Ulat nina Gabrielle Eunice Godio, Aaliyah Mae Valenciano, at Lance Armand Estacio

Si Jonas Benjamin Madrigal, Nurse II at TB Program Coordinator ng Los Baños, habang nagsasagawa ng TB skin test sa isang batang pasyente. (Gabrielle Eunice Godio/LB Times)
Si Jonas Benjamin Madrigal, Nurse II at TB Program Coordinator ng Los Baños, habang nagsasagawa ng TB skin test sa isang batang pasyente. (Gabrielle Eunice Godio)
“Natakot ako, kasi gusto ko pa mabuhay—ayaw ko pang mamatay.”
Ito ang unang pumasok sa isip ni Carlos—hindi niya tunay na pangalan—nang ma-diagnose siya ng tuberculosis (TB) noong Enero 2019. Ayon sa kanya, simpleng medical exam lamang sana ang kaniyang aasikasuhin bilang huling requirement sa papasukang trabaho nang matanggap niya ang hindi inaasahang resulta.
“Normal na routine ko lang that time—nag-wowork, nagyoyosi, nagpupuyat, hindi rin ako nagkakasakit. ‘Yung time lang na bigla akong umubo ng matindi, akala ko nag-choke lang ako—pero apparently, may sugat na ‘yung lungs ko. As in umubo ako ng dugo,” pagbabahagi ni Carlos. Ang insidenteng iyon ang nagtulak sa kaniya na magpatingin at alamin ang lagay ng kaniyang kalusugan.
Isa lamang si Carlos sa libo-libong Pilipino na nagkaroon ng impeksyong dulot ng TB. Hanggang ngayon, nananatiling seryosong banta sa kalusugan ng mga Pilipino ang sakit, dahilan kung bakit patuloy ang panawagan na matuldukan ang pagkalat nito.
Ano ang TB?
Ang tuberculosis, o TB, ay isang impeksiyong dulot ng bakteryang Mycobacterium tuberculosis na kadalasang umaapekto sa baga. Kumakalat ito sa hangin kapag ang taong may TB ay umuubo, bumabahing, o dumudura—kaya mabilis itong maipasa sa mga taong nakapaligid.
Kadalasang sintomas ng TB ang matagal o paulit-ulit na pag-ubo. Maaari ring makaranas ang pasyente ng pananakit ng dibdib, panghihina, lagnat, at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang.
Bagama’t madalas napagkakamalan ang mga sintomas bilang simpleng ubo lamang, tinatayang 10 milyong tao ang naiimpeksiyunan ng TB kada taon sa buong mundo. Kahit kayang gamutin at iwasan ang sakit na ito, umaabot pa rin sa 1.5 milyong katao ang namamatay dahil sa TB.
Sa Global Tuberculosis Report ng World Health Organization (WHO) para sa taong ito, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalaking agwat sa pagitan ng bilang ng tinatayang kaso ng TB at ng naiuulat na bilang ng mga bagong na-diagnose na pasyente. Ang kabuuang porsyento ng limang bansang may pinakamalalaking agwat sa rekord ukol sa tuberculosis ay binubuo na ang 40%
Bumabagsak na TB screening sa bansa
Batay sa pinakahuling Quarterly TB Surveillance Report ng Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Marso 2025, halos isang milyong Pilipino lamang ang sumailalim sa chest x-ray screening para sa posibleng TB infection. Malayo ito sa 2.2 milyong naitala sa parehong panahon noong 2024.
Sa inilabas na rekord ng DOH ukol sa kaso ng TB sa Pilipinas, tinatayang 64% sa kabuuang report ay mga kalalakihan. Samantala, pinaka-apektado rin ang mga nasa edad 60 pataas na bumubuo sa 26% ng kabuuang bilang ng kaso, na sinundan ng mga nasa edad na 55 hanggang 59, na 9% ng naitalang kaso.
Mula sa: https://ntp.doh.gov.ph/q1-2025-tb-quarterly-surveillance-report/
Mula sa : https://ntp.doh.gov.ph/q1-2025-tb-quarterly-surveillance-report/
Dagdag pa rito, bumaba ng 56% ang porsyento ng mga Pilipinong sumailalim sa screening gamit ang chest x-ray kumpara noong nakaraang taon.
Kasunod nito, bumaba ang bilang ng bagong naitalang kaso ng TB ng 6%, mula 145,527 noong 2024 tungo sa 137,425 noong 2025. Ang bilang ng mga nagsimulang gamutan sa kanilang anim na buwang TB treatment course, ay bumaba ng 3%, mula 135,334 tungo sa 130,928.
Ngunit babala ng DOH: hindi nangangahulugan ang pagbaba ng mga naitalang kaso na lumiliit ang aktwal na bilang ng mga pasyente. Bagkus, ito ay nangangahulugan na marami sa mga Pilipino ang hindi pa sumasailalim sa testing at hindi rin nakakakuha ng gamot para sa TB.
TB Mortality sa bansa
Sa Pilipinas, nanatili ang TB bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay. Noong 2024, pumuwesto ito sa ika-walo sa mga pinakamataas na sanhi ng pagkasawi, na may tinatayang 10,000 katao ang namatay dahil sa sakit.
Para kay Jonas Benjamin Madrigal, Nurse II at TB Program Coordinator ng Los Baños, nananatiling hamon ang access sa chest x-ray screening dahil maraming tao ang hindi pa nakaaalam sa mga libreng serbisyong hatid ng publikong pasilidad na pangkalusugan.
Retrieved from: Retrieved from: https://psa.gov.ph/statistics/vital-statistics/node/1684066660
Isa ang Los Banos Doctors Hospital and Medical Center (LBDHMC) sa mga napiling provider ng libreng chest x-ray services sa Los Banos. Ang libreng serbisyo ay naging posible sa pamamagitan ng pinansyal na suporta mula sa ilang non-government organizations na nakapokus sa pag sugpo ng TB sa bansa. Dahil dito, may pagkakataon ang mga residente ng Los Banos na pinaghihinalaan na may TB na sumailalim sa chest x-ray screening. Kinakailangan lamang na ang endorso ng Rural Health Unit (RHU) kung saan sila nagpacheck-up.
Ang mga ganitong klaseng inisyatiba, ayon kay Madrigal, ay malaking hakbang tungo sa pagsugpo ng TB sa Los Baños. Dagdag niya, ang mga tulong mula sa mga non-government organizations (NGO) sa pambansang pamahalaan ay nakakaabot din kahit sa mga pasilidad ng TB Directly Observed Therapy, Short-course (DOTS) sa munisipalidad. Ito ang isa sa mga nagpapahintulot na maging libre ang buong anim na buwang proseso ng TB Preventive Treatment (TPT), o gamot na pumipigil sa TB, sa bawat lokal na pamahalaan.
Ayon sa datos ng DOH, ang CALABARZON ang pangalawang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng TB noong 2024 at 2025. Kahit mataas ang bilang ng kaso, kapansin-pansin ang pagbaba ng case detection sa unang quarter ng 2025–indikasyon na maraming pasyente ang posibleng hindi naabot ng screening at diagnosis.
Retrieved from: https://ntp.doh.gov.ph/q1-2025-tb-quarterly-surveillance-report/
Gayunpaman, ang unti-unting pagpapabuti ng pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan pagdating sa testing sa Los Baños ay may malaki na ring kaginhawaan sa mga residente. Ayon kay Carlos, noong siya ay na-diagnose ng TB ng 2019 ay kinailangan niya munang gumastos sa testing sa pribadong ospital bago makatanggap ng libreng gamot mula sa lokal na pamahalaan. Ngunit ngayon, hindi na ito magiging problema pa.
Gaya ng nabanggit, ang pakikipag ugnayan ng mga pribado at pampublikong pasilidad ay ang magbubukas ng daan at pagkakataon upang maging mas madali na ang testing para sa mga taga Los Baños.
Mga maling akala ukol sa TB
Si Carmela—hindi niya tunay na pangalan—gaya ni Carlos, ay nalaman lamang ang patungkol sa kanyang TB nang sumailalim sa physical exam bago pumasok bilang freshman sa UPLB noong 2022.
Bago magpatingin sa hospital, walang nararanasang sintomas si Carmela. Gayunpaman, nadiskubreng siya ay may TB matapos ang pagsusuri ng kaniyang chest x-ray. Dito niya napag-alaman ang patungkol sa inactive na klase ng TB.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang bakterya ng TB ay maaaring manatili sa katawan sa loob ng maraming taon nang hindi nagdudulot ng sakit. Ang mga tao rin na may TB ay hindi nakakaranas ng sintomas at hindi rin nakakahawa sa iba.
Sa kabila nito, kinakailangan pa rin sumailalim sa pag gagamot upang maagapan ang posibleng pagkakasakit mula rito. Tinatayang 5% hanggang 15% ng mga taong may inactive TB ang maaaring magresulta sa aktibong kaso, kung kaya naman pag-aagap ang kinakailangan sa oras na ma-diagnose ang TB—active man ito o hindi.
Hindi na kakaiba na may nararanasang pagsubok sa pagtukoy kung kailan dapat magpatingin para sa TB. Ayon kay Madrigal, bukod sa kakulangan sa access ng mga tao na magpatest—ang umiiral pa ring mga misconceptions o haka-haka ukol sa sintomas ng TB ang humahadlang sa pag-tuldok sa nasabing banta ng sakit.
Marami pa rin ang naniniwalang ang ubo o hirap sa paghinga ay dulot lamang ng ambon o malamig na panahon, imbes na seryosong impeksyon na dala ng TB. Bukod pa rito, nabanggit din ni Madrigal na marami sa mga naging pasyente ang madalas na nag-aakala na ang kadalasang pag-ubo ay dulot lamang ng paglanghap ng singaw o amoy ng pintura at alikabok sa konstruksyon—ngunit kalauna’y makukumpirma bilang isa sa mga senyales ng TB infection.
Isa rin sa madalas na maling akala ay ang pag-iwas sa pasyente sa pamamagitan ng paghihiwalay ng kubyertos. “Hindi naman yun related sa mode of transmission. Airborne siya, through droplet,” dagdag ni Madrigal.
Maging si Carmela ay nakaranas ng ganitong pagkalito sa bahay. Pagkatapos ng diagnosis, agad na tinatanong ng kanyang pamilya kung dapat bang ihiwalay ang kanyang plato at kubyertos. Bagamat inactive ang TB ni Carmela, minabuti niya pa ring mag-ingat sa pagbabahagi ng pagkain at inumin kapag kumakain kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.
“Kunwari, pag may friend akong gustong tumikim mula sa food na kinakain ko, doon sa inorder ko, sila muna ‘yung papatikimin ko instead of me. Tapos kung meron man silang gustong i-share sa akin, most of the time, hindi nakiki-share or sometimes, sila na lang ‘yung mag-aabot sa plate ko,” pagkkwento niya.
Hamon sa sistema
Ang istruktura ng health system sa Los Baños ay nakakaapekto sa bilis ng diagnosis. Pagdating sa pasilidad na nakapokus sa pagpapagaling sa TB, nahahati ang bayan sa dalawang Rural Health Units—RHU I sa National Road ng Barangay Anos at RHU II sa Opal St. ng Barangay Batong Malake.
Ang mga mula sa Barangay Batong Malake, Putho-Tuntungin, Mayondon, at Bayog ay sa RHU II tumatanggap ng serbisyo ukol sa screening at treatment para sa TB, habang ang iba pang mga barangay naman ay sa RHU I nakakakuha ng nasabing serbisyo.
Gayunpaman, naniniwala si Madrigal na ang sistema ng pag detect at pag gamot ng TB sa Los Banos ay mas mapabubuti pa. “Mas mapapainam sana na lahat ng mga [may] cases for TB, isa nalang yung pinapuntahan na maayos [at] magandang facility na nandoon na lahat in one, parang one-stop shop na,” dagdag pa ni Madrigal.

Ang Rural Health Unit II sa Batong Malake, Los Baños, Laguna, na nagbibigay ng primary healthcare para sa mga residente. (Gabrielle Eunice Godio/LB Times)
Suporta kontra stigma
Sa pagharap nina Carlos at Carmela sa kanilang TB diagnosis, naging sandigan nila ang pamilya at mga mahal sa buhay—isang suporta na nagpagaan hindi lamang sa gamutan kundi maging sa stigma na kaakibat ng sakit.
“That time, pinagtatawanan ko nga lang, ngayon nga pinagtatawanan ako ng tropa ko na may TB ako ganyan, pero hindi ako na-ooffend,” kwento ni Carlos. Aniya, ang pagsasaliksik niya patungkol sa TB ang naging dahilan upang hindi niya ikahiya ang pagkakaroon ng sakit.
Sa kabila nito, hindi pa rin naiwasan na nagkaroon ng pagka-ilang sa ibang mga naging kasama niya sa apartment habang siya ay naggagamot. “Nakokonsensya nga ako eh. Kasi that time, yung roommate ko na yun, nurse ata yung nanay niya. So, alam din na medyo risky nga yung pinaggagagawa namin that time. So, lumipat siya ng bahay. Hindi niya sinabi ako yung dahilan. Pero naramdaman ko na lang, eh wala tayong magagawa eh,” saad niya.
Para naman kay Carmela, hindi naging hadlang ang stigma sa TB habang siya ay kasalukuyang naggagamot. Aniya, ang tangi niyang naisip noon ay maagapan ang kanyang sakit.
“Hindi naman ako nag-alinlangan na pumunta sa clinic kasi kahit naman yung mga friends ko doon sa Bulacan that time, hindi naman sila yung parang nandidiri, di ba, gano’n. Actually, they’re very concerned and slightly curious ano yung situation,” paliwanag ni Carmela.
Bagamat libre ang gamutan ng TB sa ilalim ng DOTS program, naranasan nina Carlos at Carmela ang dagdag na gastusin sa paunang pagsusuri. Nagpa-CT scan si Carlos sa San Pablo Medical Center dahil hindi malinaw ang resulta ng X-ray, na umabot sa humigit-kumulang 10,000 pesos. Paliwanag niya, libre naman ang gamot, at ang tanging gastos niya ay para sa mga bitamina. Si Carmela naman ay kinailangang pumunta sa iba’t ibang health facilities bago makumpleto ang diagnosis at gamutan, na nagdagdag sa oras at enerhiya na kailangan upang masimulan agad ang paggamot.
Ang suporta ng pamilya nina Carlos at Carmela ang naging susi upang mapadali ang kanilang paggaling. Kwento ni Carlos, ang kaniyang ina ang nagdadala ng gamot upang masiguro ang agarang pag-inom at gamutan.
“Si mother… from the province pumunta siya dito sa Laguna para dalhin ‘yung gamot. Inalagaan niya rin ako kahit ilang araw lang,” ani Carlos.
Para kay Carmela, ang pagtutok ng pamilya sa tamang pag-inom ng gamot at regular na pagpunta sa barangay health station ay nakatulong sa maayos na gamutan. Sa parehong kaso, malinaw na ang maalab na suporta ng mga mahal sa buhay ay nakapagbigay hindi lamang ng praktikal na tulong kundi ng lakas ng loob upang malampasan ang stigma ng pagkakaroon ng TB.
Sa kabila ng mga hamon, may mga positibong senyales sa antas ng bansa kung saan tumaas ng 45% ang tumatanggap ng TB Preventive Treatment (TPT), at umabot sa 95.3% ang treatment coverage — mas mataas kaysa noong nakaraang taon.
Ipinapakita nito na kapag na-detect nang maaga ang kaso at nasimulan agad ang gamutan, mas mataas ang tsansang gumaling at maiwasan ang pagkalat ng TB.
Hinihikayat ang publiko na samantalahin ang mga libreng screening at gamutan sa pinakamalapit na health facility, dahil bawat maagang diagnosis ay nagliligtas ng buhay. Ang karanasan nina Carlos at Carmela ay paalala na sa bawat indibidwal na maagang na-diagnose at nagamot, may buhay na naililigtas at posibleng pagkalat ng TB ang naiiwasan—isang maliit na tagumpay na bahagi ng mas malawak na laban ng bansa kontra TB.
Mga Sanggunian:
CDC. (2024, May 10). About inactive tuberculosis. US Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/tb/about/inactive-tuberculosis.html
Epidemiology Bureau – Public Health Surveillance Division. (2025, April). Tuberculosis (TB) quarterly surveillance report. Department of Health. https://ntp.doh.gov.ph/q1-2025-tb-quarterly-surveillance-report/
Philippine Statistics Authority. (2025). 2024 Causes of Death in the Philippines (Provisional as of 30 November 2024). Psa.gov.ph. https://psa.gov.ph/statistics/vital-statistics/node/1684066660
WHO. (2024). Tuberculosis. World Health Organization. https://www.who.int/health-topics/tuberculosis#tab=tab_1




