Katutubong kababaihan, nanguna sa USAPANG BABAE: Sakahan at Hapagkainan ng UPLB-ICropS

Ulat nina Immanuel San Agustin, Juzel Perfecio, Ralf Reyes, Alyssa Palacio, at Miguel Santiago

Binigyang pagkilala sina Cinderella Saning, Chita Sulan, Venelyn Bantal, at Nimpa Tamonggal para sa kanilang makabuluhan na diskusyon sa “USAPANG BABAE: Sakahan at Hapagkainan” ng UPLB-ICropS. | Kuha ni Denise Palestroque

Pinangunahan ng kababaihang T’boli ang “USAPANG BABAE: Sakahan at Hapagkainan” bilang pakikiisa sa UPLB Institute of Crop Science (ICropS) sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan 2026 noong Marso 6 sa UPLB Senior’s Garden.

Sa lawang na napapalibutan ng luntiang kabundukan at makapal na kagubatang tropikal, sumibol ang mayaman na kultura ng mga katutubo o indigenous people (IP) na T’boli sa Lake Sebu, South Cotabato. Gaya ng kanilang husay sa pagtatanim at paghahabi, nagyayabong at nagtatagpi rin ang istorya ng tagumpay at panawagan ng kababaihan laban sa mga sistemang humahadlang sa kanilang ganap na pag-unlad.

Kabilang sa katutubong grupo ay sina Cinderella Saning, Chita Sulan, Venelyn Bantal, at Nimpa Tamonggal na nirepresenta ang kanilang kultura sa naturang programa ng UPLB-ICropS.

Ipinakilala ng programa ang kanilang mayamang kultura, na pinalalim sa masinsinang talakayan tungkol sa tradisyunal nilang pamamaraan sa agrikultura, kasabay ng mga personal na karanasan bilang katutubo sa Pilipinas. Dito rin ay nabigyang pagkakataon ang mga panauhing katutubo na makapagkwento ng kanilang mga karanasan at hamon bilang kababaihan.

Dagok sa kababaihan

Ayon kay Saning, isa sa mga pangunahing humahadlang sa karapatan ng kababaihang katutubo ay ang pagsasagawa ng “early marriage” o maagang pagpapakasal. Karaniwang nagaganap ito sa ilang komunidad sa Pilipinas, kung saan ikinakasal ang magkasintahan bago pa man nila maabot ang legal na edad.

Ayon sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), sa bawat anim na batang babae sa Pilipinas, isa ang nag-aasawa bago umabot sa edad na 18. Dahil dito, ika-12 ang bansa sa buong mundo sa may pinakamaraming kaso ng maagang pag-aasawa.

Mahigpit na ipinagbabawal ng Saligang Batas 11596, o ang “Anti-Child Marriage Law,” ang pagsasagawa ng kasal sa batang wala pang 18 taong gulang, dahil itinuturing ito bilang paglabag sa karapatang pantao.

“Ang pagbabago po yung mawawala na po yung early marriage. Kasi po yun po dini-degrade po yung karapatan ng isang babae na makapag-expose, na bilang isang katutubo, hindi lang siya doon sa komunidad mag-stay, kundi po i-explore din yung karapatan ng mga babae dito,” ani Saning, nang tanungin sa kanyang nais na pagbabago sa lipunan.

Dagdag ng Commission on Human Rights, ang patuloy na pag-iral ng naturang gawain ay bunga ng sosyo-kultural at relihiyosong tradisyon, kahinaang pang-ekonomiya, at kakulangan sa pagpapatupad ng batas.

Kabilang dito ang pagyurak sa karapatan ng kababaihan na makapagtapos ng pag-aaral. Dahil sa mga obligasyong kaakibat ng maagang pag-aasawa, tulad ng pananatili sa bahay at pag-aalaga sa pamilya, maraming kabataang katutubo ang napipilitan huminto sa pag-aaral.

“Wala po akong [tinapos] hanggang grade 5 lang po ako kasi po ang tatay at nanay ko, gusto nila mag-asawa ako nang maaga,” pahayag naman ni Tamonggal.

“Wala naman kaming magawa, kung gusto namin mag-aral pero hindi kami makapagpatuloy kasi ang gusto ng aming pamilya na mag-asawa agad,” dagdag niya.

Bagamat malayo pa rin ang laban ng kababaihang katutubo, malayo na rin ang narating nila sa kanilang pakikibaka tungo sa pagkakapantay-pantay.

“Ngayon, nakikita natin [ang] pagbabago. Kahit babae ka, pwede ka mag-agriculture. At sa ngayon, kung kaya ng lalaki ay kaya rin ng babae. Iyon ang ang gusto natin na pagbabago,” paliwanag ni Sulan.

Mapusong nagbahagi si Chita Sulan ng mga karanasan ng mga kababaihang katutubo. | Kuha ni Denise Palestroque

Seguridad sa Pagkain

Likas sa katutubo ang paggamit ng tradisyunal na pamamaraan o katutubong kaalaman. Isa sa nabanggit sa istorya ng mga T’boli ay kanilang mga ginagawa upang mabuhay at mas lalong umunlad kahit pa sa harap ng lumalalang epekto ng pagbabago sa klima o climate change.

Hindi tulad ng modernong paraan ng pag-iimbak ng mga binhi gamit ang silica gel, gumagamit ang katutubong grupo ng kawayan upang itabi ang mga ito at magamit muli sa susunod na taon. Bagama’t epektibo, hindi ito pangmatagalan kaya kinakailangang muling itanim nang agaran makalipas ang isang taon upang hindi masira ang mga binhi.

Ibinahagi ni Sulan na noon ay napakalamig sa kanilang lugar sa Lake Sebu, ngunit ngayon ay mas nararamdaman na nila ang pag-init ng panahon.

“Ang coping mechanism namin ay bayanihan. Dahil ang tribo kapag may pagkain, kahit isang salmon, kung darating ang 20 na tao, talagang lahat ay may pagkain,” sagot ni Sulan nang tanungin ukol sa mga gawaing nakakatulong sa grupo upang makatagal sa gitna ng dagok ng seguridad sa pagkain.

Bukod dito, isinaad ni Saning na nagsasagawa ang kanilang tribo ng backyard farming, tulad ng pagtatanim ng gulay sa mga paso at sako upang may maitabi sa hapag tuwing may bagyo. Bukod dito, isinasapratika na rin nila ang pagtatanim ng heat-resistant na palay upang mas maging handa sa mga epekto ng matinding init at pagbabago ng klima.

Teknolohiya at kultura

Para kay Saning, bukas ang T’boli sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa agrikultura.

Gayunpaman, malinaw ang kanilang paninindigan: anumang inobasyon ay hindi dapat makasisira sa kanilang kultura at kalikasan. Higit na isinasaalang-alang ng kanilang adbokasiya ang kapakanan ng susunod na henerasyon habang sabay na tinutugunan ang modernong pamamaraan ng pagtatanim.

“Maganda naman ‘yan, especially sa mga field namin. Ngunit nagkaroon kami ng protocol doon sa IPRA Act, doon tayo dadaan sa IPRA Act. At ang teknolohiya na dinadala ng proyekto doon sa komunidad, makakatulong ba talaga? Maka-benefits ba yung community? Hindi ba ‘yan sa kalikasan?” ani Sulan.

Ang Saligang Batas 8371, o “The Indigenous Peoples Rights Act of 1997,” ay naglalayong protektahan ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain, tiyakin ang kanilang kabuhayan, kultura, at kapakanan, at kinikilala ang kanilang sariling kaugalian sa pamamahala ng lupa.

Higit pa rito, iginiit nila na dapat may boses ang bawat katutubong grupo sa mga polisiyang ipinatutupad ng pamahalaan, lalo na pagdating sa kanilang karapatan sa lupang ninuno.

“May karapatan din tayo kahit IP tayo, ‘di ba? Saka na lang tayo pinakinggan kapag eleksyon,” sagot ni Sulan nang tanungin ang panawagan sa gobyerno.

Dagdag pa niya na kahit walang eleksyon ay dapat pa ring makialam at magsalita ang mamamayan upang maparinig sa pamahalaan kung ano ang nararapat at maipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Mula South Cotabato, tungo sa Los Baños

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang pasanin na kinakaharap ng mga katutubong grupo sa iba’t ibang sulok ng bansa, nanatili ang lakas ng damdamin at tibay ng loob na dumadaloy sa kanilang dugo. Pinapalakas ng katutubong karanasan at koneksyon sa lupain, na siyang nagbubunga ng kanilang katatagan at kakayahang makibagay sa hamon ng buhay.

Nagpayo si Isabeleta Fresco, isa sa mga manonood ng programa mula sa Lopez Quezon, sa mga kabataan na sikapin makapagtapos ng pag-aaral kahit anong hirap ng buhay, dahil patunay ang mga dumalong katutubo sa importansya ng edukasyon hindi lang sa pansarili, kundi maski na rin sa mga maaaring matulungang komumidad ng mga propesyunal at mga nakapagtapos.

“Sa natutunan ko sa katutubo, ang pagbabago na kailangan ng mga kababaihan ngayon ay matuto sa tema ng buhay ngayon. Na sa kasalukuyan, kung ano man ang kahirapan na dinadanas sa ngayon ay patuloy lang silang lumaban sa buhay,” dagdag ni Fresco.

Iginiit naman ni John Jemcel Africa Tolocotoc, isang intern mula Laguna State Polytechnic University, na mahalagang matutunan ang karanasan ng kababaihang katutubo upang maunawaan ang kanilang kondisyon at makabuo ng mga paraan upang ipaglaban ang kanilang karapatan.

“Kailangan natin maintindihan na ang ibang kasarian, mapa-bakla, tomboy, bisexual, pansexual at lalong yung mga higit na mga kababaihan ay may kakayahan din [mamuno] at maging lider at magkaroon ng liderato pagdating sa sektor ng agrikultura,” ani Tolocotoc.

Nagtapos ang ika-apat na araw ng isang linggong programa ng UPLB-ICropS sa panawagan para sa sektor ng agrikultura at karapatang pantao ng mga babaeng katutubo. Sinundan nito ang pagbibigay ng sertipiko ng partisipasyon sa mga panauhing tagapagsalita at manonood na aktibong dumalo sa programa.