Mga kaso ng banta sa malayang pamamahayag sa Pilipinas tumataas

Ulat ni Therese Anne Virtucio

Patuloy na nahaharap sa mga hamon ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas, ayon sa ulat ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR). Ipinapakita ng kanilang datos ang mga kaso ng banta at pag-atake na nararanasan ng mga Pilipinong mamamahayag mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2025. Kabilang sa mga naitalang insidente ang red-tagging, online harassment, surveillance, pananakot, at pagsasampa ng kaso laban sa mga mamamahayag.

Bagama’t ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag, patuloy pa ring naitatala ang mga kaso ng legal na panggigipit sa media, red-tagging, pananakot, at pag-atake laban sa mga mamamahayag. Ang mga insidenteng ito ay may epekto sa kakayahan ng mga mamamahayag na isagawa ang kanilang tungkulin na maghatid ng impormasyon sa publiko.

Nagbahagi rin ng kanilang pananaw ang ilang estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) tungkol sa kahalagahan ng press freedom.

Ayon kay Stephen Santiago, isang estudyante ng UPLB College of Development Communication, “Para sa akin, mahalaga ang press freedom dahil ito ang tagapagbantay ng demokrasya ng isang bansa. Bilang estudyante ng UPLB na nag-aaral upang maging mamamahayag ng komunidad, mahalaga ang pagkakaroon ng kasiguraduhan sa aming kaligtasan bilang mga estudyante ng DevCom sa tatahakin naming trabaho. Mahalaga ito lalo na at nagbibigay rin ito ng maayos na karapatang pantao para sa lahat.”

Para kay Santiago, bahagi ng press freedom ang pagtiyak sa karapatang pantao at kaligtasan ng mga mamamahayag, kabilang ang mga estudyanteng naghahanda para sa propesyong ito.

Ayon naman kay Ray Ragas, isa ring estudyante ng UPLB, “Press Freedom enables more transparency among events that occur in the country, eliminating any bias that is in favor of the government. It is only natural that people should be informed of everything that is happening in the society, especially issues within government units that would cause disorder in the country.”

Ipinapakita ng pahayag ni Ragasang pananaw na mahalaga ang press freedom sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko at sa pagsusulong ng transparency sa mga usaping pampamahalaan.

Ayon sa datos na inilathala ng CMFR, mayroong 184 na naitalang kaso ng pag-atake at pagbabanta laban sa media workers mula 2022 hanggang 2025. Mas mataas umano ito kumpara sa 128 kaso na naitala noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kabilang sa mga nangungunang uri ng insidente ang red-tagging, online harassment, surveillance, pananakot, at pagsasampa ng kaso laban sa mga mamamahayag.

Batay rin sa datos ng CMFR, Metro Manila ang may pinakamaraming naitalang kaso ng mga insidenteng may kaugnayan sa kalayaan sa pamamahayag.

Bagama’t kabilang sa mga naitatala ng CMFR ang mga pagkamatay ng mga mamamahayag na may kaugnayan sa kanilang trabaho, hindi lamang pagkamatay ang ginagamit na batayan sa pagsusuri sa kalagayan ng press freedom. Kabilang din dito ang mga pag-atake, pagbabanta, panggigipit, at iba pang insidenteng maaaring makaapekto sa kakayahan ng media na makapag-ulat.

Dahil dito, binibigyang-diin ng CMFR ang pangangailangan na palakasin ang mga mekanismo para sa proteksyon ng mga mamamahayag at mapanatili ang kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng publiko na makatanggap ng impormasyon.

Sanggunian:

Center for Media Freedom and Responsibility. (2025, May 3). The state of media freedom in the Philippines 2025. Philippine Center for Investigative Journalism. https://pcij.org/2025/05/03/cmfr-state-of-media-freedom-in-the-philippines-2025/