Ulat nina Adrienne Palomar at Aini Santiago
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nanatiling may pinakamataas na inflation rate sa CALABARZON ang Laguna, na pumalo sa 7.1% noong Hulyo 2026.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa 8.0% noong nakaraang buwan, mas mataas pa rin ito kumpara sa 1.8% na inflation rate na naitala sa Laguna noong Hulyo 2025.
Sinundan naman ito ng Rizal na may 6.6% at Quezon na may 5.9%.
Mula sa 8.4% noong Abril, bumaba sa 7.7% ang inflation rate ng Laguna noong Mayo bago muling tumaas sa 8.0% noong Hunyo. Pagsapit ng Hulyo, bumaba ito sa 7.1%.
Ayon sa PSA Laguna, kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng inflation sa Laguna noong Hulyo ang pagbagal ng inflation sa food and non-alcoholic beverages, housing, water, electricity, gas and other fuels, at education services.
Bumaba ang inflation sa food and non-alcoholic beverages sa 3.7% mula 4.4% noong Hunyo, habang bumaba naman ang inflation sa housing, water, electricity, gas and other fuels sa 12.8% mula 13.9%. Bumaba rin ang inflation sa education services sa 3.9% mula 12.2%.
Samantala, kabilang sa mga commodity group na nagtala ng mataas na inflation noong Hulyo ang restaurants and accommodation services na may 16.2%, housing, water, electricity, gas and other fuels na may 12.8%, at transport na may 6.8%. Gayunman, ang mataas na inflation rate ng isang commodity group ay hindi nangangahulugang ito ang pinakamalaking contributor sa kabuuang inflation.
Sa halip, pinakamalaki ang naging ambag sa 7.1% overall inflation ng Laguna ng housing, water, electricity, gas and other fuels na may 33.6% share o 2.4 percentage points. Sinundan ito ng restaurants and accommodation services na may 25.6% share o 1.8 percentage points, at food and non-alcoholic beverages na may 19.0% share o 1.4 percentage points.
Samantala, bumaba sa 3.6% ang food inflation sa Laguna noong Hulyo mula 4.4% noong Hunyo. Kabilang sa mga food group na nakapagtala ng mas mabagal na inflation ang isda at iba pang seafood, prutas at nuts, gatas at iba pang dairy products at itlog, oils and fats, sugar, confectionery and desserts, at rice.
Gayunman, tumaas ang inflation sa cereals and cereal products, na kinabibilangan ng mais, harina, tinapay at iba pang bakery products, pasta, at iba pang cereals, sa 24.3% noong Hulyo mula 18.3% noong Hunyo. Tumaas din ang inflation sa vegetables, tubers, plantains, cooking bananas and pulses sa 10.8% mula 3.0%.
Bumaba naman sa ₱0.74 ang purchasing power of the peso sa Laguna kumpara sa batayang taon na 2018.
Mga Sanggunian:
Odong-Pangan, C. (2026, August 19). PSA: Inflation rate in Laguna eases to 7.1 percent in July. Philippine Information Agency. https://pia.gov.ph/news/luzon/calabarzon/psa-inflation-rate-in-laguna-eases-to-7-1-percent-in-july/
Philippine Statistics Authority. (2026, August 13). Summary inflation report consumer price index (2018=100): July 2026. Regional Statistical Services Office IV-A. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/summary-inflation-report-consumer-price-index-2018100-july-2026
Philippine Statistics Authority. (2026, August 13). Summary inflation report consumer price index for all income households (2018=100): Batangas (July 2026). Regional Statistical Services Office IV-A. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/summary-inflation-report-consumer-price-index-all-income-households-2018100-batangas-july
Philippine News Agency. (2026, August 12). Calabarzon registers 5.8% inflation rate in July. https://www.pna.gov.ph/articles/1281676
