Ulat nina Moira Kristiana Abriam at Marielle Mañozo
Tinalakay ang paggamit ng Geographic Information System (GIS), location intelligence, at spatial data sa pagpaplano ng komunidad, paghahanda sa sakuna, at pagbuo ng mga desisyong nakabatay sa datos sa ika-33 PRAXIS Session ng Department of Community and Environmental Resource Planning (DCERP) ng College of Human Ecology (CHE), University of the Philippines Los Baños (UPLB), na isinagawa sa Zoom noong Oktubre 3, 2026.
Dinaluhan ng humigit-kumulang 350 kalahok ang sesyong may temang “Mapping the Future: Building Resilient Communities Through Smart Innovations.” Itinampok sa programa kung paano magagamit ang mga makabagong teknolohiya at impormasyong pangheograpiya upang suportahan ang pagpaplano, pagbabawas ng panganib sa sakuna (disaster risk reduction), at pagbuo ng mas ligtas, matatag, at sustenableng mga komunidad. Nakiisa rin sa panonood ang mga estudyante.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Philippine Institute of Environmental Planners (PIEP) Laguna Chapter at Geodata Systems Technologies, Inc. Ayon sa mga itinakdang kondisyon ng programa, maaaring makakuha ng 2.00 continuing professional development (CPD) units ang mga lisensiyadong environmental planner na dumalo sa buong sesyon.
Pinangunahan ni Dr. Jennifer S. Amparo, dekana ng CHE, ang pambungad na bahagi ng programa. Sinundan ito ng tatlong presentasyon na tumalakay sa paggamit ng GIS at location intelligence, aplikasyon ng mga ito sa disaster risk reduction sa lokal na pamahalaan, at paggamit ng spatial evidence sa pagpaplano at pagdedesisyon.
Sa unang presentasyon, ipinaliwanag ni EnP. Daryl Jose S. Deanon, GIS Supervisor ng Geodata Systems Technologies, Inc., ang papel ng GIS at location intelligence sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad na gumawa ng mga desisyong nakabatay sa datos. Sa kaniyang presentasyong “Empowering Communities with Location Intelligence,” tinalakay niya ang paggamit ng GIS sa pagmamapa, pagsusuri, at pamamahala ng geospatial data sa pamamagitan ng mga teknolohiyang gaya ng ArcGIS, satellite at drone imagery, image processing, at GeoAI.
Ipinakita rin kung paano maaaring pagsamahin ang iba’t ibang uri ng datos, kabilang ang tabular at spatial data, upang makabuo ng mga mapa, web-based application, at ulat na makatutulong sa pagpaplano at pagsusuri ng mga lugar. Sa pamamagitan ng mga kagamitang ito, maaaring maisaayos at masuri ang impormasyong may kaugnayan sa lokasyon upang maging batayan ng mga desisyong tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
Sa ikalawang presentasyon, ibinahagi ni EnP. Joshua Federick J. Vitaliz ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Santa Cruz, Laguna, ang paggamit ng GIS sa paghahanda sa sakuna, pagsubaybay sa panganib ng pagbaha, at pagpaplano ng mga hakbang para sa disaster risk reduction and management. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang mga sistema ng maagang babala, lokal na pagsubaybay sa antas ng tubig, at pagmamapa ng mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha.
Binigyang-diin din sa presentasyon ang kahalagahan ng geographic data at mga sistema ng pagsubaybay sa pagbibigay ng impormasyong magagamit ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagdedesisyon. Itinampok ang paggamit ng mga mapa at pagsusuri sa mga daluyan ng tubig upang higit na maunawaan ang mga panganib at matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang atensiyon.
Samantala, tinalakay ni Asst. Prof. Edwin R. Abucay ng DCERP-CHE-UPLB ang kahalagahan ng spatial evidence bilang batayan sa pagpaplano at pagbuo ng mga desisyon. Sa kaniyang presentasyong “From Maps to Decisions: Using Spatial Evidence to Support Actions and Decision Making,” ipinaliwanag niya na hindi lamang ginagamit ang mga mapa upang ipakita ang kalagayan ng isang lugar, kundi upang suriin ang mga panganib, paghambingin ang mga posibleng hakbang, at tukuyin ang mga angkop na tugon.
Tinalakay rin ang integrated risk mapping at participatory mapping, na isinasaalang-alang ang mga hazard, exposure, at vulnerability, gayundin ang lokal na kaalaman at karanasan ng mga mamamayan. Binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad sa proseso ng pagpaplano upang maiangkop ang mga desisyon sa aktuwal na pangangailangan at kalagayan ng mga mamamayan.
Nagkaroon din ng malayang talakayan sa pagtatapos ng sesyon, kung saan sinagot ng mga tagapagsalita ang mga tanong ng mga kalahok at nagbahagi ng kanilang mga pananaw tungkol sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya, kabilang ang GIS, sa paghahanda ng mga komunidad laban sa mga sakuna.
Matapos ang talakayan, iginawad ang mga sertipiko sa mga tagapagsalita bilang pagkilala sa kanilang pagbabahagi ng kaalaman at karanasan. Nagbigay naman ng pangwakas na pananalita si EnP. Daryl Jose S. Deanon ng Geodata Systems Technologies, Inc.
Sa kabuuan, binigyang-diin ng ika-33 PRAXIS Session ang paggamit ng teknolohiya, spatial data, at lokal na kaalaman sa pagpaplano at pagdedesisyon. Itinampok ng mga presentasyon ang mga pamamaraan at kagamitang maaaring makatulong sa mga tagaplano at lokal na pamahalaan sa pagsusuri ng mga panganib at pagpaplano ng mga hakbang tungo sa mas ligtas, matatag, inklusibo, at sustenableng mga komunidad.
