PSA: Ani ng palay, mais sa CALABARZON bumaba ngayong Q1 2026

Ulat nina Moira Kristiana Abriam at Marielle Mañozo

Bumaba ang produksyon ng palay at mais sa CALABARZON sa unang kwarter ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Umabot sa 68,198.31 metrikong tonelada ang produksyon ng palay sa rehiyon mula Enero hanggang Marso 2026, 21.7% na mas mababa kaysa sa 87,052.07 metrikong toneladang naitala sa unang kwarter ng 2025. Katumbas ito ng pagbaba ng 18,853.76 metrikong tonelada.

Samantala, bumaba naman ng 4.3% ang produksyon ng mais, mula 16,475.58 metrikong tonelada noong unang kwarter ng 2025 tungo sa 15,767.41 metrikong tonelada sa kaparehong panahon noong 2026.

Produksyon ng Palay at Mais sa CALABARZON, Q1 2025 vs Q1 2026

Mas malaki ang ibinaba ng produksyon ng palay kumpara sa mais. Habang bumaba ng 21.7% ang produksyon ng palay, 4.3% naman ang ibinaba ng produksyon ng mais.

Kasabay ng pagbaba ng produksyon ng palay ang pagliit ng lawak ng lupang naani. Bumaba ito ng 23.3% kumpara sa nakaraang taon, sa 18,078 ektarya noong unang kwarter ng 2026.

Gayunpaman, hindi kasabay na bumaba ang ani kada ektarya sa antas ng rehiyon. Sa halip, tumaas ng 2.2% ang ani kada ektarya ng palay, mula 3.69 tungo sa 3.77 metrikong tonelada kada ektarya. Mas malaki naman ang itinaas ng ani kada ektarya ng mais, mula 3.09 tungo sa 3.36 metrikong tonelada kada ektarya, o 8.8%.

Sa kabila ng pagtaas ng ani kada ektarya, lumiit naman ang kabuuang lawak ng lupang naani. Sa palay, bumaba ito ng 23.3%, habang 12.0% naman ang ibinaba ng harvested area para sa mais. Dahil dito, mas mababa pa rin ang kabuuang produksyon ng dalawang pananim sa rehiyon.

Produksyon ng Palay at Mais sa Laguna, Q1 2025 vs Q1 2026

Sa lalawigan ng Laguna, mas malaki ang naging pagbaba sa produksyon ng mais kaysa sa palay. Batay sa paunang datos ng PSA, bumaba ng 12.7% ang produksyon ng palay, mula 28,085.48 metrikong tonelada noong unang kwarter ng 2025 tungo sa 24,519.66 metrikong tonelada noong 2026.

Bumaba rin ng 9.5% ang lawak ng lupang naani para sa palay, mula 5,923.55 ektarya noong unang kwarter ng 2025 tungo sa 5,362 ektarya noong 2026. Nagtala rin ng 3.6% na pagbaba sa ani kada ektarya, mula 4.74 tungo sa 4.57 metrikong tonelada kada ektarya.

Lawak ng lupang naani (Harvested area), Q1 2025 vs Q1 2026

Higit na malaki ang ibinaba ng produksyon ng mais sa lalawigan. Mula 2,248.66 metrikong tonelada noong unang kwarter ng 2025, bumaba ito ng 33.5% sa 1,496.35 metrikong tonelada noong 2026.

Lumiit din ng 22.0% ang lawak ng lupang naani para sa mais, mula 572.72 ektarya tungo sa 446.63 ektarya. Bumaba rin ng 14.8% ang ani kada ektarya, mula 3.93 tungo sa 3.35 metrikong tonelada kada ektarya.

Ayon sa PSA, ang pagbaba sa lawak ng lupang naani at ani kada ektarya ay kapwa nag-ambag sa pagbaba ng produksyon ng mais sa Laguna.

Ani kada ektarya (Yield), Q1 2025 vs Q1 2026

Sa kabuuan, bagama’t bumaba ang produksyon ng palay at mais kapwa sa CALABARZON at Laguna, magkaiba ang ipinapakitang trend sa ani kada ektarya. Sa CALABARZON, tumaas ang ani kada ektarya ng dalawang pananim sa kabila ng pagliit ng harvested area. Sa Laguna naman, kapwa bumaba ang produksyon, harvested area, at ani kada ektarya ng palay at mais.

Mga Sanggunian:

Corn Situation Report in Laguna: First Quarter 2026 Preliminary Results. (2026, June 3). Philippine Statistics Authority. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/corn-situation-report-laguna-first-quarter-2026-preliminary-results 

Palay and Corn Production, Area Harvested and Yield in CALABARZON: First Quarter 2025 and 2026. (2026, June 15). Philippine Statistics Authority. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/palay-production-area-harvested-and-yield-calabarzon-first-quarter-2025-and-2026 

Palay Situation Report in Laguna: First Quarter 2026 Preliminary Results. (2026, June 3). Philippine Statistics Authority. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/palay-situation-report-laguna-first-quarter-2026-preliminary-results