Ulat nina Jayvee Mhar Viloria at Arwen Bas

Inaalagaan at pinalalaki ang mga itik sa isang poultry farm sa Victoria, Laguna. (Dan Alexander Abas/LB Times)
Maaaring may kinalaman sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng sigalot sa Middle East ang naitalang pagbaba ng produksyon ng itik sa Laguna ngayong unang kwarter ng 2026, ayon sa isang beterinaryo at eksperto sa poultry production. Ang pag-iitik ay isa sa mga pangunahing pangkabuhayan sa lalawigan.
Kaugnay ito ng datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang produksyon ng itik sa Laguna ng 20.4 porsyento ngayong unang kwarter ng taon (Enero hanggang Marso) kumpara sa unang kwarter noong 2025.
Bagaman isa lamang ito sa mga posibleng dahilan, ipinaliwanag ni Dr. Sherwin Camba ng UPLB Institute of Animal Science na ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaaring nakaapekto rin sa presyo ng patuka o feeds na isa sa mga pangunahing input pagdating sa produksyon ng itik.
“Definitely, may factor sa costs ng feeds kasi ‘yun naman ang major driver ng operating expenses, lahat ng mga duck farms… So, kung tumaas ang feeds, maraming malulugi because of that. Kaya walang choice ‘yung mga farmer [but] to early cull or titigil muna sila sa pagre-raise ng ducks,” aniya.
Mula sa 52.58 metric tons noong 2025, 41.86 metric tons na lamang ang kabuuang produksyon ng itik sa probinsya ngayong unang kwarter ng taon, na nabawasan ng halos 11 metric tons.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni Camba na maaaring sanhi rin ng pagbaba ng produksyon ang pagkamatay ng mga itik dahil sa bird flu noong mga nakalipas na buwan.
“Pwedeng sa sakit—bird flu—iva-validate mo ‘yan dun sa reported cases ng sa government. Pero ang challenge kasi sa mga smallhold o backyard farmers, kasi ang mga duck farms, majority niyan [ay] backyard, so hindi na nakakapag-report kung namatayan sila. So, ‘yun ‘yung two major factors—either tumaas ‘yung [costs ng] feeds kaya tumigil or nagkasakit,” aniya.

Isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamamayan ng Victoria, Laguna ang paggawa ng itlog na maalat mula sa itlog ng mga itik. (Dan Alexander Abas/LB Times)
Sa kabila nito, nananatiling pangalawa ang Laguna sa may pinakamaraming produksyon ng itik sa buong CALABARZON.
Lumago naman ng 112.95 porsyento ang produksyon ng itik sa buong rehiyon at pangunahing kontribyutor dito ang Lalawigan ng Quezon na nakapagtala ng 258.83 metric tons.
Bagaman bumaba ang produksyon ng itik sa Laguna, tumaas ng 14.8 porsyento ang bilang ng itlog ng itik o duck eggs na naani ng mga mag-iitik sa probinsya.
Mula sa 204.86 metric tons noong unang kwarter ng 2025, umabot sa 235.23 metric tons ang kabuuang produksyon ng itlog ng itik sa lalawigan sa kaparehong kwarter ngayong taon.
“Up to two years kasi ang production cycle ng duck, so kahit bumaba ang inventory or ‘yung [duck] production this year, ‘yung nangingitlog noong last year, hindi pa nagka-cull,” pagbibigay-linaw ni Camba sa posibleng dahilan kung bakit tumaas ang produksyon ng itlog sa kabila ng pagbaba ng populasyon ng mga itik.
Tumaas din ang produksyon ng itlog ng itik sa ilang mga lalawigan ng CALABARZON: sa Quezon na nadagdagan ng 100.4 porsyento, sa Batangas na nadagdagan ng 24.4 porsyento, at sa Rizal na nadagdagan din ng 11.5 porsyento, habang sa Cavite lamang nakapagtala ng pagbaba na nasa 1.32 metric tons.
Samantala, tumaas naman ng 10.4 porsyento ang poultry production sa buong CALABARZON ngayong unang kwarter ng 2026, na umabot sa 186,079.47 metric tons mula sa 168,544.83 metric tons noong nakaraang taon.
Bukod sa itik at itlog nito, kabilang din sa poultry production ang manok at itlog nito, kung saan 59.7 porsyento ng kabuuang produksyon ng rehiyon ang mula sa manok habang 39.7 porsyento naman ang mula sa itlog nito.
Ikalawa ang CALABARZON sa mga rehiyong may pinakamataas na ambag sa produksyon ng manok sa Pilipinas, na kumakatawan sa 19.0 porsyento ng kabuuang bilang, kasunod lamang ng Central Luzon na pumalo sa 33.4 porsyento.
Nanguna naman ang rehiyon sa produksyon ng itlog ng manok sa bansa.
“‘Yung demand ay papataas pa rin kahit sabihin nating may economic problems tayo… mataas ang inflation, ‘yung foreign exchange rin natin, all-time low tayo. Despite that, kasi nga ang income ng tao [ay] syempre mataas ang percentage sa food, so relatively naging resilient pa rin naman,” paliwanag ni Camba hinggil sa pagtaas ng kabuuang produksyon ng poultry ngayong unang kwarter ng taon.
Mga Sanggunian:
Philippine Statistics Authority – CALABARZON. (2026). Tracking the numbers: A brief look at CALABARZON’s poultry production! [Facebook post]. Facebook. https://www.facebook.com/61561773154353/posts/122203635704392438/?mibextid=wwXIfr&rdid=r5WdSHjxPkeTfuZL#
Philippine Statistics Authority – Regional Statistical Services Office IV-A. (2026). Poultry production in CALABARZON: First quarter 2026. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/poultry-production-calabarzon-first-quarter-2026