Kasapi Coalition – Laguna, tutol sa pagpapaliban ng BSKE sa 2028

Ulat nina Azhira Abaño at Moira Kyreezia Abriam

Pinangunahan ang isang pagkilos ng Kabataang Aktibo Para sa San Pedrong Inklusibo (KASAPI) Coalition ng Laguna upang ipanawagan ang pagtutuloy ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026. Sa temang “Taumbayan Naman, Ituloy ang Halalan,” ang apgkilos ay idinaos sa San Pedro City Gateway Plaza noong Setyembre 5, 2026 

Naipasa na sa kongreso ang Senate Bill No. 2387 bilang amendment sa House Bill No.10971 noong Setyembre 15. Naipasa na rin sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang nasabing panukala sa botong 13-5-0 noong Setyembre 14. 

Layon ng panukalang batas na ito na ipagpaliban ang halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028, kasabay ng panukalang pagpapalawig sa limang taong termino ng mga kasalukuyang halal na opisyal. 

Habang umuusad ang panukalang pagpapaliban sa Kongreso, lumabas naman sa isang pambansang survey na malaking bahagi ng mga Pilipino ang nais na matuloy ang halalan sa darating na Nobyembre. 

Kaugnay nito, ayon sa isang national survey ng Momentum Research, 78.9% ng Filipino adults ang nagsasabing dapat ituloy ang BSKE ngayong taon.

Isinagawa ang survey mula Agosto 28 hanggang 23, 2026, sa pamamagitan ng face-to-face interviews 1,487 Filipino adults sa buong bansa. Ito ay may margin of error na ±2.5% at confidence level na 95%.

Makikita rin sa kaparehong survey na higit 70% ang nagsasabing dapat ituloy ang BSKE sa lahat ng rehiyong saklaw ng pag-aaral.

Pinakamataas ang bahagi sa Visayas, kung saan 81.7% ng mga respondent ang nais ituloy ang halalan. Sinundan ito ng Luzon na may 79.4%, Mindanao na may 79.0%, at Metro Manila na may 73.2%.

Samantala, mas malaking bahagi ng mga respondent sa Metro Manila ang nagsasabing dapat muling ipagpaliban ang halalan, na umabot sa 18.0%. Sa Visayas, 12.5% ang pabor sa postponement, 10.8% sa Luzon, at 9.7% sa Mindanao.

Sa mga datos na ito, makikitang nananatiling majority position sa survey ang pagpapatuloy ng halalan sa bawat rehiyong saklaw ng pag-aaral.

Samantala, nang hatiin ang mga respondent ayon sa kanilang henerasyon, 82.1% ng Millennials ang nagsabing dapat ituloy ang BSKE, pinakamataas sa apat na pangkat. Sinundan ito ng Gen Z na may 80.7%, Gen X na may 74.5%, at Baby Boomers at Silent Generation na may 73.5%.

Sa kabilang banda, 17.0% ng Gen X ang nagsabing dapat itong ipagpaliban, kumpara sa 13.1% ng Baby Boomers at Silent Generation, 10.4% ng Gen Z, at 9.4% ng Millennials.

Ipinapakita ng datos na sa lahat ng henerasyong sinuri, higit 80% ang nagsasabing dapat ituloy ang halalan sa Nobyembre 2026.

Ayon naman kay Ginoong Gerome Basal, miyembro ng KASAPI Coalition at isa sa mga organizer ng advocacy walk, nagsimula ang ideya ng aktibidad sa isang mungkahing ipakita ang suporta ng publiko sa pagpapatuloy ng halalan. Kaya naman sa loob lamang ng isang linggo, isinagawa ng organisasyon ang paghahanda para sa aktibidad.

Umabot sa 329 na katao mula sa iba’t ibang sektor ang naitalang dumalo ng KASAPI Coalition sa naganap na advocacy walk.

Pinakamalaki ang bahagi ng kabataan, na may 90 katao o 27.4% ng kabuuang dumalo. Sinundan ito ng Sangguniang Bayan Aspirants na may 46 o 14.0%, Solo Parent Sector na may 37 o 11.2%, at SK Aspirants na may 36 o 10.9%.

Matapos ang pag-apruba ng Senado sa Senate Bill No. 2387, inilarawan ng KASAPI Coalition ang kanilang reaksyon bilang “disappointed but not surprised.”

Dahil dito, patuloy ang panawagan ng grupo na pakinggan ng mga mambabatas ang panawagan ng mga mamamayan hinggil sa pagpapatuloy ng BSKE at sa panukalang muling pagpapaliban nito. Umaasa silang iveveto ng pangulo ang naturang panukala upang hindi ito maging isang ganap na batas. 

Samantala, tuloy pa rin ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections habang hindi pa pinal na batas ang panukalang pagpapaliban nito. 

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangang ipagpatuloy ng poll body ang paghahanda dahil sa ilalim ng umiiral na batas, Nobyembre 2, 2026 pa rin ang nakatakdang petsa ng halalan. Sinabi rin niyang handang ipatupad ng COMELEC kung ano ang magiging batas na magtatakda ng pinal na iskedyul ng BSKE.  

Panawagan ng komisyon na kung isasabatas na ang nasabing panukala ay huwag na itong paabutin hanggang sa ika-28 ng Setyembre na siyang nakareserba na para sa filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga BSK aspirants.

Sa kasalukuyan, nakabinbin na ang panukala para sa aksyon ng Pangulo matapos maipasa sa kongreso ang pinal na bersyon nito. Ayon sa Malacañang, susuriin at pag-aaralan muna ng mabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga probisyon ng panukala bago ito magpasya kung ito ay aaprubahan. 

Mga Sanggunian

House of Representatives of the Philippines. (2026, September 8). House approves measure extending term of barangay, SK officials [Press release]. Congress.gov.ph. https://www.congress.gov.ph/media/press-releases/10149

Momentum Research PH. (2026, September 1). SHOULD THE BSKE BE POSTPONED AGAIN? https://www.facebook.com/momentumresearchph/posts/pfbid021XKepf1JMwXtshiZpRDYtGZkYjCroMENecc5PusqzsL6hKqYF7EJyH6B41syEzN3l

Patinio, F.(2026).Philippine News Agency.Comelec wants law postponing BSKE enacted before Sept. 28. https://www.pna.gov.ph/articles/1283885

Senate of the Philippines. (2026). Senate Bill No. 2387, 20th Congress. https://senate.gov.ph/legislative-documents/bills/633418?documentType=Bill&congress=20th+Congress