Ulat nina Jaztine Genesis Gibas, Jazmine Claire Olorvida, Juliana Alcoriza, at Venus Loreine Dimaano
Sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay sa University of the Philippines Los Baños (UPLB)— mga deadline, pagsusulit, at personal na hamon— may isang simpleng gawain na nagiging sandigan ng maraming tao: ang paglapit sa kalikasan. Sa likod ng mga hardin, halaman, at luntiang espasyo sa kampus ay may mga kababaihang siyentista at guro na tahimik ngunit matatag na nagsusulong ng paggamit ng kalikasan bilang kasangkapan sa pag-aalaga ng kalusugan at kapakanan ng komunidad.
Sa bawat dahon na gumagalaw sa hangin at sa bawat halaman na maingat na inaalagaan, may tahimik na paalala na ang kalikasan ay hindi lamang nagbibigay-buhay sa lupa; nagbibigay din ito ng ginhawa sa isip at puso. Sa likod ng ugnayan ng tao at halaman ay may mga kababaihan na aktibong nagsusulong ng paghahalaman para sa kapakanan at kalusugan ng komunidad.
Mula sa ganitong kaisipan, dito minulat ang isang larangan na naglalayong pag-ugnayin ang agrikultura at kagalingan ng tao.
Unti-unting umuusbong sa UPLB ang isang larangan sa agrikultura na pinangungunahan ng mga kababaihan na hindi lamang tungkol sa pagtatanim ng halaman kundi pati na rin sa pagpapagaling ng katawan at pagpapakalma ng isipan. Tinatawag itong therapeutic horticulture, at sa likod ng pag-usbong nito ay ang dedikasyon ng mga kababaihan sa larangan ng agrikultura.
Dalang lunas ng hardin
Ayon kay Assistant Professor Maria Fatima Mercado ng Institute of Crop Science (iCrops) sa UPLB College of Agriculture and Food Science (CAFS), ang therapeutic horticulture ay higit pa sa karaniwang paghahalaman. Pinaliwanag niya na ito ay paggamit ng paghahalaman sa iba’t ibang aktibidad na may kinalaman sa kalikasan na nakakatulong sa kalusugan ng isang tao. Sa madaling salita, ang simpleng pagdidilig ng halaman, pag-aayos ng hardin, o paghawak sa lupa ay maaaring maging bahagi ng proseso ng pagpapagaling.
Kabilang sa mga aktibidad na isinasagawa sa therapeutic horticulture ang gardening, plant arts, flower arrangement, at pagpreserba ng mga bulaklak upang gawing arts and crafts.
Ayon sa pag-aaral nina Yang et.al. (2024), ipinapakita nito na ang therapeutic horticulture ay may positibong epekto bilang suportang interbensyon sa mga matatandang may demensya at iba pang mga problema sa pag-iisip ng matatanda.
Hindi lamang ito nakatuon sa pisikal na kalusugan. Saklaw din nito ang mental, emotional, social, at cognitive health ng isang indibidwal.
Mahigit tatlong dekada nang nagtuturo si Asst. Prof. Mercado sa UPLB, simula noong 1993. Sa kaniyang mga taon ng karanasan, nakita niya kung paano nagiging mahalagang bahagi ng kalusugan ng tao ang koneksyon sa kalikasan.

Halimbawa ng plant arts bilang bahagi ng kursong therapeutic horticulture.
Kuha mula sa Facebook ni Assistant Professor Maria Fatima Mercado
Luntiang espasyo na nagsisilbing sandigan
Lumitaw ang kahalagahan ng therapeutic horticulture noong panahon ng pandemya ng COVID-19. Sa gitna ng mga lockdown at pangamba, maraming tao ang nakaranas ng matinding stress at pagkabalisa.
Isa rin sa mga nagsusulong ng therapeutic horticulture sa UPLB ay si Dr. Susan Aquino-Ong, isang landscape architect at guro na naniniwalang may mahalagang papel ang kalikasan sa pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng tao. Sa Unibersidad, ang kursong nakatuon sa therapeutic horticulture ay pinangungunahan at itinuturo ng apat na kababaihang propesor—si Dr. Aquino-Ong, kasama sina Dr. Lenny Nguyen at Assistant Professor Timmy Mercado. Ayon sa kanya, ang pagtuturo ng larangang ito ay bunga ng kanilang magkakasamang adbokasiya na ipakita kung paano maaaring gamitin ang kalikasan hindi lamang sa agrikultura kundi pati sa pag-aalaga ng kalusugan at kapakanan ng mga tao.
Hindi lamang akademikong interes ang nagtulak sa kaniya upang pag-aralan ang therapeutic horticulture. Nagsimula rin ito sa isang personal na karanasan bilang isang ina. Sa paghahanap ng mga paraan upang suportahan ang kapakanan ng kaniyang anak, nakita niya kung paano nakakatulong ang simpleng paghawak sa lupa, pag-aalaga ng halaman, at pananatili sa isang tahimik na hardin upang makapagbigay ng ginhawa at katahimikan. Ang karanasang ito ang lalo pang nagpatibay sa kaniyang paniniwala na ang mga hardin ay maaaring maging espasyo ng paghilom para sa maraming tao.
Sa loob ng mga taon ng pagtuturo at pakikipag-ugnayan sa komunidad, paulit-ulit niyang nasaksihan ang mga kuwento ng matinding pagod, pagkabalisa, at maging ang mga trahedyang dulot ng pagkawala ng pag-asa. Mula sa mga kabataang nakikipagbuno sa pagkabalisa at academic pressure hanggang sa mga balitang tungkol sa mga buhay na nawala dahil sa depresyon, nakita niya kung gaano kalalim ang pangangailangan para sa mga espasyong nagbibigay ng pahinga sa isip at damdamin.
Sa gitna ng mga karanasang ito, lalo niyang nakita ang potensyal ng kalikasan bilang tahimik ngunit makapangyarihang kakampi ng kalusugang pangkaisipan. Para kay Dr. Aquino-Ong, ang paghahardin at pagdidisenyo ng mga therapeutic gardens ay tungkol din sa paglikha ng mga lugar kung saan maaaring muling makahinga, makapagpahinga, at unti-unting makabangon ang mga tao.
Para kay Dr. Aquino-Ong, malinaw ang mensahe: ang kalikasan ay may mahalagang papel sa kalusugan ng tao.
Sa kaniyang klase, ipinakikilala niya sa mga estudyante ang konsepto ng Shinrin-yoku, o forest bathing— isang Japanese practice ng paglalakad sa kagubatan upang mapabuti ang kalusugan. Isinasagawa niya ito sa Makiling Botanical Garden sa loob ng UPLB campus.
Sa katahimikan ng kagubatan, ang simpleng paghinga ng sariwang hangin at pagmasid sa mga puno ay nagiging paalala na ang kalikasan ay may kakayahang ibalik ang balanse ng katawan at isipan.
Ang hardin ay lugar ng pahinga para sa lahat
Isa pang mahalagang aspeto ng therapeutic horticulture ay ang disenyo ng therapeutic gardens.
Ayon kay Dr. Aquino-Ong, dapat isaalang-alang ang maraming factors sa pagdidisenyo nito, tulad ng klima, kondisyon ng lupa, antas ng ingay sa lugar, at kung sino ang gagamit ng hardin — mga bata, matatanda, o PWDs.
May mga halamang partikular na nakakatulong sa therapeutic gardens, lalo na ang mga may mabangong amoy at magagandang kulay. Ilan sa mga halimbawa nito ay sampaguita, rosal, camia, dama de noche, at fortune plants.
Mas mainam din ang paggamit ng native plants, dahil mas madaling alagaan at mas nakakatulong sa ecological balance. Nakakaakit din ang mga ito ng mga lokal na ibon, bubuyog, at iba pang pollinators.
Dahil sa mga prosesong ito sa katawan, inirerekomenda ang therapeutic horticulture para sa iba’t ibang grupo ng tao. Para sa mga nakatatanda, maaari itong makatulong sa pagpapakalma ng isip at pagpapabuti ng kanilang memorya at kondisyon. Para naman sa mga bata, nagiging espasyo ang hardin para sa pagkatuto, paglalaro, at paglinang ng koneksiyon sa kalikasan. Sa mga persons with disabilities (PWDs), ang mga therapeutic garden ay maaaring magsilbing ligtas at inklusibong lugar kung saan maaaring makaranas ng relaxation, sensory stimulation, at pakikipag-ugnayan sa kapaligiran.
Therapeutic horticulture bilang lumalagong larangan
Noong 2023, nagsimulang ituro ni Asst. Prof. Mercado ang kursong Horticulture 105, na nakatuon sa therapeutic horticulture. Sa simula, kakaunti lamang ang mga estudyanteng kumukuha nito, ngunit habang tumatagal ay unti-unti itong nakikilala at napapalapit sa mga estudyante.
Mula sa tatlo hanggang limang estudyante noong mga nakaraang taon, umabot na sa 12 ang enrollees ngayong semestre. Kapansin-pansin din na maraming kababaihan ang kumukuha ng naturang kurso. Ipinapakita nito na dumarami ang mga kabataang naghahanap hindi lamang ng kaalaman sa agrikultura, kundi pati ng mga paraan upang alagaan ang kanilang kalusugang mental at emosyonal.
Para kay Asst. Prof. Mercado, mahalagang maipasa ang kaalamang ito sa mas maraming kabataan upang makatulong ito hindi lamang sa kanilang sarili, kundi pati sa kapakanan ng kanilang komunidad at mga mahal sa buhay.
“Gusto kong i-share ang skills and knowledge ko sa mga estudyante tungkol sa mga ibang pamamaraan sa therapeutic horticulture,” aniya.
Sa likod ng pag-usbong ng therapeutic horticulture ay ang mahalagang papel ng kababaihan sa agrikultura.
Ayon sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture, 2,663,663 na kababaihang magsasaka, mangingisda, at manggagawang agrikultural ang naitala sa buong bansa noong Marso 2023, na kumakatawan sa 42.9 porsyento ng 6.2 milyong indibidwal na nakarehistro sa sektor ng agrikultura.
Para kay Dr. Aquino-Ong, ang mga babae sa larangan ng agrikultura ay assertive at aktibo sa iba’t ibang sektor ng industriya, kabilang ang smart agriculture at research. Ngunit higit pa rito, naniniwala siya na may natatanging kakayahan ang kababaihan pagdating sa pag-aalaga at pag-unawa sa kapakanan ng iba.
Likas na mapag-alaga ang mga kababaihan para kay Asst. Prof. Mercado— mga katangiang mahalaga sa therapeutic horticulture. Gayunpaman, mahalagang hindi limitahan ng kababaihan ang kanilang sarili sa tradisyunal na papel sa lipunan. Higit pa sa pagiging tagapag-alaga, ang mga kababaihan sa agrikultura ay mga lider, siyentipiko, at tagapagtaguyod ng mga inisyatibong nagbibigay-buhay sa komunidad.
Ang siyensiya ng paghilom sa kalikasan
Hindi lamang emosyonal na benepisyo ang naibibigay ng kalikasan, kundi may mga siyentipikong paliwanag din sa likod ng therapeutic horticulture.
Para kay Dr. Aquino-Ong, may siyentipikong paliwanag kung bakit nagiging nakapapawi ang pananatili sa kalikasan at sa mga hardin. Ayon sa kaniya, ang simpleng paglalakad o pananatili sa isang luntiang espasyo ay maaaring magdulot ng mga prosesong biyolohikal sa katawan na nakatutulong sa pagpapakalma ng isipan.
“When you’re outside, you have a connection with nature and there are plants that give you phytoncides. They are compounds that enter into your skin, into your hair, into your being, and that produces oxytocin, the happy hormones.”
Mayroon ding konsepto ng grounding na kanyang tinuturo, kung saan ang paglalakad nang nakapaa sa lupa ay nakakatulong sa pagbabalanse ng electrical charge ng katawan. Para sa kaniya, ang mga simpleng gawain tulad ng paglalakad sa damuhan o pag-aalaga ng halaman ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan.

Si Dr. Susan Aquino-Ong ng University of the Philippines Los Baños ay patuloy na nagsusulong ng therapeutic horticulture, kung saan ginagamit ang mga hardin at kalikasan bilang espasyo para sa pagpapagaling at paghilom ng mental at emosyonal na kalusugan. | Kuha ni Claire Olorvida
Ang dalang tulong ng green spaces sa mga estudyante

Freedom Park, isang luntiang espasyo sa unibersidad na pahingahan ng mga estudyante.
| Kuha ni Margruz Olog
Para sa maraming estudyante sa UPLB, ang presensya ng kalikasan sa campus ay hindi lamang dekorasyon— isa itong mahalagang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay.
Si Miguel Ledesma, isang estudyante mula sa Calamba, Laguna, ay lumaki sa Maynila. Ayon sa kaniya, malaki ang pagkakaiba ng urban environment at ng isang green campus tulad ng UPLB. Para sa kaniya, ang simpleng paglalakad sa lilim ng mga puno ay nagiging pahinga mula sa pagod at ingay ng akademikong buhay.
“Kapag maraming requirements, nakakatulong na maglakad sa Freedom Park o Carabao Park,” aniya. “Hindi siya nagiging dagdag na stress kumpara sa ingay ng lungsod.”
Ganito rin ang karanasan ni Resha Jem Abiog, isang estudyante mula sa Bulacan, at aniya, malaking pagbabago ang paglipat sa UPLB. Ayon sa kaniya, may paniniwala na ang pagtingin sa kulay berde ay nakakatulong sa pagbaba ng cortisol level— isang hormone na may kaugnayan sa stress.
“Mas tahimik at mas presko ang environment dito. Nakakakalma siya at nakakatulong sa self-reflection,” saad niya. Kapag nahihirapan siya sa pag-aaral, lumalabas lamang siya ng dorm at naglalakad sa Freedom Park.
Si Louise Dominique Gloria, isang estudyante mula sa College of Development Communication, ay nagsabing nakatutulong ang mga luntiang espasyo upang mabawasan ang stress na dulot ng akademikong gawain.
Gaya rin ng nasabi ni Ashanti, isang estudyante mula sa College of Agriculture and Food Science, na ang presensya ng mga puno sa kampus ay nakatutulong sa kanilang well-being, lalo na sa init ng panahon at sa pagre-relax pagkatapos ng mahirap na pagsusulit.
Mga halamang nagpapaalala ng pagmamahal
Hindi lamang sa mga estudyante makikita ang epekto ng kalikasan sa ating kalusugan.
Para kay Freia Angela M. Sardido, 44 taong gulang at nagtapos ng Agricultural Economics, ang mga halaman sa kanilang bahay ay may mas malalim na kahulugan.
Sa kanilang bakuran sa Los Baños, ang bawat halaman ay hindi lamang bahagi ng tanawin; ito ay alaala ng pagmamahal ng kaniyang yumaong ama. Sa hardin na punong-puno ng sari’t-saring halaman, ang mga dahon ay tila natural na bubong na sumasala sa init ng araw. Kapag tumatagos ang sikat ng araw sa pagitan ng mga sanga at dahon, nagiging malambot ang liwanag na tila dahan-dahang yakap ng umaga.
Ang bakuran ay nagiging mas maaliwalas, mas komportable, at higit sa lahat, mas tahanan ang pakiramdam.
Ayon kay Sardido, ang kaniyang ama ay mahilig magtanim at siya ang nag-alaga sa marami sa mga punong makikita ngayon sa kanilang tahanan.

Si Freia Angela Sardido ay isang lokal sa Los Baños na kinikilala ang
kanilang hardin hindi lang bilang libangan ngunit bilang buhay na alaala ng kanyang ama.
| Kuha ni: Claire Olorvida
Para sa kaniya, ang pag-aalaga sa mga halamang iniwan ng kaniyang ama ay naging paraan upang mapanatili ang kaniyang alaala at pagmamahal. Sa mga araw na mabigat ang pakiramdam, sapat na ang pagtingin sa mga punong iyon upang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa.
Bukod sa emosyonal na halaga nito, naging mahalaga rin ang mga halaman sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Para rin sa kaniyang ina, nagtatanim sila ng iba’t ibang edible plants tulad ng malunggay, tanglad, luya, kamote tops, bayabas, at banaba. Ang bakuran na minsang inalagaan ng kaniyang ama ay patuloy na nagbibigay hindi lamang ng pagkain at lilim, kundi pati ng katahimikan, isang harding tila nagkukuwento ng isang mabagal ngunit matatag na pagmamahal.
“Nakakatulong siya kasi hindi na kami bumibili. May makukuha na kami dito sa bahay,” kuwento niya.
Sa kanilang pagtanda, ang mga halamang ito ay nagsisilbing maliit ngunit mahalagang hakbang tungo sa pag-aalaga ng kanilang kalusugan. Ang mapayapang hardin kasama ng paborito niyang bugambilya na minsang inalagaan ng kaniyang ama ay patuloy na nagbibigay-buhay hindi lamang sa lupa, kundi pati sa kanilang pamilya.
Isang pangarap para sa hinaharap
Para kay Dr. Aquino-Ong, may malinaw siyang pangarap: ang pagkakaroon ng therapeutic garden sa bawat barangay.
Isang lugar kung saan maaaring pumunta ang mga matatanda, mga may sakit, mga taong dumaranas ng stress, at maging ang mga estudyante upang makahanap ng kapayapaan sa gitna ng kalikasan. Umaasa rin siya na balang araw, ang kaniyang mga estudyante ang magiging mga tagapangasiwa ng therapeutic horticulture sa kanilang mga komunidad.
Sa isang mundong lalong nagiging mabilis at teknolohikal, ang simpleng paglapit sa kalikasan ay maaaring maging sagot at paraan ng paghilom. At sa likod ng bawat harding nagbibigay-ginhawa ay ang mga kababaihang patuloy na nagtatanim ng kaalaman, malasakit, at pag-asa na humihiling ng paggaling para sa susunod na henerasyon.
Mga Sanggunian
Department of Agriculture (Philippines). (2023, March 6). DA celebrates women empowerment, social inclusivity at National Women’s Month Celebration 2023. https://www.da.gov.ph/da-celebrates-women-empowerment-social-inclusivity-at-nwmc-2023/
Smith D. J. (1998). Horticultural therapy: the garden benefits everyone. Journal of Psychosocial Nursing and Mental Health Services, 36(10), 14–21. https://doi.org/10.3928/0279-3695-19981001-12
Yang, J., Deng, Z., Pei, S., & Zhang, N. (2024). A feasibility study on indoor therapeutic horticulture to alleviate sleep and anxiety problems: The impact o plants and activity choice on its therapeutic effect. Complementary Therapies in Medicine, 81, 103032. https://doi.org/10.1016/j.ctim.2024.103032