Hakbang sa tubig, lusong sa panganib

Ulat nina Angel Sweet Herbosa at Franchesca Danelle Talavera

Pananakit ng tiyan, pagsusuka, at hirap sa paghinga. 

Ilan lamang ‘yan sa mga sintomas na unang naramdaman ni Cyrus Lescano, 19, bago niya tuluyang maranasan ang isa sa pinakamabigat na pagsubok ng kaniyang buhay. 

Grade 12 student lang noon si Lescano. Ang mga araw na dati’y nilalaan sa pag-aaral, paglabas kasama ng barkada, at pagtulong sa gawaing bahay ay napalitan ng takot at pag-aalala sa loob ng apat na sulok ng ospital. 

Nagsimula ang lahat sa matinding lagnat na hindi bumababa sa kabila ng ilang ulit na pag-inom ng paracetamol. Kasabay ng lagnat ay ang paninilaw ng balat at mata, matinding pananakit ng buong katawan, at ang pinakakinatakutang senyales—pag-ihi ng dugo. 

Doon na napagtanto ng pamilya ni Lescano na hindi ito simpleng trangkaso. Agad siyang isinugod sa ospital, at sa una, pinaghinalaan siya ng mga doktor na mayroong dengue. Ngunit habang sinusuri ang bawat senyales ng kanyang katawan, lumitaw ang mas nakakatakot na posibilidad: siya ay isa sa mga pasyenteng suspected na mayroong kaso ng leptospirosis.

Dahil dito, kinailangan niyang tumigil sa kaniyang pag-aaral. 

Salaysay ni Irma Pagalanan, tiyahin ni Lescano na nagsilbing taga-alaga niya sa bawat araw ng kaniyang pagpapagamot, taon pa bago makagalaw nang maayos ang binata. Nakakahinayang isipin na kung sa unang sintomas pa lamang ay naagapan na, subalit tuluyang nilang naunawaan ang kalagayan ni Lescano ng nasa kategorya na ito bilang severe leptospirosis.

Lulusungin nila ang baha na halos lampas-tuhod, ngunit higit na mapanganib ang hindi agad nakikita. Sapagkat kahit gaano pa kalaki ang kanilang hakbang sa tubig-ulan, minsan sapat na ang isang sugat upang tuluyang ilubog sila ng leptospirosis.

Leptospirosis ay ‘di biro

“Ang leptospirosis ay isang sakit na dulot ng leptospira bacteria na kalimitang nakukuha sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga o iba pang hayop,” paliwanag ni Wilma Estacio, Los Baños Municipal Epidemiology and Surveillance Officer. Mabilis itong kumalat lalo na tuwing tag-ulan, nagiging seryoso itong banta sa mga komunidad na madalas bahain.

Dagdag pa ni Estacio, marami sa mga residente ang matigas ang ulo na kahit alam nila na mayroon silang sugat ay patuloy pa rin sa paglusong sa tubig-baha. Imbis na maagapan agad ito sa center, inaantay ng mga taong mayroong suspected cases nito na lumala kaya sa ospital na ang nagiging takbuhan na kadalasang nauuwi ito sa komplikasyon. 

Kaso ng leptospirosis, umaangat

Numero uno sa mga dahilan pagtaas ng kaso nito ay ang paglusong sa tubig-baha nang walang proteksyon. 

Sa pagbusisi sa datos ng Department of Health-Center for Health Development CALABARZON (DOH CALABARZON), malinaw na hindi lamang tumataas ang bilang ng mga kaso, ngunit pabilis din nang pabilis ang pag-akyat nito taon-taon. Mula sa 30 kaso noong 2020, halos quadruple ang itinalang bilang pagsapit ng 2022, kung saan umabot ito sa 130. At noong 2025, lumobo sa 169 ang kaso ng leptospirosis, na siyang pinakamataas sa limang taong saklaw ng datos.

Hindi rin naglalayo ang bilang ng mga namamatay. Bagama’t mas mababa kumpara sa kabuuang kaso, kapansin-pansing mataas pa rin ito, lalo na sa huling dalawang taon.

Bilang ng Kaso at Namatay Dahil sa Leptospirosis sa Lalawigan ng Laguna sa Nakalipas na 5 Taon. (Franchesca Talavera/LB Times)

Numero uno sa mga dahilan pagtaas ng kaso nito ay ang paglusong sa tubig-baha nang walang proteksyon. 

Sa pagbusisi sa datos ng Department of Health-Center for Health Development CALABARZON (DOH CALABARZON), malinaw na hindi lamang tumataas ang bilang ng mga kaso, ngunit pabilis din nang pabilis ang pag-akyat nito taon-taon. Mula sa 30 kaso noong 2020, halos quadruple ang itinalang bilang pagsapit ng 2022, kung saan umabot ito sa 130. At noong 2025, lumobo sa 169 ang kaso ng leptospirosis, na siyang pinakamataas sa limang taong saklaw ng datos.

Hindi rin naglalayo ang bilang ng mga namamatay. Bagama’t mas mababa kumpara sa kabuuang kaso, kapansin-pansing mataas pa rin ito, lalo na sa huling dalawang taon.

 Mga kaso ng Leptospirosis sa Lalawigan ng Laguna noong 2025 (Angel Sweet Herbosa/LB Times)

Kalalakihan, nangunguna sa kaso ng leptospirosis

Malinaw ang ibinubunyag ng datos mula sa DOH-CALABARZON: kalalakihan ang bumubuo ng malaking porsyento ng mga nagkakaroon ng leptospirosis sa Laguna sa nakalipas na limang taon. Mula sa 20s hanggang sa 40s, ang mga edad na kadalasang pinaka-aktibo ang isang indibidwal—paulit-ulit na lumilitaw ang parehong pattern: doble, triple, kung minsan ay halos sampung beses ang bilang ng kaso sa kalalakihan kumpara sa kababaihan.

Ayon sa isang spatial and risk factor study na isinagawa ni Martini at ng iba pang mananaliksik, ang mataas na kaso ng leptospirosis sa kalalakihan ay hindi dahil “mas mahina” sila kontra sakit, kundi dahil mas madalas nilang nararanasan ang mismong mga panganib na pinagmumulan ng impeksyon.

Mga kaso ng Leptospirosis sa Laguna ayon sa Edad at Kasarian sa Nakalipas na 5 Taon (Franchesca Talavera/LB Times)

Sila ang mas exposed sa baradong kanal, palayan, tambak ng basura, at mga lugar na dinadaluyan ng daga–mga espasyong itinuturing na tahanan ng Leptospira. At hindi ito dahil aksidente, kundi dahil sa trabahong kanilang ginagalawan.

Pinatitibay pa ito ng pag-aaral nina Palma at mga kasamahan, na tumingin sa risk perception. Lumabas na ang mga kalalakihan, dahil sa social expectations at nakasanayang gawi, ay mas malimit sumugal sa delikado. Maglalakad sa maruming tubig, mag-aayos ng bahay o sasakyan kahit baha, babiyahe kahit malakas ang ulan, at papasok sa trabaho sa gitna ng delubyo.

Mga kilos na tila simpleng “bahala na,” ngunit malalim ang kapalit.

Ngunit kahit malinaw ang dominasyon ng kaso sa kalalakihan, hindi nito binubura ang panganib na kinakaharap ng kababaihan. Sa panahon ngayon, maraming babae, tulad ng mga estudyante, manggagawa, at ina ang napipilitang humakbang sa parehong baha, dumaan sa parehong maruruming kanal, at sumugal sa parehong panganib. 

Pananaw ng isa sa residente ng Brgy. Tagumpay sa leptospirosis 

Noong nakaraang taon, nananatiling bahay ng mga lumikas mula sa Purok Uno, Brgy. Tagumpay sa Bay ang evacuation site. Isa sa mga kapansing-pansing senyales ng papalapit na baha ay hindi lamang ang pag-apaw ng ilog, kundi ang unti-unting pagpuno ng mga evacuation site. Dito matatagpuan si Joy Obaldo, 41, isa sa mga residenteng napilitang lumikas mula sa kanilang tahanan. Simula pa noong Hulyo, dito na sila pansamantalang naninirahan, at sa haba ng panahong lumipas, tila tinatanggap na rin nilang dito na rin sila magpapasko at sasalubong sa bagong taon.

Sa covered court ng Brgy. Tagumpay noong 2025, pansamantala munang naninirahan ang halos 54 pamilyang lumikas mula sa Purok Uno. Isa na rito si Joy Oblado, na nagsabing posibleng umabot hanggang Pasko at Bagong Taon ang pananatili nila sa evacuation center.

Hindi na bago kay Obaldo ang ganitong sitwasyon. Taon-taon na lamang nauulit ang eksenang ito. Sa ngayon, kasama niya sa evacuation center ang kanyang asawa at lima sa kanilang mga anak. Dalawa pa ang naiwan sa bahay upang may magbantay, sakaling may maisalba pa sa mga gamit o bantayan ang kanilang tirahan.

Pahayag ni Obaldo, lumikas sila dahil alam niyang kaakibat ng pagbaha ang leptospirosis. “Delikado at nakakatakot ang leptospirosis dahil buhay ang nakataya,” aniya. Dagdag pa niya, may mga paalala mula sa health center, ngunit may mga bata pa rin na halos araw-araw ay nakikitang lumalangoy sa baha, maging mga anak niya ay nakikisali sa paglangoy. 

Kung ilalarawan ni Obaldo ang kanilang kalagayan, para raw silang “sardinas,” nagsisiksikan sa isang maliit na tent, dikit-dikit at halos walang espasyo para sa mga kagamitan. Ngunit sa kabila ng sikip at hirap, nananatili silang matatag. “Tiis-tiis talaga,wika niya.

Mga hakbangin, kaligtasan para sa lahat

Nahahati sa 14 na barangay ang Los Baños, kabilang dito ang Brgy. Maahas na itinuturing na mayroong moderate flooding o katamtamang pagbaha na umaabot sa binti hanggang tuhod. Samantala, ang ibang barangay ay nakakaranas lamang ng slight flooding o bahagyang pagbaha na hindi umaabot sa binti. 

Ipinaliwanag ni Estacio na mayroon silang mga babalang inaabiso sa mga residente ng Los Baños lalo na tuwing sasapit ang buwan na Hulyo hanggang Nobyembre, mga buwan ng tag-ulan. May mga barangay sa Los Baños na madaling bahain. Isa sa mga abisong nilalabas ng kanilang opisina ay ang antas ng panganib sa leptospirosis.

Flood prone areas map mula sa Los Baños Municipal Planning and Development Office

Nahahati sa 14 na barangay ang Los Baños, kabilang dito ang Brgy. Maahas na itinuturing na mayroong moderate flooding o katamtamang pagbaha na umaabot sa binti hanggang tuhod. Samantala, ang ibang barangay ay nakakaranas lamang ng slight flooding o bahagyang pagbaha na hindi umaabot sa binti. 

Ipinaliwanag ni Estacio na mayroon silang mga babalang inaabiso sa mga residente ng Los Baños lalo na tuwing sasapit ang buwan na Hulyo hanggang Nobyembre, mga buwan ng tag-ulan. May mga barangay sa Los Baños na madaling bahain. Isa sa mga abisong nilalabas ng kanilang opisina ay ang antas ng panganib sa leptospirosis.

Ayon kay Estacio, kritikal ang unang 24 hanggang 72 oras matapos lumusong sa baha. Sa panahong ito dapat nakainom na ng doxycycline, ang antibiotic na ginagamit bilang prophylaxis laban sa leptospirosis. Libre itong nakukuha sa mga barangay health center sa Los Banos, gayundin sa UPLB University Health Service.

Sa kabila ng pagiging isang sakit na madaling makuha, lalo na sa panahon ng walang patid na ulan at biglang pagtaas ng tubig-baha, marami pa rin ang hindi batid kung gaano ito kalubha. Ayon kay Estacio, nakamamatay ang leptospirosis kapag hindi naagapan, at ito ay isang katotohanang madalas lamang nalalaman ng mga pasyente kapag huli na ang lahat.

Ngunit sa kabila ng panganib, may pag-asa. Kapag maagap ang aksyon, malaki ang tsansang makaligtas. Binibigyang-diin ni Estacio na basta’t hindi pa dumarating ang critical period—ang paninilaw ng balat, paglaki ng tiyan, at iba pang senyales na lumalala na ang pinsala sa katawan, mayroon pang malaking pagkakataong mapigilan ang komplikasyon. Sa madaling salita, ang susi ay simple ngunit mahalaga: kumilos agad, magpatingin agad, at huwag hintayin na ang katawan na mismo ang magbigay ng huling babala.

Ang sakit na leptospirosis ay walang pinipiling kasarian. Bagamat mas madalas tumama ito sa mga kalalakihan, hindi nito nililigtas ang sinuman. Sa bawat yabag sa baha, sa bawat patak ng ulang dumadaloy sa kalsada, may panganib na hindi nakikita ng bawat isa. Sa huli, hindi kasarian ang tunay na depensa laban sa leptospirosis, kundi ang sapat na akses sa serbisyong pangkalusugan, tamang impormasyon, at maagap na konsultasyon kapag may naramdaman.

Mga Sanggunian

Khaira, I., et al. (2022). Spatial analysis and risk factors of leptospirosis. Journal of Community Medicine and Public Health Research. Retrieved from https://file:///Users/chesca/Downloads/22019+Khaira+Ilma+-+Parasitologi+(Kode+OJS+40660)+Final.pdf

Delight, E. A., de Carvalho Santiago, D. C., Palma, F. A. G., de Oliveira, D., Souza, F. N., Santana, J. O., Eyre, M. T. (2023). Gender differences in Leptospira exposure risk, perceptions of disease severity, and high-risk behaviours in Salvador, Brazil: A cross-sectional study. PLOS Global Public Health, 3(??), Article e0004786. https://doi.org/10.1371/journal.pgph.0004786

Department of Health – Center for Health Development CALABARZON. (2025). Distribution of leptospirosis cases and deaths in Laguna Province and Los Baños, 2020–2025 (PIDSR–EDCS surveillance report). Republic of the Philippines, Department of Health.

PSN Social. (2025, August 2). Don’t let the flood bring disease — be aware of leptospirosis, a serious infection from contaminated water [Facebook post]. Facebook. https://www.facebook.com/psnsocial/posts/1117233393775030/