LBFPWD at munisipyo tumutulong sa pagbibigay ng libreng prosthetics para sa ilang PWDs

Isinulat nina Lorelie M. Liwanag (kalihim ng LBFPWD) at Lenie M. Bonapos (PRO ng LBFPWD)

Patuloy na tinutulungan ng Los Baños Federation of Persons With Disabilities, Inc. (LBFPWD) sa pamamagitan ng libreng braces o prosthetics ang mga mamamayan ng Los Baños na naputulan ng paa o kamay maging ang may polio. Ito ay sa pakikipagtulungan ng School of Prosthetics and Orthotics ng University of the East Ramon Magsaysay Medical Center sa Quezon City.

Noong Pebrero 2014, apat na pasyente ang nadala ng LBFPWD sa naturang pagamutan sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Los Baños. Dalawa sa mga pasyente, sina Arnel Lumawod ng Brgy. Baybayin at Leoncio Dechitan ng Brgy. Mayondon, ang pinaka-unang nabiyayaan ng prosthetic legs.

Mayo 2014 naman nang mabigyan ng pagkakaton ang ikawalang grupo ng mga pasyente na madala sa pagamutan. Apat sa kanila ang nakapag-uwi ng kanilang mga prosthetic legs at braces. Sila ay sina Manuel Evangelista at Rosa Pascua ng Brgy. Bayog, Alejandro Meraña ng Brgy. Anos, at Medel Rodriguez ng Brgy. Batong Malake.

Nagsimula ang proyektong ito sa pakikipag-ugnayan ng samahan kay Ms. Louie Golla, direktor ng Motorcycle Philippines Federations-Persons with Disabilities, noong Nobyembre 2013. Ang kanilang samahan ay binubuo ng mga motoristang may kapansanan sa kanilang paa. Si Ms. Golla ang pinaka-unang natalang babaeng motorista na may kapansanan.  Si Ms. Golla din ang nagbahagi sa LBFPWD ng patungkol sa organisasyon at paaralan na tumutulong sa mga mamamayang may katulad na kondisyon.

Ilan sa  mga requirements upang mabigyan ng libreng prosthetic at braces ay ang mga sumusunod: Social Case Study, Barangay Certificate of Indigency at Philhealth. Para sa anumang katanungan, sa mga nais na magkaroon ng braces o prosthetics o may kakilalang nangangailangan nito, maaaring makipag-ugnayan kay Lorelie M. Liwanag sa numerong 0915-584-8844, kay Jeanette I. Talag sa numerong 0936-347-1973, kay Lenie Bonapos sa numerong 0935-683-6995 o tumawag sa PWD Office sa numerong 530-9143.

LBG Inc., nagbigay handog sa mga guro, estudyante

Isinulat ni Batoy Tolentino, presidente ng Los Baños Group, Inc.

Dalawang proyekto ng Los Baños, Inc. (LBG) ang isinagawa sa magkasunod na araw ng Oktubre 6 at 7, 2014 para sa ilang mga guro at estudyante ng Los Baños.  Ang “Libreng Kalinga para sa mga Guro” ay ginanap sa Brgy. Bambang Elementary School noong Oktubre 6.  Bilang pagdiriwang ng buwan ng mga guro, naghandog ang LBG ng libreng masahe, manicure at pedicure para sa mga guro ng nasabing paaralan.  Taon-taon itong ginagawa ng LBG sa iba’t-ibang paaralan bilang pasasalamat sa mga guro.

Ang programang Food Sharing naman ay ginanap sa covered court ng Brgy. Tuntungin-Putho noong Oktubre 7.  Daan-daang mga estudyante ng Daycare Center at Elementarya ng Brgy. Tuntungin-Putho ang nabahagian ng libreng pagkain.  Layunin ng programang ito na maitaas ang kampanya laban sa malnutrisyon.

BiG Basketball League, nilahukan ng mga manlalaro ng LB

Isinulat ni Batoy Tolentino, presidente ng Los Baños Group, Inc.

Isang liga ng basketball ang inilunsad noong Oktubre 18, 2014 sa lumang munisipyo Liwasang Almasan sa bayan ng Los Banos bilang parangal sa yumaong si Bryan Gahol, dating manlalaro ng Philippine Basketball Association at dating konsehal ng Los Baños.  Dinaluhan ng mga kaibigan at mga kaanak ni Gahol ang liga na sinalihan ng mga manlalarong may edad 37 pataas.

Sinimulan ni Arnel Gahol, kapatid ni Bryan at kasakuluyang chairman ng BiG Basketball League, ang gawain upang palawakin ang kampanya sa larangan ng palakasan hindi lamang sa mga kabataan ngunit maging sa mga nagkaka-edad.

Natapos ang liga noong Enero 4 kung saan nakuha ng Brgy. Lalakay ang kampeonato.

MDRRM, nagsagawa ng pagsasanay para sa mga volunteers

Isinulat ni Martin Imatong at Batoy Tolentino

Naglunsad ng iba’t-ibang pagsasanay ang lokal na pamahalaan ng Los Baños sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) Office para sa mahigit 50 na mga nais maging volunteers o responders.   Isinagawa ang Basic Life Support at First Aid Training noong Setyembre 13, 14 at 20, 2014 sa munisipyo ng Los Baños samantalang ang Water Search and Rescue (WASAR) training naman ay ginanap noong Oktubre 3-5, 2014 sa  City of Springs Resort ng Brgy. Baybayin at sa Laguna Lake sa nasasakupan ng Los Baños. Siyam na katauhan mula sa Special Operations Group ng Philippine Coastguard ng Region IV-A ang nagsagawa ng WASAR training.  Sa mga nagsanay sa WASAR, 12 volunteers ang nabigyan din ng pagsasanay sa Outboard Motor (OBM) Operation o ang paggamit ng motorized speed boat sa panahon ng emergency.

Layunin ng pagsasanay na madagdagan ang kaalaman at kagalingan ng mga volunteers mula sa iba’t-ibang barangay ng Los Baños sa pagresponde sa iba’t-ibang uri ng sitwasyon. Ang mga volunteers ay patuloy na magkakaroon ng iba pang pagsasanay sa ibang kapasidad tulad ng high angle rescue, fire rescue at iba pa.

Quadricentennial celebration to showcase LB culture and arts

Gallery

by: Kristine Yentyl C. Esber December marks the first quarter celebration of the 400th anniversary of Los Banos township. To commemorate the milestone, the municipal council spearheads activities and programs that showcase the culture and arts of Los Banos in … Continue reading

Images of gender violence and discrimination

Gallery

This gallery contains 1 photo.

By: Remsce A. Pasahol “I am18 years old. I am a bisexual, and I have been sexually harassed.” This is how Jane (not her real name) started our conversation. She seemed to have the courage to speak, but truth is … Continue reading