Ulat nina Juthea Anne Gonzales, Alexandra Ysabelle Macasaet, at Jian Martin Tenorio

SABA SA MERYENDA. Sa kabila ng matumal na kita, patuloy na nagtitinda si Bernadette Ampongan sa kanilang pwesto sa Lopez Avenue, Los Baños ng iba’t ibang uri ng meryendang gawa sa saging na saba. (Juthea Anne Gonzales/LB Times)
“Maliit lang din ang kinikita namin ngayon kasi ‘diba nga nagtaas ang lahat. Tumaas ang gasul, tumaas ang saging, lahat ng bilihin,” kwento ni Bernadette Ampongan, isang banana cue vendor sa kahabaan ng Lopez Avenue, Los Baños.
Ayon kay Ampongan, nagsimula lang sila sa simpleng pagtitinda ng turon at maruya. Kinalaunan ay dinagdagan nila ito ng banana cue, kamote cue, at palamig upang madagdagan ang kanilang pinagkakakitaan.
Isa sa mga pangunahing produktong agrikultural sa Pilipinas na pinagkakakitaan ng mga negosyante tulad ni Ampongan ang saging na mayroong iba’t ibang uri, tulad ng saba. Kaya naman, patuloy ang pagsusuri dito ng mga mananaliksik upang mapalakas ang gampanin nito sa ekonomiya, lalo na sa mga magsasaka at maliliit na negosyo.
Isang grupo nga ng mga siyentista mula sa UPLB ang nagsagawa ng pag-aaral ukol sa paggamit ng balat ng saging na saba sa mga produktong pampagkain. Sa pangunguna ni Asst. Prof. Paul Alteo Bagabaldo ng Institute of Human Nutrition and Food (IHNF), College of Human Ecology (CHE), ang pag-aaral na pinamagatang “Exploring the Nutritional, Antioxidant, and Lipid-Lowering Properties of Saba Banana (Musa acuminata x balbisiana BBB Group) Peels” ay nailimbag sa Philippine Agricultural Scientist noong 2023.

Asst. Prof. Bagabaldo, Punong Mananaliksik. (UPLB College of Human Ecology, Institute of Human Nutrition and Food)
Potensyal ng SBP sa kabuhayan
Sa gitna ng umiiral na global oil crisis, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng pinakamalaking pagtaas ng presyo ng petrolyo. Bunga nito ang patuloy rin na pagbigat ng pasanin ng iba’t ibang sektor ng lipunan, tulad na lamang ng mga maliliit na negosyante na umaasa sa araw-araw na kita.
Bukod pa rito, kinahaharap din ng mga vendor tulad ni Ampongan ang hindi tiyak na takbo ng benta bunsod ng mga sunod-sunod na pangyayari kamakailan. Para sa mga umaasa sa dami ng taong dumadaan sa kanilang tindahan, ang matinding init ng panahon, mga kanseladong klase, at compressed work week ay katumbas ng kakarampot na kita at mas malaking pangambang hindi matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
“‘Diba ‘pag walang pasok sa UP, walang mga estudyante, walang nagmemeryenda. Sa sobrang init din siguro, kaya wala masyadong nalabas,” ani Ampongan nang ilarawan ang pagiging matumal ng kaniyang benta nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Maricel Vargas, isang vendor din na kasama ni Ampongan sa pwesto, minsan din silang nalulugi dahil sa nabibiling saba sa merkado. Aniya, minsan may sakit ang mga ito, o hindi kaya matigas, dahilan para hindi nila magamit at maipangbenta.
“Minsan, natatapon namin ‘yung isang piraso. Minsan nga, sa isang piling, ang nakukuha lang namin na okay doon, siguro mga 10 gano’n. The rest no’n, i-tapon na ‘yun, kasi ‘di naman pwedeng i-benta ‘yun, matigas eh,” dagdag ni Ampongan.
Mahigit isang taon nang nagtitinda ng mga meryenda sa Lopez Avenue sina Ampongan at Vargas. Mahigit isang taon na rin silang araw-araw nakikipagsapalaran sa walang kasiguraduhang takbo ng benta at pabago-bagong presyo ng mga bilihin.
Para sa mga tulad nila, malaking bahagi ng puhunan sa araw-araw ang diskarte at tibay ng loob.
At sa mga kuwentong tulad nito umuugat ang hangarin ng saliksik nina Bagabaldo – ang tuklasin ang iba pang maaaring mapagkunan ng dagdag kabuhayan mula sa paggamit ng mga produktong agrikultural gaya ng saba.
“So gusto namin magbigay ng added value to the quote-unquote waste product. Si farmer, kung nakitaan na may use pala ‘yung banana peels, they can sell their banana at a higher price, so may added value. Tapos, pagdating naman sa side ng manufacturer, ganoon din. Nag-process ako ng banana chips or ng turon. Puwede kong ibenta ‘yung peels ko rather than binubulok ko lang siya,” pahayag ni Bagabaldo.
Benepisyo ng SBP sa kalusugan
Bukod sa dagdag na kita, natagpuan din ng nasabing pananaliksik na mayroong nutrisyonal na benepisyo at bioactive compounds ang SBP. Maaari itong gamitin upang lumikha ng food products at nutraceuticals o mga produktong mula sa pagkain.
“It’s very nutrient-dense and mayroon siyang health-promoting properties beyond basic nutrition… that’s beyond giving you the calories and nutrients that you need. So, mayroon siyang mga functional properties na nakakatulong magpababa ng risk niyo sa obesity, risk niyo sa hypertension, [at] cardiovascular diseases,” paliwanag ni Bagabaldo.
Natagpuan din na ang SBP ay mayroong mas mataas na phytochemicals, tulad ng Total Phenolic Content (TP) at Total Flavonoid Content (TF), kumpara sa ibang mga prutas sa bansa. Mahalaga ang phytochemicals sa paggamot at pagpigil ng mga sakit dahil sa taglay nilang antioxidant, anti-inflammatory, anti-carcinogenic, antihypertensive, at cardioprotective properties.
Dagdag pa rito, lumabas din sa pananaliksik ang pagkakaroon ng dagdag na crude fat, crude protein, ash, at crude fiber ng SBP. Nakatutulong ang mga ito sa pagbibigay ng enerhiya at maayos na metabolismo sa katawan. Maliban dito, mataas ang nilalaman nitong Vitamin C na kaakibat ng taglay nitong antioxidant properties.
Pagdating naman sa konkretong aplikasyon ng SBP, nabanggit ni Bagabaldo ang ilan sa mga kasalukuyang proyekto ng mga mag-aaral mula sa IHNF. Kabilang dito ang paggawa ng burger patties at shanghai na mayroong percentage substitution ng SBP.
“If you will do 100%… hindi na na-e-enjoy ng consumer, pero edible siya kahit 100% mayroon kang extenders at pampalasa. Pero ang nakikita namin, parang up to 50% nagiging acceptable. May iba nga mas nagugustuhan pa kasi it provides a good texture. Mayroon kaming mga pre-treatments na ginagawa to reduce ‘yung mapait na lasa or off-flavors towards the end of your consumption,” aniya.
Gayundin, nakikita niya ang oportunidad sa paggawa ng nutraceuticals dahil sa taglay na fiber ng SBP, lalo na ang pectin, isang soluble fiber na bumababa at nagiging pectinic acid habang humihinog ang saging. Paalala niya lang na tandaan ang food safety practices upang maiwasan ang cross-contamination sa paggawa nito.
“They can really extract the fiber content because it’s a really good source of fiber, especially ‘yung unripe…Gusto natin ‘yung matigas na balat ng saging, kasi doon mataas ‘yung pectin [o] concentrated,” wika ni Bagabaldo.
Hamon sa paggamit ng SBP
Subalit sa gitna ng mga hangaring nabanggit, nilinaw ni Asst. Prof. Bagabaldo na mayroong mga hamon sa pag-iimbak ng balat ng saging na saba.
“Mahirap i-handle ang banana peels, kasi ang bilis niyang mabulok. Kunwari, kukuha ka ng banana peels. Hindi mo siya pwede i-store kahit sa ref lang ‘yan… it will start to deteriorate unless you will do pre-treatments like i-ba-blanch mo [o] lalagyan mo ng antioxidants,” aniya.
Para naman kina Ampongan at Vargas, ang kondisyon ng balat ng saging ang isa rin sa konsiderasyon nila upang magamit ito sa kanilang mga paninda. Paliwanag nila, karaniwang mga saging na kinakalburo o nilalagyan ng calcium carbide upang mapahinog ang kanilang binibili sa mga supplier.
“Ang maganda kasi, kung gagamit ka ng balat ng saging, ‘yung iba kasi kinakalburo, ‘diba… So, ‘yung natural na hinog sana… Pero kasi katulad namin, na kailangan namin, hinog, so kailangan, kalburo siya para sabay[-sabay na hi]hinog. Kung iaano natin ‘yung, sabi niyo nga, balat, dapat hindi siya kinalburo. Kasi syempre kakainin siya ng tao eh,” paliwanag ni Vargas.

PANGUNAHING SANGKAP. Bilang pangunahing sangkap sa kanilang mga panindang meryenda araw-araw, kailangan nina Ampongan at Vargas ng saging na saba na sabay-sabay nahihinog sa isang piling. Dahil dito, mas pinipili nila ang pagbili ng mga kinalburong saba upang mas matiyak na magagamit at maipangbebenta agad ang mga ito. (Juthea Anne Gonzales/LB Times)
Kaya naman, para kay Vargas, dapat nagsisimula sa mga taniman ng saging ang pagsisiguro na mapakikinabangan ang balat nito para sa iba pang produkto.
“So, dapat, kung itatakbo ‘yung sa balat, dapat… Maganda ‘yung kuha sa puno, sa puno pa lang. Para sabay-sabay siyang nahihinog. Kasi… ‘yung matanda na siya sa puno, ‘yung tama na ‘yung kinuha mo siya, kapag tinanggal mo, mahihinog na sila. Kaso ngayon kasi, ang saba, hindi nila agad ‘yun hinihintay. Kinukuha agad nila, gawa ng para syempre mabenta,” ani Vargas.
Bukod dito, mahalagang konsiderasyon din para kina Ampongan at Vargas ang masigurong magiging mabili ang mga bagong produktong ibebenta nila.
“Pero kasi katulad nu’ng sinabi mo, mag-aano kami ng balat, tapos sinabi mo sa customer, ang hirap kasing i-introduce ‘yung balat, lalo na first time. ‘Diba?” wika ni Vargas.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Bagabaldo ang pagsasagawa ng demand survey, perceived benefits study, at nutritional educational module, kasabay ng laboratory at kitchen testing, bago ipakilala ang bagong produktong may SBP sa mga mamimili.
Sa ngayon, ang mga isinagawang pag-aaral ng mga estudyante mula sa IHNF hinggil sa paggamit ng SBP sa mga food product ay hindi pa rin naililimbag sa mga publikasyon. Patuloy pa ang pag-aaral ng mga mananaliksik hinggil dito.