Ulat nina Jo-Leanah Andrea Llames at Johnrey Oliver Delos Santos
Sa isang tahimik na sulok ng mahahabang pasilyo ng Institute of Biological Sciences (IBS) sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) ay may munting sorpresang naghihintay sa iyo. Nakapaloob sa isang asul na kahon ang regalo ng sari-saring kuwento—bawat isa’y ilaw na handang magbigay ng direksyon, hindi lamang sa mga mambabasa, kundi pati na rin sa mga community animal ng Unibersidad.
Ang kahon, mga pusa at aso
Taliwas sa madalas na inaasahang tindahan ng mga libro, ang Lighthouses Books-for-Rent Shop ay namamalagi at binubuhay ng iisang kahon. Sa hangaring makalikom ng tuloy-tuloy na pondo ang Compassion for Animals Through Service, na mas kilala bilang Cats of UPLB, nagsimula ang paglalakbay ng Lighthouses sa katubigang hindi pa nito nababaybay—ang negosyo ng pagpapahiram ng libro.
Ngunit sa panahon ng open source at social media, mayroon bang tatangkilik sa ganitong paraan ng negosyo?
“Hindi sumagi sa isip ko na magpa-rent (ng mga libro),” tuwirang hayag ng tagapangalaga ng Lighthouses habang inaalala kung paano nagsimula ang tindahan, “Mas gusto ng readers na they own the books. Kaya sabi ko, hindi mag-wo-work,” buong-loob niyang paniniwala.
Sa kabila nito, naniniwala rin ang Lighthouses na ang mga pusa at aso sa loob ng Unibersidad ay hindi lang dapat umasa sa donasyon. Upang masiguradong mabibigyan ng pang araw-araw na pagkain ang mga hayop, kinakailangan na ng siguradong mapagkukunan ng pondo ang organisasyon kahit pa sa maliit na paraan.
At gaano nga ba kahirap pigilan ang sarili, kung ang itinitibok ng puso ay pagmamahal para sa libro at mga pusa at aso na siyang higit pa sa anumang pagdududa?

Sina Pampam, Sunja at Celine na kasalukuyang naghahanap ng kanilang fur-ever home. Mga Kuha ng Lighthouses Book-for-Rent Shop.
Nitong 2024, nagsimulang mag-post ang Lighthouses sa kanilang Facebook page ng mga librong maaaring hiramin sa kanilang aklatan, katuwang ang mga linya at pahinang tumatatak sa kanila. Binibigyang-diin din minsan sa ilang post ang mga impormasyon ng libro na tingin nila ay makakaenganyo sa makakakita na magbasa.
Sa halagang 25 piso ay maaari nang mahiram ang libro sa loob ng isang linggo. Habang sa halagang 75 piso hanggang 100 piso naman ay tatagal na ito sa mga mambabasa nang dalawang buwan o nasa kalahating semestre. Kumpara sa isang brand-new na libro, ‘di hamak na mas abot-kaya ito lalo na kung ang iyong hinahanap ay mga babasahin na hindi karaniwang makikita sa ibang tindahan ng aklat.

Ito ang ilan sa maaari mong hiramin sa Lighthouses Books-for-Rent Shop. Kuha ni Jo-Leanah Andrea Llames.
Ayon sa Lighthouse, may ilang mga mag-aaral na nakatitipid nang sobra dahil sa bilis ng kanilang pagbabasa–ngunit nilinaw rin nila na hindi ito sukatan ng pabilisan dahil kung gusto mo pang pahabain ang panahon ng iyong paghiram, ay maaari lamang itong ipabatid sa kanila.
Dagdag pa rito, ang presyo na ito ay nakabase sa dami ng libro na iyong hihiramin. Kaya naman mas mainam na isa-isa muna ang pagbasa kung nais mong makatipid sa bulsa. At kung nais mong humiram, kailangan mo lang mag-iwan ng komento sa post ng librong iyong napili o magpadala ng mensahe sa kanila.
Pero gaya ng ibang mga kabuhayan, mayroon ding mga pagkakataon na sinusubok ng mga alon ng buhay ang Lighthouse.
“Nung umpisa talaga, wala[ng humihiram]. Wala talaga.” Ngunit ayon nga rin sa kanya, “Kung gusto mo, gusto mo talaga.” Kaya hindi rin ito naging balakid sa kanilang pagpapatuloy, dahil simula’t sapul pa lamang, ito ang mga bagay na bukal sa kanilang loob na gawin kahit na walang kapalit.
Kahit na kalimitan ay tuwing bakasyon lang kumikita ang aklatan ay laking pasalamat niya pa rin dito.
“I get to rave about books tapos FRA (fundraising activity) pa ng Cats. It checks a lot of boxes for me. Kaya sabi ko, itutuloy ko siya kahit na walang tumatangkilik,” sabik na wika nila.
Malaki rin ang tiwala nila sa mga nagnanais na magbasa. Sa paghiram mo ng libro, walang paunang bayad, bond fee, o safety deposit bago mo ito makuha. Maging sa iyong pagbalik ng aklat, ang pagbabayad ay nasa porma pa rin ng honesty store kung saan iiwan mo lamang sa isang garapon katabi ng asul na kahon ang hiniram mong libro.
Sa kasalukuyan, ayon sa kanila, wala pa namang nagiging problema ang Lighthouses sa pagkawala o pagkasira ng mga hiniram na libro. Sa tingin nila, ang pangunahing rason nito ay ang maluwag na proseso na siyang nakasandig sa pagtitiwala sa kapwa. Buo ang paninindigan niya rito dahil bago ang lahat ng ito, siya rin ay isang mambabasa. At ang nagbabasa ay patuloy na nalilinang at hinuhubog—at sa pagdaan ng panahon, sila mismo ay natuto na ring humulma ng bagong pag-asa para sa iba.
Isang libro, dalawampung piso
Sa gitna ng peryang puno ng adbokasiya at sigaw ng pagbabago, isang simpleng librong nagkakahalaga ng bente pesos ang natagpuan at nagsindi ng liwanag sa kanilang pangongolekta.
“[Nitong] 2020, ang tagal ko nang buhay. Ilang taon na ako noon, doon lang sumagi sa isip ko [na bumili ng libro] kasi nabili ko ito ng 20 pesos.”
Anim na taon na ang lumipas ngunit magpasahanggang ngayon ay nasa pabalat pa rin ng libro ang tag at presyo ng aklat na ito. Mistulang tanda ng reyalidad ng karamihan pagdating sa pagbili at pagbabasa ng libro. Bilang lumaki rin sa hirap, para sa kanila ang pagtatamo ng kaalaman ay isang pribilehiyo—na sa mundo ng mga dapat ay isang karapatan, walang naiiwan sa laylayan, at lahat ay nabibigyan ng pagkakataong matuto.
“Hindi ako makakapag-college kung hindi dahil sa UP. Noong high school, trying ‘yung overall buhay namin. Kaya hindi sumagi sa isip ko na bumili ng libro. Hiram pwede, kaya humihiram ako.”

Library card ng tagapangalaga ng Lighthouses Books-for-Rent Shop noong siya ay nasa kolehiyo pa. Kuha ni Jo-Leanah Andrea Llames.
Siyam sa sampu
Ang taong lumaki sa hiram na libro ay natutong maunawaan ang kahalagahan ng pagbibigay ng pagkakataon. At ngayon, bilang tagapangalaga ng Lighthouses, hindi niya maiwasang magtanong: sa lahat ng usapan tungkol sa libro, sa halaga nito, sa espasyo na kailangan nito, at sa komunidad na nabubuo ng pagbabasa—para kanino ba talaga ito?
“Alam niyo ngayon, currently, 9 out of 10 Grade 5 students, hindi marunong magbasa.”
Mapapatigil ka sandali sa bigat ng bilang: siyam sa sampung bata sa ika-limang baitang ang hindi nakakapagbasa.
“National emergency na siya sa LTS [Literacy Training Service],” aniya. “Functionally illiterate.”
Kaya naman para sa kanila, ang pagbabasa ay kailangang maranasan, hindi lang basta itinuturo.
“‘Yun ‘yung benefit ng reading,” sabi nila. “To be able to take in so many ideas, so many information in long form. Kaya parang read anything. Kasi it will train your brain…”
Pero iba na raw ang panahon ngayon. Ang problema ay hindi na kakulangan sa libro, kundi ang kalabisan sa ibang mga bagay.
“Nalulunod na tayo sa access. May digitization. Parang ang daming nag-co-compete for attention. Ang daming kakompetisyon ng libro.”
Ang cellphone. Ang YouTube. Ang TikTok. Hindi masama ang mga ito dahil bawat isa naman ay may gamit. Pero iba raw ang libro. Ang libro ay nangangailangan ng isang bagay na bihira ngayon: pasensya at ang kakayahang magpahinto para lang pakinggan ang sarili.
“Parang ‘yung pagbabasa lang mismo ng physical book, win na sa akin yun.” Dahil sa paniniwalang ito, hindi nila mapigilang ibigay ang ilan sa kanilang personal na koleksyon sa mga bata. Kabilang dito ay ilan sa mga librong patok sa mga mambabasa tulad ng “Papuntang Community Pantry,” isang children’s book na isinulat ni Eugene Evasco.
Ayon sa kanila, binili nila ang librong ito nang maraming beses. Maraming beses na rin itong umabot sa kamay ng iba.
“Hindi ko talaga matiis na hindi siya ibigay.”
Hindi lang daw kakayahan sa pagbasa ang kailangan sa panahon ngayon—kailangan na rin ng kagustuhan. Kagaya ng lagay ng edukasyon sa labas ng mga silid-aralan, ang pagbabasa ay kulturang wala talagang katiyakan. Hindi mo palagi malalaman ang epekto, hindi mo palagi mahahawakan ang resulta.
Pero kahit ganoon, magbibigay ka pa rin ng libro at magtitiwala ka: sa likas na kuryusidad ng mga bata, sa kapangyarihan ng kuwento, at sa posibilidad na sa isang gabi, sa isang tahimik na sandali, mabubuksan nila ito.
Ang pagbabasa ay isang makapangyarihang anyo ng edukasyon. Isang porma na hindi madalas namamalayan, ngunit nagtatayo ng ugat ng pagkatuto—tulad ng isang lighthouse o parola na mamamataan mo lang ang liwanag kapag madilim na.
Sabi nga ng tagapangalaga: “Read anything. It will train your brain.”
Para sa mga kabataang hinuhubog pa rin ng lipunan, isang sapat na pagkilos na ito. At ang mga inisyatibang tulad ng Lighthouses ay nagsisilbing isang tahimik na sandigan ng edukasyon. Dahil sa ganitong paraan, sa bawat librong pinapahiram at binubuksan ay tila maliit na ilaw—sapat lang upang umalalay at magbigay liwanag sa landas ng pagkatuto.
Gabay sa paglalakbay
Ngunit ang Lighthouses ay hindi lamang isang tindahan ng mga libro—isa rin itong lugar ng pagtatagpo. Sa kasalukuyan, mga estudyante at kawani pa lamang ng UPLB ang nakakahiram ng libro sa kanila. Bahagi na rin ito ng seguridad dahil sa loob ng Unibersidad matatagpuan ang pinag-iiwanan at pinagkukuhaan ng mga libro.
Sa kabila ng limitasyon na ito, patuloy na pinapalawak ng Lighthouses ang kanilang koleksyon ng mga libro. Sinisikap din ng aklatan na magkaroon ng mga librong angkop sa mas malawak na uri ng mga mambabasa—mula sa mga klasikong libro, pang-akademiko hanggang sa mga komiks, kontemporaryo, at mga kuwentong pambata, dahil isa sa mga pinanghahawakan ng katiwala ng aklatan ay ang sentimyento sa librong Meditations ni Marcus Aurelius.

Sipi mula sa introduksyon ng The Emperor’s Handbook na makabagong salin ng Meditations ni Marcus Aurelius na isinalin nina C. Scot Hicks at David Hicks. Kuha ng Lighthouses Books-for-Rent Shop.
“‘Yung mga libro, they’re lighthouses, they navigate lives.” At hindi nakukulong sa iisang libro ang pagkakaiba ng mga tao. “There has to be a lot of books, dahil iba ka, there could be a book that could help you for your problem, or problems in general.”
At para kay Andrey, isa sa mga suking humihiram, ang Lighthouses ang kanyang nagiging daan upang makapagbasa ng mga niche o mainstream na mga libro na hindi niya pa kayang bilhin. Katulad niya, si Ray* (‘di niya tunay na pangalan) naman na miyembro rin ng Cats of UPLB, ay nakatuklas ng mas maraming librong maaari niyang ma-explore lalo na ang mga genre na hindi pa siya gaanong kapamilyar.
Ito rin ang sentimyento ng Unit Library ng College of Human Ecology (CHE) nang manghiram sila ng libro sa Lighthouses para sa kanilang event na Amore Livre, na may temang “Words and Wonders, Testament of Time,” nito lamang nakaraang Pebrero dahil kinailangan nila ng Filipiniana books na karaniwan ding bihira lalo na’t sila ay isang pang-akademikong silid-aklatan.
Ang susunod na paglayag
Patuloy pa rin ang pagbabaybay ng Lighthouses sa maalong dagat ng buhay, lalo na’t sinusubukan nitong bigyang-pansin ang dalawang aspeto ng lipunan na malaki ang pagpapahalaga ngunit minsan ay kulang sa konkretong aksyon.
Sa patuloy na paglipat ng responsibilidad ng mga pampublikong institusyon sa mga magulang, guro, at mga pribadong indibidwal, ang bokasyon ng Lighthouses ay simple lamang.

Pahina mula sa 1000 Books to Read Before You Die ni James Mustich. Kuha ni Jo-Leanah Andrea S. Llames
Ang pagbuklat ay pagbasa—hindi mahalaga kung sa simula, gitna, o katapusan mo umpisahan ang kuwento. Maging ang porma ng iyong pagbasa, digital o pisikal man ang iyong kopya, ang pagkahumaling sa mga salita ay siyang humuhubog sa iyong tinig at ang tinig na iyon–hinihintay ring marinig ng iba..
*Ang mga pangalan ng miyembro ng Cats of UPLB ay itinago para sa kanilang seguridad.