Ika-pitong Annual Blood Drive isinagawa ng UPOU

Ulat ni Naomi Mikaela Dano

Mahigit kumulang 60 na tao ang dumalo sa ika-pitong taunang blood drive ng University of the Philippines Open University (UPOU) na may temang “I helped save lives; I gave hope” noong ika-10 ng Abril. Nagsimula ang programa ng alas-otso y medya ng umaga at nagtapos ng alas-kwatro ng hapon sa Oblation Hall ng nasabing unibersidad.

DUGONG BAYANI: Ilan sa mga 60 na residente na dumalo upang kuhanan ng dugo sa blood drive ng UPOU. (Photo from Naomi Dano)

Ang programang ito ay pinangunahan ni Ms. Emely Amoloza, isang Administrative Officer ng UPOU. Naging inspirasyon niya ang kanyang yumaong anak upang itaguyod ang blood drive na ito na kanyang itinataon tuwing Abril.

“Noong time na ‘yun hindi naman kami nahirapan kumuha ng dugo, pero makikita mo yung need and importance (pangangailangan at importansya) ng pagkakaroon ng suplay ng dugo”, kanyang ipinaliwanag.

Nabanggit rin ni Amoloza na isa itong pasasalamat sa dating tulong na nakuha ng kanyang pamilya, at isang paghahatid ng tulong sa ibang nangangailangan at mangangailangan.  

Isa sa mga nagbigay donasyon sa programa ay si Rodolfo Pullian, isang 27-taong gulang na first time donor.

BAGUHAN: Rodolfo Pullian, isang first time blood donor volunteer, sa programa ng UPOU. (Photo from Naomi Dano

“Minsan kasi sasabihin natin wala na tayong kayang itulong, pero yung simpleng pag-donate natin ng dugo can give hope and if possible, can extend someone’s life”, sabi ni Pullian.

Dagdag pa niya, responsibilidad daw ng mga tao ang tumulong maging sa mga maliliit at simpleng paraan dahil ito ay mayroong malaking epekto sa ibang tao.

Hindi lahat ng dumalo ay pinayagan na magbigay donasyon ng dugo. Ang blood drive na ito ay mayroong sinusunod na mga alituntunin para matiyak na ligtas ang mga balak magdonate ng dugo at maganda ang kalidad ng dugong kanilang ibabahagi sa ibang tao. Kabilang sa mga pwedeng magdonate ay ang mga sumusunod:

  • mayroong tulog na hindi bababa sa anim na oras
  • walang singaw, sugat, o gasgas, kahit gaano pa ito kaliit
  • walang bagong tattoo
  • walang ininom na gamot sa loob ng apat na araw
  • hindi nabakunahan sa loob ng apat na araw
  • hindi uminom ng alak, o anumang inuming may alkohol sa nakalipas na 24 oras
  • walang sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, diabetis, at iba pa.
  • hindi bababa sa 50 kilos ang timbang
  • hindi nagdadalang tao o buntis
  • kasalukuyang walang buwanang dalaw

TIMBANG: Isa sa mga kailangan upang makapagbigay donasyon ng dugo ay ang hindi pagbaba sa 50 kilos ang timbang. (Photo from Naomi Dano)

Isa si Cristelle Katigbak sa mga dumalo ngunit hindi pinayagan magbigay ng dugo dahil siya ay may buwanang dalaw.

Ayon kay Katigbak, simula 2017 ay sinusuportahan na nila ang programang ito, sa kadahilanang gustong makatulong sa ibang tao, gaya ng tulong na nakuha ng pamilya nila noong kinailangan ng dugo ang kaniyang biyenan.

Aniya’y isa lang itong maliit na bagay na magbibigay ng malaking tulong sa ibang tao.

Ang mga dugong makakalap sa programa ay ibibigay sa Philippine Red Cross upang maipamahagi sa mga nangangailangan saan mang panig ng bansa. Ang sampung porsiyento sa mga ito ay maaring hingiin ng UPOU kung kailanganin man nila ito.

Kung nais ninyong makilahok sa kanilang susunod na blood donation drive, at para narin sa mga karagdagan pang impormasyon, maaari kayong magtungo sa UPOU o tumawag sa numerong (049) 536-6001 at hanapin si Emely Amoloza.

Bagong Traffic Lights sa Junction, Umilaw Na

Ulat nina John Samuel Yap at Andrei Joshua Yu

Matapos maaprubahan ang panukalang proyekto noong 2018, pinasinayaan na ng lokal na pamahalaan ng Los Baños (LB) sa pangunguna ng Municipal Development Council (MDC) ang pagpapatayo ng mga bagong digital traffic lights sa sentro ng masikip na daloy ng trapiko ng munisipalidad – ang LB Junction. Continue reading

Philippine Philharmonic Orchestra holds Symphonic Sunsets @ Makiling

Gallery

This gallery contains 5 photos.

Thousands of music lovers from Los Baños and surrounding areas flocked to the UPLB Freedom Park on May 4 to enjoy a free open-air concert by the Philippine Philharmonic Orchestra, entitled “PPO Symphonic Sunsets @ Makiling”. The concert started at … Continue reading

Mahigit 70 student volunteers, dumalo sa paglulunsad at training workshop ng Bantay Halalan 2019

Ulat nina Jill Parreno, Riezl Monteposo, at Jyasmin M. Calub-Bautista

Bilang paghahanda sa darating na eleksyon ngayong Mayo 13, pormal na inilunsad ng UPLB College of Development Communication (UPLB CDC) ang Bantay Halalan Laguna 2019 nitong Abril 29, 2019 sa CDC Lecture Hall. Sinundan ito ng training workshop tungkol sa pagbabalita gamit ang social media at broadcasting platforms.

Continue reading

Komperensya tungkol sa Family Ecology, ginanap

Ulat nina Patricia Bodiongan at Kristel Matanguihan

Noong Abril 22 ay ginanap ang 3rd Conference in Family Ecology: A Students’ Assembly on the Culture of Resilience of Filipino Families sa NCAS Auditorium ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Ang programang ito ay pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Ekolohiyang Pantao ng naturang unibersidad. Continue reading