Ulat nina Josh Stephen Astillero at Earl Joshua Pector

Bakas sa pagsasalaysay ni Nanette Milendrez ang kalungkutang dulot ng pagkalugi niya sa kaniyang alagang bakang dinapuan ng mga garapata. (Earl Joshua Pector/LB Times)
“Kapag naisipan mo siyang ibenta dahil namamayat na ito, siyempre bababa ang presyo. Halimbawa, ang halaga ay nasa ₱50,000, tatawaran na lang ‘yon ng ₱43,000 lalo na kung matamlay na ‘yung hayop.”
Ganito inilarawan ng magsasaka mula sa Dasmariñas, Cavite na si Nanette Milendrez, 42, ang epekto ng ticks o garapata sa kanilang mga alagang baka. Kwento niya, bukod umano sa pagsusugat ng mga hayop dahil sa impestasyon, bumababa rin ang kanilang timbang na nagiging mitya ng pagbaba rin ng kanilang halaga sa merkado.
“Mahirap syempre dahil ‘yung huli naming baka, mamamatay na siya. Ang ginawa ko, pinabenta ko na lang kahit sa murang halaga. Kahit na palugi, at least kahit paano ay may maibalik man lang,” saad niya.
Sa salaysay ni Milendrez, masasalamin na hindi lamang maituturing na basta simpleng peste ang mga garapata. Sa lumalalang kaso ng acaricide resistance, o ang pagiging “immune” ng mga ito sa karaniwang gamot laban sa kanila, mas lumalalim din ang nagbabadyang banta nito sa industriya ng paghahayupan at sa seguridad sa pagkain.
Pag-usbong ng ‘Super Ticks’
Unang ginamit ang terminong ‘Super Ticks’ sa isang webinar na bahagi ng programa ng National Research Council of the Philippines (NRCP) Regional Basic Research Caravan. Binuo ito ng kasalukuyang UP Scientist III at Associate Professor mula sa Kolehiyo ng Medisinang Pambeterinaryo o College of Veterinary Medicine na si Dr. Remil Galay. Siya rin ang kasalukuyang direktor ng UPLB Zoonoses Center.

Tinalakay ni Dr. Remil Galay ang kahalagahan ng wastong paggamit ng mga acaricides. (Earl Joshua Pector/LB Times)
Kuwento niya, ang pagpapangalang ito ay nag-ugat sa paglalarawan sa animo’y lumalakas na kapasidad ng mga garapata. “Nagkakaroon na sila ng tinatawag na resistance, so instead of the tick being killed by the usual acaricide at the usual dose, they survive and proliferate.”
Dagdag pa ng nasabing eksperto, kapag ang isang babaeng garapata ay nakaligtas sa acaricide at nakapagparami, maaaring maipasa nito sa susunod na henerasyon ang resistant genes. Dahil dito, mas humihirap kontrolin ang kanilang paglobo sa paglipas ng panahon, lalo na kung mali ang dosage o hindi tama ang paggamit ng acaricide laban sa kanila.
Sa isang pag-aaral noong 2025 na pinamagatang “Ticks’ Antioxidant Complex and its Implications in Acaricide Resistance,” sinuri ng mga mananaliksik, kabilang na si Galay, ang antioxidant properties ng mga garapata na makikita sa mga baka at aso gamit ang tatlong kemikal: amitraz, cypermethrin, at ivermectin.
Lumabas sa kanilang pag-aaral na pinakamataas ang mortality rate ng mga garapata sa kemikal na amitraz, na mayroong 91-100%. Ibig sabihin, epektibo itong pangontra sa mga garapata dahil sa kawalan nila ng resistance para rito. Subalit, habang mataas pa rin ang mortality rate ng mga nasabing peste sa kemikal na cypermethrin at ivermectin, lumitaw din sa pag-aaral na mayroon nang mga garapatang tumataas ang resistance laban sa mga ito.
Pinsala sa produksyon at food security
Bukod sa pagdadala ng mga sakit tulad ng Lyme Disease, Tick-borne Encephalitis, at Severe Fever with Thrombocytopenia Syndrome, direktang naaapektuhan ng mga garapata ang pangkalahatang kalusugan ng mga baka, na nagdudulot din ng pagbaba sa kalidad ng kanilang produksyon, gaya ng naranasan ni Allan Maestre, 46.

Ibinahagi ni Allan Maestre na lubhang nakaaapekto ang mga garapata sa kabuuang kalusagan ng mga alagang hayop. (Josh Stephen Astillero/LB Times)
Kuwento ng nasabing caretaker na mula pa sa Bay, Laguna, malaking problema umano ang garapata sa kalusugan ng kaniyang mga inaalagaang baka dahil sa epekto nito sa kalidad ng karne at produksyon ng gatas.
“Madalas [din] ay nagkakaroon sila ng sakit sa buto… at mas tinatamaan sila ng impeksyon mula sa kanilang mga sugat,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni Galay, ang mga ito ay nakaugat sa blood-sucking habit ng mga garapata. Naaapektuhan kasi nito ang kabuuang timbang ng mga baka at pinabababa rin ang kanilang gatas. Sa bawat isang garapata, tinatayang umaabot sa 0.6 hanggang 0.9 live weight ang nawawala sa kabuuang timbang nito, na katumbas din ng pagkalugi sa 8.9 milliliters ng gatas na nasasayang.

Tumatamlay at pumapayat ang mga baka dulot ng mga garapatang nakadapo rito. (Josh Stephen Astillero/LB Times)
Kaya naman, idiniin ni Galay na mahalagang matugunan ang isyung ito lalo pa’t ayon sa ulat ng NRCP, tinatayang aabot sa P14-19B dolyar ang pinasalang pang-ekonomiya dahil lamang sa impestasyon ng mga garapata sa mga baka.
“It’s important to know that the cattle industry is still a growing industry. Any problem that will hinder its development must be addressed,” aniya.
‘Super Science’ kontra ‘Super Ticks’
Samantala, hindi lamang acaricides ang pinag-aaralang pangontra sa impestasyon ng mga garapata. Sa pananaliksik nina Galay, tinitingnan din nila ang antioxidants na nililikha ng mga ito bilang posibleng daan upang lumikha ng proteksyon laban mismo sa kanila.
Paliwanag kasi ng nasabing eksperto, bagama’t dugo ang pangunahing pinagkukunan ng lakas ng mga garapata, hindi ito ideal na pagkain dahil mataas ito sa iron at free radicals, o mga reactive na molecules sa katawan, na maaring makapatay sa kanila. Dahil dito, lumilikha silang antioxidants upang maging panangga rito at pahabain ang kanilang buhay.
At sa kanilang pag-aaral, kung saan gumamit sila ng gene slicing at double-stranded RNA injections, lumabas na maaaring lumiit ang mga garapata kapag napigilin ng mismong antioxidants ang kanilang mga katawan. Bukod dito, nagdudulot din ito ng abnormalidad sa kanilang pangigitlog, dahilan upang ito ay umonti o di kaya’y maagang mamatay.
Kaya naman, bilang kabuuan ay idiniin ni Galay na ang pag-aaral sa mga antioxidants na nililikha ng mismong mga garapata, ay maaaring maging daan din sa pagbuo ng mga anti-tick vaccine sa hinaharap.
Para sa isang ‘tick-resistant future’
Mula sa mga kuwento nina Milendrez at Maestre, masasalamin na hindi biro ang mga suliraning bunsod ng paglala ng tick infestation at ng kanilang resistance. Dahil dito, pinabaunan din ni Galay ang mga mambabatas ng mga paraan upang mabigyang-daan ang mga solusyon sa mga isyu kontra garapata.
Kabilang sa nabanggit niya ang pagpapalawak ng awareness campaigns at pagbuo ng mga komprehensibong information at educational materials upang higit na maunawaan ang konteksto sa problema hinggil sa mga garapata.
“Dapat ang mga ganitong materials ay highly accessible. Mahalaga na magkaroon ng policy brief recommendations, awareness campaigns, lectures, at animated videos upang mas maintindihan ng maraming tao ang ganitong mga suliranin,” aniya.
Mahalaga rin umano ang masusing pagsasanay sa mga cattle raisers sa tama at maayos na paggamit ng mga acaricides, kabilang na ang pagbuo ng isang national reference manual para ma-monitor ang paggalaw ng resistance ng mga nasabing insekto.
Higit sa lahat, nanawagan din si Galay sa iba’t ibang mga sektor para pagtulungang lutasin ang isyu ng tick infestation.
“Kailangang magtulungan ang pamahalaan at mga cattle raisers sa pag-angkat at pag-distribute ng mga acaricides sa buong Pilipinas… [at] sana, mas maraming areas ang ma-reach ng mga ganitong initiatives at mas magkaroon ng wider dissemination.” saad niya. “We need to explain kung ano ang reality doon sa acaricide resistance kasi, bago pa maging problema [ay] dapat ma-prevent na [natin] ito.”
Maliit mang maituturing ang mga garapata, malaki ang nagbabadyang dagok kung hindi kaagad mapipigilan ang paglakas ng mga ito. Kaya naman, sa gitna ng patuloy na pagdami ng ‘super ticks,’ mahalaga na mapatibay din ng iba’t ibang sektor ang pundasyon ng resistance kontra sa mga ito nang sa gayon ay hindi malagay sa alanganin ang buhay ng bawat baka, pati na ang ikinabubuhay ng mga magsasakang nag-aalaga sa kanila.