Puso ng Pagbubulaklak: Kababaihan sa likod ng mahalimuyak na Araw ng mga Puso

Ulat nina Martin Joy Banaticla, Nicca Paular, Juliana Alcoriza, Claire Olorvida, Victor Khe at John Comia

Abala na sa pagkikilos at pagtatali ang mga kababaihang florist ng Barangay Bayog ng mga sariwang aster bilang bahagi ng postharvest preparation bago iluwas ang mga ito sa Dangwa at gawing bouquet noong Pebrero 11 para sa paparating na Araw ng mga Puso. | Kuha ni: Martin Joy Banaticla

Sa bawat bungkos ng bulaklak na iniaalay tuwing Araw ng mga Puso, may mga kamay na bihirang mabigyan ng pangalan. Mga kamay na sanay sa eksaktong hiwa ng tangkay, wastong porma nito, at sa maingat na pagbalot upang mapanatiling buhay ang simbolo ng pagmamahal. Ngunit sino nga ba ang tunay na nagbibigay-buhay sa mga bulaklak na ito?

Tuwing binabanggit din ang agrikultura, ang madalas na pumapasok sa isip ay palayan, araro, at mga kamay na babad sa putikan. Madalang ang ideya ng mababangong talulot, makukulay na bulaklak, at lalong hindi ang imahe ng mga kababaihang ibinubuhos ang dedikasyon sa larangang ito.

Sa Laguna, ang bawat aning bulaklak ay mula sa tanim ng puyat, pagod, at pag-asa ng mga kababaihang nasa likod nito. Mula sa pagtatanim ng halamang ornamental hanggang sa pagsasaayos nito upang ibenta sa mga pamilihan at kalsada, sila ang tahimik na puwersang bumubuo sa industriya tuwing Araw ng mga Puso.

Madaling-araw bago sumikat ang araw tuwing Pebrero 14, nagsisimula nang dumating ang mga tali-taling aster at rosas sa mga tindahan ng mga talulot sa Los Baños. Habang inaayos ang mga tangkay sa batya ng tubig, dahan-dahang nabubuo ang mga taling bulaklak na ibibigay ng mga nagmamahal sa kanilang mga sinisinta pagsapit ng gabi.

Ang agricultural value chain

Ang horticulture ay isang sangay ng agrikultura na nakatuon sa produksyon ng prutas, gulay, at ornamental crops. Ayon kay Maria Charito Balladares, isang horticulture specialist mula sa Los Baños, kabilang sa larangang ito ang crop production, plant propagation, ornamental research, gayundin ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng nano-fertilizers na nagpaparami ng ani at mapababa ang gastos sa produksyon.

Ang lungsod ng Los Baños ay kinikilalang isa sa mga pinakamalaking producer ng ornamental crops sa bansa. Kaya para naman kay Joy, isang taga-bundle ng aster sa Brgy. Bayog, ang tatlong buwang production cycle ng aster ang batayan ng kanilang kita tuwing peak season. Ipinapakita nito na ang ornamental horticulture ay hindi simpleng pandekorasyon na gawain kundi isang organisado at sinusuportahang subsektor ng agrikultura.

Sa kabilang dulo ng value chain ay ang mga florist. Ayon sa ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) noong 2011, ang postharvest handling at value-adding activities ay mahalagang bahagi ng agricultural systems sapagkat dito nadadagdagan ang komersyal na halaga ng isang produkto.

Mahalaga rin maunawaan na ang pagbubulaklak ay may teknikal na dimensyon—isang anyo ng postharvest management na nangangailangan ng kaalaman sa plant physiology at preservation. Patunay ito na hindi lang halimuyak at panlabas na ganda ang bumubuo sa larangang ito, kundi talas ng isip at lalim ng karanasan.

“Hindi puwedeng basta putol at ayos lang. Kapag mali ang paghiwa o kulang sa tubig, malalanta agad,” ani Aliza Barde, isang magbubulaklak sa Brgy. Lalakay. Ipinapakitang sa bawat ayos ng bulaklak ay sumasalamin ang kasanayang hinubog ng karanasan at pagmamahal nila sa pang-araw-araw na paggawa.

Tradisyunal na gampanin sa hortikultura

Gayunpaman, sa kabila ng kanilang teknikal at ekonomikong papel sa value chain, nananatiling nakapaloob sa gendered na pananaw ang gawaing ito.

Ayon sa Gendered Division of Labor Theory, ang mga gawain sa produksyon ay nahahati batay sa socially constructed gender roles kung saan ang “pisikal” at malawakang produksyon ay kadalasang iniuugnay sa kalalakihan, habang ang mga gawaing may kaugnayan sa pag-aalaga, detalye, at estetika ay iniuugnay sa kababaihan.

Sa konteksto ng horticulture at florist industry, makikita ang malinaw na feminization ng postharvest at marketing segments. Ayon sa FAO (2011), karamihan sa mga florist at small-scale operators ay kababaihan. Hindi lamang sila floral designers, kundi sila rin ang namamahala sa pag-iimbentaryo at pakikipag-ugnayan sa mga suppliers.

Ayon kay Lydia Lontoc, isang florist mula sa Barangay Lalakay, “Kapag Valentine’s, halos hindi kami natutulog… pero doon namin nararamdaman na mahalaga ang ginagawa namin.” Hindi lamang pagod ang ipinahihiwatig nito kundi ang pagkakakilanlan sa isang trabahong matagal nang inaako ng kababaihan sa sektor.

Economic value at microenterprise

Ayon naman kay Dona Nabia mula sa Barangay Bambang, pumapatak ang presyo ng rosas mula ₱500 kada dosena sa regular season at umaabot sa ₱1,400 tuwing Valentine’s season. Ang pagtaas ng presyo na ito ay malinaw na indikasyon din ng pagtaas ng halaga ng agricultural process.

Dagdag pa na nabanggit ang seasonal instability kung saan pabago-bago ang kita sa industriya ng pagbubulaklak dahil nakadepende ang demand nito sa espesyal na okasyon tulad ng Araw ng mga Puso, graduation, at undas, na siyang nagreresulta sa mataas na benta o tinatawag na peak season ngunit mababang kita naman sa ordinaryong buwan. “Pag walang okasyon, minsan hindi na makukuha ang puhunan,” ani Lydia.

Ipinapakita nito ang cyclical economic pattern na may malinaw na peak season kung saan mataas ang kita, at ang lean period na mababa ang kita sa regular na buwan sa loob ng taon. Sa kabila ng kawalang kasiguruhan, ang kita mula sa pagbubulaklak ay nagiging daan para sa kagaya ni Lydia sa pag-angat ng kabuhayan ng kanilang pamilya. Dagdag niya rin na nakatulong ang pagbubulaklak sa kanila sa pagkuha ng sasakyan at maging sa pagpapaaral ng kanyang mga anak.

Hamon sa sektor

Sa kabila ng kanilang sentral na papel sa produksyon at merkado, nananatiling limitado ang institusyonal na pagkilala sa sektor.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9710 o ang Magna Carta of Women (2009), kinikilala ang obligasyon ng estado na tiyakin ang pantay na oportunidad ng kababaihan sa agrikultura. Gayunpaman, nananatiling hamon ng mga florist at ornamental horticulture workers ang kanilang propesyonal na pagkakakilanlan.

Nananahan pa rin na hindi gaanong nakikita ang horticulture sa mainstream na usapin ng agrikultura. Itinuturing ang ornamental crops na “non-essential” kumpara sa staple crops kagaya ng palay at mga gulay. Dahil mataas ang partisipasyon ng kababaihan sa sektor, ang kakulangan sa pagkilala ay direktang nararanasan ng mga florist at ornamental growers na tulad nina Joy at Aliza. Ang ganitong halimbawa ay naaayon sa Gendered Division of Labor Theory, kung saan ang mga gawaing may kaugnayan sa estetika at care work ay hindi nabibigyan ng parehong institusyonal na halaga. Samakatuwid, ang pagkilala sa florist at horticulture bilang bahagi ng agrikultura ay usapin din ng structural gender equity.

Gayunpaman, may mga organisadong farmer associations at research support mula sa mga institusyon ng UPLB na tumutulong sa pagpapalakas ng ornamental production.

“Sa mga kababaihan sa hortikultura… [agriculture], it’s a rewarding profession. So hindi lang siya dahil may sweldo ka. Kundi dahil marami ka na nae-experience doon sa profession mo at marami ka rin matututunan kasi hindi naman tayo tumitigil ng pagkuha na kaalaman,” ani Charito.

Ang bagong mukha ng agrikultura

Mabusising binubuo at binabalot ang mga mirasol ng isang local florist sa Barangay Lalakay bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili ilang araw bago ang Araw ng mga Puso. | Kuha ni Martin Joy Banaticla

Ang agrikultura ay hindi lamang nakukulong sa kwento ng pag-aani at pag-aararo. Ito rin ay kuwento ng paglinang ng kagandahan, simbolismo, at halaga. Sa likod ng bawat handog na bulaklak na iniaalay tuwing Araw ng mga Puso, hindi lamang bulaklak ang inihahandog kundi ang paggawa, kaalaman, at pag-aaruga ng mga kababaihang matagal nang nasa ugat ng industriyang ito.

Kung may bunga ang bawat bulaklak tuwing Araw ng mga Puso, ito ay hindi lamang pag-ibig kundi ang mga kababaihang nagbigay-buhay dito—mula sa hardin hanggang sa huling papel na pambalot nito.

Sa paglawak ng ating depinisyon ng agrikultura, nabibigyan sa wakas ng pangalan ang mga kamay na matagal nang nagbibigay-buhay sa mga bulaklak na ating iniaalay: hindi lamang florist o tindera, kundi ganap na mga manggagawang agrikultural sa isang industriyang matagal nang pinatatakbo ng kababaihan.