Ulat nina Maxyn Calica, Ferkins Catapang, at Clairon Toledo

PAGSULONG SA EDUKASYON AT KULTURA. Mga UPLB exchange students ng Tokyo University of Agriculture and Technology (TUAT) sa Japan lumahok sa isang educational field trip sa Sensō-ji, isang buddhist temple sa Asakusa, Tokyo. (UPLB OIL/Facebook)
“First time I arrived in Czech Republic, nag-panic ako. Anxious na agad ako dahil everyone there is very cold… parang lahat nagmamadali,” paggunita ni Derrick. “Walang may gustong tumulong despite having your heavy bag. Sa Philippines, ‘pag nakita mo sa stairs, kahit siguro 50% may tutulong. Doon, hindi. You can do it on your own.”
Ganito inilarawan ni Derrick, isang Development Communication alumnus mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), ang unang sandali niya bilang exchange student sa Mendel University sa Brno. Ibinahagi niya ang kanyang pakikipagsapalaran sa ibang bansa at kung paano ito nakatulong sa kanya bilang estudyante.
Sa likod ng karanasang ito, tinatayang ang mga estudyante ng UPLB ay kinahaharap ang malaking hamon ng global exposure at intercultural competence, isang puwang na tinutugunan ng Office of International Linkages (OIL) sa pamamagitan ng Student Exchange Program.
Ayon sa kanilang tala, nakipag-ugnayan na ang unibersidad sa humigit-kumulang 350 bilateral at multilateral na kasunduang pang-akademiko sa iba’t ibang higher education at research institutions sa buong mundo. Pinangangasiwaan din nito ang 70 aktibong international partnerships na nagbibigay daan sa student exchange, academic mobility, at joint research.
Mahigit 110 UPLB students ang lumahok sa outbound exchange programs mula 2014 hanggang 2019. Sa panahong ito, nagpadala ang UPLB ng 113 na estudyante bilang “outbound” exchange students sa 29 na unibersidad sa 14 na bansa sa buong mundo. Samantala, tumanggap naman ang UPLB ng 137 na “inbound” na estudyante—mga dayuhang mag-aaral mula sa 32 unibersidad sa 12 bansa.
Nagkakaroon ng dalawang pagkakataon sa isang taon para sa outbound exchange application, at piling estudyante lang ang puwedeng tumanggap ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng MOVE-UP grant, na tumutustos sa visa, pamasahe, insurance, at allowance.
Para kay Derrick, ang student exchange ay hindi lang biyahe o academic requirement, ito ay proseso ng paghubog at pagbuo ng sariling mundo sa ibang bansa. Sa unang araw niya sa Mendel University, ramdam niya agad ang cultural shift.
“What I did in UP I tried doing it on the first day—notes agad, ready notebook… pero yung mga katabi ko may laptop na. Alam mo talagang you’re in a different place.”
Kahit ramdam niya ang malaking pagbabago sa kultura at ang pagkakaiba ng academic at social setup sa Mendel University kumpara sa UPLB, nalampasan ni Derrick ang mga hamon na ito sa tulong ng kanyang mga kaibigan, kasamahan, pati na rin ng exchange student office ng Mendel University at ng UPLB OIL.
Dagdag pa rito, ibinahagi ni Derrick na labis niyang pinahalagahan ang kanyang student exchange experience sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa iba’t ibang cultural events sa Mendel University. Dito niya napatibay ang layunin ng kanyang paglahok sa programa, makipag-ugnayan, makipag-diyalogo, at makibahagi sa pagkakaiba-ibang kultura, kasabay ng pagbabahagi at pagpapakita ng kulturang Pilipino sa ibang bansa. Bukod sa academics, binigyang-diin din niya na hindi lamang tungkol sa pag-aaral ang exchange program, kundi pati na rin sa networking at pakikipagkaibigan na kanyang nabuo.
Sa kanyang student exchange, ibinahagi ni Derrick ang mga aral at realizations na nakuha niya sa bawat karanasan. Ani, nahasa ang kanyang organizational skills sa pag-navigate ng bagong environment at responsibilities. Dagdag pa rito, malaking tulong ang kanyang training bilang Development Communication (DevCom) student, mula sa pakikipag-ugnayan at cultural adaptation hanggang sa paggamit ng mga natutunan sa kanyang kasalukuyang trabaho at pang-araw-araw na gawain.
“Na-realize ko na development communication is actually applicable nga. Yung expectation ko is na-apply ko din talaga bago matapos yung program.”
Hindi lang natapos sa exchange ang pagkatuto ni Derrick. Nagbukas din ito ng iba’t ibang oportunidad. Habang nag-aaral, nagsilbi siya bilang intern sa U.S. Embassy sa Manila sa pakikipagtulungan sa Philippine-American Education Foundation. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya bilang technical assistant sa Department of Education sa Central Office, Pasig.
Dito, malaking tulong kanyang international exposure at background sa DevCom para mas maunawaan ang iba’t ibang isyung pang-internasyonal at maiugnay ito sa lokal na konteksto ng development work.
Sa kabila ng lahat, taos-puso ang pasasalamat ni Derrick sa kanyang karanasan bilang isang exchange student.
Ayon sa kaniya, maaari pang mapabuti ang UPLB student exchange program sa pamamagitan ng mas malawak na network ng partner universities. Ito ay magbubukas ng mas marami at inklusibong oportunidad para sa mga estudyanteng nais lumahok sa programang ito.
“Parang yung UPLB known kasi for agriculture, forestry courses. So parang gets kung bakit ayun lang yung pinapartner nilang mga universities. Pero if UPLB really wants to also share the knowledge of the students, mas maganda sana mga partnership sana.”
Kaugnay nito, hinihikayat ni Derrick ang mga estudyante na subukan ang ganitong klaseng karanasan. Binanggit din niya na ang pagiging bahagi ng student exchange ay nagbubunsod ng inspirasyon na maglingkod at magbigay pabalik sa komunidad kung saan tayo nagmula.
“So it might not be now, pero someday kung matanggap ka sa exchange student program, mag-give back mo rin naman sa future student na mag-a-apply, work mo or what… basta, give back.”
At sa huli, isang malinaw na mensahe ang gustong ipabatid ni Derrick: ang student exchange ay hindi lamang pribilehiyo, isa itong oportunidad na dapat mas marami pang UPLB students ang makaranas. Mula sa kaba ng paglapag sa isang bansang may ibang wika at kultura, hanggang sa pagbuo ng bagong komunidad at pananaw, kinakatawan ni Derrick ang potensyal ng bawat estudyante kapag nabibigyan ng tamang suporta at tamang espasyo para lumago.
Bagama’t malaki ang naitutulong ng UPLB Office of International Linkages at ng MOVE-UP grant, nanatiling hamon ang mas malawak na access, mas inclusive na proseso, at mas malaking network ng partner universities. Sa kasalukuyan, 1,656 na estudyante ang nakatanggap ng MOVE-UP grants, at 2,845 na estudyante ang nakapag-enroll sa MOVE-UP Coursera Campus courses.
Kung magiging bukas at mas palalawakin ang oportunidad, mas maraming estudyante ang maihahanda para sa global citizenship, isang mahalagang kakayahan sa mundong mas nagiging interconnected.
Para sa mga estudyanteng nag-aalangang mag-apply, simple lang ang paalala ni Derick: “It might not happen now, pero someday, kapag natanggap ka rin sa exchange program, ibabalik mo rin ’yan. Sa future students na susunod, sa work mo, sa community mo, basta huwag mong kalimutang mag-give back.”
Ang student exchange program ay hindi lamang tungkol sa pag-alis; ito ay tungkol sa pag-uwi na may mas malawak na pang-unawa, mas matatag na karakted, at mas malalim na hangaring magbigay-pabalik sa komunindad.
Ang kwento ni Derrick ay paalala na ang paglabas sa sariling comfort zone ay isang mahalagang hakbang para sa sarili, para sa unibersidad, at para sa bansang matagal na nating gustong paglingkuran.