Pagpapaunlad ng pananim ng mga magsasaka, layunin ng bagong UPLB Agricultural Genomics Research Center

Ulat nina Garnett Co at Fiona Sanchez

UPLB/Facebook

“Farmers will have access to crop improvement technology [and] crop variety…that will ultimately translate to quality and affordability of prices and essentially food security.”
 
Ito ang pahayag ni UPLB Chancellor Jose V. Camacho Jr. sa paglulunsad ng kauna-unahang Agricultural Genomics Research Center (AGRC) sa bansa nitong Setyembre 21, 2026, alinsunod sa pagdiriwang ng National Biotechnology Week 2026.
 
Sa pamamagitan ng pasilidad ay maaaring mapabilis ang pagtukoy sa genetic characteristics ng mga lokal na pananim na may kaugnayan sa kalidad, ani, at resistensya sa mga peste, sakit, at epekto ng pabago-bagong klima na lubos na makakatulong sa mga magsasaka.

Magagamit ang mga datos na ito sa pananaliksik at crop breeding upang makabuo ng mas produktibo at matatag na crop varieties.

Gagamit ang pasilidad ng mga teknolohiya sa genomics, kabilang ang gene identification at pagsusuri ng genetic information ng mga organismo. Bukod sa mga pananim, maaari rin itong gamitin sa pananaliksik at pagpapaunlad ng livestock bilang bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pagsusulong ng food security sa bansa.

Nagsimula ang proyekto noong 2023 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pamahalaan ng South Korea sa pamamagitan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA). Mahigit ₱115 milyon ang inilaan para sa mga kagamitan ng pasilidad.

Dinaluhan ang launching ceremony nina South Korean Ambassador Lee Dong-il, National Scientist Dolores Ramirez, UPLB Chancellor Jose V. Camacho Jr., KOICA Country Director Jung Youngsun, International Rice Research Institute (IRRI) Director General Yvonne Pinto, at AGRC Director Maria Genaleen Diaz.

Dumalo rin sina UP Vice President for Research and Innovation Jose Joseph Marciano Jr., Department of Agriculture–High Value Crops Development Program Undersecretary Cheryll Marie Natividad-Caballero, Commission on Higher Education Commissioner Ricmar Aquino, UP Alumni Regent Fernando Sanchez Jr., dating direktor ng Philippine Genome Center Agriculture Program Dr. Rita Laude, at Los Baños Mayor Neil Andrew Nocon upang magpahayag ng suporta sa pasilidad.

Suportado rin ang AGRC ng Department of Science and Technology (DOST), Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), at Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), na nagbahagi rin ng ilang kagamitan at teknolohiya para sa pasilidad.

Isusulong din sa pamamagitan ng AGRC ang mga nauna at kasalukuyang proyekto at pananaliksik ng DOST, PCAARRD, at PCHRD na may pinagsamang badyet na mahigit ₱180 milyon.

Bukod sa pagsasagawa ng pananaliksik, layunin ng AGRC na magsilbing capacity-building center para sa mga training at analytical services sa agricultural genomics at iba pang larangan ng agricultural omics. Sa pamamagitan nito, inaasahang mapalalawak ang kakayahan ng mga lokal na mananaliksik na gumamit ng genomic technologies sa pagpapaunlad ng mga pananim at livestock na mas angkop sa mga hamon sa agrikultura.