Sa Pista ng Patay, Lokal na Kabuhayan ay Buhay

Ulat Nina Arelle Flores at Gabrielle Pito

Ngayong Undas, makukulay at sariwang tropical flowers tulad ng heliconia, ginger blossoms, at iba pa ang hatid ng Los Baños Tropical Fruits and Flowers Growers Association (LBTFFGA) para sa mga pamilyang naghahanap ng bulaklak para sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Simula ngayong araw, Oktubre 29, hanggang Nobyembre 1, ang samahan ay magtitinda ng kanilang mga bulaklak sa harap ng munisipyo ng Los Baños. Mabilili ang tropical flower arrangements sa halagang mula ₱300 hanggang ₱800, depende sa dami ng bulaklak at sa laki ng bouquet o ayos.

Isa sa mga tropical flower arrangement ng LBTFFGA na binubuo ng heliconia at iba pang tropikal na bulaklak at dahon. (Larawan mula sa Los Baños Tropical Fruits and Flower Growers Association)

Bukod sa kakaibang ganda ng tropical flowers, mas matagal din ang buhay ng mga bulaklak na ito kumpara sa mga karaniwang temperate flowers tulad ng chrysanthemum at rosas. Ayon kay Mimie Princena, pangulo ng LBTFFGA, mas matagal nananatiling sariwa ang mga tropical flowers kaya magandang alternatibo ito para sa mga naghahanap ng mga bulaklak na iaalay sa mga puntod. Bukod dito, mas maka-kalikasan din ang tropical flowers dahil locally grown ang mga ito at hindi ginagamitan ng maraming kemikal. 

Tumatanggap din ang samahan ng mga orders para sa customized o “pasadya” na flower arrangements. Maaaring makipag-ugnayan kina Mimie Princena, pangulo ng LBTFFGA, upang mapag-usapan ang nais na disenyo, at makapagtakda ng iskedyul kung kailan kukunin sa kanila ang mga bulaklak. Maaari silang itext o tawagan sa 0954 341 7525, o padalhan ng mensahe sa Facebook. 

Mga tropikal na bulaklak na ginawang flower arrangement ng ilang miyembro mula sa LBTFFGA

Mga oportunidad at hamon sa pagtatanim ng lokal na bulaklak

Mahalagang panahon ang Undas para sa kabuhayan ng mga nagtatanim ng bulaklak. Ayon kay Tita Mimie, mas nakakapagbenta sila ng maraming bulaklak tuwing Undas, Valentine’s Day, at Graduation season. Bukod sa pagtitinda ng bulaklak sa mga espesyal na okasyon, patuloy din na nagsu-suplay ang samahan ng mga bultuhang order ng bulaklak para sa malalaking kliyente tulad ng mga hotel sa Maynila. 

Sa kabilang banda, tulad din ng ibang magsasaka, dumadanas ang mga lokal na flower and fruit growers sa mga epekto ng climate change sa kanilang mga tanim. Kabilang sa mga hamon na ito ang limitadong pinagkukunan ng tubig, pagkasira ng mga tanim dahil sa bagyo at matinding init, at pagka-antala ng pamumulaklak at pamumunga ng mga tanim dahil sa pagbabago ng klima. 

Mimie Princena, Ang “Pangulo” Ng Los Baños Tropical Fruits and Flowers Growers Association, at Mga Inaning Bulaklak (Larawan mula sa Los Baños Tropical Fruits and Flower Growers Association)

Tungkol sa samahan

Ang LBTFFGA ay binubuo ng humigit-kumulang 30 miyembro ng nagtatanim ng iba’t ibang tropikal na bulaklak at ornamental na halaman, at mga prutas tulad ng lanzones, rambutan, saging, at langka. Kasalukuyang pinuno ng samahan si Mimi Princena, na nagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Siya rin ang pangunahing kontak ng mga nais bumili ng kanilang mga bulaklak, sa loob man o labas ng bayan. Karamihan sa mga miyembro ng samahan ay mga residente ng Purok 7B (kilala rin bilang Magnetic Hill), sa Barangay Timugan.

Bukod sa pagtatanim at pagbebenta ng kanilang mga produkto, patuloy din ang mga miyembro ng samahan sa pagdalo sa mga workshop at seminar upang mapalawak ng kanilang kaalaman tungkol sa paghahalaman at pagnenegosyo. 

Hinahanda ang mga sariwang bulaklak para ipagtinda. (Larawan mula sa Los Baños Tropical Fruits and Flower Growers Association)

Sa pagtangkilik ng mga lokal na produkto tulad ng tropical flowers and fruits mula sa LBTFFGA, direktang makakatulong ang mga mamimili na bigyang suporta ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka. 

Hindi kailangang matapos sa Undas ang pagtangkilik sa mga bulaklak at iba pang produkto ng LBTFFGA. Sa mga susunod na pagdiriwang at okasyon, maaaring direktang makipag-ugnayan sa samahan upang bumili ng kanilang mga produkto. Sa ganitong paraan, hindi lamang nagiging bahagi ng pag-alala sa mga yumao ang mga lokal na bulaklak, kundi nagiging paraan din ang mga ito upang patuloy na suportahan ang mga magsasakang bumubuhay at binubuhay ng mga ito.

Sa paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay ngayong darating na pista ng patay, maaari ring mamukadkad ang pag-alala sa mga taong patuloy na nagsisikap upang mapanatili ang lokal na kabuhayan.