Environmental Programs ng DENR Calabarzon, Tampok sa Kapihan sa PIA

Ulat at larawang kuha ni Abigail Alla

NASA LARAWAN: Sa pagbubukas ng Kapihan, ipinakita ang mga Flagship Programs at Aktibidad ng DENR Calabarzon. Larawang kuha ni Abigail Alla.

Tampok ang mga programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon sa isinagawang “Kapihan sa PIA” ng Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon noong Setyembre 7. 

Kabilang sa mga tinalakay ang Malinis na Barangay Program, DENR Permitting on Wheels, Handog Titulo Program, Solid Waste Management, Extended Producer Responsibility, at Mine Rehabilitation.

Binigyang-diin ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Henry A. Adornado ang papel ng komunidad sa pagpapatupad ng Malinis na Barangay Program, partikular sa paghikayat sa publiko na isagawa ang wastong pagtatapon ng basura. Tinalakay din ni Forester Corazon Gasapos, chief ng Environmental Management Bureau (EMB) Calabarzon  ang kahalagahan ng waste segregation. 

Ayon kay Gasapos, batay sa isang waste analysis, nasa 20% lamang ng basura ang dapat na itatapon sa mga landfill kung maayos na isinasagawa ang waste segregation. Dagdag pa rito, panawagan din ng ahensya na magkaroon na ng permanenteng posisyon sa mga local government unit (LGU) na nakatutok sa waste management. 

NASA LARAWAN: Talakayan kasama ang mga media partners ng Kapihan sa PIA. Larawang kuha ni Abigail Alla.

Sa isang panayam kay RED Adornado, isinaad niya na maaring makatulong  ang mga kabataan upang mapalawak ang kaalaman tungkol sa programa at information dissemination campaign

“Ang kabataan ngayon techy, mabilis kayong makapaggenerate ng information…i-include ang sangguniang kabataan para makatulong sa information dissemination campaign,” aniya. 

Nagbahagi rin si Engr. Edgardo Castillo, Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau Calabarzon tungkol sa Mine Rehabilitation sa rehiyon. 

“Rest assured na yung mga minahan ngayon…mapag comply sila sa batas,” ani Engr. Castillo. 

NASA LARAWAN: Pagbibigay ng pagkilala kina Engr. Castillo, Forester Gasapos, at RED Adornado kasama ang mga kinatawan ng DENR Calabarzon. Larawang kuha ni Abigail Alla.

Sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Adornado ang kahalagahan ng pagbibigay ng balanseng balita at impormasyon sa buong rehiyon.