Ulat ni Zyrel Anne Sapinit

Mga pinutol na tangkay ng mais sa isang hektaryang lupain matapos ang harvesting season ng Corn Silage Techno Demo sa Brgy. San Gregorio, San Pablo City, Laguna. Larawang kuha ni Zyrel Anne Sapinit.
Isang hektarya. Ganiyan kalawak ang lupain sa San Gregorio, San Pablo City, Laguna na inilaan para sa Corn Silage Experimental Demo Farm. Ngunit sa kabila ng lawak nito, tila hindi nito matumbasan ang lawak ng benepisyong ipinangako sa mga magsasakang hanggang ngayon ay naghihintay pa ring maramdaman ito.
Ang Corn Silage Techno Demo ay isang programang inilunsad ng City Agriculture Office (CAO) upang palakasin ang paggamit ng corn silage bilang alternatibong pakain ng mga livestock at upang matiyak ang pagbukas ng panibagong pagkakitaan ng mga magsasaka sa rehiyon. Itinatag ang proyekto sa Purok Tres, Brgy. San Gregorio—isang lugar na napalilibutan ng mga government-owned land na maaaring taniman anumang panahon.
Sa ilalim ng programa, hinihikayat ang mga magmamais na maglaan ng bahagi ng kanilang lupain para sa silage production bilang tugon sa lumalaking pangangailangan para sa tuloy-tuloy at sapat na suplay ng pakain sa mga alagang hayop. Tinatayang humigit-kumulang 200 miyembro ng San Pablo City Corn Farmers Association ang inaasahang direktang makikinabang sa proyekto.
Bahagi rin ang Corn Silage Techno Demo ng mas malawak na planong itatag ang industriya ng gatasang baka sa San Pablo City, sa pangunguna nina Mayor Najie B. Gapangada at Administrator Atty. Marcus Antonikus T. Andaya ng National Dairy Authority. Sa ilalim ng planong ito, target na hubugin ang San Pablo City bilang sentro ng dairy industry sa Laguna.
Ayon kay Konsehal Gilbert Banasihan, Chairman ng Committee on Agriculture, mahalaga ang programa para sa seguridad sa pagkain sa lungsod.
“Umuunti ‘yong aming produksyon ng pakain sa baka dahil nagkakaroon ng mga subdivision tapos ‘yong season ay nagiging tagtuyot,” ani Konsehal Banasihan. “Kailangan ng food security para sa bakang ginagatasan.”
Dagdag pa niya, malaki rin umano ang maitutulong nito sa kabuhayan ng mga magsasaka.
”Malaki ‘yong matutulong sa kanila ng programa in terms ng kabuhayan nila. On the part naman ng programa sa pagpo-produce ng milk, sila rin ang number one na makikinabang.”
Reyalidad ng Proyekto
Ngunit sa kabila ng maganda at malawak na layunin ng proyekto, lumilitaw ang isang mas komplikadong reyalidad sa lupa: marami sa mga magsasaka ang hindi ramdam na sila mismo ang sentro ng programa.
“Hindi actively involved [ang mga magsasaka]…Ngayon, parang sariling project nila ’yan ‘e. Hindi… hindi sa magsasaka ‘yon. Pero parang ano ‘yon, personal nila [na proyekto] ‘yon.” sambit ni Domingo Ambasa, isang magsasaka sa San Gregorio.
Hindi rin naging madali para sa ilang magsasaka na tanggapin agad ang programa. Para sa marami, ang mais ay pagkain ng tao—hindi ng baka. Habang patagal nang patagal ang proyekto, lalo ring dumarami ang mga tanong: Saan ang magiging storage? Sino ang mamamahala? Paano ito mapoprotektahan laban sa matinding init at pabago-bagong panahon?
Sa halip na maging mukha ng programa, tila naging tagapamasid lamang ang ilang magsasaka sa napakalawak na lupain.
“Ang sabi nila, patanim daw ni Mayor ‘yon; pinabantayan lang sa akin habang nasibol gawa ng tinutuka nga ng manok, [kinakain] ng mga kambing, ‘tsaka [nilalaro] ng mga bata,” kuwento ni Ambasa. “No’ng malaki na, [binigay] ko na sa kanila. Okay na raw, kaya na nila pangalagaan.”
Ngunit higit na lumitaw ang mga kakulangan nang dumating ang panahon ng pag-ani nila noong Marso.
Ayon kay Ambasa, sabay-sabay na inani ang mga mais kahit kulang sa tao para magsakay ng mga ito sa truck.
“Noong na-harvest nila, ang problema, wala naman silang magtatrabaho para mag-akyat ng mga [inaning mais] sa truck,” aniya. “Hindi nila natapos i-akyat sa truck para madala nila sa feed mill… pinutol nila lahat kaya nakatambak sa lupa, nabulok, nasayang lang.”
Dahil sa kakulangan ng koordinasyon at manpower, ilang araw na naiwang nakabilad sa init ang ani hanggang sa tuluyan itong nasira at hindi na napakinabangan.
Positibong Pagtanaw sa Proyekto
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang lokal na pamahalaan sa potensyal ng proyekto. Para kay Konsehal Banasihan, bahagi lamang ng proseso ang mga pagkukulang dahil unang beses pa lamang itong sinimulan sa lugar.
‘’Yon po ay first time lang nila ginagawa dito kasi ini-introduce pa lang,” aniya. “Kaya lang ho, marami pang kailangang development at pag-aaral para maging successful.”
Ipinaliwanag din niyang sa mga susunod na yugto ng programa ay inaasahang mag-aangkat ng mga baka at kukuha ng mga qualified caretaker mula sa bawat barangay—mga magsasakang inaasahang magiging pangunahing benepisyaryo ng proyekto.
Isang hektaryang pangako
Ngunit sa kabila ng mga tinatanaw na benepisyo ng programa, tila hindi pa rin makita ang magiging mahalagang papel ng mga magsasaka. Naghihintay pa rin sila na maramdaman na hindi lamang sila tagabantay at tagataboy ng mga peste, kundi tunay at aktibong bahagi ng programang ipinangakong para sa kanila.
Sa ngayon, nananatiling malawak ang lupain sa San Gregorio—kasinglawak ng kawalang-katiyakan kung kailan tunay na mapapakinabangan ng mga magsasaka ang proyekto. Sa gitna ng mga natuyo at nabulok na mais, nananatili ang isang tanong: paano magiging pang-magsasaka ang isang programang ipinangako para sa kanila kung hanggang ngayon ay tila nakikihati lamang sila sa pakinabang nito?