Sa Bawat Biyahe: Ang Kalagayan ng mga Drayber at Komyuter sa Rutang Sta. Cruz–Lucban

Ulat nina Moira Kristiana Abriam at Marielle Mañozo

Sitwasyon sa terminal ng jeep na may rutang Sta. Cruz-Lucban sa Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna. Larawang kuha ni Marielle Mañozo.

Maaga pa lamang ay nakapila na ang mga komyuter sa terminal ng dyip na may rutang Sta. Cruz, Laguna–Lucban, Quezon, ngunit kapansin-pansin ang kakaunting bumibiyaheng dyip sa nasabing ruta. Sa bawat minutong lumilipas, tahimik na naghihintay ang mga komyuter at umaasang agad silang makakasakay sa oras na dumating ang inaabangang pampasaherong dyip.

Para naman sa mga drayber, ang kakulangan na ito ay hindi simpleng usapin ng trapiko—ito ay direktang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na unti-unting kumakain sa kanilang kita.

Ang kakulangan na ito ang araw-araw na realidad ng mga drayber at komyuter sa terminal kung saan ang dating tuloy-tuloy na biyahe ay naaantala dahil sa isang krisis na pawang ang mga normal na mamamayan ang pinakaapektado. At sa bawat pagpapasiya ng mga drayber sa kanilang pagpapasada, iisa ang tanong na bumabagabag sa kanila: pagkatapos ng mahabang biyahe sa maghapon, sapat ba ang kanilang kita para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilyang naghihintay sa kanila?

Sa Bawat Pasada

Sa rutang Sta. Cruz–Lucban na dumaraan sa mga bayan ng Lumban, Cavinti, Majayjay, at Luisiana, ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lamang nararamdaman sa mga gasolinahan, kundi sa mismong kita, oras, at kabuhayan ng mga drayber na araw-araw nakaasa sa kanilang pinapasadang dyip.

Pampasaherong dyip na may rutang Sta. Cruz – Lucban na mas malaki kumpara sa pangkaraniwang dyip. Larawang kuha ni Marielle Mañozo.

Ayon kay Daniel Orajay, isa sa mga bumibiyaheng drayber sa terminal, halos kalahati o higit pa ng kinikita nila ang nauubos sa krudo.

“Ngayon, kumikita ako ng ₱300, ₱400, pero dati nasa ₱800, ₱700 gano’n. Malaking difference na, sayang din ‘yon. Kasi nga, noong nagtaas ng diesel, doon lang napupunta [ang kita],” aniya.

Ang iba pa’y umabot sa ₱2,600 ang gastos sa pagpapakarga ng gasolina sa isang balikan, kumpara sa dating ₱1,000 lamang. Dahil dito, may mga araw na hindi na sila pumapasada.

“Kumpara dati ay ₱1,000 lang yung diesel namin, ngayon umaabot na ng ₱2,600. Isang balik lang namin ‘yon. Imbis na ₱1,000 lang tulad noon. Eh halos ₱1,600 yung nawawala imbes na sa  amin na lang sana ‘yon,” dagdag pa niya.

Para kay Mark Coladilla, isa ring drayber, may mga pagkakataong ginagarahe na lamang niya ang dyip kapag hindi na sulit ang bumiyahe.

“Wala, ginagarahe ko na lang talaga ‘yang dyip ko. Ngayon na nga lang po ako bumiyahe,” aniya.

Samantala, ayon naman sa dispatser na si Marvin Acopio, may mga pagkakataong isang beses sa isang araw na lang sila kumakain upang makatipid.

“Oras din ang pinakamahirap kasi imagine mo 5 AM, nandito na dapat ako. Tapos ang uwi ko 6:30 o mga 7 PM. Ganyan ang oras ng duty ko rito. Tapos …ang kikitain ko lang ay mga ₱800. Eh expenses ko pa, pagkain ko. ₱500 ang matitira, ₱300 ang gastos,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga drayber, ang pamamasada lang ng dyip ang pangunahing pinagkukuhanan ng panggastos ng karamihan sa kanila para sa pang-araw-araw na gastusin.

Para naman kay Coladilla, hindi tugma sa hirap na pinagdadaanan at pagod na nararanasan nila sa araw-araw na pagbiyahe ang kitang naiuuwi nila sa kanilang mga pamilya.

“Kakaunti ‘yong naiuuwi sa bahay. Kasi meron naman, kaya lang hindi sambot sa pagod. Kaunti lang talaga,” aniya.

Idiniin din nila na kung mabibigyan ng konkretong solusyon ang krisis sa langis na kinakaharap ng bansa, hindi nila pipiliing tumigil sa pamamasada. Ang hiling ng mga drayber sa pamahalaan ay aksyunan ang krisis sa langis upang matulungan silang maibalik sa normal ang kanilang operasyon sapagkat hindi lang naman gasolina ang tanging pinagkakagastusan nila. Para sa kanila, malaking tulong na ito para maibsan ang kasalukuyang hirap na kanilang pinagdadaanan.

“‘Yon lang talaga eh. Basta bumaba lang ‘yong price ng diesel. Malaking tulong [na] nga po sa mga driver talaga. Basta bumaba lang ‘yong diesel kasi ngayon talaga malaki ‘yong nawawala sa kita galing sa biyahe. Plus maintenance pa ng sasakyan. Hindi lang diesel ‘e, may mga gulong pa, gano’n. Bawas din sa bawat kita sa biyahe namin ’yong mga gano’ng gastusin sa dyip,” ani Coladilla.

Mga Komyuter sa Gitna ng Krisis

Ibinahagi naman ni Rien Casiño, isang komyuter at miyembro ng Iluhan Youth, na hindi naman kagustuhan ng mga drayber na tumigil sa pamamasada.

“Hindi nila kagustuhan ang tumigil [sa] pasada. Ayon sa ilang pahayag ng kanilang mga lider, napilitan lamang silang huminto dahil abonado na sila sa biyahe. Bukod sa mahal na krudo, kailangan pa nilang magbayad ng boundary, kaya sa halip na kumita ay nalulugi pa sila sa araw-araw,” ani Casiño.

Dagdag pa rito, ayon sa mga obserbasyon ng grupong Iluhan Youth, ang tigil-pasada sa mga naturang bayan ay hindi lamang simpleng protesta kundi malinaw na manipestasyon ng sistematikong problema sa sektor ng transportasyon.

“Sa ganitong sitwasyon, hindi kakulangan ng drayber ang problema kundi kakulangan ng kakayahang bumiyahe sa ilalim ng mahal na gastos,” giit ni Casiño.

Mga komyuter ng pampasaherong dyip sa terminal ng Sta. Cruz-Lucban. Larawang kuha ni Marielle Mañozo.

Ang krisis sa langis ay hindi hiwalay na isyu kundi direktang tumatama sa kabuhayan, edukasyon at pang-araw-araw nilang mga buhay.

“Eh, tipid-tipid na rin. Kaya nga practical na, kung anong mabiling mura, ‘e ‘di doon tayo,” ani Acopio.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kapag tumaas ang presyo ng langis, mas malaki ang epekto nito sa mga pamilyang may mabababang kita at sa sektor ng transportasyon. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay may regressive effect, kung saan mas mabigat ang nagiging epekto nito sa mga mahihirap kumpara sa mga mayayaman.

Tinatayang umaabot sa 16.2% ang purchasing power ng mahihirap at mahigit 1.3 milyong Pilipino ang maaaring tuluyan nang malubog sa kahirapan kapag nagpatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng langis.

Para kay Clarita Lagman, isang komyuter mula Cavinti, hindi lamang oras ang nasasayang sa ganitong sitwasyon kundi pati ang lakas ng mga komyuter nauubos ito sa pagpila pa lamang imbes na nailalaan ito sa mas mahahalagang bagay.

“Minsan umaabot talaga ng [sa] kalahating oras ang hintayan… depende kapag walang sasakyan talaga,” aniya.

Hindi ito nalalayo sa karanasan ng estudyanteng komyuter na si Fatema Oliveros na araw-araw bumabiyahe mula sa kaniyang tahanan sa Cavinti papunta sa kaniyang paaralan na Laguna State Polytechnic University (LSPU) na nasa Sta. Cruz. Nang dahil sa kakulangan ng mga bumibiyaheng dyip, may mga pagkakataon na nahuhuli siya sa klase.

“Kahit papasok pa lang sa school, struggle na agad. Kapag may lakad ka naman, gano’n din, kailangan mong maghintay nang matagal kasi marami ring commuters na kasabay,” aniya.

Para naman sa mga manggagawang komyuter, dagdag pasanin ang kasalukuyang krisis. Ayon kay Marco Abustan, isang nursing attendant mula sa Luisiana, napipilitan silang mas magtipid dahil hindi naman aniya tumataas ang sahod kasabay ng pagtaas ng iba pang mga gastusin, tulad ng nababalitaang magiging pagtaas ng pamasahe.

“Sa commuters na tulad namin eh sa taas [ng] pasahe. Taas din ng gastusin. Hindi naman tumataas ang pasahod pero ang gastos at bilihin, tumataas,” saad niya.

Pati na rin ang sektor ng agrikultura ay lubos na apektado ng kasalukuyang krisis. Naapektuhan ang kanilang produksyon dahil nahihirapan silang makapunta sa kanilang mga lupain upang magsaka.

“Sa kabuuan, hindi lang ito isyu ng transportasyon kundi usapin ng kabuhayan at araw-araw na pamumuhay,” ani Casiño.

Gayunpaman, panawagan din ng mga komyuter na babaan ang presyo ng langis dahil silang mga normal na mamamayan ang pangunahing nangangailangan sa serbisyo ng mga dyip at direktang nakasasaksi sa araw-araw na hirap ng mga drayber ng dyip.

“Babaan din naman nila [ang presyo ng langis] kasi nakakaawa talaga. Lalo na ‘pag naririnig mo ‘yong mga kuwento nila. Magkano na lang din daw [ang] naiuuwi nila. Magsa-sardinas [na lang sila] basta lang makaraos sa buhay. Sana naman, babaan din naman nila,” ani Donna Bingo, isang komyuter mula Luisiana.

Sa kabilang banda, may mga simpleng paraan din ng pagtulong ang mga komyuter upang maipakita ang kanilang pakikiisa sa mga drayber ng dyip.

“Kasi minsan, naririnig ko ‘yong mga kuwento nila na minsan daw ₱150 na lang nauuwi nila sa pamilya nila. Tamang ano lang daw, pangkain lang sa kanila. Kaya minsan talagang ‘pag may sukli, hindi ko na kinukuha,” ani Bingo.

Kaakibat nito ang patuloy na pakikiisa ng mga grupo ng komyuter sa mga panawagan ng mga drayber para sa agarang aksyon ng pamahalaan sa kasalukuyang krisis. Ayon kay Casiño, ito ang panahon kung saan pinakamahalaga ang pakikiisa ng lahat dahil buong komunidad na ang apektado dahil sa krisis at kakulangan umano ng agarang aksyon ng pamahalaan.

“Ang krisis na ito ay hindi simpleng usapin ng transportasyon o presyo ng langis. Ito ay direktang tumatama sa buhay at kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan. Habang patuloy na pinapabayaan ang sistemang nagpapataas ng presyo at nagpapahirap sa mga drayber at komyuter, lalong lumalala ang sitwasyon. Kailangan ng agarang aksyon na hindi lamang panandalian kundi nakatuon sa ugat ng problema. Sa bawat araw na walang maayos na plano ang pamahalaan, buhay at pangarap ang naaantala,” dagdag pa niya.

Tugon ng mga Nakatataas

Ayon sa Department of Energy (DOE), patuloy na naapektuhan ang lokal na presyo ng langis ng pandaigdigang galaw ng merkado, kabilang ang supply disruptions at geopolitical tensions na direktang nagpapataas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ibinahagi ni DOE Secretary Sharon Garin na ang mas mataas na presyo ng langis sa Pilipinas kumpara sa ating mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya ay dahil sa mga pandaigdigang isyu tulad ng mga problema sa supply, patuloy na tensyon sa politika ng US, Israel, at Iran. Ito rin ay bunsod ng ginagawang pagsu-subsidize ng retail cost ng petrolyo ng mga naturang bansa.

“Ibig sabihin… Parang subsidized lang ‘yong presyo. ‘Pag bumibili ka sa gas station, may binabayaran ang gobyerno diyan para hindi napakataas ‘yong presyo,” ani Secretary Garin.

Dagdag pa niya, nananatiling deregulated ang industriya ng langis sa bansa sa ilalim ng Oil Deregulation Law, kung saan hinahayaan ang mga kumpanya na magtakda ng presyo batay sa pandaigdigang merkado.

This is an unregulated industry… So we leave it to the [companies] to determine the price… the government does not dictate the price. So it is competition among the companies that determines the movement of prices,” ani Energy Secretary Garin.

(Ito ay isang unregulated na industriya… Kaya ipinauubaya natin sa [mga kumpanya] ang pagtukoy ng presyo… Hindi dinidiktahan ng gobyerno ang presyo. Kaya ang kompetisyon sa pagitan ng mga kumpanya ang tumutukoy sa paggalaw ng mga presyo.)

Bilang tugon sa patuloy na krisis sa langis, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Memorandum Circular No. 114 nito lamang Abril 17, 2026 na pansamantalang sinususpinde ang pagkakaroon ng excise tax sa langis.

Dagdag pa dito, simula Abril 20, 2026, obligado na ang mga gasolinahan na sumunod sa minimum at maximum na presyo ng langis na itatakda ng pamahalaan.

Ayon kay Energy Secretary Garin, ang polisiyang ito ay bunga ng pinirmahang Executive Order No. 110 ng pangulo na siyang nagdedeklara ng state of national energy emergency sa buong bansa. Dahil dito, nagkaroon na ng  ₱24/liter na rollback sa presyo ng diesel, epektibo simula Abril 21, 2026.

Patuloy na pamamahagi ng mga ayuda at subsidiya sa mga apektadong drayber. Mga larawan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Facebook Page.

Patuloy din ang pagbibigay ng ₱5,000 na ayuda sa mga apektadong drayber ng dyip. Bukod dito, ipinatutupad din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Department of Energy (DOE) at Land Bank of the Philippines, ang ₱10-per-liter fuel subsidy program para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers.

Layunin nitong mapababa ang gastusin sa pamamasada, mapataas ang kita ng mga drayber at mapanatiling abot-kaya ang pamasahe para sa mga komyuter. Sa ilalim ng programa, direktang ibinibigay ang diskwento kada litro ng gasolina sa pamamagitan ng digital verification system, mula sa pag-check ng kwalipikadong unit, hanggang sa aktwal na pagkarga ng krudo sa mga piling gasolinahan.

Ngunit bigyang-diin ni Casiño na kulang na kulang pa rin ito upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan at gastos sa pagpapa-gas ng mga drayber.

“Bagama’t nakakatulong ito, hindi nito lubos na natutugunan ang pangkalahatang problema dahil hindi ito tuloy-tuloy at hindi rin naaabot ang lahat ng nangangailangan,” dagdag pa niya.

Sa bawat araw na umaasa ang mga drayber na may maiuwi silang sapat para sa kanilang pamilya, at ang mga komyuter na naghihintay ng masasakyan, nananatiling malinaw na ang krisis ay higit pa sa kakulangan ng ayuda — ito ay usapin ng pangmatagalang solusyon para sa kabuhayan at araw-araw na biyahe ng mga Pilipino. Ipinapakita ng krisis na ito na higit pa sa presyo ng langis ang usapin. Ito ay tungkol sa kabuhayan, oras, at  araw-araw na pakikibaka ng mga Pilipino sa kalsada na nangangailangan ng mas pangmatagalang solusyon.