Ulat nina Johnrey Delos Santos at Hannah Magbanwa

Litrato mula sa panayam ni Dr. Bagtasa kasama si Francis Orcio na galing sa NASA Fire Information for Resource Management System (FIRMS)
Matapos umabot sa kategoryang “unhealthy” ang kalidad ng hangin sa Los Baños noong Agosto 31, bumaba na ito sa “moderate” level na 61 Air Quality Index (AQI) noong Setyembre 4, batay sa ulat ng IQAir, isang air quality monitoring company.
Ipinapakita ng datos ang 72-puntos na pagtaas ng AQI mula Agosto 29 hanggang Agosto 31 batay sa IQAir Sep 4 report.
Sa tala nito, umabot sa 102 AQI noong Agosto 29 ang kalidad ng hangin sa Los Baños, na nasa kategoryang “unhealthy for sensitive groups.” Patuloy itong tumaas hanggang umabot sa 174 AQI nitong Agosto 31.
Sa anunsyo ng Laguna Public Information Office (LPIO), sinabi nitong posibleng may kaugnayan ang mababang kalidad ng hangin sa usok mula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, na maaaring tinangay patungo sa bansa ng Habagat. Ito ay matapos makapagtala ng 114 hanggang 171 AQI sa ilang bahagi ng Laguna.
Batay sa satellite image na ibinahagi ni Dr. Gerry Bagtasa, atmospheric physicist at propesor sa Institute of Environmental Science and Meteorology (IESM) ng University of the Philippines Diliman, may mga aktibong sunog sa kanluran at timog na bahagi ng Kalimantan nitong mga nakaraang araw.
Aniya, nakatutulong ang cross-equatorial winds, o hanging tumatawid sa equator mula Southern Hemisphere patungong Northern Hemisphere, sa pagdadala ng mga pollutant patungo sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Bagtasa na maaari pang manatili ang mababang kalidad ng hangin kung hindi uulan sa bansa sa mga susunod na araw.
“Pero may forecast na baka maging maulan by Wednesday, Thursday. Kung naging maulan, bago umabot ‘yung usok papuntang kalupaan ng Pilipinas, pwede siyang malinis,” paliwanag niya.
Sa AQI classification ng IQAir, ang 151 hanggang 200 AQI ay nasa kategoryang “unhealthy.” Sa antas na ito, maaaring makaranas ng epekto sa kalusugan ang publiko, habang mas mataas ang panganib para sa mga sensitibong grupo.
Embedded Link:
Kalidad ng hangin sa Los Baños, Agosto 21-Setyembre 4
Upang matukoy ang kalidad ng hangin sa isang lugar, sinusukat ang konsentrasyon ng iba’t ibang pollutant. Kabilang dito ang PM2.5 o particulate matter na may diameter na 2.5 micrometers o mas maliit at maaaring malanghap nang malalim sa respiratory system.
Ayon sa IQAir, ang exposure sa PM2.5 ay maaaring magdulot ng mga sintomas gaya ng iritasyon sa mata, ilong, at lalamunan, pag-ubo, at kahirapan sa paghinga. Maaari din nitong mapalala ang ilang kondisyon gaya ng asthma.
Kaugnay nito, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan matapos makapagtala ang kanilang monitoring sensors ng “very unhealthy” at “acutely unhealthy” na antas ng kalidad ng hangin noong Setyembre 1.
Samantala, patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang kalidad ng hangin sa ilang lungsod sa National Capital Region (NCR). Pinapayuhan ang mga bata, matatanda, at iba pang sensitibo sa polusyon na limitahan muna ang paglabas ng bahay. Pinapayuhan din ang publiko na magsuot ng N95 face mask kung kinakailangang lumabas.
Sa Los Baños, nagmumula sa monitoring station ng International Rice Research Institute (IRRI) ang datos na ginagamit ng IQAir sa pag-uulat ng lokal na kalidad ng hangin.
SANGGUNIAN:
ABS-CBN News. (2026, September 1). Watch: Dr. Gerry Bagtasa…[Status update]. Facebook. https://www.facebook.com/share/v/1DdNXx227k/
EMB Central Office. (2026, September 2). Air quality update…[Status update]. Facebook. https://www.facebook.com/share/p/18qNFWy6nf/
Laguna Public Information Office. (2026, September 1). Air quality advisory…[Status update]. Facebook. https://www.facebook.com/share/p/18Z1uGwuYm/
Laqui, I. (2026, September 1). QC suspends classes due to haze-induced poor air quality. Philstar.com. https://www.philstar.com/nation/2026/09/01/2553266/qc-suspends-classes-due-haze-induced-poor-air-quality