LB LGU nagsanay sa rescue operation

ni Aries S. Isla, miyembro ng Los Baños Group

Nagsagawa ng Rescue Operation Training noong Oktubre 3-5 sa Brgy. Baybayin ang lokal na pamahalaan ng Los Baños sa pangunguna ng Office of the Mayor at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Layunin ng pagsasanay sa rescue operation na higit na mapalawak ang kaalaman at kahandaan ng mga mamayan ng Los Baños ukol sa mga darating na kalamidad nang sa gayon ay makapagbigay ng kaukulang tulong sa mga residente ng Los Baños at sa karatig bayan sa oras ng pangangailangan.

Ang mga miyembro Coast Guard Special Operation Group (CGSOG) Southern Tagalog Command ang naging tagapagsanay ng mga piling kinatawan ng munisipyo at ng mga volunteer mula sa iba’t ibang barangay ng Los Baños.

Dalawampu’t lima mula sa mahigit 30 kataong nagparehistro ang matagumpay na nakapagtapos sa tatlong araw na rescue operation training. Mahigpit na training ang pinagdaan ng mga kalahok. Kinailangang manatiling alisto at magpakita ng kooperasyon at koordinasyon ang bawat kalahok upang matagumpay na maisakatuparan ang bawat hakbang ng pagsasanay.

Matapos ang tatlong araw ng sakit sa katawan at pagsisikap na napagtagumpayan ang bawat pagsubok sa pagsasanay, nabuo ang rescue team ng Los Baños na binubuo ng 25 nakapagtapos sa rescue operation training. (Larawan mula sa Los Baños Group.)