Higit pa sa ‘Puno ng Sementeryo’: Ang mga lihim ng kalachuchi

Ulat nina Mithi Antonette Balladares, Aarish Paulo Constantino at Remigio Nacion Jr. 

Si Dong Villaluz sa kanilang bakuran kasama ang kaniyang mga tanim na kalachuchi. (Kiara Althea Villaluz via Mithi Antonette Balladares/LB Times)

Sa paglalakad sa loob ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), madalas na nilalagpasan lamang ng marami ang mga puno ng kalachuchi. Tahimik itong nakatanim sa gilid ng mga kalsada, sa harap ng mga gusali, at sa mga parke ng unibersidad. Para sa ilan, isa lamang itong ordinaryong halamang ornamental. Para naman sa iba, isa itong “punong pang-sementeryo” dahil sa matagal nang paniniwalang iniuugnay ang amoy ng bulaklak nito sa kamatayan at lamay.

Ngunit para kay Moises “Dong” Villaluz, isang plant breeder mula sa Batong Malake, Los Baños, Laguna, hindi rito nagtatapos ang kuwento ng kalachuchi.

Sa kaniyang bakuran, ang mga punong minsang iniuugnay lamang sa sementeryo ay nagiging bonsai, paksa ng eksperimento, at katuparan ng isang pangarap. Dito niya sinusubukan ang iba’t ibang kulay, hugis, at variety ng kalachuchi. Dito rin niya natutuhan na hindi basta-basta namumukadkad ang isang bulaklak—kailangan dito ang tiyaga, panahon, at paulit-ulit na pagsubok.

May ganito ring layunin ang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa UPLB na pinamagatang “Morphological Characterization, Pollen Viability, and Germinability Evaluation of Two Plumeria Species in the University of the Philippines Los Baños” na nailathala sa Philippine Agricultural Scientist noong 2025. Sa pag-aaral, naitala ang 62 puno ng Plumeria sa kampus: 36 na Plumeria obtusa at 26 na Plumeria rubra. Sa mga ito, 42 ang matagumpay na sumailalim sa morphological characterization o paglalarawan batay sa kanilang mga pisikal na katangian.

“Maganda siya gawing bonsai,” kuwento ni Villaluz.

Peduncle characteristics of (A) Plumeria obtusa and (B) Plumeria. (Antesco et al./The Philippine Agricultural Scientist)

Bata pa lamang siya ay pamilyar na sa kalachuchi dahil mayroon na silang tanim nito noon. Ngunit lalo siyang nahilig nang makita niya sa YouTube ang iba’t ibang paraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng halaman. Mula noon, sumali siya sa mga online plant group, umorder ng mga cutting mula Tarlac at Nueva Ecija, at natuto sa pamamagitan ng sariling pagsubok.

Hindi naging madali ang simula. Noong Disyembre, walo lamang sa 100 grafted plants ang nabuhay sa una niyang pagsubok. Nang ulitin niya ito noong Marso at Abril, napansin niyang mas angkop ang mainit na panahon. Umabot sa halos 90 porsiyento ang survival rate ng kaniyang mga grafted plant.

“Mainit na mainit na panahon ang naaayon,” ani Villaluz.

Sa kaniyang proseso, gumagamit siya ng karaniwang kalachuchi bilang rootstock o halamang pinagmumulan ng ugat. Kapag sapat na ang laki at tibay ng puno, pinuputol niya ang bahagi nito at ikinakabit ang cutting mula sa ibang variety. Mahalaga ang kalinisan ng mga kagamitan, wastong paghiwa, at maingat na pagkakabit. Kapag hindi na-sterilize ang blade, maaaring maimpeksiyon ang halaman at mamatay. Sa panahon naman ng tag-ulan, mas marami ang maaaring hindi mabuhay kaya gumagamit siya ng bubong na plastik upang maprotektahan ang mga halaman sa sobrang pagkababad sa tubig.

lan sa mga rootstock na tanim ni Dong Villaluz. (Mithi Antonette Balladares/LB Times)

Sa loob ng dalawang taon, tinatayang umabot na sa ₱25,000 ang nagastos ni Villaluz sa kaniyang proyekto sa pagpaparami ng Plumeria. May pagkakataon ding mahigit 200 halaman ang sinubukan niyang buhayin, ngunit marami sa mga ito ang hindi nagtagumpay. Sa kabila nito, hindi siya tumigil. Sa ngayon, mayroon na siyang humigit-kumulang 40 variety na may iba’t ibang kulay.

Paborito niya ang dilaw at matingkad na pula, lalo na ang mga bulaklak na may dalawang kulay sa iisang talulot.

“Kapag nakakita ako ng bago, para akong tuwang-tuwa gawa nung kulay at korte ng bulaklak,” ani Villaluz.

Ipinakikita ng karanasan ni Villaluz na may agham sa likod ng bawat bulaklak na namumukadkad. Ang ganitong interes sa pagkilala at pagpaparami ng kalachuchi ay siya ring naging bahagi ng pananaliksik ng mga siyentista sa UPLB.

Ayon kay Maria Charito E. Balladares, isa sa mga mananaliksik, nagsimula ang pag-aaral sa mga kuwentuhan at sa pagpapatuloy ng isang research topic na iniwan ng kaniyang dating immediate supervisor na pumanaw na. Bilang pagpupugay at pagpapatuloy sa nasimulang pananaliksik, isinulong nila ang pag-aaral kasama ang mga research assistant na sina Darel Kenth S. Antesco at Alangelico O. San Pascual, ang propesor na si Fernando C. Sanchez Jr., at si Pablito M. Magdalita, isang breeder mula sa Institute of Plant Breeding ng UPLB.

Habang binubuo ang panukalang pananaliksik, unti-unting napansin ni Balladares ang pagkakaiba-iba ng mga kalachuchi sa kampus.

“Pag naglalakad ako, maraming Plumeria sa campus at may iba’t iba siyang characteristics,” ani Balladares. “Na-realize ko na maganda pala yung kulay niya.”

Si Maria Charito Balladares sa UPLB Edible Garden. (Antonette Balladares/LB Times)

Sa pag-aaral, natukoy ang malinaw na pagkakaiba ng dalawang species. Ang P. obtusa ay karaniwang may mapuputing bulaklak, mas bilugan at malalapad na dahon, at berdeng peduncle o tangkay na pinaglalabasan ng mga bulaklak. Samantala, ang P. rubra ay may mas patulis na dahon at mas malawak na pagkakaiba-iba ng kulay ng bulaklak, kabilang ang puti, dilaw, rosas, at madilim na pula.

Mahalaga ang ganitong morphological characterization dahil marami sa mga kalachuchi sa UPLB ang walang malinaw na tala tungkol sa kanilang pinagmulan. Sa madaling salita, hindi tiyak kung saan nagmula ang mga ito. Para sa isang institusyong pananaliksik tulad ng UPLB, ang pagkilala at pagdodokumento sa mga punong ito ay mahalagang unang hakbang tungo sa mas malalim na pag-aaral, pangangalaga, breeding o pagpaparami ng mga halaman, at paglinang ng mga bagong variety.

Ngunit hindi lamang dahon at bulaklak ang sinuri ng mga mananaliksik. Sinuri rin nila ang pollen viability at germinability ng kalachuchi.

Sa payak na paliwanag, tumutukoy ang pollen viability sa kakayahan ng pollen na manatiling buhay at potensyal na makilahok sa pagpapabunga. Sa pag-aaral, gumamit ang mga mananaliksik ng staining test o pagsusuri gamit ang tina upang matukoy ang viability ng mga pollen. Samantala, sinusukat naman ng germinability kung kaya ng pollen na sumibol o bumuo ng pollen tube—isang mahalagang hakbang sa proseso ng pagpapabunga.

Lumabas sa pag-aaral na mataas ang pollen viability ng dalawang species, ngunit mababa ang aktuwal na germination o pagsibol ng pollen. Ipinakikita nito na hindi sapat na matukoy lamang na buhay ang pollen; mahalaga ring malaman kung kaya nitong sumibol at magpatuloy sa proseso ng reproduksiyon.

Para sa mga breeder tulad ni Villaluz, maaaring maging mahalaga ang ganitong kaalaman. Bagama’t natuto siya mula sa YouTube, online groups, at sariling karanasan, makatutulong ang mga pag-aaral tulad nito upang higit na maunawaan kung bakit may mga variety na madaling paramihin, may mga hindi nabubuhay, at may mga hindi nagtatagumpay kapag ikinakabit sa isang partikular na rootstock.

Aminado si Villaluz na hindi lahat ng variety ay madaling buhayin.

“Hindi lahat ng variety ay nabubuhay,” ani niya. “May ibang hindi nagtutugma sa pinakarootstock.”

Dito nagtatagpo ang karanasan ng breeder at ang datos ng siyensiya. Sa laboratoryo, sinusuri ng mga mananaliksik ang pollen, dahon, bulaklak, at pagkakaiba ng mga species. Sa bakuran naman, sinusubok ni Villaluz ang epekto ng init at ulan, ang wastong paraan ng grafting, ang pagpili ng rootstock, at ang kaniyang pasensya. Magkaiba man ang kanilang pamamaraan, iisa ang layunin: higit na mapaganda, maparami, at maunawaan ang kalachuchi.

Ayon kay Balladares, may potensiyal ding magkaroon ng pangkabuhayang gamit ang kalachuchi. Maaari itong gamitin sa pagbuo ng mga bagong variety, landscaping, cut flower production, at paggawa ng mga produktong pampabango. Maaari rin itong maging paksa ng iba pang pananaliksik para sa paglinang ng mga produktong nakabatay sa halaman. Sa pamamagitan ng mas maayos na pagdodokumento at pagkilala sa iba’t ibang variety, maaaring madagdagan ang halaga ng kalachuchi hindi lamang sa pananaliksik kundi maging sa industriya ng halamang ornamental.

Para kay Villaluz, may potensiyal din itong maging bahagi ng isang mas malawak na industriya sa Pilipinas. Gayunman, kailangan dito ang angkop na klima, sapat na kaalaman, at mahabang pasensya. Sa ngayon, hindi pa siya nagbebenta dahil mas nakatuon muna siya sa breeding at pagpaparami ng kaniyang koleksiyon. Naniniwala siyang kung magbebenta siya agad, mababawasan ang pagkakataon niyang mapalago pa ito.

Ngunit higit sa posibleng kita, nais niyang mabago ang pagtingin ng mga tao sa kalachuchi.

Ayon kay Villaluz, noon ay madalas gamitin ang kalachuchi sa mga prosisyon, sagala, at lamay dahil madali itong makuha. Maaaring dito nag-ugat ang pagkakaugnay nito sa sementeryo. Ngunit para sa kaniya, hindi dapat ikulong sa ganitong pananaw ang halaga ng halaman.

“Maganda siyang pang-display sa mga bahay,” sabi niya.

Sa huli, ang kuwento ng kalachuchi sa UPLB ay hindi lamang tungkol sa dalawang species, pollen, dahon, o bulaklak. Kuwento rin ito ng mga taong handang tumingin muli sa isang halamang matagal nang nababalot ng mga nakasanayang paniniwala.

Sa bawat punong nakatanim sa kampus, may pagkakakilanlang maaaring tuklasin. Sa bawat bulaklak, may posibilidad na makabuo ng bagong variety. At sa bawat breeder tulad ni Villaluz, may kuwentong nagpapaalala na ang agham ay hindi lamang matatagpuan sa laboratoryo, kundi maging sa bakuran, sa mga sariling eksperimento, at sa tiyagang maghintay na mamukadkad ang isang halaman.

Kaya sa susunod na madaanan ang kalachuchi sa UPLB, maaaring hindi na lamang ito makita bilang punong iniuugnay sa sementeryo. Sa halip, maaari itong maging paalala ng mga posibilidad na naghihintay pang matuklasan—sa pananaliksik, kabuhayan, at pagpapahalaga sa mga halamang matagal nang bahagi ng ating kapaligiran.

Gaya ng paalala ni Balladares, “There is so much more to discover.”

Mga Sanggunian:

Antesco, D. K. S., Balladares, M. C. E., San Pascual, A. O., Magdalita, P. M., & Sanchez Jr, F. C. (2025). Morphological Characterization, Pollen Viability, and Germinability Evaluation of Two Plumeria Species in the University of the Philippines Los Baños. The Philippine Agricultural Scientist, 108(1), 10. https://doi.org/10.62550/FD28036024