Ulat nina Eunice Reyes and Aman Ocampo
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, unti-unting nagbabago ang karaniwang tanawin sa oras ng meryenda—mula sa dami ng bumibili hanggang sa kaya nilang gastusin sa bawat kagat.
“Wala akong magawa, kasi kailangan kong magtaas [ng presyo], kahit labag sa loob ko,” ani Eralyn Poldo, may-ari ng isang meryenda kiosk sa Raymundo.
Bago pa man dumilim ang langit at tuluyang matapos ang araw, may isang sandaling inaabangan ng marami—ang oras ng meryenda.
Sa gunita ng maraming Pilipino, ang meryenda ay hindi lamang pagkain; isa itong alaala. Ito ang mainit na bilo-bilo na pinagsasaluhan kapag umuulan, ang malagkit na kamay matapos kumain ng banana cue na bagong hango sa mantika, at ang hingal sa pagtakbo para maabutan si Mamang Sorbetero bago siya lumiko sa kanto.
Pagkatapos ng eskwela, lumalabas ang mga estudyante sa gate na naka-uniporme at pawisan habang mahigpit na hawak ang barya sa kanilang palad. Magtatawanan at salitan sa pagtusok ng fishball at kwek-kwek, habang pinipili kung matamis o maanghang ang sawsawan. Sa simpleng sandaling iyon, sapat na ang ilang piso para magsaya at, higit sa lahat, mabusog.
Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, naging bahagi na ng araw-araw na buhay ang meryenda. Ngunit tulad ng unti-unting pagbabago ng ating panlasa, mula sa lumpia tuwing hapon hanggang sa milk tea na may ekstrang sago, may isa pang nagbago na mas ramdam ngayon: ang presyo ng bawat kagat.
Ngayong 2026, magkano na ba ang meryenda budget mo?
SAAN KA MADALAS MAG-MERYENDA?
Mapa-estudyante man o residente ng Batong Malake sa Los Baños, karaniwang dinadayo ang kahabaan ng Grove at ang mga sulok ng Raymundo kapag oras na ng meryenda.
Makikita rito ang iba’t ibang pagpipilian—mula sa mga tusok-tusok tulad ng fishball, kwek-kwek, at kikiam, hanggang sa matatamis gaya ng carioca, banana cue, at turon. Nariyan din ang sweet corn, palamig, ice scramble, sorbetes, kakanin, at iba’t ibang uri ng tinapay, mga pagkaing matagal nang bahagi ng araw-araw na buhay sa komunidad.
“Dati pa lang, d’yan na talaga ako bumibili [ng meryenda],” ani Samantha, isang residente ng Los Baños, na nakasanayan na ang Spanish bread sa isang lokal na bakery sa Grove. Ngunit sa paglipas ng panahon, ramdam niya ang bigat ng pagbabago.
“Ramdam naman talaga ‘yung pag-taas, kasi minsan pansin mo kulang [na] pamasahe mo,” biro niya. Kahit piso-piso lang ang dagdag, may epekto na ito sa badyet. Ang dating pambayad sa pamasahe ay napupunta na ngayon sa pambili ng meryenda.

Kahit patuloy ang operasyon ng mga negosyo sa pagbebenta ng meryenda, patuloy din silang ginigipit ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Para naman kay Yvan, isang estudyante ng UPLB, hindi na siya madalas mag-meryenda at mas pinipiling bumili na lamang ng palamig dahil sa mahal ng bilihin. “Mahal na ‘e, mag-meal na lang ako sa gabi,” paliwanag niya.
Kahit sino ang tanungin, estudyante, manggagawa, magulang, o kahit mga batang may dalang paninda, halos iisa ang sentimyento: bahagi ng kanilang araw ang meryenda. May kani-kaniyang paboritong bilihan at pagkain. Ngunit kapag tinanong kung araw-araw pa ba nila itong nagagawa, nagkakatugma ang sagot: minsan na lang, dahil mahal na.
MAGKANO NA BA ANG MERYENDA?
Sa gitna ng krisis, nahaharap ang mga vendor sa mga mahihirap na desisyon.
“Hindi naman basta-basta kayang magtaas [ng presyo] bigla,” paliwanag ni Tatay Reynaldo, isang ice scramble vendor. Sa takot na mawalan ng customer, pinili niya ang diskarte na bawasan ang serving para panatilihin ang presyo.
“[Pareho pa] rin ang magiging presyo, pero magliliit ako ng baso,” aniya.
Si Tatay Jerico naman, may-ari ng isang bakery sa Grove, ay napilitang magdagdag ng dalawa hanggang limang piso sa presyo ng kaniyang mga tinapay.
“Same quality, konting dagdag lang sa presyo, mga dos [o kaya] five pesos, no choice talaga ‘e,” sabi naman ni Tatay Jerico.

Si Tatay Jerico ay tuloy pa rin sa pagbebenta ng mga tinapay at iba pa sa kanyang panaderya.
Sa loob ng 45 taon niyang pagbe-bake, mahalaga sa kaniya na mapanatili ang kalidad ng kaniyang mga produkto. Ngunit sa patuloy na pagtaas ng presyo ng harina, asukal, at gasul, napipilitan din siyang magtaas upang maiwasan ang pagkalugi.
“Naiintindihan ko naman, mataas na lahat ng [presyo], pero hindi naman nadagdagan ang sahod, o kayo sa UPLB, hindi naman tumaas ang mga allowance, eh alam naman namin kayo ang customers, kaya as much as possible, kaunti lang talaga ‘yung itinaas namin,” aniya.
Iisa ang sentimyento ng mga lokal na vendor: ramdam nila ang pagtaas ng gastos sa mga sangkap, at nahihirapan din silang ipasa ang dagdag-presyo sa kanilang mga customer.
“Sabi ko nga sa mister ko, ‘pag hindi bumaba ‘yung presyo ng mga ingredients, baka hindi na muna ako magtinda. Kaso mas mahirap naman ‘yon diba? Pero ang liit na talaga ng kita,” ani Nanay Eralyn, na nagtitinda ng iba’t ibang klase ng meryenda sa Raymundo.

Si Nanay Eralyn ay nagtitinda pa rin sa Raymundo kahit na tumataas na rin ang bilihin para sa kanyang paninda.
Sa panig naman ng mga mamimili, ramdam din ang epekto.
Ayon kay Maggie, isang work-from-home na residente ng Batong Malake, hindi nagbago ang kaniyang hilig sa meryenda, ngunit kinailangan niyang mag-adjust ng badyet para rito.
Sa katunayan, maraming estudyante, tulad ni Celyn, ang mas pinipili na lamang bumili ng rice meals kaysa mag-meryenda, upang masulit ang kanilang ginagastos.
“Mahal na talaga [mag-meryenda], kaya gusto ko ‘yung nakakabusog na, mas meals na lang ako,” paliwanag ni Celyn, isang estudyante ng UPLB.
Gayunpaman, para sa ilan, nananatiling mahalagang bahagi ng araw ang meryenda. “Kailangan kasi ng katawan natin, lalo na pagod, tapos konti oras, edi meryenda lang talaga sagot [‘pag] nagugutom na, ‘di ba?” saad ni Kuya Leonardo, isang manggagawa.
Kapansin-pansin din na mas madalas pa ring mag-meryenda ang mga may regular na kita, dahil mas kaya nilang mag-adjust ng kanilang badyet kumpara sa mga estudyanteng may limitadong allowance.
“Ang mahal na nga mag-meryenda!” sabi ni Kuya Bok, isang Move It rider. “Pero ‘yon na pinaka-murang makakain mo talaga.”
Sa ngayon, kahit ang pinakasimpleng pagkain na dati’y abot-kaya, unti-unti na ring nagiging mahal para sa marami.
EPEKTO NG INFLATION SA PRESYO NG MERYENDA
Habang tumatagal, unti-unting nababawasan ang bumibili ng meryenda, isa sa mga pangunahing dahilan nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang paggawa ng mga karaniwang meryenda tulad ng kwek-kwek, pandesal, turon, fishball, kamote cue, at palamig, ay nakadepende sa mga sangkap gaya ng asukal, harina, at mantika. Dahil sa krisis sa suplay at pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, lalo pang nagmahal ang mga sangkap na ito nitong mga nakaraang buwan.
Ayon kay Mark, manager ng Betchay’s F&B, ang presyo ng karne ay tumaas mula ₱240 patungong ₱280, habang ang dating ₱380 ay ₱420 na ngayon. Dagdag pa niya, mas mahal na rin ang sariwang sangkap dahil sa gastos sa delivery, na direktang nakakaapekto sa operasyon ng kanilang tindahan.
Ganito rin ang nararanasan ng Mi Pastol. Ayon kay Cosco, anak ng may-ari, tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mantika. Nadagdagan din ang presyo ng mga gulay tulad ng talong at kamatis, pati na ang bigas, na may malaking epekto sa kanilang mga produkto.
“Ang transportation kasi, wala kaming means to procure the ingredients and other materials, so mas gusto namin na may delivery na or kayang lakarin if ever para di na kami mahirapan,” aniya.

Tuloy ang operasyon ng Mi Pastil kahit tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Dahil sa ganitong sitwasyon, limitado rin ang kakayahan ng maliliit na negosyo na magpalawak.
Hindi lamang ang mga mamimili ang apektado, pati ang mga nagtitinda. Marami ang napipilitang magtaas ng presyo, habang ang iba naman ay gumagamit ng tinatawag na “shrinkflation,” kung saan pinananatili ang dating presyo ngunit binabawasan ang serving size. Sa ganitong paraan, napipilitang bawasan ang kanilang kita na sana’y para sa kanilang pamilya.
Sa kabila nito, alam din ng mga nagtitinda na nahihirapan ang kanilang pangunahing market, ang mga estudyante.
“Naghahanap din kami ng options na iba kung paano makakatulong din sa mga estudyante, dahil ang target market talaga namin ay estudyante, and naramdaman namin na [mga] estudyante talaga ay may limit talaga ’yan, so hindi namin puwedeng taasan nang taasan talaga ang mga presyo namin,” sabi ni Cosco.
SAAN AABOT ANG MERYENDA BUDGET MO?
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, parehong naaapektuhan ang mga mamimili at ang mga nagtitinda ng meryenda.
Para sa mga vendor, ang pagmamahal ng mga puhunan ay direktang nakakaapekto sa kikitain nila. Kahit patuloy silang nagtitinda araw-araw, mas nagiging mahirap ang kumita.
Para sa mga mamimili, ang dating simpleng meryenda ay nagiging dagdag na isipin sa araw-araw na badyet. Para sa ilan, nababawasan ang dalas ng pagbili; para sa iba, tuluyan na itong napapalitan ng mas praktikal na pagkain.
Sa pagitan ng nagtitinda at bumibili, iisa ang pinagdadaanan—ang pagsubok na pagkasyahin ang kung anong meron. Sa huli, nananatili ang tanong: Hanggang saan aabot ang meryenda budget mo?