ni Ma. Emily Alforja, Los Baños Times Collaborator at Pangulo ng Kapisanan ng mga Samahan sa Malinta (KASAMA)
Ang Kapisanan ng mga Samahan sa Malinta (KASAMA) ay nakibahagi sa programa ng Department of Agriculture (DA) ukol sa organic farming.
Sang-ayon sa National Organic Agriculture Program ng Republic Act No. 10068, layunin ng programa na ipalaganap sa mga magsasaka ang paggamit ng makabagong pamamaraan sa pagtatanim na gamit ang mga organikong pampataba at pamuksa sa insekto ng iba’t-ibang uri ng halaman at gulay.
Layunin din ng DA na ang Los Baños ay makilala bilang “organic town” at makag-ani ng iba’t-ibang halaman at gulay gamit ang organikong pamamaraan.
Bukod sa Brgy. Malinta na kinakatawan ng KASAMA, mayroon pang anim na barangay na nakibahagi sa programa. Ito ang mga sumusunod: Bambang, Bagong Silang, Bayog, Mayondon, Putho-Tuntungin, at Timugan.
Bawat barangay ay may 15 kinatawan. Sila ang naatasan na mamahala sa pagtatanim. Sila rin ang dadalo sa mga pagsasanay ang DA ukol sa organikong pagsasaka. Inaasahang matutunan sa mga pagsasanay ang tamang pagtatanim.
Sa kasalukuyan, may lupang tinataniman ang KASAMA na maaaring magamit sa loob ng dalawang taon. Ang lahat na kagamitan tungkol sa pagtatanim, punla (seedling), pataba (vermicast), at troso para sa patubig ay ibinibigay ng DA sa KASAMA. Ang ani ay ibabahagi sa mga magsasaka.
Nakakatulong ang programa sa mga miyembro ng KASAMA sapagkat nakakadagdag sa kita ng isang pamilya ang mga ani.
Sa Hulyo ngayong taon, ipagdiriwang ng KASAMA ang unang anibersaryo nila sa programa. Ang kasama ay binubuo ng mga mamamayan mula sa limang purok ng Brgy. Malinta. Sa kasalukuyan, mayroon itong 300 miyembro; karamihan ay mga mangingisda.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-uganayan kay Ma. Emily Alforja, pangulo ng KASAMA, sa numerong 0930-800-0274.