Sa Lilim ng Lupa: Vermicomposting bilang kinabukasan ng mayabong na agrikultura

Akda nina Nicca Paular, Martin joy Banaticla, Jaztine Genesis Gibas, Claire Olorvida, at John Comia

“Marumi pero marangal. Matrabaho pero may mapapala.”

Ganito ilarawan ni Josefina Montecillo, isang ina at may bahay, ang larangan ng vermicomposting habang marahang hinahalo ang nabubulok na mga dahon, balat ng prutas, at dumi ng hayop sa ilalim ng isang simpleng silong sa Brgy. Puypuy Bay, Laguna. Sa bawat paggalaw ng kaniyang mga kalaykay, tila sumasabay ang libo-libong maliliit na nilalang na hindi nakikita sa unang tingin—mga organismong tahimik ngunit may mahalagang papel sa agrikultura. Isang gawaing hindi pa ganap na kilala sa buong bansa, ngunit unti-unting nakikitaan ng potensyal bilang tugon sa lumalalang problema sa agrikultura.

Sa bawat balde ng nabubulok na dahon at dumi ng hayop, pinapakain ni Josefina ang kaniyang mga alagang African Night Crawlers (ANC), mga bulateng kalauna’y magbabalik sa lupa sa mas masustansyang anyo. Ang vermicomposting ay proseso ng pag-aalaga at pagpaparami ng mga bulate, partikular ang African Night Crawlers, upang makalikha ng organikong pataba na tinatawag na vermicast. Pinapakain ang mga ito ng organic waste tulad ng tuyong dahon, balat ng prutas, at dumi ng hayop. Sa pagdaan ng mga ito sa katawan ng bulate, nagiging mas masustansya at mas madaling masipsip ng lupa ang kanilang inilalabas na dumi—na kalauna’y magiging hindi basta pataba lamang, kundi tagapagpanumbalik ng sigla ng lupa na kung tawagin ay vermicast.

Maliliit ngunit malaki ang bahagi na ginagampanan ng African Night Crawlers upang mapanatiling maayos ang soil fertility, bagay na napakahalaga para sa agrikultura. | Kuha ni John Comia

Labing-anim (16) na taon na ang nakalilipas nang magsimula si Josefina sa pag-aalaga ng ANC,katuwang ang kaniyang mga anak. Noon, halos kalahati umano ng kanilang barangay ang may “bulatehan.” Ngunit isa-isa itong nagsitigil. Gayunpaman, hindi naging madali ang kanilang naging karanasan sa vermicomposting dahil na rin sa bigat at responsibilidad ng pagtataguyod nito.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Ma. Diana Rendon, isang University Research Associate mula sa Institute of Agroforestry ng UP Los Baños, ang isa sa mga bagay na maaaring dahilan kung bakit may pag-aalinlangan ang iba sa pagve-vermicompost.

Ayon sa kaniya, malaking ang epekto ng pinansyal na kapasidad ng sinumang nais magsimula sa pagve-vermiculture. Una, kailangang bilhin ang mga bulate dahil hindi ito basta-basta lamang nakikita sa paligid. Kailangan ding isaalang-alang sa pag-aalaga at pagpaparami ng bulate para sa vermicomposting ang pagsisiguro na mayroong maayos na silong ang mga bulate, gayundin ang pagkakaroon ng sapat na moisture ang pinamamalagian nito. Sa pakain naman, kailangang may maayos itong carbon-nitrogen ratio upang masiguro na malusog ang mga maliliit na nilalang na ito.

Sa isang pag-aaral sa Zamboanga noong nakaraang taon nina Arlyn Rebuza mula sa Agricultural Technology Department sa Western Mindanao State University, binanggit na ang matrabahong proseso, hindi matatag na demand sa merkado, at kakulangan sa kaalaman ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi agad ina-adopt ng mga magsasaka ang vermicomposting.

Kahalagahan ng vermicompost

Ngunit kung ang maliit na bulatehan sa Bay ay may ganitong potensyal, bakit tila hindi pa rin ito ang pangunahing solusyon sa krisis sa lupa?

Sa ulat ng Philippine Communications Office noong 2023, sinasabing nasa 82% ng lupang sakahan sa Pilipinas ang mayroong mababang fertility. Ang mababang fertility ng lupa ay nagdudulot ng pagbaba ng ani, na sumasangga naman sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Dahil dito, gumagamit ang mga magsasaka ng pataba sa lupa o mga fertilizers. Mas tinatangkilik sa ngayon ng nakararami ang inorganic fertilizers o mga chemical fertilizers dahil mas aksisable ito, at mas mabilis makita ang epekto nito sa pagpaparami ng ani. Sa katunayan, ayon sa pag-aaral nina Roehlano Briones mula sa Philippine Institute of Development Studies noong 2024, tinatayang nasa ₱9.56 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa mga patabang ito–partikular na sa inorganic fertilizers, sa pag-asang masosolusyunan nito ang problema sa food security ng bansa.

Habang ang bunga ay humihitik sa ating mga mata, nanganganib naman ang tunay na kalagayan sa lilim ng lupa. Sa mga saad ni Diana, binigyang-diin niya ang epekto ng patuloy na paggamit ng mga inorganikong pataba.

“Kasi ‘di ba noong Green Revolution nauso yung mga inorganic fertilizers, mga synthetic fertilizers. So over the time…yung mga synthetic fertilizers, sa una maganda siya. Pero kapag tumagal siya, napapaasim niya yung lupa. So mas bumababa yung fertility nung lupa, so ang mangyayari, bumababa yung production natin.”

Dagdag pa niya, napaka-importante ng paggamit ng organikong pataba sa lupa upang mapanatiling balanse ang sustansiya na kinakailangan ng lupang sakahan, at upang maging mas pangmatagalan ang kalagayan nito.

Kabuhayang Pangmatagalan

Sa kabila ng kasalukuyang kalagayan ng pagtangkilik sa synthetic fertilizers, positibo ang university research associate na may naghihintay na bukas para sa organic fertilizers gaya ng vermicompost, lalo na’t mas pinagtitibay ngayon ng Kagawaran ng Agrikultura ang Organic Agriculture Act of 2010. Layunin nito na mas palaganapin ang pagsasaka na hindi gumagamit ng kemikal upang mapangalagaan ang kalusugan ng tao, kalikasan, at lupa, habang pinapataas ang kita ng mga magsasaka.

Para rin kay Josefina, maaaring malayo pa ngunit malayo na rin ang kanilang narating. Ibinahagi niya na mas marami na ang tumatangkilik sa kanilang produkto ngayon kumpara sa dati. Patunay na patungo pa rin sa paglago ang paggamit ng organic fertilizer.

Ang payak na silong na ito ang saksi sa ilang taon ng sipag, tiyaga, at paninindigan ng pamilya ni Josefina upang magpatuloy sa larangan ng vermicast at vermiculture. | Kuha ni Jopay Banaticla

Bagaman pinandidirihan ng nakararami ang trabahong ito, hindi ikinahihiya ni Josefina ang kanilang kabuhayan. Aniya, hindi lamang ito nakatutulong sa kalikasan, kundi nakatulong na rin ito sa kanilang pamilya at sambahayan, lalo bilang isang ina.

Sa halagang PhP 500 bawat sako ng vermicast, halos araw-araw na nauubos ang kaniyang paninda. Mula sa pagbubulate, napag-aral niya ang kaniyang dalawang anak at natustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Sa kabila nito, ilang beses na ring winasak ng bagyo ang kanilang pinaghirapan, ngunit muli siyang bumangon.

Bakas sa ngiti ni Josefina ang pagmamalaki na bilang isang babae, nagbunga ang kaniyang ilang taon ng pagsusumikap sa trabahong malinis, marangal, at nakatutulong sa kalikasan. | Kuha ni John Comia

“Walang madaling trabaho, pero kung gusto mong may marating…lahat paghihirapan mo,” saad niya.

“Lahat ng negosyo, kapag inayawan mo, walang mangyayari. Pero kapag tyinagaan mo, may mararating ka. Saka walang trabahong [pang-babae], walang trabahong [pang-lalaki]. Kung gusto mong makatulong at gusto mong matupad ang pangarap mo at ng mga anak mo, gagawin mo ang lahat.”

Sa isang industriyang kadalasang iniuugnay sa pisikal na lakas at maruming gawain, pinatutunayan ni Josefina na hindi kasarian ang sukatan ng kakayahan, kundi tibay ng loob at paninindigan.

Habang bilyon ang inilalagak sa mga kemikal na pataba, sa isang tahimik na sulok ng Bay, Laguna, umaasa si Josefina sa maliliit na nilalang na halos hindi napapansin. Sa lilim ng lupa, kung saan mabagal ang proseso at hindi agad nakikita ang bunga, doon unti-unting umuusbong ang pag-asa.

Hindi man ito kasing bilis ng kemikal na pataba, ang pagbabagong dulot ng vermicomposting ay may mas malalim ang ugat, at mas pangmatagalan na pangako.

Ang mga kagaya ni Josefina ang patunay na hindi laging kinakailangan ang maingay na paggawa upang maging bahagi ng makabuluhang pagbabago. Minsan, sapat na ang maliit na kilos–na kahit ang paisa-isang kahig na kalakip ang matiyagang paghihintay ay may mararating, basta’t may sipag, tiyaga, at tiwala sa sariling kakayahan gaano man kasimple ang iyong pinanggagalingan.

Kahit pa sa lilim ng lupa, kung saan hindi agad nakikita ang bunga, doon marahang hinuhubog ang umuusbong na pag-asang hindi madalas na nakikita ng iba, kahit sa pamamagitan ng isang bulate, patunay na ang bawat isa sa atin ay kayang maging parte ng mas magandang kinabukasan.

Para sa ibang detalye tungkol sa vermiculture at vermicast, maaring bisitahin ang kanilang Facebook Page sa Josephine’s Vermiculture o tumawag sa kanilang numero: 0930 906 0343.