Sulat ni Caoimhe Harriet Massey at Johnrey Oliver Delos Santos

Tanging bakas na lamang ang naiwan sa mga pader dulot ng pitong buwang pagbaha sa kanilang komunidad. “Tatay Ernesto” Aquino, 81-taon gulang, residente ng Barangay Tagumpay, Bay, Laguna, nang makabalik sa kanyang tahanan.
Sa loob ng anim na buwan, ang amoy ng basura, mapanghing toilet portal, at puno ng tubig-baha sa kanal ang naging katambal ng pag-idlip ng daan-daang pamilya sa iba’t ibang paaralan ng Bay, Laguna. Ang mga silya at lamesa ng mga mag-aaral ay naging sandigan ng mga matatanda. Ang tubig baha na nagmumula sa nagngangalit na Laguna de Bay ay tanda ng katotohanang tila matagal nang ibinaon: sa bawat unos na dumarating sa komunidad, ang karapatang matuto ng bawat bata ay nalilipol din.
Sa inilabas na ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na pinamagatang “Turning Point: A Decade of Necessary Reform,” ang mga kalamidad tulad ng bagyo, pagtaas ng dagat, at pag-ulan ay maituturing na matinding balakid sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
“Uwi na talaga tayo. Magkakasakit ‘kako tayo dito.”
Ito ang daing ni Corazon “Nanay Cora” Lominoque, 67, habang inaalala ang bawat pagbaha dahil sa malalakas na ulan. Aniya, sa loob ng mga panahong iyon, naging paikot-ikot sila sa iba’t ibang evacuation site–mula sa covered court ng Barangay Tagumpay hanggang sa paaralan ng Galvez, Dila, at Central–maiwasan lang ang baha.

Dagdag ni Nanay Cora, dati naman ay hindi gaanong kalala ang pagbaha. Aniya, may kakulangan sa paglilinis, na siyang nagiging dahilan ng pagbara ng mga estero.
“Nag-evacuate agad kami noong oras mismo ng bagyo,” saad aniya. Ang amoy ng puno at mahabang pila sa palikuran ay naging pang-araw-araw nilang hamon sa kalinisan at kaligtasan.
Kasama ang kanyang asawa na si Ernesto Aquino, 81, inilarawan niya na ang kanilang sitwasyon ay magulo, siksikan, at walang maayos na sanitasyon. “…Magulo ang evacuation. Mga bata, nag-aaway-away. [Pero] pasalamat kami [dahil] may likasan tayo.”
Silang mag-asawa ay nagmula pa sa probinsya ng Quezon upang makapag-hanapbuhay sa Laguna at mas mapalapit sa kanilang mga anak. Subalit, dahil sa road widening sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Ramos, sila ay pinaalis sa kanilang tahanan sa highway at pinalipat sa Brgy. Tagumpay.
Sa isang pagaaral na isinagawa noong 2014 ukol sa Flood Risk Analysis for the Municipality of Bay, Laguna, Philippines, ang Barangay Tagumpay ay isa sa may pinakamataas na flood prone hazard index (0.92) sa bayan ng Bay. Dahil dito, ang mga eskwelahan sa Bay ay animo’y naging lunduyan ng kahirapan sa mga panahon ng kalamidad. Hindi lamang para sa panig ng mga bakwit na walang maayos na pasilidad sa loob ng maliit na bulwagan kundi pasakit din para sa mga mag-aaral na naaantala ang pagkatuto (Bantayan, 2014).
Ayon kay Nanay Cora, nagkataon lamang na suspendido ang klase sa lalawigan ng Laguna nang sila ay maging bakwit sa paaralan. Ngunit nang magkaroon ng klase muli, ang mga silid-aralan ay hinati sa pagitan ng mga evacuee at mga mag-aaral. Inilarawan niya na dahil sa ganitong kondisyon, hindi rin naging regular ang klase ng mga bata.
Sa ilalim ng RA 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act, ang batas na ito ay nagtatakda ng mas malinaw na pamantayan para sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center at para sa pagbawi ng instructional time. Layunin ng batas na na matiyak na ang paggamit ng paaralan bilang evacuation center ay pansamantala lamang at dapat may agarang plano para maibalik ang normal na operasyon ng klase.
Iniulat naman ng Department of Education (DepEd) na libo-libong paaralan ang apektado at milyon-milyong mag-aaral ang naantala ng serye ng kalamidad noong 2025. Sa ulat ng Inquirer, higit 10,700 paaralan ang naitalang nasira at higit 1.1 milyong mag-aaral ang apektado.
Ayon sa EDCOM II, ang pagkasira ng continuity sa pag-aaral ay nagdudulot ng ‘long-term learning loss,’ lalo na sa mga mag-aaral na may kakulangan sa pangunahing kakayahang makapagbasa at makapagbilang. Kaya naman isa sa mga panawagan ng nasabing komisyon ay reporma, kasabay ng pagpapalakas ng foundational literacy at paglikha ng mga sistemang tumutugon sa pagkaantala ng klase dulot ng kalamidad.
Sa kuwento nina Nanay Cora at Tatay Ernesto, ang kalamidad ay hindi lamang kuwento ng kawalan ng tirahan. Ito ay kuwento na sa bawat pagbaha, ang pagkakataong matuto ay lumiliit. Bawat araw ay mahalaga sa usapin ng edukasyon, ngunit kaagaw din nito ang mga kalamidad, gayundin ang pinsalang dala nila para sa mga bakwit. Kaya unti-unti, lumalalim ang agwat sa pagitan ng mga batang sagana sa pagkakataon at mga batang salat.

Bilang paghahanda sa susunod na delubyo, pinataasan nila ang kanilang kubo upang maisalba ang mga gamit na taon-taon na lang nasisira at tinatangay ng baha, saad ni Nanay Corazon Lominoque, 67-na-taon, residente ng Barangay Tagumpay, Bay, Laguna.
Ang pagbangon mula sa kalamidad ay hindi lamang batay sa pagbabagong-anyo ng mga silid–sa mga natuyong sahig at dingding o sa mga nakaligtas na bakwit–ito ay matatagpuan sa mga batang nakaupo nang muli sa silid-aralan, bitbit ang aklat sa mga kamay, at handa na muling harapin ang kinabukasan nang may pag-asa.
References:
Bantayan, N. (2014). Flood risk analysis for the Municipality of Bay, Laguna, Philippines. Asia Life Science 23(2): 607-622. Retrieved 25 February 2026 from https://www.researchgate.net/publication/282121994_Flood_risk_analysis_for_the_Municipality_of_Bay_Laguna_Philippines
Villa, H. P. (2025, November 1). DepEd pegs disaster-related damage to schools at P29.5 billion. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/2132493/deped-pegs-disaster-related-damage-to-schools-at-p29-5b
Second Congressional Commission on Education. (2026). Turning point: A decade of necessary reform (2026-2035) (EDCOM II Final Report).