Indie, Artsy, at Medyo Esoteric Ka Ba? Tuklasin ang mga art studio dito sa Los Baños na naghihintay lamang na mabisita.

Ulat ni Angel R. Dobles

Kung ang pagkakakilala mo sa Los Baños ay Special Science and Nature City, tama ka naman. Pero may hindi ka pa natutuklasan.

Alam na natin iyan. Kapag sinabi mong Los Baños, ang unang pumapasok sa isip mo ay UPLB, hot springs, at baka pa nga buko pie. Research hubs. IRRI. O kung ikaw ay iskolar, ang iisipin mo ay “tahanan”, at mapapasabi ng, “Elbi is home.”

Ngunit sa likod ng mga laboratoryo, sa pagitan ng mga palayan, sa gilid ng mga nagsisiksikang sasakyan, ay may mga lugar ka pang hindi napupuntahan. May mga pintuan na kapag binuksan mo ay makikita mong may isang mundo pala roon. Mundong puno ng pintura, canvas na tila hinawakan ng apoy, at mga kuwentong hindi mo pa nababasa sa kahit anong textbook.

Noong Abril 26, 2026, bilang bahagi ng Likha: The Los Baños Music and Arts Festival, binuksan ang limang pintuan na iyon. Inorganisa ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños, kasama ang Municipal Tourism Office, LYDO, MakiSining, at The PIT Lifestyle Habits, ang LB Studio Art Tour ay nagbigay ng isang bagay na bihira: pahintulot na makapasok sa mga mapanlikhang studio ng mga tunay na artista.

Mga artists at dumalo sa LB Studio Art Tour, Larawan mula kay Angel R. Dobles

Hindi ito exhibit sa gallery. Hindi ito art fair na may entrance fee at mahirap na parking. Ito ay biyahe — na may kaunting paglalakad — patungo sa mga lugar kung saan nabubuhay ang sining.

MAY GANO’N BA SA LOS BAÑOS AT DAPAT KO BANG PUNTAHAN?

Fair question. At ang sagot ay mas mayaman kaysa sa inaasahan mo.

Noong 1985, itinayo ni Luis “Junyee” Yee Jr. ang Sining Makiling sa Umali Hall ng UPLB. Ito ang unang art gallery sa buong sistema ng Unibersidad ng Pilipinas.

Dumaan ang mga araw, lumago ang UPLB Sculpture Garden. Dumating ang mga artista mula sa Calbayog, mula sa Cebu, mula sa iba’t ibang probinsya. Sila’y napadpad dito ng pagkakataon, ng pagmamahal sa lugar, o ng simpleng senyales ng uniberso na “dito na tayo.” At dahan-dahan, nang walang fanfare, lumago ang isang komunidad ng sining na tahimik na tumahan sa munting bayan ng Los Baños.

Dito naman papasok ang layunin ng LB Art Studio Tour — na mas maipakilala ang mga lokal na artista ng Los Baños.

“Plano po namin na mas makilala po ang Los Baños hindi lang po as a special science and nature city, but also lugar din po kami ng mga magagaling na artist at magagandang sining,” saad ni Melanie T. Kalaw ng Municipal Tourism Office. Malinaw ang mensahe: oras na para makilala ang iba pang bersyon ng Los Baños.

ANG RUTA: KASAYSAYAN AT SINING

Bago pa man dumating sa mga studio, dinala rin ng tour ang grupo sa mga landmark na nagsisilbing salaysay ng kasaysayan ng Los Baños at UPLB: ang Carabao Park, ang Oblation Park, ang IRRI Manansala Mural, ang UPOU Centennial Plaza, at ang UPLB Sculpture Garden.

Bawat hinto ay parang pahayag ng bayan mismo: ang sining ay matagal nang nandito. Naghihintay lamang na mapansin.

TAMYAW ART STUDIO ni Dalnold Laotingco

Tamyaw Art Studio, Larawan mula kay Angel R. Dobles

Kung ikaw ang tipo ng tao na may gusto ng sining na kapag tiningnan mo sa dingding ay parang may gusto itong ipahiwatig, si Dalnold Laotingco ng Tamyaw Art Studio ang artista para sa iyo.

Mula siya sa Calbayog, Samar at dumating sa Los Baños mga tatlong taon na ang nakararaan nang imbitahan siya ni Paul Hilario na sumali sa MakiSining. Ang Makisining ay grupo na binubuo ng mga manlilikha ng sining mula sa Laguna. “Nadala lang din ako ni Sir Paul dito para maging part ng Makisining group,” ani Dalnold.

“Visual narrative about sa mga human conditions, about kung ano ‘yong nangyayari sa paligid, ‘yong mga nasa laylayan.” Ang sining ni Laotingco ay social commentary—visual narrative na tungkol sa mga tao sa laylayan ng lipunan, sa mga isyu’y hindi laging pinapalabas sa primetime, sa mga mukha na hindi palaging nakikita. Naimpluwensiyahan siya ng mga sining ni Van Gogh at ng Renaissance, ngunit ang kanyang mga gawa ay hindi nakakulong sa kasaysayan ng sining. Nagpipinta siya nang on-the-spot, mula sa alaala, at hinuhubog ng kung ano ang naramdaman niya sa sandaling iyon.

Isa sa kanyang pinakakilalang gawa sa Los Baños ay ang iconic na “I Love LB” landmark sa General Paciano Rizal Shrine Park, isang obra na maaaring nakita mo na habang naglalakwatsa.

Kasama ang Maharlika Artists and Writers Federation, nag-oorganisa siya ng mga youth retreat na pinagsasama ang sining, meditasyon, at environmental awareness, na umaabot sa mga kabataang baka hindi pa natutuklasan ang kanilang sariling malikhaing potensyal. “I-encourage ‘yong youth para madisiplina ‘yong sarili through arts and then spirituality,” sabi niya.

Bukas sa publiko at tumatanggap si Dalnold ng mga interesadong bumisita sa kanyang studio. Maaari lamang i-message ang kanyang Facebook at Instagram account: Dalnold Laotingco.

DAANG KALABAW ART STUDIO ni Paul Hilario

Daang Kalabaw Art Studio, Larawan mula kay Angel R. Dobles

May mga desisyon sa buhay na nagpapabago ng lahat. Para kay Paul Hilario, iyon ay ang araw na nagbitiw siya sa IRRI para tumugon sa tawag ng canvass at sining.

Si Hilario ay dating curator sa IRRI. Labing-apat na taon ng dedikasyon—hindi biro iyon. Naikuwento niya na may lolo siyang magsasaka ng palay sa Pangasinan, at isa pa niyang lolo sa mother’s side na nagpipinta ng malalaking billboard para sa mga sinehan noong araw. Sila ang naging inspirasyon ni Paul sa kanyang pagiging artista.

Kaya noong 2017, umalis siya sa IRRI. Naging full-time na pintor at hindi siya nagsisi.

“Purely political. Still very relevant today,” sabi niya nang tiyak at walang pag-aalangan. Ang kanyang Daang Kalabaw Art Studio ay sumasalamin sa buong paglalakbay na iyon mula sa maamo at senti mga landscape ng palayan patungo sa mga figurative expressionist na obrang may pinanghuhugutan. Socio-political ang puso ng mga likha niya ngayon. Ang kanyang ongoing na solo exhibition na Ille Imperium sa San Pablo ay tumutukoy sa katiwalian at korapsyon ng gobyerno mula kay Marcos Sr. hanggang Marcos Jr.

Gumagamit siya ng acrylic at mixed media—kahoy, dahon o kahit anong mga bagay ay pwedeng magsilbing kasangkapan ng kanyang sining. At ang kanyang mga obra ay umaabot na sa labas ng bansa: Australia, Canada, Dubai, Germany, Italy, Japan, Malaysia, Mexico, the Netherlands, New Zealand, Singapore, Switzerland, the UK, at ang USA. Ang sining ng isang dating curator ng IRRI ay lumalagpas na sa mga hangganan ng bayan na pinili niyang tawaging tahanan.

Bukas sa publiko at tumatanggap si Paul ng mga interesadong bumisita sa kanyang studio. Maaari lamang i-message ang kanyang Facebook at Instagram account: The Art of Paul Hilario.

GINHAWA CRAFT STUDIO ni Yvette Beatrice Co

Ginhawa Craft Studio, Larawan mula kay Angel R. Dobles

May tanong para sa iyo: kapag nabuwal ang isang puno, ano ang nakikita mo? Basura? Trabaho ng DPWH? O isang eskultura na naghihintay pa lang na ilabas?

Para kay Yvette Beatrice Co, ang sagot ay laging pangatlo. Ang artista sa likod ng Ginhawa Art Studio ay isang wood sculptor at expressionist na ang sining ay literal na tumutubo mula sa lupa ng Los Baños.

Ang isa sa kanyang mga proyekto ay nasa Parokya de Tanay sa Rizal: isang puno na hindi na tinanggal matapos mamatay, kundi pinag-scaffoldingan sa paligid at ginawang eskultura sa plaza ng simbahan. Ito ay gawa ni Co at ng kanyang team ng mga kapwa artista, scientists, at church leaders.

San Ildefonso Sculpture, Larawan mula kay Gastronomy by Joy

Mapamaraan at mapanlikha. Iyan ang katangian ng paglikha ni Co. Expressionist ang kanyang istilo, at sa bawat piraso ng kahoy na kanyang ginagawa, makikita mo na ito ay hindi basta-basta masisira. Ito ay mabubuhay nang mas matagal kaysa sa naglikha nito.

Ang Ginhawa Craft Studio ay hindi lamang isang lugar para sa paggawa ng sining; isa rin itong silid-aralan. Nagtuturo rin si Co ng taka—isang tradisyunal na sining ng paper-mâché sa Pilipinas na nagmula sa Paete, Laguna. Nagtuturo rin siya ng wood carving at mixed media sculpture. Tumatanggap din siya ng mga bisita at estudyante. Kailangan lamang magpa-appointment sa pamamagitan ng pagmemensahe sa Facebook page ng Ginhawa Craft Studio.

UNAWA ART STUDIO ni Nova Lucernas

Unawa Art Studio, Larawan mula kay Angel R. Dobles

“Embrace your fear. Kasi ang challenges, andyan lang ‘yan ‘e. Nag-iiba lang siya pero andyan lang ‘yong challenge. Stick to it, dapat.”

Hindi ito linya mula sa isang motivational poster. Ito ay ang mga salitang sinambit mula sa totoong karanasan ni Nova Lucernas ng Unawa Art Studio. Isang artista na pamilyar sa takot, at pinili pa ring ituloy.

Si Nova ay Fine Arts graduate ng University of San Carlos sa Cebu. Pagkatapos ng pandemya, lumipat siya sa Los Baños sa sariling paglalarawan niyang “leap of faith.” Walang garantiya. Walang tiyak na plano maliban sa pagpipinta. At ang bunga? Nag-grand prize winner siya sa 2024 Tarlac National Art Competition — isang pambansang kumpetisyon kung saan kakumpitensya ang pinakamahuhusay sa buong bansa.

Ang kanyang studio, ang Unawa, ay maliit ngunit, ang mga gawa sa loob nito? Malaki ang sinasabi. Ang istilo niya ngayon ay abstract, ngunit hindi ‘yong klase ng abstract na colorful at loud. Ang abstract ni Lucernas ay subdued, minimalist, at parang may tinatago. ‘Yong mga kulay na parang laging malapit na magsalita pero hindi pa. Konseptwal. Malalim. At kapag nalaman mo kung paano niya ginagawa ang kanyang mga gawa, mas mapapahanga ka pa.

Ang pangunahing kasangkapan niya ay hindi lang brush. Hindi lang din palette knife. Gumagamit din siya ng blowtorch— apoy — at umuukit siya ng tekstura sa kahoy gamit ang apoy at palette knife. “Ang gamit kong tool ay flame,” sinabi niya nang tuwid, nang walang pagmamalaki, nang parang pinakanatural na bagay sa mundo.

Bago maabot ang ganitong trabaho, nagsimula siya sa classical realism at figurative assemblage, tatlong-dimensyonal na mga gawa sa mga nakolektang discarded na kahoy at basura. “Mahilig po akong mangolekta ng mga discarded wood, mga kung anu-anong bagay,” sabi niya. Bawat basura ay isang posibilidad. Bawat piraso ay isang simula.

At kung tinatanong mo kung business-minded siya? “Kahit wala akong mabenta, okay lang ‘yon,” sabi niya nang walang drama. Tuwid, tapat, at parang nagsasabi sa lahat ng mga artista na takot pa ring sumugal: puwede itong gawin.

Bukas sa publiko at tumatanggap si Nova ng mga interesadong bumisita sa kanyang studio. Maaari lamang i-message ang kanyang Facebook at Instagram account: Nova Lucernas.

STUDIO DOS ni Luis “Junyee” Yee Jr.

Studio Dos, Larawan mula kay Angel R. Dobles

84 taong gulang. 21 art competitions. 21 panalo. Itinatag ang unang art gallery sa buong sistema ng UP. Ama ng Philippine Installation Art. At wala siyang Facebook.

Walang social media account si Junyee. “Nagtatago lang naman ako sa Los Baños,” sabi ni Luis “Junyee” Yee Jr. “Namimili lang ako ng okasyon na magpunta sa Maynila.” Para sa isang taong ang pangalan ay kasing halaga ng kasaysayan ng sining sa Pilipinas, ang pagiging simple at pribado ni Junyee ay kapwa kahanga-hanga at nakakaaliw.

Ngunit huwag magpalinlang sa katahimikan ng kanyang salita. Nanguna siya sa paggamit ng mga found object — mga sanga, buto, natural na materyales bilang pangunahing midyum ng sining. Dito sa Los Baños, noong 1985, itinatag niya ang Sining Makiling sa Umali Hall ng UPLB. At ngayon, sa edad na karamihan ay nagpapahinga na, siya ay nagtatayo ng museo.

“I started indigenous art, I started installation art. Ang alam ko lang art. ‘Yon lang talagang ginagawa ko sa buhay ko.” Ang Studio Dos ay magiging kanyang pangalawang studio — at ayon sa kanya, ang magiging  ikatlong artist-owned na museo sa Pilipinas pagkatapos ng BenCab at Silvana Ancelloti-Diaz Museum. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang layunin nito. Itong museo ay hindi para sa kanya kundi para sa mga batang artista. Libre ang residency. Libre ang mga workshop. Para sa mga artista na hindi galing sa Maynila.

“Lahat ito ay gusto kong gawin para sa mga young artist, especially ‘yung mga artist na hindi galing sa Maynila kundi galing sa Mindanao,” sabi ni Junyee. “Young artists are still looking for their own path. Itong building ay dedicated for them. It’s not a business thing,” dagdag niya. Siya mismo ay mula sa Agusan del Norte, kaya alam niya kung ano ang pakiramdam na malayo sa sentro, at nagtatayo siya ng sentro para sa iba.

Kapag natapos ang museo, magiging bukas ito sa lahat. At pagdating ng araw na wala na si Junyee, i-donate niya ito sa National Museum. Ang sining, para sa kanya, ay hindi nagtatapos sa isang tao, ito ay ipinagpapatuloy.

SO, PUPUNTA KA BA?

Pagkatapos ng isang araw ng paglalakad sa mga studio ng Los Baños, may isang bagay na malinaw: ang sining dito ay hindi hobby ng mga retiradong propesor. Hindi ito decoration. Ito ay trabaho ng mga taong pumili ng hindi pangkaraniwang landas, ng isang lalaki mula Calbayog na nagpinta ng iconic na landmark ng bayan, ng dating IRRI curator na sumugal ng karera para sa canvas, ng sculptor na nagliligtas ng mga patay na puno, ng Cebuana na nanalo ng national art prize, at ng 84-taong-gulang na Ama ng Philippine Installation Art na nagtatayo pa rin ng bagong bagay.

Ang Los Baños ay hindi lamang science city. Ito ay isang lugar kung saan pinili ng mga artista na manatili, lumikha, at bumuo ng komunidad—kahit walang malaking gallery system, kahit walang Manila-level na exposure, kahit ang karamihan sa labas ay hindi pa nakakaalam na meron silang mga studio.

Ngayon, alam mo na. At ‘yong susunod na pagkakataon na mapadpad ka sa Los Baños para sa hot springs o para sa buko pie… Baka worth it na mag-abot ng oras para sa isang studio visit. Sabi nga ng tour mismo: ang sining ay hindi laging nasa gallery. Minsan nasa kabilang kanto lang siya, sa likod ng isang pintuan na kailangan mo lang na katukin.

Pinatunayan ng LB Art Studio na ang Los Baños ay hindi lamang sentro ng akademya at agham kundi isa ring tahanan ng buhay at umuunlad na mga alagad ng sining.