Ulat nina Jhewen Albis at Franzuebelle Labay
Tinalakay sa isang forum ng UPLB Department of Agricultural and Applied Economics (DAAE) Seminar Series ang papel ng microfinance at iba pang serbisyong pinansyal sa pagbawas ng kahirapan sa isinagawang DAAE Seminar Series noong ika-26 ng Agosto 2026.
Sa seminar na “We Are CARD MRI, and We Are in the Business of Poverty Eradication,” tinalakay na humigit-kumulang kalahati lamang ng active clients ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI) ang may outstanding loans, batay sa datos nitong Hunyo 2026, habang ang iba pang serbisyong iniaalok nito ay kinabibilangan ng savings, microinsurance, education, at health and wellness.
Sa 9.88 milyong active clients ng CARD MRI, kabilang ang savers, 4.94 milyon ang may outstanding loans. Bahagi ito ng poverty-eradication model ng organisasyon na hindi lamang nakatuon sa pagpapautang kundi nakabatay sa apat na haligi: financial inclusion, safety nets o microinsurance, education, at health and wellness.
Ipinaliwanag ni Noli M. Martinez, head ng Corporate Planning, Product Development, and Corporate Advocacy ng CARD MRI, na ginagamit ng organisasyon ang magkakaugnay na serbisyong ito bilang bahagi ng kanilang poverty-eradication model.
Batay sa datos ng CARD MRI noong Hunyo 2026, nakapagtala ito ng 10.14 milyong clients served. Kabilang sa bilang na ito ang mga kliyenteng napagsilbihan na ng programa ngunit kalaunan ay umalis dito. Samantala, 9.88 milyon ang active clients, kabilang ang savers.
Umabot naman sa ₱62.4 bilyon ang outstanding loans ng CARD MRI, habang nasa ₱47.2 bilyon ang savings ng mga kliyente. Nagtala rin ito ng 99.26% repayment rate at 33.92 milyong insured individuals.
Mas mataas ang bilang ng insured individuals kaysa sa clients served dahil maaaring masakop ng insurance hindi lamang ang mismong miyembro kundi maging ang ilang miyembro ng kanilang pamilya. Ayon sa CARD MRI, maaari ring maisama sa coverage ang asawa at mga anak ng miyembro mula ika-14 na araw matapos ipanganak hanggang 21 taong gulang, kung wala pang asawa.
Ayon kay Martinez, bahagi rin ng kanilang modelo ang tinatawag na “graduation” ng microfinance clients. Sa modelong ito, unang pumapasok ang CARD NGO sa isang komunidad upang bumuo ng centers at kumuha ng microfinance clients. Kapag lumago na ang kanilang negosyo, maaari silang mailipat sa CARD Bank o CARD RBI upang magkaroon ng pormal na bank account at access sa mas malawak na serbisyong pinansyal.
Kapag lumampas naman sa ₱300,000 ang kinakailangang financing ng isang lumalagong negosyo, maaari itong lumipat sa CARD SME Bank para sa mas malalaking pautang. Ayon kay Martinez, layunin ng modelo na hindi manatiling microfinance borrower habang-buhay ang isang kliyente, kundi magkaroon ito ng kakayahang mapalago ang negosyo at mapabuti ang antas ng pamumuhay.
Kasabay ng access sa pautang at savings, sinabi ni Martinez na bahagi rin ng modelo ang microinsurance upang makatulong na maprotektahan ang ipon ng isang pamilya kapag naharap sa pagkakasakit, aksidente, o iba pang financial shocks. Sa education pillar naman, kabilang sa mga programa ang scholarship at “Balik Aral ni Nanay.” Ayon sa datos ng CARD MRI, umabot sa 17,406 ang graduate scholars nito hanggang Hunyo 2026.
May partikular ding papel ang microfinance sa agrikultura. Sa agri-loan portfolio ng CARD MRI, umabot sa humigit-kumulang ₱5 bilyon ang outstanding portfolio para sa 374,242 accounts na nakatala sa presentasyon noong unang kalahati ng 2026. Umabot naman sa ₱7.29 bilyon ang na-disburse sa agri portfolio mula Enero hanggang Hunyo.
Bukod sa pagpapalawak ng access sa credit, inilatag din ng CARD MRI ang limang-taong High Impact Growth Zone Initiative, isang data-driven program para sa mga piling lalawigang may malalaking development gaps at vulnerabilities. Pinagsasama nito ang health and wellness, education, financial inclusion, insurance, climate adaptation and resiliency, at livelihood interventions upang tugunan ang magkakaibang pangangailangan ng mga komunidad.
Sa modelong inilahad ng CARD MRI, hindi lamang pagpapautang ang ginagamit nito bilang bahagi ng poverty-reduction strategy. Iniuugnay nito ang access sa credit sa savings, insurance, education, health services, at mekanismong naglalayong tulungan ang maliliit na borrowers na makalipat sa mas pormal at mas malaking financing habang lumalago ang kanilang kabuhayan.
