Parol ng pagkakaisa

ni Jeanette I. Talag, presidente ng LBFPWD

Muling nagpamalas ng kagalingan ang mga miyembro ng Los Baños Federation of Persons’ with Disabilities (LBFPWD) sa kanilang nilikhang parol.  May taas na limang talampakan ang kanilang parol na kanilang isinali sa Parol Contest ng munisipyo ng Los Baños.  Kabilang ang kanilang likha sa 22 parol na naisumite sa munisipyo noong ika-30 ng Nobyembre.

Bagamat hindi pinalad na manalo, masaya ang samahan sa kanilang naipamalas na pagkakaisa sa paggawa ng sariling parol.  Ito ang kanilang unang pagkakataon na sumali sa isang Parol Contest.

International PWD Day ng Laguna Federation, isinagawa

ni Jeanette I. Talag, presidente ng LBFPWD

Nakilahok ang Los Baños Federation of Persons with Disabilities sa selebrasyon ng International PWD Day ng Laguna Federation of Persons with Disabilities noong Nobyembre 20, 2014 na ginanap sa Cultural Center ng Sta. Cruz Laguna.  Kabilang din sa mga nakisaya ay ang iba pang mga samahan ng mga may kapansanan mula sa Region IV-A.

Nagtanghal ang mga miyembo ng iba’t-ibang samahan ng kanilang angking talento.  Hindi nagpahuli ang ilan mula sa grupo ng Persons’ with Intellectual Disability sa pag-awit at pagsayaw.  Mayroon ding mga bingi na sumayaw sa modernong saliw at umawit ng mga medley.  Marami ang nagpakitang gilas sa pag-awit na tila mga propesyonal.

Ipinagdiriwang ang International PWD Day tuwing Disyembre ng bawat taon.

LBFPWD, dumalo sa Gender Sensitivity Training

ni Jeanette I. Talag, presidente ng LBFPWD

Naging parte ang Los Baños Federation of Persons’ with Disabilities, Inc. (LBFPWD) sa isinagawang kombensyon sa Richville Hotel, Mandaluyong City noong Nobyembre 20, 2014.  Tampok sa kombensyon ang Gender Sensitivity training at usapin patungkol sa kung paano patuloy na maipaunawa sa lipunan ang angking kakayahan ng mga may kapansanan.

Nagkaroon ng pagkakataon ang LBFPWD na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang organisasyong dumalo sa kumbensyon.  Ilan sa kanilang mga nakasama ang Philippine Commission on Women at National Organization on Visually Impaired Ladies na parehong nais na matulungan ang LBFPWD upang makapagpatayo ng sariling tanggapan.

Patuloy ang LBFPWD sa kanilang hangaring maipamulat ang kanilang halaga at parte sa lipunan.

Regional Abilympics, dinaluhan ng LBFPWD

ni Jeanette I. Talag, presidente ng LBFPWD

Dumalo ang 10 miyembro ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities, Inc. (LBFPWD) sa Kakayahan 2014: Regional Abilympics na may temang “Talino at Paninindigan ng Taong may Kapansanan, Pasaporte sa Kaunlaran” noong Oktubre 17, 2014 sa Jacobo Gonzales Memorial School of Arts and Trade ng Biñan Laguna.

Idinaos ang Regional Abilympics upang maitanghal ang iba’t-ibang angking talento at kakayahan ng mga may kapansanan.  Ang ilan sa mga itinampok na gawain ay ang pagpapakita ng gilas sa paggawa ng magandang flower arrangements, paggawa ng sapatos, pagpipinta, pagluluto at paglikha ng mga maikling kwento.

Nagpakitang gilas ang ilan ng kagalingan sa pagpipinta.

Dinaluhan ito ng mahigit sa 150 na mga miyembro ng iba’t-bang samahan ng mga may kapansanan mula sa ibat’-ibang bayan na kabilang sa Region IV-A.

Naisagawa ang Abilympics sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development at ng National Council on Disability Affairs Office.

LBFPWD at munisipyo tumutulong sa pagbibigay ng libreng prosthetics para sa ilang PWDs

Isinulat nina Lorelie M. Liwanag (kalihim ng LBFPWD) at Lenie M. Bonapos (PRO ng LBFPWD)

Patuloy na tinutulungan ng Los Baños Federation of Persons With Disabilities, Inc. (LBFPWD) sa pamamagitan ng libreng braces o prosthetics ang mga mamamayan ng Los Baños na naputulan ng paa o kamay maging ang may polio. Ito ay sa pakikipagtulungan ng School of Prosthetics and Orthotics ng University of the East Ramon Magsaysay Medical Center sa Quezon City.

Noong Pebrero 2014, apat na pasyente ang nadala ng LBFPWD sa naturang pagamutan sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Los Baños. Dalawa sa mga pasyente, sina Arnel Lumawod ng Brgy. Baybayin at Leoncio Dechitan ng Brgy. Mayondon, ang pinaka-unang nabiyayaan ng prosthetic legs.

Mayo 2014 naman nang mabigyan ng pagkakaton ang ikawalang grupo ng mga pasyente na madala sa pagamutan. Apat sa kanila ang nakapag-uwi ng kanilang mga prosthetic legs at braces. Sila ay sina Manuel Evangelista at Rosa Pascua ng Brgy. Bayog, Alejandro Meraña ng Brgy. Anos, at Medel Rodriguez ng Brgy. Batong Malake.

Nagsimula ang proyektong ito sa pakikipag-ugnayan ng samahan kay Ms. Louie Golla, direktor ng Motorcycle Philippines Federations-Persons with Disabilities, noong Nobyembre 2013. Ang kanilang samahan ay binubuo ng mga motoristang may kapansanan sa kanilang paa. Si Ms. Golla ang pinaka-unang natalang babaeng motorista na may kapansanan.  Si Ms. Golla din ang nagbahagi sa LBFPWD ng patungkol sa organisasyon at paaralan na tumutulong sa mga mamamayang may katulad na kondisyon.

Ilan sa  mga requirements upang mabigyan ng libreng prosthetic at braces ay ang mga sumusunod: Social Case Study, Barangay Certificate of Indigency at Philhealth. Para sa anumang katanungan, sa mga nais na magkaroon ng braces o prosthetics o may kakilalang nangangailangan nito, maaaring makipag-ugnayan kay Lorelie M. Liwanag sa numerong 0915-584-8844, kay Jeanette I. Talag sa numerong 0936-347-1973, kay Lenie Bonapos sa numerong 0935-683-6995 o tumawag sa PWD Office sa numerong 530-9143.

LBG Inc., nagbigay handog sa mga guro, estudyante

Isinulat ni Batoy Tolentino, presidente ng Los Baños Group, Inc.

Dalawang proyekto ng Los Baños, Inc. (LBG) ang isinagawa sa magkasunod na araw ng Oktubre 6 at 7, 2014 para sa ilang mga guro at estudyante ng Los Baños.  Ang “Libreng Kalinga para sa mga Guro” ay ginanap sa Brgy. Bambang Elementary School noong Oktubre 6.  Bilang pagdiriwang ng buwan ng mga guro, naghandog ang LBG ng libreng masahe, manicure at pedicure para sa mga guro ng nasabing paaralan.  Taon-taon itong ginagawa ng LBG sa iba’t-ibang paaralan bilang pasasalamat sa mga guro.

Ang programang Food Sharing naman ay ginanap sa covered court ng Brgy. Tuntungin-Putho noong Oktubre 7.  Daan-daang mga estudyante ng Daycare Center at Elementarya ng Brgy. Tuntungin-Putho ang nabahagian ng libreng pagkain.  Layunin ng programang ito na maitaas ang kampanya laban sa malnutrisyon.