Rice-Corn Mix, solusyon sa Diabetes?

Ulat nina Aerylle Hernandez, Marian Lanuza, at Anne Jeline Pascua

IPB Var. 6 Corn Grits ng UPLB Institute of Plan Breeding (Larawan mula sa UPLB Agora)

“Kahit masarap pa ang kain mo, at gustong-gusto mo pang kumain, ikontrol mo na lang.”

Iyan ang payo ni Mayeth, 64, na halos tatlong taon nang may diabetes, sa mga kapwa niyang may ganitong kondisyon. Bago siya masuri ng doktor, siya ay sagana sa pag-inom ng kape at kanin. Ngunit ngayon ay tanging mga gulay at dalawang subo na lamang ng kanin ang kanyang kinakain sa tamang oras araw-araw.

Bagaman disiplinado si Mayeth sa kaniyang diyeta, hindi pa rin daw nito maiwasan ang minsang pagtaas at baba ng kanyang blood sugar. Ayon sa kanya, hindi siya natutukso sa pagkain ng mga matatamis, maalat, at mamantikang mga pagkain, ngunit aminado siyang kumakain siya nito paminsan minsan. Ani niya ay siya na mismo ang nagluluto ng kanyang pagkain upang masubaybayan ang diyeta at ang epekto nito sa kanyang blood sugar level.

Dagdag pa sa kanyang problema ay ang ginagastos niya sa maintenance na mga gamot. Hindi maikakaila ni Mayeth ang bigat ng gastusin para sa kaniyang mga gamot at regular na pagkonsulta sa doktor.  Malaki ang naitutulong ng kanyang anak sa mga bayaring ito, kaya’t sinisikap niyang maging mas masunurin sa pag-inom ng gamot ayon sa reseta.

Sa harap ng lumalalang kaso ng diabetes sa bansa, umusbong din ang mga pananaliksik sa mga alternatibo sa pangkaraniwang pagkain sa lamesa ng mga Pilipino na mas makakalusugan. Isa sa mga ito ang pag-aaral nila Dr. Clarissa B. Juanico at Dr. Wilma A. Hurtada noong 2019 na tiningnan ang posibilidad ng paghalo ng mais sa kanin – rice-corn mix o RiCo – upang upang mas mapapababa ang pagtaas ng insulin sa katawan ng pagkain. Ito ay nailathala sa Philippine Journal of Crop Science

Ayon sa World Bank, tinatayang 7.1% ng nasa hustong gulang na may edad 20 hanggang 79 ang may diabetes sa Pilipinas. 

Pangkaraniwang Pagkain ng mga Pilipino

Ang Type 2 Diabetes ay isang pangmatagalang kondisyon na kung saan hindi nagagamit nang maayos ang insulin o ang hormone sa katawan na tumutulong sa paglipat ng mga asukal (glucose) mula sa dugo patungo sa mga selula, na siyang nag sasanhi sa pagtaas ng blood sugar. Ayon sa Mayo Clinic, ang uri ng diabetes na ito ay nakapipinsala rin sa mga mata, bato, nervous system, at puso sa paglipas ng panahon.

Itinuturing na staple food o pangunahing pagkain ang kanin sa Pilipinas. Binubuo nito ang 40% ng karaniwang pagkain ng mga Pilipino at nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng carbohydrates na mahalaga sa pagbibigay ng enerhiya na kailangan ng katawan.

Bagaman ang bigas ay nagbibigay ng mahahalagang calories, ayon kay Dr. Juanico, ang mataas na glycemic index (GI) na nangangahulugang madalas na pagkain nito ay humahantong sa unstable blood sugar na isang problema lalo na sa may Type 2 Diabetes.

Bukod pa rito, ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa mga hamon sa suplay at pagbabago sa merkado ay nagbibigay ng negatibong epekto sa ekonomiya ng mga pamilyang Pilipino.

Ang pagdepende ng mga Pilipino sa kanin ay nagpapahirap sa pagbabago ng gawi sa pagkain. Ang isang solusyon ay ang pagkakaroon ng alternatibong pangunahing pagkain na makakatulong na mabawasan ang pagkonsumo ng bigas. Maliban sa bigas, ang mais ay isa ring pangunahing pagkain sa bansa dahil bukod sa ito ay masustansya, ito rin ay mas mura. Noong 2023, ang dami ng produksyon ng mais sa Pilipinas ay umabot sa humigit-kumulang 8.41 milyong metrikong tonelada. Kaya naman ang mais ay pumapangalawa sa bigas sa paggamit ng mga yamang pang-agrikultura.

Ngunit ayon kay Dr. Juanico, karamihan sa mga Pilipino ay hindi pa kayang magdepende sa purong mais bilang kapalit ng bigas. Kaya naman naisip niyang pag-aralan ang pinaghalong bigas at mais bilang isang mas malusog at katanggap-tanggap na alternatibo.

Ito ang naging resulta sa kanyang pag-aaral ng “Blood Glucose Lowering Effect of Rice-Corn Mix Consumption Among Individuals with Type 2 Diabetes.” Ipinakita rito na sa loob ng tatlong-buwang pagsusuri sa pagpapakain ng 51 participants na may Type 2 Diabetes ay nakaranas ng makabuluhang pagbaba sa level of glucose sa dugo pagkatapos kumain ng pinaghalong bigas at mais kumpara sa mga kumakain lamang ng puting bigas.

Dahil ayon sa kanya, ang mais ay may mas mababang GI, mas mataas na nilalaman na fiber at nagpapabagal sa pag-absorb ng glucose na tumutulong sa pag-moderate ng pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain.

Nagsimula ang RiCo kay Dr. Art Salazar ng Institute of Plant Breeding UPLB (IPB), ang siyentistang nasa likod ng rice-corn blend na ngayon ay kinikilala bilang masustansyang alternatibo sa white rice. Ayon sa kanya, hindi kailangang puro bigas ang solusyon sa rice sufficiency dahil maaaring makatulong ang mais. Kaya’t isinulong niya, kasama ang kanyang team mula sa Cereals Section ng IPB na binubuo ng mga plant breeder at agricultural extensionists, na bumuo ng rice-corn blend o RiCo. Ito ay pinaghalong 70% na bigas at 30% na mais. Ang ginamit nilang klase ng mais ay ang IPB Var.6 na kilala sa mas mataas na taglay ng nutrisyon tulad ng lysine at tryptophan.

White rice

Tuwing sumasailalim sa proseso ang white rice, naaalis ang darak (bran) at mikrobyo (germ)nito. Ang natitirang bahagi, ang endosperm, ay mas maraming almirol at hindi kasing sustansya ng buong butil. Dahil sa mas mababang taglay nitong fiber, mas madaling tunawin at mas mabilis ma-absorb ng katawan ang puting bigas kumpara sa ibang uri ng kanin gaya ng brown rice.

Ang katangiang ito ng white rice ay maaaring magdulot ng benepisyo sa ilang mga indibidwal sa ilang pagkakataon. Isa na rito ang mga indibidwal na mayroong irritable bowel syndrome o inflammatory bowel disease na kailangang maging maingat sa dami ng fiber na kanilang kinokonsumo tuwing biglaang lumalala ang kanilang kondisyon.

Gayunpaman, kung ikaw ay nasa maayos na kalusugan, ang regular na pagkonsumo ng mga butil na mayaman sa fiber, gaya ng brown rice, ay kaugnay ng iba’t ibang benepisyong pangkalusugan. Kabilang dito ang mas mababang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso at type 2 diabetes, gayundin ang mas epektibong pamamahala sa timbang.

Glycemic index

Ang glycemic index (GI) ay isang panukat kung gaano kabilis tumataas ang antas ng asukal sa dugo matapos kumain. Kapag mataas ang GI ng isang pagkain, mabilis din ang pagtaas ng blood sugar. Kabilang sa mga pagkaing may mataas na GI ang white bread, kendi, tsokolate, at mga inuming gaya ng softdrinks.

Ang mais ay may mas mababang glycemic index kumpara sa kanin, kaya mas dahan-dahan ang pagtaas ng blood sugar kapag ito ang kinokonsumo. Isa sa mga dahilan nito ay ang mataas na taglay nitong amylose, isang uri ng starch na may tuwid na estruktura. Dahil dito, mas mabagal ang paglabas ng glucose sa dugo. Sa kabilang banda, mas mataas ang amylopectin sa kanin, na may maraming sanga at mas mabilis nagpapataas ng blood sugar level.

Bukod pa rito, ang mais ay may mataas na fiber content, na tumutulong upang pabagalin ang pagtaas ng asukal sa dugo. Sa kabuuan, may potensyal ang mais na makatulong sa mga taong may diabetes sa mas maayos na pagkontrol ng kanilang blood sugar upang maiwasan ang biglaang pagtaas o pagbaba nito.

Mais bilang alternatibo

Ayon kay Department of Health Undersecretary Enrique Tayag, mas abot-kaya ang mais kumpara sa kanin ngunit nagbibigay ito ng parehas na benepisyo sa mga konsyumer pagdating sa calories. Ani Tayag, pwede tayong magkaroon ng rotation o pag-ikot sa ating pangunahing pangangailangang pagkain.

Sa kasalukuyan, 80% ng produksyon ng mais sa Pilipinas ay napupunta sa feeds o pagkain ng hayop, habang 20% lamang ang nakokonsumo bilang pagkain ng tao. Kung magkakaroon ng alternatibong staple food tulad ng mais, mababawasan ang pressure sa suplay ng bigas at makatutulong ito sa mga magsasaka. Ayon pa kay Dr. Juanico, unti-unti nang nababawasan ang pagtatanim ng mais ng mga magsasaka dahil hindi masyadong mataas ang demand para rito. Kaya naman, ang pagturing sa mais bilang alternatibo sa kanin ay makatutulong sa mga magsasaka ng mais kung muling tataas ang pangangailangan dito.

Nakatutulong din ang fiber content ng mais sa pagbawas ng cholesterol. “Kapag may fiber ka, not only those coming from the corn but also ‘yung nanggagaling din sa mga gulay. They act like rooms, tinatangay n’ya ‘yung mga fats,” wika ni Dr. Juanico. Dagdag pa rito, ang fiber ay nakatutulong sa pamamahala ng mga problema sa pagdumi dahil sumisipsip ito ng maraming tubig, kaya’t nakaiiwas sa constipation.

Konklusyon at Rekomendasyon

Ipinapakita ng resulta ng pag-aaral nina Dr. Juanico na mayroong ikinabuti ang blood glucose ng mga nakilahok. Gayunpaman, kinakailangan pa ng karagdagang  ebidensya upang mapatunayan na ang resulta ay direktang dahil sa pagkonsumo ng IPB Var 6 corn grits.

Upang mas mapalawak ang kaalaman ukol dito, inirekomenda nila na nararapat na magkaroon ng iba pang pag-aaral tulad ng pagsusuri sa interes ng mga tao sa mga alternatibong pagkain gaya ng mais. Mahalaga ring bigyang suporta ng pamahalaan ang mga magsasakang nagtatanim ng mais upang mapalago ang produksiyon. Bukod dito, mas magiging epektibo kung kikilalanin at irerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan ang mais bilang bahagi ng diet ng mga taong may diabetes, upang mahikayat silang isama ito sa kanilang mga pagkain. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, mas mapapalawak ang benepisyo ng pagkonsumo ng mais sa mga taong may diabetes.

Kasalukuyang makikita na rin ang RiCo sa mga lokal at kilalang merkado sa Metro katulad na lamang ng SM, Rustan’s, at Robinson’s. Dahil ayon sa  dating agriculture chief ng Department of Agriculture na si Emmanuel Piñol, sanay na ang mga consumer mula sa rehiyon ng Visayas at Mindanao kaya naman oras na para ipakilala ito sa mga lugar na hindi pa sanay gumamit ng RiCo bilang alternatibo sa kanin. Dagdag pa diyan, ito ay mas mura kesa sa karamihan ng bigas sa merkado. Ang preso nito ay pumapatak sa P40-P65 per kilo.

MGA SANGGUNIAN:

Bureau of Agricultural Research. (n.d.). Rice-corn blend a healthier choice. Province of Abra. https://abra.gov.ph/2019/03/12/rice-corn-blend-a-healthier-choice/

Cottonbro. (2020). Person checking blood sugar level [Photograph]. Pexels. https://mommybloggersphilippines.com/wp-content/uploads/2022/04/pexels-cottonbro-3737691-1024×570.jpg

Juanico, C. B., & Hurtada, W. A. (2019). Blood glucose lowering effect of rice-corn mix consumption among individuals with type 2 diabetes. Philippine Journal of Crop Science, 44(2). https://www.cabidigitallibrary.org/doi/pdf/10.5555/20193394683

Mayo Clinic. (n.d.). Type 2 diabetes. Mayo Foundation for Medical Education and Research. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes/symptoms-causes/syc-20351193

Montemayor, M. T. (2023, September 5). Camote, corn good alternative for rice: DOH. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1209213

National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases. (2017). Type 2 diabetes. In Diabetes in America (3rd ed.). National Institutes of Health. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK513253/

Ocampo, K. R. (2018). Rice-corn mix to be sold in Metro Markets. Philippine Daily Inquirer. https://business.inquirer.net/258720/rice-corn-mix-sold-metro-markets

Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development. (2024). 2024 rice production and price trends: Decreasing imports and initiatives to improve yield. https://ispweb.pcaarrd.dost.gov.ph/2024-rice-production-and-price-trends-decreasing-imports-and-initiatives-to-improve-yield/

Philippine Rice Research Institute. (n.d.). Golden Rice: A safe and healthy food. https://www.philrice.gov.ph/golden-rice-a-safe-and-healthy-food/

Trading Economics. (n.d.). Philippines – Diabetes prevalence (% of population ages 20 to 79) – 2021 data. Retrieved June 1, 2025, from https://tradingeconomics.com/philippines/diabetes-prevalence-percent-of-population-ages-20-to-79-wb-data.html

University of the Philippines System Media and Communication Office. (2018, February 2). Promoting rice and white corn combination as a staple for Filipinos. University of the Philippines. https://up.edu.ph/promoting-rice-and-white-corn-combination-as-a-staple-for-filipinos/

World Health Organization. (2023, April 9). Diabetes. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/diabetes