Silab ng pag-asa sa gitna ng kalsada: Ang pagkalinga ng kabataan sa haligi ng paggawa

Sa kalsada nasusukat ang lakas ng paggawa, at doon din ito nakakalimutan.

Nagpatuloy ang matinding krisis sa ating mga kalsada bunsod ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis na lumamon sa kita ng mga tsuper. Ang bawat barya sa kanilang mga palad ay unti-unting kinain ng implasyon, na nag-iwan ng malaking butas sa kanilang hapag-kainan.

Ngunit sa kabila ng hirap, nangingibabaw ang tatag ng loob ng komunidad—isang alab na pinanatiling buhay nina Michael, Maggie, Rodolfo at iba pang kabataang lider na tumangging maging tagamasid lamang sa krisis ng transportasyon at paggawa.

Para sa kanila, ang bawat kilong bigas na iniabot sa uring manggagawa ay hindi lamang pansamantalang pamatid-gutom, kundi isang paraan ng pakikipagkapwa-tao. Dito nagsimulang mag-alab ang bayanihan. 

Sa simpleng pagkalinga, pinatunayan ng mga kabataang ito na ang tunay na serbisyo ay nagsisimula sa pagpapahalaga sa mga kamay ng uring manggagawang nagtataguyod sa ating lipunan.

Krisis sa likod ng pasada

Nang sumiklab ang pagtaas ng presyo ng langis, mas pinatibay ng mga tsuper ang kanilang pagkakaisa. Naglunsad ng mga tigil-pasada ang mga transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) noong Abril 21 at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) mula Abril 21 hanggang Abril 23.

Bagaman may mga anunsyong rollback sa presyo ng petrolyo, madalas ay hindi pa rin ito sapat upang tunay na pagaanin ang buhay ng mga tsuper at komyuter sa araw-araw. Sa mga sandaling tila nakalimutan na sila ng sistema, ang pagbubuklod ng mga estudyante at mamamayan ang nagsilbing sumasalo sa mga pagkukulang. 

Ang hirap na ito ay hindi aksidente: Bunsod ito ng Oil Deregulation Act, kung saan ang presyo ng langis ay idinidikta ng ibang bansa at diskresyon ng mga kumpanya sa halip na proteksyon ng pamahalaan.  Dagdag-pahirap pa ang TRAIN Law na nagpapataw ng excise tax at 12% VAT, na nagbubunga ng buwis sa ibabaw ng buwis na direktang bumabaon sa bulsa ng mga ordinaryong mamimili

Ramdam ang pait ng krisis sa bawat hapag-kainan: patuloy na tumataas ang gastusin tuwing nagmamahal ang langis. Ngunit hindi nanatiling tahimik ang mga mamamayan at sa halip ay umusbong ang samu’t saring paraan upang hilumin ang sugat ng krisis.

Higit pa sa pag-iilo

Sa Luisiana, Laguna, ang malasakit ay nakikita sa gawa ng mga kabataan tumangging maging tagamasid lamang. Sa halip, sila ay nagbuklod at kumilos upang tugunan ang mga suliraning panlipunang kinakaharap ng kanilang sariling komunidad.

“Kasi sa amin yung word na linang, ibig sabihin niya ay kabukiran. Pero at the same way [yung linang], ibig sabihin niya mag-nurture.” Sa mga katagang ito ni Michael Esperanza, isa sa mga tagapagtatag ng Integradong Luisianahin sa Hanay ng Kabataan (Iluhan) Youth, nasasalamin ang lalim ng kanilang paninindigan. 

Ang kanilang pangalan ay hango sa tradisyonal na “pag-iilo” o pagpapalambot ng pandan sa Luisiana—isang sining na isinasabuhay nila sa paghubog ng potensyal ng kabataan tungo sa makabuluhang pagkilos sa lipunan. 

Nagsisilbi itong plataporma para sa mga adbokasiya ng kabataang Luisianahin. Nais ng grupo na linangin ang talento ng kabataan at itaas ang antas ng kanilang kamalayan sa mga isyung panlipunan.

“Itinuon namin ‘yung Iluhan para luminang din ng iba’t ibang aspeto para sa mga kabataan,” dagdag ni Michael.

Hindi nananatili sa loob ng apat na sulok ang kanilang malasakit. Sa gitna ng transport strike noong Abril 14, inilunsad nila ang BIYAHEnihan: A Youth-led Libreng Sakay Program. Nagbigay sila ng libreng sakay mula sa Lucban patungong Luisiana upang tiyakin na hindi magiging hadlang ang krisis sa edukasyon ng mga estudyante.

Naghatid sila ng tulong sa mga hapag-kainan sa pamamagitan ng Community Pantry noong Abril 11, na sinundan ng isang Mobile Community Pantry noong Abril 18. Ito ay nagbigay-daan para mas maunawaan ang kalagayan ng kanilang komunidad at itulak ang kanilang petisyon laban sa Oil Deregulation Law at mga buwis sa langis.

Donasyong pagkain at gulay para sa komunidad. Larawan mula sa Iluhan Youth.

Sa mga pantry na ito, buhos ang tunay na diwa ng pakikipagkapwa. Ang mga lokal na magsasaka, na sila ring nakikibaka sa krisis, ay kusang nagbahagi ng kanilang ani upang masuportahan ang proyekto.

“Nagagawa pa rin nilang magdagdag ng kahit 10 kilong kamatis o 10 kilong sitaw na ‘yon ‘yong ambag nila dun sa community pantry para daw magtuloy-tuloy,” binigyang-diin ni Michael ang patuloy na pag-aambag ng mga lokal na prodyuser.

Ang pakikilahok na ito ay buháy na patunay ng lakas ng kolektibong pagkilos. Nananatiling tapat ang Iluhan Youth sa kanilang pangako: ang panatilihing mulat ang kabataan at patuloy na luminang ng pagbabago kasama ang buong komunidad.

Sapagkat kasabay ng hakbang nina Michael, umuusbong din ang mga personal na inisyatibang nagpapatunay na ang serbisyo sa bayan ay walang pinipiling anyo.

Serbisyo sa kapwa’t bayan

Isinasabuhay ni dating UPLB University Student Council (USC) Maggie Demia ang kanyang pangakong magsilbi sa komunidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng Bigkisan Project. Ginagamit niyang instrumento ang kanyang mga natutuhan sa akademya upang maghatid ng panghabambuhay na serbisyo.

Bitbit ang tiwala ng marami, umabot na sa mahigit 40,000 pesos ang naipong donasyon ng proyekto noong Abril 24. Ngunit higit sa materyal na tulong, may mas malalim na suliranin ang nais tugunan ni Maggie. 

Grocery packs para sa mga tsuper. Larawan mula kay Maggie Demia.

Hinihikayat niya ang bawat donor na huwag lamang tumingin sa donasyon, kundi suriin ang mga butas sa sistemang pumupwersa sa ating mga tsuper na umasa sa kagandahang-loob ng iba. 

“Habang nagbibigay tayo ng tulong itinutulak din nating itanong kung bakit kailangan pa nating umasa sa mga donation drive para masuportahan ang ating mga jeepney drivers,” ani Maggie.

Sa paglulunsad nito sa Rizal at Laguna, tinitiyak ng mga katulad nila Maggie na ang tulong ay isang personal na ugnayan para sa mga pamilya at sa mga manggagawa. Bukas ang suportang ito sa lahat dahil naniniwala sina Maggie na walang antas ang paghihirap: lahat ng gipit ay nararapat na kalingain. 

Pangako ng makataong kinabukasan

Sapagkat ang mga tsuper at manggagawa ay hindi lamang benepisyaryo ng tulong; sila ang mahahalagang haligi na nagpapatakbo sa ating ekonomiya.

Bilang pagpupugay sa Araw ng Paggawa, isinasabuhay ng DOST Regional Patriots Council (RPC) ang diwang ito sa pamamagitan ng Project Balik-Lingap. Ang proyektong ito ay pagbabalik-lingap at paraan ng pasasalamat ng mga iskolar sa mga ordinaryong taxpayers na nagtustos sa kanilang pag-aaral.

Nagsimula ang lahat sa hangaring protektahan ang mga tsuper, street vendors, security personnel, at mga magsasaka sa matinding init sa gamit ang climate resilience kits. Matapos tanggapin ng RPC Social Affairs Committee ang panukala, lumago ito bilang isang Labor Day event na nakatuon sa pagpapahalaga sa uring manggagawa.

Ipinapaabot ng mga iskolar ang kanilang pasasalamat at suporta sa mga tsuper at manininda sa Sto. Tomas. Larawan mula sa DOST – Regional Patriots Council – CALABARZON.

“Particularly [Project Balik-Lingap] doon sa mga laborers natin such as farmers, fishermen, PUV drivers, vendors, and even ‘yong mga minimum wage earners,” ani Rodolfo Gallinero III, RPC Deputy Director for External Affairs.

Higit pa sa mga materyal na sponsorship package na kasalukuyang sinusuportahan ng walong sponsors, ang Project Balik-Lingap ay ang pagkakataong makipamuhay ang mga iskolar sa masa. Ayon kay Althea Marie Manalili, DOST RPC 4-A Regional Director, mahalaga ang paglubog sa komunidad upang maibahagi ang istoryang madalas ay hindi naririnig.

Ramdam din ng council ang hirap ng mga manggagawa sa pagdaan sa nakakapagod na burukrasya. Binigyang-diin ni John Khirby Panopio, isa sa mga kalahok sa proyekto: “Sobrang daming requirements and papeles na kailangan kong ipa-asikasuhin sa munisipyo para lang makakuha ng mga kaayuda at tulong.”

Ang proyektong ito ay isang pangako na ang agham ay laging para sa bayan. Umaasa sila na magsisilbi itong inspirasyon sa mga iskolar at mga organisasyon upang gawing institusyonal ang pagsuporta sa mga sektor na naglilingkod sa masa. 

Gaya ng winika ni Rodolfo: “Hindi po itong isang araw. Araw po ito ng pagbabayanihan sa pagitan ng mga iskolar at ng masang-paligid.”

Hamon ng pagkakaisa 

Mula sa bigas hanggang sa grocery packs, pinatutunayan ng mga inisyatibong ito na kailangan ng mabilis at tunay na makataong sistema sa halip na pira-pirasong ayuda lamang. Ang krisis sa transportasyon ay hindi lang usapin ng sasakyan, kundi isang malalim na suliranin sa sektor ng paggawa na nakakaapekto hanggang sa mga silid-aralan.

Ang pagsisikap at kuwento ng mga tsuper, tindero, o magsasaka ay madalas na nalulunod sa higpit ng sistema. Ngunit higit sa pagkilos ng kabataan, ang tunay na tugon ay nagsisimula sa pagkilala na ang dangal ng mga manggagawa ay hindi dapat pinahahalagahan tuwing may krisis lamang.

Sa kabuuan, ang kaginhawaan ng mga uring manggagawa ay nakasalalay sa proteksyong pang-ekonomiya at pagkakaisa ng komunidad upang gawing mas makatao ang ating lipunan. Ito ay pangakong dapat panindigan: ang pagkilala na ang mga manggagawa ay hindi lamang sektor na pinagsisilbihan, kundi mga katuwang sa pagbuo ng isang patas na kinabukasan.