Sa Grove, kung saan nananahan ang mga kamay at paang bumubuhay sa mga mag-aaral ng UPLB

Ulat nina Monica Barizo at Hadassah Bernardine

Sa Los Baños, o ‘Elbi’ sa mga estudyante, kapansin-pansin ang mga taong nasa likod ng ekonomiyang tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bayan.

Sa Barangay Batong Malake, Los Baños,itinayo ang isa sa mga campus ng Unibersidad ng Pilipinas, dahilan upang maging pangunahing business hotspot ito sa Laguna. Sa kahabaan ng Grove at Lopez Avenue, madadaanan ang samu’t saring mga karinderya, tindahan, panaderya, prutasan, at palabahan – mga serbisyong mahalaga lalo na para sa mga estudyanteng hindi lokal sa Elbi.

Bahagi ng Lopez Avenue sa Brgy. Batong Malake. Ito ang isa sa maraming ruta na binabaybay ng mga mag-aaral patungo sa main gate ng UPLB. (Hadassah Bernardine)

Mas maaga pa sa mga estudyante ang paggising ng mga nagtitinda. Sa umaga, nakaabang na sila sa gilid ng kalsada upang masabayan ang pagdaan at pagpasok ng mga estudyante sa unibersidad. Sa mga oras namang nasa klase ang mga estudyante, humihina ang galaw ng pamilihan. Ngunit pagsapit ng tanghali, muling magdadagsaan sa mga karinderya ang mga tao para sa tanghalian. Sa hapon at gabi, abala naman ang mga drayber na naghahatid ng mga  pauwi pa sa junction, bayan, at karatig-lugar. 

Sa mga lugar na hindi naaabot ng ruta ng jeep – gaya ng Jamboree, Brgy. Putho Tuntungin, Forestry, at Palm Drive St. – may mga habal rider na maaasahan ng mga estudyante upang makauwi. Sa ganitong sistema, malinaw ang ugnayan: kung paanong kailangan ng mga manggagawa ang mga estudyante para kumita, ganoon din kahalaga ang mga manggagawa sa pang-araw-araw na buhay ng mga estudyante.

Ate Irene

Isa sa mga madadaanan sa Grove tuwing umaga si Ate Irene. Madalas siyang pumupwesto sa tapat ng mga fruit stand at printing shops, kung saan madalas dumadaan ang mga pupunta sa Demarses.

Alas-nuwebe ng umaga ay nakapuwesto si Ate Irene sa maliit na bahagi ng sidewalk sa Grove. Sa mga oras na ito, hindi pa gaano kainit para mag-alok ng kaniyang benta sa mga dumaraan. (Monica Barizo)

Nagsimula si Ate Irene sa pagtitinda ng ukay-ukay. Ngunit dahil sa matumal at pabago-bagong kita rito, mas pinili niyang magbenta ng agahan na mas may tiyak na kita upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ilan sa kaniyang paninda ay baked mac, maja blanca, leche flan, at mga gulay na pangluto.

Kwento ni Ate Irene, “Yung anak ko talaga, mayroon siyang puwesto sa bagong kalsada, bukod sa ganitong mga kakanin, mayroon siyang ukay-ukay…iniisip ko, sayang naman yung maghapon na nandoon ako, eh di nagluto na rin ako, para meron din akong sariling income.

Ang asawa ni Ate Irene ay isang construction worker, kaya hindi raw niya maiwasang mabahala tuwing wala itong trabaho.

“Malaking bagay talaga ito [pagtitinda] sa amin. Nakakatawid kami sa pang-araw-araw. Halimbawa, asawa ko nga, kahit walang trabaho, mabubuhay pa rin kami. Tapos yung may natitira, naiipon ko, tapos nabibili po yung gusto ko sa anak,” dagdag niya. 

Limitado ang mabibilhan ng meryenda o pantawid-gutom sa loob ng UPLB, kaya madalas na lumalabas ang mga estudyante  upang maghanap ng mas maraming pagpipilian at mas abot-kayang pagkain. 

Sa pang-araw-araw na takbo ng buhay-estudyante sa UPLB, mahalaga ang presensya ng mga nagtitinda tulad ni Ate Irene na nagbibigay ng abot-kayang pagkain sa mga nagmamadali at nagtitipid. Isa siya sa mga unang mong makikita habang malamig pa ang hangin sa Grove at hindi pa masakit sa balat ang sikat ng araw, lalo na sa mga may klase ng alas siete. Kasabay ng mga nagtitinda ng kakanin, nagsisimula na rin siyang maglatag ng paninda tuwing alas singko y medya–mga pagkaing inihahanda niya mula pa alas tres ng umaga. 

May mga araw na bago pa mag-alas nuwebe ay ubos na ang kaniyang paninda, patunay sa dami ng tumatangkilik ng kaniyang mga pagkain. Ngunit, may mga pagkakataon ding kailangan niyang ibalot muli ang mga natira at bumalik sa hapon upang ituloy ang pagbebenta.

Hangad ni Ate Irene na magkaroon ng sariling puwesto upang makapagtinda nang mas ligtas at tuloy-tuloy. 

Aling Baby

Pagsapit ng tanghali, nagmamadali ang mga estudyante sa mga kainang malapit sa kanilang mga klase. Sa bandang Demarces ay matatagpuan ang Aling Baby’s Food House, isang karinderyang dinadayo ng mga estudyante at manggagawa sa Elbi.

Mahinahong nakaupo si Aling Baby matapos maabala sa rush hour ng tanghalian sa Aling Baby’s Food House. (Monica Barizo)

“Ang restaurant kasi namin, parang 80% [ng customer ay] estudyante,” ani Aling Baby, ang nagmamay-ari ng kainan. Kilala ang Aling Baby’s sa kanilang abot-kayang student meals na  may kasamang karne, gulay, at isang takal ng kanin. Kadalasan, student meal ang unang maririnig sa mga nag-oorder dahil bukod sa mura, kumpleto na ito ng sustansyang kailangan sa mahahabang araw ng klase.

Ang iba’t ibang ulam ay sinisimulang ihanda bago pa sumikat ang araw. Kasama ang kaniyang asawa, gumigising si Aling Baby ng alas tres ng umaga para mamalengke at maghanda ng mga lulutuin. Maliban sa kanya, marami rin ang tumutulong sa pagpapatakbo ng kainan. 

“Mister ko ang tagagayat ng kalabasa…’yong anak ko naman na lalaki, siya naman ‘yong tagalinis… before mag-8, nadating na ‘yong chief cook—lalaki—ang in-charge sa kaniya ay ‘yong chicken, sisig, at gulay,” kuwento ni Aling Baby. 

Sa kabila nito, marami pa rin ang kaniyang tungkulin sa pang-araw-araw bukod sa pagluluto, gaya ng paghuhugas ng pinggan at pagbababad ng karne. Kaya madalas, hindi na rin lumalagpas ng alas-nuwebe ng gabi ang operasyon ng Aling Baby’s.

Hindi naging madali ang karanasan ni Aling Baby sa pagtitinda ng ulam para sa mga estudyante. Noong 2012, nagsimula siyang magbenta ng pagkain mula sa bintana ng kanilang bahay. Walang pagbabago sa pangunahing niyang customer simula noon: mga estudyanteng nangangailangan ng pagkaing mabilis na makain tuwing umaga at tanghalian. Natigil lamang ito nang ma-demolish ang kanilang bahay at nang magsimula ang pandemya, kaya’t lumipat sila sa kasalukuyan nilang lokasyon.

“Kaya talagang todo-kayod, kasi wala pa kaming bahay…na-demolish nga ‘yong bahay namin,” banggit niya. Sa kabila ng lahat, patuloy siyang humuhugot ng lakas mula sa pagmamahal sa pagluluto, sa kaniyang bunso na anak na nag-aaral pa, at sa pangarap na magkaroon ulit ng sariling bahay.

Ngayon, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sinisikap pa rin nilang panatilihing abot-kaya para sa mga estudyante ang kanilang pagkain.  “Kahit hindi masyado sapat ‘yong kinikita namin…mag-stick muna kami sa 70 hangga’t kaya namin…‘yon ay tulong niyo na din sa’min at tulong ko na rin sa inyo,” aniya.

Hiling na lamang niya ang patuloy na pagtangkilik sa kaniyang kainan at paghihikayat sa mga bagong estudyante o freshie ng unibersidad na sumubok ng kanilang mga pagkain. “Sana ipapakilala dito,” sambit ni Aling Baby.

Kuya Jason

Hindi nagtatapos ang galaw ng bayan sa paglubog ng araw. Sa gabi, habang unti-unting humuhupa ang ingay, naghihintay si Kuya Jason sa gilid ng kalsada sa Grove kasama ang iba pang mga habal driver. 

Hindi lahat ng lugar at pasikot-sikot na daan sa Elbi ay naaabot ng mga jeep, lalo na sa gabi.  Dito pumapasok ang serbisyo ng mga habal driver.

Malapit sa UP Gate matatagpuan ang paradahan kung saan naghihintay si Kuya Jason ng mga pasaherong nangangailangan ng agarang transportasyon. (Monica Barizo)

Apat na taon nang naghahabal si Kuya Jason. Nagsimula siya matapos hikayatin ng isang kasamahan, at kalaunan ay iniwan ang trabaho sa construction upang gawing pangunahing hanapbuhay ang paghahabal.

Alas siyete pa lamang ng umaga ay pumipila na si Kuya Jason para mag-abang ng pasahero, na kadalasan ay mga estudyanteng naghahabol ng kanilang klase o nagmamadaling makapunta kung saan man. Pagsapit ng tanghali,  umuuwi muna siya upang magpahinga sa init, at bumabalik ng hapon upang ipagpatuloy ang trabaho hanggang hatinggabi. “Kasi ‘yong iba gimik-gimik…nalalasing, kaya hinahatid namin sa taas,” aniya. 

Dati, sa tawag o text lamang nakikipag-ugnayan ang mga pasahero. Ngunit sa pagdating ng ride-hailing apps, mas madalas nang pumipila ang mga habal sa mga lugar kung saan madali silang makita. 

Sa kabila nito, nagpapatuloy si Kuya Jason. Isa sa mga dahilan ay ang kagustuhan niyang matulungan ang mga estudyante, gaya ng kaniyang sariling mga anak. Dahil naninirahan siya sa bahagi ng Jamboree, ang paghahabal ang pinakamadali at pinakamabilis na paraan upang mahatid niya ang kaniyang mga anak sa kanilang paaralan. Matapos nito, didiretso na siya sa paradahan ng mga habal driver at magsisimula na ang kanyang araw. 

“Eh ‘yong dalawa kong anak maghahabal pa para bumaba…balikan, isang daan, dalawang daan…kung ako ‘yong maghahabal, makakatipid na ako,” kuwento ni Kuya Jason. Bukod sa mga estudyante ng unibersidad, nakatutulong ang habal sa kaniya dahil nagagabayan niya ang kaniyang mga anak. 

Para kay Kuya Jason, mas mahalaga na nakakapiling niya ang kaniyang pamilya at natitiyak ang kanilang kaligtasan habang kumikita. “Sa habal…namo-monitor mo ‘yong kita mo eh…sarili mong oras, nakakasama mo pamilya mo sa pang-araw-araw, kaysa sa construction,” dagdag niya.

Gayunpaman, hamon pa rin ang init ng panahon at pagtaas ng presyo ng gasolina, na nakakaapekto sa pang-araw-araw niyang kita. 

“Tiyaga-tiyaga lang kasi kapag walang pumaparada dito, walang masasakyan ‘yong mga estudyante…tulad ng mga senior, tulad no’ng nasa Jamboree, arts center, sa’n pa ba sasakay, sa amin din lang, eh mga senior hindi maalam mag-book,” aniya pa.

Bilang isang habal driver, napupunan ni Kuya Jason ang limitasyon ng ibang transportasyon sa Elbi. Sa kabila ng nararanasan niyang pagsubok sa bawat araw, nananatiling dahilan ang mga estudyanteng naninirahan dito upang siya ay magpatuloy sa pamamasada.

Ang Interkoneksyon ng mga Estudyante at Manggagawa

Sa iba’t ibang oras ng araw, malinaw na hindi magkahiwalay ang mundo ng mga estudyante at manggagawa sa Elbi. Sa bawat suspensyon ng klase, agad itong nararamdaman ng mga nagtitinda at habal driver; sa bawat hina ng kita, nababawasan din ang serbisyong umaalay sa mga estudyante. Iisa ang sinasabi ng mga kuwento nina Ate Irene, Aling Baby, at Kuya Jason: kung gaano kahalaga ang mga estudyante sa kanilang kabuhayan, ganoon din kahalaga ang mga manggagawa sa pang-araw-araw na buhay ng mga estudyante.

Ang tumatakbong ekonomiya sa Elbi ay hindi lamang umiikot sa edukasyon at kabuhayan, bagkus ito ay dahil sa ugnayan ng dalawa—isang sistemang nabuo mula sa matagal nang pagsandig ng estudyante at manggagawa sa isa’t isa.

Hilera ng Grove sa gabi kung saan nagsasalubong ang ilaw ng mga sasakyan at yapak ng mga estudyante sa tahimik na pagtitiyaga ng mga naghahanapbuhay. (Hadassah Bernardine)

Tiyak na armas sa bawat pagkalam ng sikmura ng estudyante ang bawat sandok ng abot-kayang ginataang kalabasang ihinahain ni Aling Baby. Kasabay nito ang bawat pagtaob ng llanera ni Ate Irene sa tinda niyang leche flan, at ang gaan sa kabadong paghinga kung may masasakyan pa ba sa alanganing oras ng gabi ang mga gulong ni Kuya Jason sa paghahabal.

Sa kabila ng mainit na pagsalubong ng mga manggagawa sa Elbi sa mga estudyante, sa pamamagitan ng pagkain at paghahatid, ipinahahayag din nila ang hangaring sana’y higit na matiyak ang seguridad at proteksiyon para sa kanilang patuloy na pagbubuhos ng lakas-paggawa. 

Sa gitna ng hindi tiyak na kita, pabago-bagong daloy ng mamimili, at kakulangan sa sapat na proteksiyon, nananatiling marupok ang kanilang kabuhayan. Ang kanilang katatagan ay tila nakahalili sa presensya ng mga estudyanteng maaaring maglaho sa bawat bakasyon o pagbabago sa takbo ng unibersidad.