang maunawaan ang mga maling naratibo, misconceptions, at stereotype na umiiral sa social media dahil ang katotohanan sa mga waste-to-energy initiatives, mas mataas ang carbon emissions ng mga ito kaysa sa uling dulot ng proseso ng pagsusunog ng mga plastik]. 

Bilang solusyon, binigyang-diin ni Fegidero ang pagpapatibay ng kapasidad ng mga guro sa larangan ng edukasyon (teacher capacity-building), pagsasaayos ng kurikulum, (curriculum refinement), at pagtatampok ng katutubong kaalaman (integration of local and indigenous knowledge) sa kasalukuyang sistema upang higit na mapatatag ang climate education sa bansa. 

Bukod dito, pinaalala niya rin ang kahalagahan ng konsepto ng “humanizing” o pagbibigay-buhay sa mga kwento hinggil sa krisis sa klima upang mas tumatak sa mga mambabasa ang kaakibat nitong adbokasiya.

“Hope-based communication, not fear mongering among fellow youth,” dagdag pa niya. Ani Fegidero, maaaring nakakakilabot ang kasalukuyang estado ng klima na ating kinahaharap, subalit hindi ito dapat hayaang maging sagabal tungo sa mas epektibong climate communication.

Hinamon ni Fegidero ang mga mag-aaral, communication practitioners, at mga siyentista upang gamitin ang mga pagsubok na ito upang higit na patatagin ang umiiral na sistemang pang-komunikasyon sa usapin ng klima.