Trichoderma: Katuwang ng magsasaka sa kabila ng pabago-bagong klima

Ulat nina Caitlin Rose Almoro, Vivien Encarnacion, at Hans Emil Villafania

Sa ilalim ng matinding init, isang larawan ng tiyaga at pagsusumikap si Mang Roderic upang makapag hanapbuhay. (Hans Emil Villafania/LB Times)

“Biruin mo, dahil sa nagdaang mga bagyo… trenta-nuwebe na kaban lang ang naani ko sa isang ektarya. Pero dapat ’yan umaabot ng isang daang kaban.”

Mahinahon, pero may halong pagod ang tinig ni Mang Roderic Reyes, isang magsasaka sa Los Baños, Laguna na ramdam ang bigat ng higit tatlong dekada ng pagod at pag-aalaga sa lupang unti-unting hinuhubog ng init, ulan, at unos. Dagdag pa niya, “Kapag naalog ng bagyo ang palay, nagiging ipa—nawawalan ng laman.”

Sa kanyang tinig, lumiwanag ang mas malalim na katotohanan. Hindi lamang ang laman ng palay ang unti-unting nauubos, kung di pati ang tiwala ng mga magsasaka sa dating maaasahang takbo ng panahon.

Tulad ng libo-libong magsasaka sa bansa, saksi si Reyes sa mabilis na pag-igting ng climate change. Mas matinding init, mas hindi inaasahang ulan, at kalendaryong agrikultural na “sirang-sira,” ayon kay Mang Roderic. Ang dalawang beses sana niyang anihan ay nagiging isa, at minsan ay tuluyang wala. Sa palay na halos dalawang ulit lamang umaani sa isang taon, sapat na ang isang hindi inaasahang linggo ng tagtuyot o baha para mabura ang buong taong kita.

Magsasakang si Mang Roderic, inaalala ang panahong mas maayos ang takbo ng kalendaryong agrikultural. (Vivien Encarnacion/LB Times)

Ang realidad na ito ay kinukumpirma rin ng datos. Ayon sa ulat ng Department of Agriculture, ang pinakamalubhang naapektuhan ng El Niño noong 2024 ay ang palay, na bumuo ng 61.71% ng kabuuang pinsala. Ibig sabihin nito ay higit sa kalahating porsyento ng mga magsasaka ang direktang naapektuhan ng tagtuyot. 

Ayon kay Mang Roderic, ang pinsalang dala ng matinding init sa palayan ang siyang dahilan kung bakit ang ilan sa kanilang mga magsasaka ay umaasa sa pagtatanim ng ornamental plants. “Pag dating sa kita nyan, talo nyan ang palayan (ornamental plants).” Nasabi rin ni Mang Roderic na ang isang ektaryang palayan ay katumbas lamang ng dalawang pilapil (2,000 m2). Kaya naman isa sa hiling ng kanyang samahan ay ang epektibong pagsuporta ng gobyerno tungo sa pagbibigay assistance sa pagtatanim ng ornamental plants gaya ng asater at azucena flowers na kanilang tinatanim kasama ng palay. 

Kasabay nito, may mabigat ding katotohanan na ang sektor ng agrikultura ay nakadaragdag sa pag-init ng mundo. Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtatanim ng palay ang pinakamalaking pinagmumulan ng greenhouse gas (GHG) emissions sa agrikultura, na umaabot sa humigit-kumulang 62% ng kabuuang ibinubuga ng sektor. Dagdag pa rito, 25% ng emissions ay nagmumula sa paghahayupan, at 9% naman ay galing sa paggamit ng mga synthetic fertilizers na matagal nang inaasahan ng maraming magsasaka. 

Sa Pilipinas, nananatiling kritikal ang epekto ng mga prosesong ito sa nagbabagong klima. At mula sa pagtaas ng methane emissions hanggang sa pagkalason ng lupa, malinaw na ang tradisyunal na pagsasaka ay hindi na sapat upang sumabay sa bagong mukha ng panahon. Sa ganitong realidad umuusbong ang pangangailangan para sa mga solusyong kayang magpagaan sa krisis nang hindi isinasakripisyo ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Pananaliksik at Pag-asa

Sa mga laboratoryo ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), matiyagang pinag-aaralan ni Dr. Virginia Cuevas kung paano makatutulong ang Trichoderma technologies para mabigyan ng pag-asa ang mga magsasaka na apektado ng pagbabagong klima. 

Ang Trichoderma ay isang uri ng beneficial fungus. Tumutulong ito sa mga ugat ng halaman para mas makakuha ng sustansiya, mas makaiwas sa stress, at makarekober mula sa pinsala. Sa mga pag-aaral na pinamunuan ni Dr. Cuevas at ng kanyang mga kasapi, ginawa itong teknolohiyang pang-agrikultura sa dalawang anyo: ang Trichoderma Microbial Inoculant (TMI) na nagpapahusay ng nutrient uptake at nakatutulong mag-alis ng heavy metals sa lupa para mas ligtas ang tanim, at ang Trichoderma Compost Activator (TCA) na nagpapabilis ng composting upang hindi na kailangang magsunog ng dayami.

Ibinahagi ni Dr. Cuevas ang kanyang pananaliksik upang magbigay liwanag sa mga datos at kuwento sa likod ng mga numero. (Caitlin Rose Almoro/LB Times)

Ayon sa kanilang pag-aaral, ang palay na ginamitan ng TMI at TCA ay nagkaroon ng 81% na mas mataas na ani. Noong isinagawa nila Dr. Cuevas ang kanilang pananaliksik sa Mogpog, Marinduque, sumabay dito ang El Niño na nagdulot ng malubhang water stress sa taniman. Ayon sa kanilang datos, kahit sa matinding kakulangan sa tubig, ang mga palay na ginamitan ng Trichoderma ay nakapag-ani ng average na 2.73 t/ha, kumpara sa 1.86 t/ha sa karaniwang praktis.

*Matinding naapektuhan ang mga palayan noong El Niño ng 2019, kung saan napatigil ang paglaki ng mga tanim na palay na walang Trichoderma kaya’t wala nang naaning butil.

Balakid sa Bukid

Sa kaso ni Mang Roderic, malinaw din na hindi hadlang ang edad o nakasanayan pagdating sa pagtanggap ng bagong kaalaman. Ang mahalaga sa kanya ay kung may naipapakitang resulta.

Noong aktibo pa ang Rice Crop Protection Center (RCPC) sa Los Baños, isa siya sa mga gumamit ng trichogramma, isang biological control agent naman na kumakain ng itlog ng pesteng gamu-gamo. Hindi na nila kailangan ng spray at mas ligtas para sa kanila.

Ayon din sa kanya, bihira maging problema ang pagtanggap ng mga magsasaka sa mga teknolohiyang galing sa pamahalaan at mga unibersidad, kabilang ang Trichoderma. Karaniwan pa nga silang maagang tumatanggap ng inobasyon, basta may malinaw na paliwanag at may nakikitang benepisyo.

Ang mas madalas na balakid ay ang kawalan ng tuloy-tuloy na suplay at suporta. Sa maraming programa, natitigil ang operasyon kapag naubos ang pondo. Kapag huminto ang produksyon, nawawala rin ang akses ng mga magsasaka sa teknolohiyang kanilang tinatangkilik.

Ito mismo ang sinapit ng RCPC, na napilitang itigil ang produksyon ng trichogramma dahil sa kakulangan ng pondo. Dahil dito, bumalik ang mga magsasaka sa mas matrabahong tradisyunal na pamamaraan, gamit ang pinulbos na halaman at mga lambat bilang pest repellent. Hindi raw ito kasing bisa ng trichogramma, at mas mataas pa ang gastos sa paggawa. 

Maliban sa pests at klima, malaking hamon din ang irigasyon. Ayon kay Mang Roderic, nakasara na ang dating kanal mula Mabacan River dahil tinayuan ito ng mga bahay, kabilang ang ilang proyekto ng pabahay. Dahil dito, hindi makapag-ayos ang National Irrigation Administration (NIA).

“Paano aabot ang tubig kung tinayuan ng bahay ang mismong kanal? At ang may-ari pa ay sa kinauukulan. Sino ang susundin ng NIA?” tanong niya.

Sa mga panahong nagkakaiba-iba ang panahon, lalo pang lumalala ang epekto ng kawalan ng maayos na patubig. Kapag umasa lamang sa ulan, halos wala nang kasiguraduhan ang ani.

At dahil hindi tiyak ang ani, ang pera para sa punla, abono, at bayad sa patubig ay kadalasang nanggagaling sa utang. At kapag napaiksi ng bagyo ang ani, diretso itong ibinabayad pabalik sa pinagkakautangan.

“Ano ang gagawin? Mangungutang ng pera. Pagka-ani, babayaran para hindi masiraan doon sa pinagutangan. ’Yan ang inog ng isang magsasaka ng palay,” saad ni Mang Roderic.

Ang pabago-bagong klima at ang siklo ng kahirapan ang sabay na umiikot sa maraming buhay ng magsasaka, at bawat taon ay patuloy na humihila pababa sa kanilang kabuhayan.

Mga Hamon sa Implementasyon at Suporta

Bukas ang mga magsasaka sa bagong teknolohiya, pero madalas nauuwi sa pagkabigo ang magandang simula dahil sa kahinaan ng institusyonal na suporta. Ayon kay Dr. Cuevas, isang halimbawa ang nangyari sa kanilang pananaliksik sa Marinduque: naputol din ang proyekto ng maubos ang pondo galing sa DA-BAR. Hindi naituloy ng lokal na pamahalaan ang pagtulong sa mga magsasaka para tuluyang mawala ang heavy metal pollution. Walang naging koordinasyon ang mga UPLB researchers at ang lokal na agricultural office ng Mogpog.

Paliwanag ni Dr. Cuevas, bilang mga siyentista may hangganan ang magagawa nila. Hindi nila kayang punan ang kakulangan sa pondo, ayusin ang distribusyon, o tapusin ang training at monitoring kapag hindi inalagaan ang mga prosesong ito. Kapag huminto ang produksyon o napuputol ang programa, nagiging pansamantalang lunas lamang ang teknolohiya sa bukid.

Upang maiwasan ang ganitong pagkapurol, kinakailangan ang mas malinaw na koordinasyon, matibay na pondo, at maayos na implementasyon. “Handa ang magsasaka,” ani ni Dr. Cuevas. At sa mga bukirin, ang kahandaan at determinasyong ito ay araw-araw na isinasabuhay ng mga taong patuloy na nakikisabay sa unos, kahit pa unti-unting humihina ang tulong na dapat sana’y tumutindig kasama nila.

Ang mga salitang ibinahagi ni Mang Roderic ay hindi lamang pakiusap, bagkus ay paalala—isang mensaheng nagmula sa pagod, pag-asa, at karanasang higit apat na dekada nang pasan ni Reyes sa putik ng palayan. “Sa totoo lang lumagapak ang presyo ng palay sa otso pesos. Pero kahit papaano sana maisip ng mga may-ari ng lupa na ’wag nilang ibenta at paupahan na lang nila,” dagdag pa ni Reyes.

Mula sa bagsak-presyong bentahan ng palay hanggang sa patubig na hindi bahagya nang umaabot, at sa mga programang hindi natatapos, lumilitaw sa mas malawak na reyalidad na ang mga taong nangangalaga sa lupa at butil ng palay ang siyang pinaka-unang nalulunod sa krisis.

“Dahil sa totoo lang, sa oras na may tumamang trahedya sa atin, magsasaka lang ang makikita n’yong buhay. Alam n’yo kung bakit? Dahil magsasaka lang ang may nakaimbak na palay,” saad ni Reyes.

Habang palayo na nang palayo ang pagbaybay ng mga magsasaka sa palayan, nananatiling positibo at konkreto ang kanilang mga hangarin. Hindi basta reklamo, kundi panawagan para sa mas matibay na suporta, mas responsableng pamamahala sa lupa, at solusyong para sa magsasaka. Mula laboratoryo patungong bukirin.

“Hindi pagbatikos ang ginagawa namin. Ang gusto lang namin ay maramdaman ’yung tulong. At sana naman ay ’wag n’yo kaming iwanan,” hiling ni Reyes.

Mga Sanggunian:

Banaay, C. G. B., Luna, M. R., Cuevas, A. C., & Cuevas, V. C. (2023). Trichoderma technologies: A complete toolkit for sustainability, resilience, and environmental rehabilitation in Cu-contaminated lowland rice and vegetable areas in Mogpog, Marinduque, Philippines. Science and Engineering Journal, 16(Supplement), 1–9. https://doi.org/10.54645/202316SupRXI-62

Climate Transparency. (2020). Climate transparency report 2020: Philippines. https://www.climate-transparency.org/wp-content/uploads/2021/01/Philippines-CT-2020.pdf

Department of Agriculture. (2024, April 27). Clippings for today April 27, 2024. https://www.da.gov.ph/wp-content/uploads/2024/04/CLIPPINGS-FOR-APRIL-27-2024.pdf